Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagharap sa Kawalan ng Trabaho
Ang inyong artikulong “Paano Haharapin ang Kawalan ng Trabaho” (Disyembre 22, 1984 sa Tagalog) ay napakabisa sa pagtulong sa akin na lumikha ng trabaho para sa aking sarili. Nawalan ako ng trabaho. Subalit mula sa mga mungkahi na itinala roon, bumili ako ng isang bisikleta na ginamit ko upang maghatid ng mga paninda sa mga tindahan.
G. N. C., Nigeria
Tulong sa Paaralan
Ako’y 13 taóng gulang. Mga ilang buwan na ang nakalipas, kailangan kong magharap sa klase ng isang sanaysay tungkol sa mga insekto. Alalang-alala ako sapagkat dalawang araw na lamang ang natitira. Pagkatapos nakita ko ang inyong artikulong “Mga Insekto—Kaibigan o Kaaway?” (Nobyembre 22, 1984 sa Tagalog) Ipinasiya kong gamitin ang impormasyong ito. Lubhang pinahalagahan ng guro ang impormasyon mula sa inyong magasin at binigyan ako ng mataas na marka. Maraming salamat sa paglalathala ng artikulong iyon.
D. P., Italya
Nagtatrabahong mga Asawang Babae
Pagkatapos basahin ang inyong labas tungkol sa “Ang Kita ng Babae—Sulit ba ang Kabayaran?” (Hulyo 22, 1985 sa Tagalog), ang impresyon na natamo ko ay na kayo ay laban sa mga asawang babae na nagtatrabaho. Hindi tama na ipamahagi ang isang artikulong gaya nito. Para bang hindi ninyo alam ang araw-araw na mga katotohanan. Ang kita ng lalaki ay halos hindi kasiya sa pagkakagastos sa tahanan. Kung wala ang maliit na kita ng asawang babae, ang pag-aasawa ay maaaring gumuhò.
F. R., Inglatera
Kinilala namin na kung minsan kakailanganin na ang asawang babae ay magtrabaho para sa karagdagang kita. Subalit maaari itong magdagdag ng kaigtingan sa pag-aasawa at hadlang sa wastong pagpapalaki sa mga bata. Ang mga problemang ito’y dapat kilalanin at harapin, gaya ng ipinakita sa aming artikulong “Mag-asawang Nagtatrabaho—Ang Susi sa Tagumpay.” (Hulyo 8, 1985 sa Tagalog) Kakailanganing tiyakin ng mag-asawa ang kanilang mga pangangailangan, alamin ang halaga, at saka gumawa ng kanilang sariling pasiya.—ED.
Ang inyong mga artikulo tungkol sa ‘Mag-asawang Nagtatrabaho’ (Hulyo 8, 1985) at “Ang Kita ng Babae—Sulit ba ang Kabayaran?” (Hulyo 22, 1985) ay totoong balanse sa kanilang pagharap at ang mga mungkahi tungkol sa pagkadama kapuwa ng asawang lalaki at babae ng pangangailangang magtrabaho upang matugunan ang kanilang pagkakagastos. Ang aking mister ay namamasukan sa sarili bilang isang tagakumpuni ng makina sa panahi, at kamakailan ay tinuruan niya ako kung papaanong lilinisin at lalangisan ang mga makina upang ang aasikasuhin na lamang niya ay ang mga pagkukumpuni. Sa paraang iyan maaari siyang tumanggap ng higit na trabaho nang hindi gugugol ng higit na panahon sa pagtatrabaho at maaari kaming gumawang magkasama sa bahay. Marahil maaaring turuan ng ibang asawang lalaki na namamasukan sa sarili ang kanilang mga asawa o mas matatandang mga anak ng ilang nakatutulong na aspekto ng negosyo o hanapbuhay upang sila ay kumita ng karagdagang salapi samantalang nagtatrabahong sama-sama.
E. P., Texas
Kababasa ko lamang ng artikulong “Ang Kita ng Babae—Sulit ba ang Kabayaran?” at ang dalawang mga panayam. Gaya ng ina na tumigil sa kaniyang trabaho sapagkat kinakailangan niyang gumugol ng panahon sa kaniyang anak, ako man ay nagtrabaho sa loob ng tatlong buwan at pagkatapos ay tumigil sapagkat napansin ko ang isang pagbabago (hindi sa kabutihan) sa aking dalawang munting mga anak na lalaki. Ngayon mayroon akong bahaging-panahong trabaho at naiiwanan ko ang aming mga anak sa kanilang ama samantalang ako ay nagtatrabaho.
D. C., Ohio