Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Panganib sa Sintetikong-Heroin
● Idagdag pa ang sintetikong heroin sa talaan ng mapanganib na mga droga na ngayo’y malawakang ipinapamahagi sa ilang mga lunsod sa Amerika. Ang droga ay mula sa fentanyl, isang lehitimong anestisya na ginagamit sa pag-oopera, na kemikal na binago. Ang isang klase nito ay inaakalang 3,000 ulit na mas malakas kaysa heroin. Ang gumagamit ay nangangailangan lamang ng wala pang isang ikamilyon ng isang gramo upang manatiling “high” sa loob ng apat hanggang anim na oras. Ganito ang sabi ni Robert Roberton, pinuno ng California Division of Drug Programs, “Ang pinag-uusapan natin ay tungkol sa droga sa hinaharap. Hahalinhan nito ang heroin. . . . Bakit pa mag-aabala sa pagtatanim at pagdadalisay at pagpupuslit ng heroin sa mga hangganan kung makakagawa naman ng gayundin kahusay, kung hindi man mas mabuti pa, mas mura at mas mabilis?” Sang-ayon sa Daily News ng New York, isang maliit na laboratoryo—na may hilaw na mga panangkap (raw material) na nagkakahalaga ng wala pang $10,000 (U.S.)—ay maaaring gumawa ng sapat na sintetikong heroin sa loob ng ilang linggo upang tustusan ang Lunsod ng New York, kung hindi man ang bansa, sa loob ng mga taon.
Bilis ng Buhay
● Ang mga Hapones ay mas mabilis lumakad, nag-iingat ng mas eksaktong mga orasan, at mas mabilis na nagtitinda ng mga selyo kaysa sa mga Amerikano, Ingles, Italyano, mga taga-Taiwan, at mga taga-Indonesia. Iyan ang konklusyon ng isang pag-aaral kamakailan tungkol sa “bilis ng buhay” na isinagawa ni Robert Levine, propesor ng sikolohiya sa California State University sa Fresno. Ang mga pagsubok ay isinagawa sa anim na iba’t ibang mga bansa. Ang mga Amerikano ay pumangalawa. Sinasabi ni Levine na sa Hapon at Amerika “ang bilis ay kadalasang ipinagkakamali sa pag-unlad.” Subalit sabi pa niya: “Inaasahan namin na ipakikita ng hinaharap na pananaliksik na ang bilis ng buhay ay nauugnay sa dami ng sakit sa puso, alta presyon, ulser, pagpapatiwakal, alkoholismo, diborsiyo at iba pang mga tagapagpahiwatig ng pangkalahatang sikolohikal at pisikal na kalusugan.”
Klasikal na Pagliligtas sa mga Balyena
● Noong Pebrero, isang Sobyet na icebreaker (isang uri ng bapor na nasasangkapan upang gumawa o panatilihin ang dagat-lagusan sa yelo) ay sinugo upang buksan ang isang landas para sa tinatayang 1,000 hanggang 3,000 na mga balyenang beluga na nasilo sa malalaking tipak ng yelo sa Senyavin Strait sa Rusya. Subalit ang mga balyena—na tinatawag na mga polar dolphin sa Rusya—ay ayaw sumunod. “Sa wakas may nakaalaala na ang mga dolphin ay mahilig sa musika,” ulat ng Izvestia. “Kaya tumugtog ang musika sa itaas na kubyerta. Popular, mga martsa, klasikal. Ang klasikal na musika ang naibigan ng mga belugas.” Di nagtagal, nakasanayan na ng mga balyena ang bapor. “Pinaligiran nila ito,” patuloy ng report. “Sila ay maligaya na parang mga bata, lumulundag, nangangalat sa yelo.” Sa wakas, noong dakong huli ng Pebrero, pagkatapos salpukin at bayuhin ang 15 milya (24 km) na yelo, inakay ng bapor ang mga balyena sa dagat.
‘Laging Baboy’
● Pinagtatalunan ng mga iskolar at mga siyentipikong Judio ang pag-aangkin na ginawa ng AID (ang U.S. Agency for International Development), na ang babirusa—isang tulad-baboy na hayop mula sa Indonesia—ay ngumunguya ng kumpay o sinakate at maaaring tanggapin bilang ipinahihintulot na pagkain sa mga Judio. (Ang Levitico 11:26 ay nagbabawal sa mga Judio sa pagkain ng karne ng mga hayop na may hati ang paa na hindi baak kung hindi ito ngumunguya ng kumpay.) Pinaninindigan ni Warren Thomas, direktor ng Los Angeles Zoo, na ang dalawang babirusa sa kaniyang zoo ay hindi kailanman ngumunguya ng kumpay. “Hindi ninyo mapaniniwala ang isang may paggalang-sa-sarili na rabbi na ito ay isang baboy na ipinahihintulot sa mga Judio,” susog niya. Ganito ang konklusyon ng The Wall Street Journal: “Ang pangwakas na salita ay maaaring magmula kay Rabbi J. David Bleich, . . . [isang] awtoridad tungkol sa mga pagkaing ipinahihintulot sa mga Judio, na nagsasabi . . . na ang babirusa ay malamang na isang ‘mutasyon ng isang baboy,’” at samakatuwid ay hindi ipinahihintulot sa mga Judio. ‘Minsang isang baboy, laging baboy,’ ang sabi ng rabbi—ito man ay babirusa na ngumunguya ng kumpay o hindi.
Hanggang 41,000 mga Buhay sa Bawat Buwan
● Ang armadong mga pakikipagbaka ay kumitil ng kasindami ng 21 milyong mga buhay mula noong Digmaang Pandaigdig II—isang katamtamang bilang sa pagitan ng 33,000 at 41,000 mga buhay sa bawat buwan—sabi ng isang report kamakailan ng United Nations. Walumpung porsiyento ng kabuuang gastos militar sa daigdig—mahigit na $800 bilyon (U.S.) noong nakaraang taon—ay ginugol sa mga sandata at kombensiyunal na mga lakas o puwersa. Binabanggit ng report ng UN na “ang halaga ng isang bagong submarinong nuklear ay katumbas ng taunang badyet sa edukasyon ng 23 nagpapaunlad na mga bansa na may kabuuang 160 milyon na mga batang mag-aaral.”
Mga Beterano ng Vietnam
● Kung gaano sikolohikal na napinsala ang mga beterano sa digmaan sa Vietnam ay isiniwalat sa isang pag-aaral na isinagawa kamakailan ng Ralph Bunche Institute of City University sa Lunsod ng New York. Sinukat ng pag-aaral ang kasalukuyang uri ng pamumuhay sa antas ng naranasang pagbabaka. Ang mga resulta? Halos isang ikaapat ng mga beterano na nakasaksi ng matinding pagbabaka ay walang trabaho—tatlong ulit ang dami kaysa roon sa nakasaksi ng kaunting labanan. Gayundin, 65 porsiyento niyaong nakaranas ng matinding labanan ay nagdiborsiyo, at 21 porsiyento ang nadakip. Maihahambing ito sa 29 porsiyentong nagdiborsiyo at 15 porsiyentong nadakip doon sa mga nakasaksi ng kaunting labanan.
Mas Mabuting Ngipin
● Sang-ayon sa isang pag-aaral ng CDC (Centers for Disease Control), noong mga taóng 1979 at 1980, 51 porsiyento ng siyam-na-taóng-gulang na mga bata ang may mga ngipin na walang sira kung ihahambing sa 29 porsiyento lamang noong mga taóng 1971-73. Ang malaking pagsulong ay dahilan sa bagay na mas maraming mga Amerikano—sa kasalukuyan ay 52 porsiyento—ang umiinom ng tubig na may fluoride. Ganito ang sabi ng Robert Wood Johnson Foundation: “Sa tinatayang halaga na wala pang $1 [U.S.] sa bawat bata sa bawat taon, ang paglalagay ng fluoride sa tubig ang mura at pinakamabisang pangontrang pamamaraan ng lipunan laban sa pagkasira ng ngipin.” Gayunman, maraming medikal na awtoridad ang laban sa paggagamot ng tubig ng fluoride—isang lason na enzyme—yamang hindi nito binabawasan ang mga sirang ngipin sa mga adulto at maaaring magkaroon ng pangmatagalang mga panganib sa kalusugan.
Saan Mo Gustong Iniksiyunan?
● Ang pagiging mabisa ng pagbabakuna ay maaaring depende kung saan sa katawan itinuturok ito ng doktor, sang-ayon sa CDC (Centers for Disease Control). Iyan ang konklusyon ng dalawang magkahiwalay na mga surbey ng CDC at ng isang tagagawa ng bakuna na sumuri sa dami ng imyunidad na dala ng hepatitis B na mga pagbabakuna. “Sa kapuwa mga surbey, ang pagtugon sa bakuna ay mas mataas sa mga ospital na gumagamit ng iniksiyon sa braso kaysa roon sa mga gumagamit ng iniksiyon sa puwit,” sabi ng CDC. Sabi pa ng The New York Times: “Yaong nag-aakala na mas kaayon sa dignidad ng tao na iniksiyunan sa braso kaysa sa puwit, ay may pagtaguyod na ngayon mula sa siyentipikong mga pag-aaral.”
Paliwanagin ang Iyong Buhay
● Ang maliwanag na ilaw ay “may malaking antidepressant na epekto,” sabi ng isang pag-aaral na isinagawa ng mga mananaliksik mula sa NIMH (National Institute of Mental Health). Sang-ayon sa pag-aaral, 10 sa 13 mga pasyente na may “winter depression” (panlulumo dahil sa taglamig)—dala ng maikling mga oras ng liwanag at mahabang mga panahon sa loob ng bahay—ay tumugon na mabuti sa mga ilaw na ilang ulit na mas maliwanag kaysa sa ordinaryong ilaw sa silid. Ang mga ilaw “ay lumikha ng malaking pagbabago sa kondisyon na nasaksihan sa loob ng mga ilang araw at tumagal sa buong sanlinggo ng paggagamot,” sabi ng pag-aaral. “Ang pag-aalis ng liwanag ay regular na nagiging sanhi ng pagkabinat sa loob ng ilang mga araw.”
Panganib sa Paghalik
● Si Dr. Hans Neumann ay laban sa tinatawag niyang Amerikanong “cocktail party kiss”—isang karaniwang paghalik sa bibig na popular sa maraming tao sa ngayon kapag binabati ang mga kakilala. “Nakakita ako ng mga kaso ng mga sakit sa lalamunan at mga impeksiyon sa paghinga na nailipat sa ganitong paraan,” at “nariyan din ang mas grabeng mga impeksiyon, gaya ng herpes,” sulat niya sa Connecticut Medicine. Kung ang mga magkakakilala ay kailangang maghalikan, ipinapayo ni Neumann ang paraang Europeo: Humalik sa pisngi. O sundin ang Oryental na kaugalian, sabi niya. “Ang paghahalikan ay talagang hindi ginagawa sa publiko. Ito’y nakakahiya.”
Pagdami ng Pagkabaóg
● Sang-ayon sa isang pag-aaral ng National Center for Health Statistics, 27 porsiyento ng mga babae na nasa edad na mag-anak sa Estados Unidos ang hindi makapag-anak. “Sa 54 milyong may asawa at walang asawang mga babae na ang edad ay 15 hanggang 44, 9.4 milyon ang kusang nagpakabaóg para sa birth control, 1.2 milyon ang nagpakabaóg sa iba pang mga kadahilanan, at 4.4 milyon ang may pisikal na problema na gumagawang imposible o mahirap na maglihi o magdalang-tao hanggang sa kaganapan,” ulat ng American Medical News sa pagbibigay-buod ng pag-aaral. Ipinakikita ng center na ang pagpapakabaóg sa pamamagitan ng operasyon ay naging pangunahing anyo ng birth control sa bansa.
Depensa sa mga Pagguho
● Hanggang noong Marso ng taóng ito, 26 katao ang iniulat na namatay sa mga pagguho o mga avalanche sa
Swiss Alps. Ito ay isang malaking pagbaba mula sa 98 na namatay noong 1951. Gayumpaman, may pagkabahala tungkol sa gawang-taong problema na maaaring magparami sa panganib ng mga pagguho—ang pag-ulan ng asido na siyang pumapatay sa mga kagubatan. Sinasabi ng mga awtoridad na ang mga kagubatan ang pinakamabuting depensa laban sa mga pagguho, iniiwasan ang maraming pagguhong ito.Ang mga Bata ay Magastos
● Sang-ayon sa Institute of Family Studies sa Australia, ang taunang pinakamababang halaga ng pagpapalaki sa dalawang-taóng-gulang na bata ay $861.12 ($603.91, U.S.) at para sa isang 11-anyos na bata $1,450.80 ($1,017.46, U.S.), samantalang ito ay nagkakahalaga ng $2,156.96 ($1,512.70, U.S.) upang magpalaki ng isang tin-edyer. Napansin ng pag-aaral ang mabigat na pinansiyal na pasanin ng mga magulang na tinutustusan ang mga bata na nasa kanilang mga huling taon ng pagiging tin-edyer at maagang mga 20’s. Sabi ni Kerry Lovering, na siyang namahala sa pag-aaral: “Ang ekstensiyon na ito ng pag-asa sa mga magulang, natatangi sa dakong huli ng ika-20 siglo, ay nagkakaroon ng malaking epekto sa lahat ng mga pamilya sa Australia.”
Malaon nang Lampas sa Taning
● “Ang pinakamatagal na lampas sa taning na aklat sa aklatan ng Britaniya ay naisauli pagkaraan ng mahigit na 300 mga taon, isang panahon na ang multa ay nagkakahalaga ng mahigit £3,000 ($3,600, U.S.),” sabi ng The Times ng London, Inglatera. Ang aklat ay hiniram ng Obispo ng Winchester noong mga 1641 at 1648 at naiwan sa kaniyang tanggapan pagkamatay niya. Ganito ang isang paliwanag mula sa rekord ng Somerset county: “Alam namin na ito ay nawala noong kalagitnaan ng ikalabimpitong siglo subalit hindi namin alam kung saan.”
Pagsawata sa Amag
● Ang kaaway sa mamasá-masáng tropikal na mga bansa ay amag. Kahit na sa mga lugar na kainaman ang klima, ang fungus na ito ay maaaring sumalakay sa mga pananamit at muwebles kung saan may halumigmig, init, at kakulangan ng liwanag at hangin. Iminumungkahi ng magasing Parents na ang mga pananamit na may tagulamin at, kung praktikal, ang mga muwebles ay ilabas upang eskobahin. Hindi lamang nito nahahadlangan ang pagkalat ng mga spores sa buong bahay kundi hinahayaan din nitong patayin ng sikat ng araw ang mga spores. “Para sa mga amag na hindi maalis ng escoba,” ang artikulo ay nagpapatuloy, “subukan ang medya-medya na solusyon ng denatured na alkohol at tubig, o katas ng kalamansi at asin.”