Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtutuli sa mga Babae—Bakit?

Pagtutuli sa mga Babae—Bakit?

Pagtutuli sa mga Babae​—Bakit?

“ISANG klinika sa London ang nagtutuli sa mga babae”! Hindi pa natatagalan ang mga paulong-balita na gaya nito ay nakagulat sa publiko sa Inglatera at sa iba pang mga lupain. Nalaman ng mga mambabasa na ang mga doktor sa kilalang Harley Street, London, ay nagsasagawa ng isang operasyon na hindi nababalitaan ng karamihan: ang pagtutuli sa mga babae.

Gayunman ang pagtutuli sa mga babae ay pangkaraniwan sa ibang bahagi ng daigdig​—lalo na sa Aprika. Ang kaugalian ay hindi kukulangin sa 2,000 taon na at isinagawa na noong nakaraan sa lahat ng limang mga kontinente. Tinatayang kasindami ng 70 milyong mga babaing nabubuhay sa ngayon ang natuli.

Kung ikaw ay nakatira sa isang lupain kung saan ang pagtutuli sa mga babae ay hindi isinasagawa, marahil nagtataka ka kung ano itong kaugaliang ito at kung bakit ginagawa ito ng mga tao. Kung ito ay isinasagawa sa inyong lugar, marahil ay naiisip mo: ‘Dapat ko bang ipatuli ang aking anak na babae?’ Maaaring gipitin ng mga kapitbahay, mga kamag-anak, at ng malaon nang tradisyon ang mga magulang na sumunod sa kaugalian. Gayunman ang operasyon ay mapanganib. Kaya, bago pumayag sa operasyon, kinakailangang pag-isipang mabuti ng mga magulang ang tungkol dito. Dapat nilang alamin kung ano nga ang operasyon, kung ano ang gagawin nito, at kung ano ang mga panganib. Kaya ano nga ba ang pagtutuli sa mga babae?

Ano ba Ito?

Tunay nga, ang kataga ay isang maling pangalan. Ang “pagtutuli” ay nangangahulugang “paghiwa sa paligid” at tumutukoy sa operasyon sa isang lalaki. Sa isang babae, ang operasyon ay higit pa sa isang “excision,” yaon ay, bahagi o ganap na pagputol sa clitoris, marahil ang pagtatabas din sa labia minora, ang panloob na labi ng ari ng babae. Ang operasyong ito, isinasagawa sa mga batang babae na ang edad ay mula isang linggo hanggang sampung taóng gulang o higit pa, ang mas suwabeng anyo ng pagtutuli sa mga babae.

Subalit mayroong mas grabeng operasyon na kilala bilang infibulation. Narito ang isang paglalarawan ng infibulation na isinagawa sa isang batang babae sa Djibouti: “Kinukuha ng isang matandang babae ang kaniyang labaha at pinuputol ang clitoris. Susunod ay ang infibulation: pinuputol ng nag-oopera sa pamamagitan ng kaniyang labaha ang maliit na labi [ng ari ng babae] mula itaas pababa at saka kinakaskas ang laman mula sa loob ng malaking labi . . . Pagkatapos ay nilalagyan ito ng nag-oopera ng isang pandikit at tinitiyak ang pagkakadikit ng malaking mga labi sa pamamagitan ng mga tinik ng acacia.” (Mula sa Minority Rights Group, Report No. 47, sinipi sa The Economist.) Halos sinasarhan ng peklat ang ari ng babae, at kapag ang babae ay mag-aasawa, kinakailangang buksan itong muli, marahil sa pamamagitan ng talim ng labaha.

Ang Operasyon ay Mapanganib

Ang kapuwa mga operasyon ay masakit at mapanganib. Kamakailan, isang taga-Mali ang kailangang humarap sa hukuman sa Pransiya nang ang kaniyang tatlong-buwang-gulang na anak na babae ay halos mamatay pagkatapos na isagawa niya ang excision sa bata. Gaano karaming mga bata ang namamatay dahilan sa operasyon? Walang makuhang mga estadistika, subalit ang mga kamatayan ay karaniwan, yamang ang operasyon ay karaniwan nang isinasagawa ng mga babae na walang kaalaman sa kalinisan (hygiene) at kadalasang isinasagawa nang walang anestisya. Noong 1982, iniulat ng mga pahayagan na ipinagbawal ni Presidente Moi ng Kenya ang gawaing ito sa kaniyang bansa pagkaraan ng kamatayan ng 14 na munting mga batang babae.

Kung ang isang batang babae ay makaligtas sa operasyon, mayroon pang higit na mga panganib. Itinala ng isang report ng UNESCO ang ilan sa mga ito: matinding pagkagulat dahilan sa takot at kirot; di-mapigil na pagdurugo; tetano at ibang mga impeksiyon; masakit na pagreregla sa panahon ng pagdadalaga; impeksiyon kapag ang mga peklat ay masira pagkatapos ng pag-aasawa; mga problema sa pag-aanak. Sabi pa ng magasing World Health: “Ang permanenteng mga pagbabago sa ari ng babae, ang paglaki ng dermoid cyst at ang pagkakaroon ng bladder fistulae, gayundin ng iba pang patolohikal na mga kalagayan . . . ay maaaring makaapekto sa normal na seksuwalidad at makahadlang sa kaugnayang pangmag-asawa, at maaaring umakay sa pagkabaóg o mauwi sa diborsiyo.”

Oo, isa itong mapanganib na paraan. Subalit bakit ito ginagawa ng mga magulang?

‘Nakaugalian na Ito’

Sa ibang mga lugar, ang gawaing ito ay sinasamahan ng mapamahiing mga ritwal, subalit waring hindi ito espisipikong ipinag-uutos ng anumang relihiyon. Sinusunod ito ng mga membro ng iba’t ibang mga relihiyon, pati na yaong sa Sangkakristiyanuhan.

Ipinalalagay ng iba na ang operasyon ay kinakailangan upang humupa ang seksuwal na mga hilig ng isang babae o upang gawin siyang higit na babae (ang clitoris ay ipinalalagay na isang panlalaking sangkap). Ganito ito ipinaliwanag ng isang Ehipsiyong ina sa isang mananaliksik: “Kami ay tinutuli at iginigiit namin ang pagtutuli sa aming mga anak na babae upang walang paghahalo sa pagitan ng lalaki at babae. Ang isang babae ay dapat na maging tunay na babae, at ang lalaki ay dapat na maging tunay na lalaki. Ang bawat babae ay dapat na tuliin upang siya ay huwag maging labis sa sekso at palaging tuwang-tuwa.” Sabi pa niya: “Ang hindi pagiging tulî ay nakakahiya. Hindi kami mga dayuhan; ang mga dayuhan lamang ang hindi nagpapatuli.”

Ipinahihiwatig ng magasin sa Ivory Coast na Ivoire Dimanche na ang pagtutuli sa mga babae ay isang ritwal sa pagtanggap sa bagong kasapi: “Ang pagtutuli ay naging isang sosyal na gawi na sa pamamagitan nito ang mga kabataang babae ay nasasali sa pangkat ng mga babae, o basta nagiging ganap na babae.” Ipinalalagay rin na ang pagtutuli sa mga babae ay may mga pakinabang sa kalusugan. Nilapitan ng dalawang babaing taga-Nigeria ang isang doktor sa Inglatera at hinihiling na sila ay tuliin. Ang isa ay hindi magkaanak, ang isa naman ay kailangang magsilang ng kaniyang sanggol sa pamamaraang cesarean. Inaakala nila kapuwa na ang dahilan ng kanilang mga problema ay sapagkat hindi sila natuli nang sila ay mga bata.

Iginigiit ng iba na ang pagtutuli sa mga babae ay kinakailangan para sa kalinisan (hygiene), samantalang sinasabi naman ng iba na pinananatili nito ang kalinisang-puri (chastity) ng isang babae. Sinasabi rin na ang panlabas na mga bahagi ng ari ng babae ay “madumi at pangit,” at ang pagtutuli ay “isang pagsisikap upang magkaroon ng maganda, at samakatuwid ay malinis, na katawan.” Ipinalalagay na, hindi nanaising mapangasawa ng isang lalaki ang isang babae na hindi tulî. Gayunman, kadalasan nang hindi ang mga lalaki kundi ang mga babae ang gumigiit na panatilihin ang kaugalian. Karaniwan na, isinasaayos ito ng mga ina o ng mga kamag-anak na babae at isinasagawa ng isang lokal na babae. Inuulat ng Sunday Times Magazine na sa Sudan, kung saan ang operasyon ay labag sa batas, ito ay “isinasagawa sa pamamagitan ng ilegal na pagsasabwatan ng mga babae.”

Ang katotohanan ay, ang orihinal na mga dahilan para sa pagtutuli sa mga babae ay malaon nang nakalimutan, at marahil ang pangunahing dahilan kung bakit ito isinasagawa pa rin ay sapagkat ‘nakaugalian na ito.’ Kung makalimutan ng mga magulang na tuliin ang kanilang mga anak na babae, ang mga lolo at lola ang hahanap ng mga paraan upang gawin ito. Maaaring hilingin ng mga batang babae na hindi tulî ang kanilang mga magulang na sila ay tuliin upang sila ay maging gaya ng lahat.

Sinisikap ng internasyonal na mga pangkat na gaya ng World Health Organization at UNESCO na pigilin ang pagtutuli sa mga babae, subalit itinuturing naman ng iba ang kanilang mga pagsisikap bilang panghihimasok sa kanilang personal na mga buhay. Sinabi ng dalawang babaing Aprikana sa pahayagang The Globe and Mail: “Kinakatawan nito ang isang seremonya ng pagdaraan para sa mga batang babae at dapat magpatuloy. Gawain namin ito, at kami ang magpapasiya kung ano ang pananatilihin at kung ano ang dapat alisin.”

Ang Paninindigang Kristiyano

Dapat timbangin ng mga magulang ang lahat ng mga pangmalas na ito kapag tinitiyak ang kanilang sariling mga damdamin tungkol sa pagtutuli sa mga babae. Para sa mga magulang na Kristiyano, mayroon pang isang katanungan: Ang pagtutuli ba sa mga babae ay kasuwato ng mga simulain sa Bibliya?

Sang-ayon sa Kasulatan, ang bawat lalaking Israelita ay kailangang tuliin bilang isang tanda ng pakikipagtipan sa pagitan ni Jehova at ng mga anak ni Abraham. (Genesis 17:10-14; Levitico 12:2, 3) Gayunman, ang mga anak na lalaki ng Kristiyanong mga magulang ay hindi hinihiling na patuli. (Galacia 5:6) Dahil dito, ang mga anak na babae ng mga Kristiyano ay tiyak na hindi hinihiling na pasailalim alin sa excision o infibulation. Kung gayon, ang pagtutuli ba sa mga babae ay isa lamang bagay na ayon sa budhi?

Bueno, ipinagbawal ito ng ilang mga pamahalaan. Sa mga lupaing iyon dapat sundin ng mga Kristiyano ang batas at huwag tuliin ang kanilang mga anak na babae. (Roma 13:1-5) Subalit kumusta naman kung ang pagtutuli sa mga babae ay isang kaugalian at hindi labag sa batas? Tandaan, ang pagtutuli sa mga babae ay mapanganib. Ang mga munting batang babae ay namamatay dahilan dito. Sang-ayon sa Bibliya, kapag sinasadya natin na isapanganib ang buhay ng isa, tayo ay maaaring magkasala laban sa dugo. (Ihambing ang 1 Cronica 11:17-19.) Hindi nanaisin ng Kristiyanong mga magulang na magkasala laban sa dugo sa pamamagitan ng pagsasapanganib sa mga buhay ng kanilang mga anak na babae sa ganitong paraan.​—Awit 51:14.

Ang pagtutuli sa mga babae ay napakasakit din. Ang mental at pisikal na paghihirap na dala nito ay maaaring tumagal hanggang sa ang isa ay maging tin-edyer o hanggang sa pag-aasawa at pag-aanak. Ganito ba ang pakikitungo ng maibiging mga magulang sa kanilang mga anak? Hindi. Ang Kristiyanong mga ina ay ‘minamahal ang kanilang sariling mga anak.’ (1 Tesalonica 2:7) Ang Kristiyanong mga magulang ay ‘nagbibigay ng mabubuting kaloob sa kanilang mga anak.’ (Mateo 7:11) Ang pagtutuli sa mga babae ay maaaring isang sinaunang tradisyon, subalit hindi ito isang ‘mabuting kaloob.’

Walang masumpungan ang mga doktor na mga pakinabang sa kalusugan sa operasyon. Ni ito man ay kinakailangan para sa kalinisan. Sa mga Israelita, ang personal na kalinisan ay bahagi ng kanilang pagsamba, gayunman hindi sila sinabihan ni Jehova na tuliin ang kanilang mga anak na babae. Kumusta naman ang tungkol sa pagpapanatili sa kalinisang-puri (chastity) ng isang babae? Minsan pa, si Jehova ay nag-uutos na ang mga babaing Kristiyano ay dapat maging mahinhin, subalit hindi niya sinabi na kinakailangan dito ang pagtutuli. (1 Timoteo 2:9) Higit pa riyan, walang katibayan na ang operasyon ay gumagawa sa isang babae na higit na babae. Sa katunayan, sinisira at pinapapangit nito ang kaniyang seksuwal na mga sangkap.

Totoo, ang pagtutuli sa mga babae ay isang malaon nang kaugalian, at ang mga kaugalian ay maaaring igalang kung ang mga ito ay hindi labag sa budhi ng Kristiyano. Subalit hindi ba nito lalabagin ang iyong budhi na ipasailalim ang inyong anak na babae sa hindi kinakailangang paghihirap? Ito ang nadama ng isang Kristiyanong elder sa bansang Aprikano ng Burkina Faso.

Nagtungo siya sa kaniyang katutubong nayon upang dumalaw, at samantalang siya’y naroon, hinimok siya ng kaniyang mga magulang na dalhin o ipadala ang kaniyang siyam-na-taóng-gulang na anak na babae sa nayon upang ang anak na babae ay matuli. May kabaitan, subalit may katatagan at tibay ng loob, ipinaliwanag ng Saksi ang medikal at maka-Kasulatang mga dahilan sa hindi pagsunod sa kaugaliang ito. Bagaman ito ay nagdala ng ilang problema sa pamilya, siya ay nanindigang matatag sa kaniyang mga simulain at iningatan ang kaniyang anak na huwag matuli. Ipinasiya ng pamilyang Saksi na ang kanilang mga anak ay hindi ipadadala nang walang kasama sa nayon upang sila ay hindi magipit na umayon sa mga kaugalian na labag sa kagustuhan ng kanilang mga magulang.

Ipinakita ng maygulang ng Kristiyanong ito kung paanong ang kaalaman kalakip ang matinding pag-ibig ay nagbibigay sa mga magulang ng tibay-loob at karunungan na gawin kung ano ang tama para sa kanilang mga anak. Makabubuting tularan ng Kristiyanong mga magulang ang kaniyang halimbawa.

[Blurb sa pahina 26]

Walang masumpungan ang mga doktor na mga pakinabang sa kalusugan sa operasyon

[Blurb sa pahina 27]

Ang pagtutuli sa mga babae ay maaaring isang sinaunang tradisyon, subalit hindi ito isang ‘mabuting kaloob’

[Mga larawan sa pahina 25]

Hindi ba nito lalabagin ang iyong budhi na ipasailalim ang iyong anak na babae sa hindi kinakailangang paghihirap?