Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-iingat ng Katapatan sa Nazing Alemanya

Pag-iingat ng Katapatan sa Nazing Alemanya

Pag-iingat ng Katapatan sa Nazing Alemanya

GAYA ng maraming kabataan sa Alemanya noong bago ang Digmaang Pandaigdig II, mahilig ako sa palakasan, lalo na sa gymnastics at soccer. Ang aking buhay ay okupado ng mga bagay na ito. Subalit sa dakong huli ito ay nagbago.

Sa pamamagitan ng isang katrabaho ng aking ama, napag-alaman ko ang tungkol sa Bibliya. Sa simula ako ay duda sa sinasabi ng Bibelforscher (Bible Student, gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova noon). Nang maglaon, nagkabisa sa akin ang sinabi niya, lalo na ang impormasyon tungkol kay Jesu-Kristo at sa kaniyang gawain bilang isang tao.

Nagsimula ang Panahon ng Pagsubok

Noong 1933, dahilan sa pananakop ng Nazi sa Alemanya, ang sports club na kinauugnayan ko ay ipinagbawal. Ito, pati na ang natututuhan ko mula sa mga Kasulatan, ay tumulong sa akin na maging higit na nababahala sa espirituwal na mga bagay. Noong 1935 inialay ko ang aking sarili sa Diyos na Jehova at sinagisagan ito sa pamamagitan ng bautismo sa tubig, at kasabay nito nag-asawa ako sa isang kapananampalataya.

Nagsimula na ang mahihirap na panahon at masahol pa ang darating. Ang may-ari ng kompaniyang pinapasukan ko ay tumanggap ng isang liham mula sa German Workers’ Front, isang organisasyon na sangay ng NSDAP (Nationalsozialistische Deutsche Arbeiterpartei, o Partido Nazi). Ang sulat ay nagsasabi:

“Ipinakikiusap namin sa inyo na paalisin ayon sa mga tuntunin at regulasyon ng inyong kompaniya ang Bible Student​—na nagtatrabaho sa inyo, yamang maliwanag na ginugulo niya ang kapayapaan ng inyong negosyo sa pamamagitan ng hindi pagiging membro ng German Workers’ Front.” Ang may-ari ng kompaniya ay sumunod sa mungkahi ng liham, at yamang hindi matanggap ng aking budhi na sumapi sa isang pulitikal na partido, nawalan ako ng trabaho.

Pagkalipas ng isang taon ako at ang aking biyanang babae ay dinakip. Ang mga pagsisikap ay ginawa upang isuko ko ang aking pananampalataya at ipagkanulo ang aking espirituwal na mga kapatid. Ang aking pagtanggi na makipagtulungan ay nagpangyari na ako ay dalhin sa kampong piitan sa Buchenwald noong Nobyembre 25, 1937. Ang aking biyanang babae ay ipinadala rin sa isang kampong piitan.

Mga Pagsubok sa Katapatan sa Buchenwald

Ang pagkabilanggo ko sa Buchenwald ay tumagal ng halos walong taon. Ipinalalagay na dito ako mamamatay​—iyan ang akala ng masamang-isip na mga tao. Paulit-ulit na sinabihan kami ng mga bantay na SS: “Hindi kayo makakalabas ditong buháy.” Ako ay sapilitang pinagtatrabaho mula alas kuwatro ng umaga hanggang paglubog ng araw, sa kabila ng kakaunti ang kinakain. Subalit sa tulong ng Diyos na Jehova, na sa kaniya nais kong panatilihin ang aking katapatan, ako ay nakapagpatuloy.

Sa gayong mahihirap na panahon, napakahalaga ng espirituwal na pagkain. Paano namin naipasok ito sa kampong piitan? Sa pana-panahon, higit pang mga Saksi ni Jehova ang dinala sa Buchenwald. Sila ay dinala hindi lamang mula sa Alemanya kundi mula rin sa Holland, Belgium, at Pransiya. Ano man ang natatandaan nila mula sa nabasa nilang bagong mga labas na The Watchtower ay isinulat at, sa pamamagitan ng aming lihim na paraan ng pamamahagi nito, ipinasa ito sa kapuwa mga Saksi. Sa gayon tinanggap namin ang espirituwal na pagkain na lubhang kinakailangan namin upang mapanatili ang aming katapatan.

Gayunman, ang aming suplay ng espirituwal na pagkain ay hindi nanatiling isang lihim, bagaman ang mga bantay ay hindi nagtagumpay sa pag-alam kung paano namin ito tinatanggap. Isang araw kami ay binigyan ng sumusunod na ultimatum: Kung ang lahat ng inilimbag na mga bagay ay hindi ibibigay sa ganap na alas-12 ng tanghali kinabukasan, ang bawat ikalawang lalaki ay babarilin. Sa isang kampong piitan, iyan ay hindi laging walang saysay na banta!

Ang ating mga kapatid na may pananagutan sa nasusulat na mga materyal ay nakasumpong ng isang paraan upang magtipong sama-sama upang pag-usapan at ipanalangin ang tungkol dito. Naipasiya na ibigay ang mga bahagi ng aming sulat-kamay na “mga paglalaan na pagkain.” Sa mga sulat na ito, ang iba’t ibang hindi maka-Kristiyanong mga gawain ng Iglesya Katoliko ay ibinilad. Ang pasiya na ibigay ang gayong mga materyales ay nagdala ng mabuting mga resulta. Walang isa man ang pinatay, at isang mabuting patotoo ang naibigay. Sa katunayan, ang ilan sa mga opisyal ng SS ay nagpakita ng interes sa nilalaman ng sulat.

Napaglaanan din namin ang iba pang mga kampo ng espirituwal na pagkain. Kailanma’t ang mga kapatid ay ililipat mula sa Buchenwald tungo sa ibang mga kampo, isasapanganib nila ang kanilang mga buhay sa pagtatago sa kanilang sarili ng mga katotohanan ng Bibliya sa anyong sulat-kamay. At sa loob ng Buchenwald, nagsaayos kami ng isang pantanging kampanya na magpatotoo sa ibang mga bilanggo, pinapangaralan ang libu-libo sa kanila ng mabuting balita.

Itakwil ang Pananampalataya o Mamatay

Nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II noong 1939, naranasan namin ang pinakamahigpit na pagsubok. Kami ay hiniling na pumirma ng isang deklarasyon na nagpapahayag na itinatakwil namin ang aming pananampalataya at handa kaming ibigay ang pangalan niyaong aktibong nagtataguyod ng mga turo ng mga Bible Student. Kung kami ay pipirma, kami ay palalayain. Ang sinumang Saksi na hindi pipirma ay babarilin.

Paulit-ulit na ginamit ang bantang ito. Ang utos ay ibibigay: “Mga Bible Student, sa tarangkahan!” Tatayo kami roon​—mapapayat, gula-gulanit ang pananamit. Ang nasasandatahang mga bantay ay nasa mga tore. Uulitin ng komander ng kampo ang kaniyang banta na ang lahat ng hindi pipirma ay papatayin. Ganap na katahimikan. Walang isa man ang nagboluntaryo.

Minsan, dalawang Saksi na dati’y lumagda sa dokumento ang humakbang sa unahan, sinasabi na nais nilang kansilahin ang kanilang mga pirma! Pipiliin pa nilang mamatay na kasama ng kanilang mga kapatid. Namangha, at nabalisa pa nga, ang matigas na mga SS. Sa simula, walang pag-abuso, walang pagbabanta, ang utos lamang na: “Dismissed! Huwag kayong magrireport sa trabaho.” Pagkalipas ng dalawang oras, muling umalingawngaw ang mga salitang: “Mga Bible Student, sa tarangkahan!” Ang pusa-at-daga na pamamaraang ito ay nagpatuloy sa loob ng tatlong araw.

Sapat ang lakas upang marinig namin, ang mga SS ay nag-uusap kung papaano kami ihahanay at babarilin. Narinig pa nga namin ang isa sa mga komander na nagsabi: “Ang pinakamabuting bagay na gawin natin ay paligiran sila at barilin sila sa lahat ng panig.” Na ito ay isang pakana lamang upang panghinain kami ay naging maliwanag nang kami’y muling pinalabas sa parade grounds.

Sinimulan ng komander ng kampo na si Huttig ang kaniyang talumpati nang hindi magandang mga salita: “Kayong mga tampalasan, kayong mga baboy . . . ” Subalit ano ang aming naririnig? Hindi ang dating mga banta ng kamatayan, kundi: “Ang Führer ay napakabuti sa inyo. Ang pagpapatupad ng inyong mga sentensiya ay ipinagpaliban hanggang sa tagumpay.” Gayon na lamang ang aming pagpapasalamat kay Jehova, sa kabila ng bagay na si Huttig ay sumigaw: “Subalit tandaan ninyo . . . ang pagtitimpi ay hindi pagpapawalang-sala.” Ang kaaway ay natalo.

Isa pang Tagumpay

Bagaman ang mga kalagayan ay hindi gaanong mahirap nang sumunod na taon, marami pa ring mga kahirapan ang nasa unahan. Minsan noong matinding taglamig, kami ay sinabihan na magkaloob ng pananamit sa mga sundalong Aleman sa Silangan. Nang kami ay tumangging itaguyod ang digmaan sa ganitong paraan, kami ay inalisan ng aming mga guwantes, mga pantakip sa tainga, at ng aming mga kamiseta. Ang aming mga sapatos na katad ay kinuha rin. Sa halip kami ay binigyan ng mga bakya, tinatawag na Dutchmen. Sa kabila ng kakulangan ng pananamit, kami ay sapilitang pinagtrabaho, kahit na sa mga temperatura na 5 digris Fahrenheit (-15° C.).

Isang araw ipinahayag na ang mga Bible Student ay pagkakaitan ng lahat ng medikal na tulong sa pagamutan sa kampo. Kaya, lalo pa kaming napilitan na itaguyod ang isa’t-isa, tinutulungan at inaalagaan at maibiging ‘hinihila’ ang mga maysakit, sabihin pa. (Galacia 6:2) Ang pamamaraang ito, na nilayon upang buwagin kami, sa katunayan ay nagkaroon ng kabaligtarang epekto. Oo, aming napag-unawa ang tulong ng Diyos sa bagay na ito!

Yamang pinangalagaan namin ang mga maysakit at mahihina taglay ang pag-ibig Kristiyano, walang isa man ang namatay sa amin. Sa kabilang dako, marami sa mga bilanggo na ginamot sa pagamutan sa kampo ang namatay. Natural, hindi maunawaan ng hiwalay-sa-Diyos na mga sundalong SS, na naging di-makatao, kung ano ang nagagawa ng pag-ibig. Pagkalipas ng ilang panahon, pagkakita na lahat kami ay nagrireport pa rin sa roll call, isang doktor na SS ang di-makapaniwalang umiling at nagsabi: “Isang medikal na kababalaghan.”

Pagdiriwang ng Memoryal

Noon ay Marso 1942, at ang panahon para sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon, o Memoryal ng Kamatayan ni Kristo, ay papalapit na. Subalit papaano namin maisasaayos ito sa isang kampong piitan? Isang kapatid ang nakakuha ng mga sapin sa kama upang gamiting mga mantel; inaakala ng komander na SS na nagbigay ng pahintulot na ang mga ito ay gagamitin sa isang pagdiriwang ng kompleanyo. Ang Memoryal ay gaganapin sa gawing D na panig ng aming bloke.

Ang unang grupo ng mga kapatid ay ipinuslit tungo sa D na panig at natipon na para sa pagdiriwang. Ang ibang mga kapatid ay nakatayo na nagbabantay sa labas ng silid. Walang anu-ano’y nangyari ang isang hindi inaasahang bagay. Ang komander ay mag-iinspeksiyon! At siya’y patungo mismo sa D na panig. Halos hindi makahinga ang mga kapatid na nagbabantay. Wala silang magagawa. Ang komander ay papaakyat na sa hagdan. Kaya’t sila’y tahimik na nanalangin. Sa kalagitnaan ng hagdan ang komander ay huminto, nagpalinga-linga, at hindi maipaliwanag, bumaba.

Kahit na ngayon, pagkalipas ng 40 mga taon, ang mga alaalang gaya nito ay tumulong sa akin na magtiwala nang lubusan kay Jehova sa anumang kalagayan. Binago niya ang tila walang pag-asang mga kalagayan tungo sa dakilang mga pagliligtas.​—Isaias 26:3, 4.

Isang Panahon ng Ginhawa

Sa pagtatapos ng digmaan, kami ay pinalaya mula sa kampo. Nadama namin ang gaya ng nadama ng sinaunang mga Israelita, na tungkol sa kanila ay sinabi: “Nang dalhing muli ni Jehova ang mga bihag ng Sion, tayo ay gaya niyaong nananaginip. Nang magkagayo’y napunô ang bibig natin ng pagtawa, at ang dila natin ng awit.”​—Awit 126:1, 2.

Hindi nagtagal pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II ang aking asawa ay dinakip at dinala sa isang kampong piitan. Ang aking biyanang babae ay nasa Ravensbruck, at pagkaraan lamang ng mga ilang buwan bago magtapos ang digmaan siya ay ipinadala ng SS sa gawing timog ng Bavaria. Subalit noong 1945 kaming lahat ay nagbalik sa bahay. Kami ay maligaya na magsama-samang muli, nagpapasalamat ng kami ay nanatiling tapat, at pinahahalagahan namin na malaya na naman naming maisasagawa ang aming pagsamba kay Jehova.

Muling Dinakip

Pagkalipas ng mga ilang taon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, dahilan sa pagbabawal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa bansa kung saan ako nakatira, ako ay muling dinakip at napahiwalay sa aking pamilya sa loob halos ng apat na mga taon. Sa mahirap na panahong ito, paulit-ulit na nadama namin ang tulong ni Jehova, ang ating maawaing Diyos.

Pagkatapos ng digmaan, kami ay pinagpala ng isang anak na lalaki, at nang siya ay sumapit sa sapat na gulang, siya man ay napaharap sa isang pasiya na nagsasangkot sa simulain ng neutralidad na binabanggit ng Bibliya sa Isaias 2:4. Sa aming kagalakan, pinili niya ang daan ng katapatan kay Jehova. Kaya sa loob ng dalawang taon siya ay nabilanggo.

Dahilan sa pananatiling tapat sa Diyos, maaaring gunitain ng aming maliit na pamilya ngayon ang kabuuang 23 mga taon sa mga kampong piitan at mga bilangguan. Hindi naman kailangang maranasan ng lahat ang gayong bagay. Subalit nakakaharap nating lahat sa araw-araw ang hamon ng pananatiling tapat sa balakyot na sanlibutan. Kaya, harinawang manindigan ka sa iyong katapatan. Hindi mo ito pagsisisihan, sapagkat gaya ng sabi ng salmista: “At tungkol sa akin, iyong inaalalayan ako sa aking pagtatapat, at inilalagay mo ako sa harap ng iyong mukha magpakailanman. Purihin si Jehova ang Diyos ng Israel mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan.” (Awit 41:12, 13)​—Yamang ang awtor ay naninirahan sa isang bansa kung saan ang mga gawain ng mga Saksi ni Jehova ay kasalukuyang ipinagbabawal, ang kaniyang pangalan ay hindi ginamit.

[Blurb sa pahina 11]

Ang sinumang Saksi na hindi pipirma ay babarilin

[Blurb sa pahina 12]

Sabi ng komander ng SS: “Ang pinakamabuting bagay na gawin natin ay paligiran sila at barilin sila sa lahat ng panig”

[Blurb sa pahina 13]

Maaaring gunitain ng aming maliit na pamilya ang kabuuang 23 mga taon sa mga kampong piitan at mga bilangguan

[Mga larawan sa pahina 10]

Ang kampong piitan sa Buchenwald kung saan ginugol ko ang walong napakasakit na mga taon

[Pinagmulan]

UPI/BETTMANN NEWSPHOTOS