Tinutulungan Nitong Bumasa ang mga Bata
Tinutulungan Nitong Bumasa ang mga Bata
ANG pagbasa ay isa sa pinakamahalagang kasanayan na maaaring matutuhan ng isang tao, binubuksan ang maraming uri ng kaalaman. Gayunman angaw-angaw sa mga kabataan, na ginugugol ang marami sa kanilang panahon sa panonood sa telebisyon, ang hindi nagiging dalubhasa sa kasanayang ito. Kaya hindi nila natututuhan ang napakaraming mahalagang mga bagay, kasama na ang kaalaman tungkol sa mga layunin ng Diyos na nakukuha mula sa pagbabasa ng Bibliya at literatura sa Bibliya. Gayunman paano matuturuang bumasa ang isang bata?
Inilalarawan ng isang Kristiyanong magulang sa Manitoba, Canada, ang mga resulta sa paggamit ng publikasyong My Book of Bible Stories kasabay ng album ng apat na cassette tape ng aklat na ito. Ang magulang ay nagpapaliwanag:
“Si Peter ay apat na taóng gulang. Ang kaniyang nakatatandang kapatid na lalaki at babae ay kapuwa nag-aaral sa paaralan, at siya ay naiiwan sa bahay. Pagpasok ng ibang mga bata sa paaralan, si Peter ay magtutungo sa sala at patutugtugin ang tape rekorder ng mga tape ng My Book of Bible Stories. Sa simula ako ay nauupong kasama niya, at habang binabasa sa tape ang aklat na Bible Stories sinusundan ko ng aking mga daliri ang mga salita sa pahina. Natutuhan ito kaagad ni Peter. Hindi nagtagal ginagawa niya itong mag-isa. Nagpatuloy ito hanggang sa siya ay pumasok sa kindergarten.
“Isang araw, nang si Peter ay apat na taóng gulang pa lamang, ipinasyal ng guro ang klase, at itinuro ni Peter sa guro ang karatula na may kahabaan ang salita. Sabi ng guro, ‘Mababasa mo ba ang sinasabi nito?’ Kaya binasa ni Peter sa guro ang lahat ng nasusulat doon. Ang guro ay totoong namangha. Nang sila ay bumalik na sa paaralan, siya ay kumuha ng isang aklat sa aklatan at pinaupo sa tabi niya si Peter. Si Peter ay bumasa ng ilang mga kuwento, at siya ay talagang namangha.
“Hindi nagtagal kumalat ang balita sa iba pang mga guro at sa wakas sa principal ng paaralan. Dinala niya si Peter sa kaniyang tanggapan at hiniling siya na bumasa sa kaniya. Naroon din ang isa pang guro. Tinanong nila siya kung papaano siya natutong bumasang mainam. Sabi niya na tinulungan siya ng kaniyang pamilya, subalit ang mga tape ng Bible Stories ang nakatulong sa kaniya nang malaki.
“Nang maglaon, nabalitaan ng iba pang mga bata sa paaralan ang tungkol sa kakayahan ni Peter na bumasa at palihim pa nga silang pumapasok sa kaniyang klase upang pabasahin siya sa kanila, upang tingnan kung totoo nga ang kanilang nabalitaan. Sa wakas ipinasiya ng principal na nais niyang si Peter ay bumasa sa harap ng lahat ng estudyante sa awditoryum.
“Hangang-hanga ang principal anupa’t tinawagan niya ako sa telepono. Sinabi niya sa akin na karaniwan, kapag tinatawagan niya ang mga magulang sa telepono sinasabi niya sa kanila ang tungkol sa isang masamang bagay na ginawa ng isang bata, subalit sa pagkakataong ito ay upang sabihin sa amin kung gaano kahusay bumasa ni Peter at na ipinagmamalaki nila siya. Sinabi niya na ang tinig ni Peter ay nagbabagu-bago na parang nakikipag-usap at hindi man lamang nauudlot. Saka niya sinabi sa amin na tinanong niya si Peter kung papaano siya natutong bumasa at sinabi ni Peter na ito’y dahilan sa mga tape ng Bible Stories. Tinanong niya sa akin kung mababasa ni Peter ang buong aklat na Bible Stories, at ang sabi ko: ‘Opo, mababasa niya.’
“Pagkatapos ay hiniram niya ang aming tape upang alamin kung ito ay nababagay sa anong grado. Pagkaraan ng isang linggo ay tinawagan niya ako sa telepono at sinabi na siya ay totoong humahanga sa mga tape at sa mahusay na pagbasa rito. Humiling siya ng isang set ng mga tape para sa kaniyang sarili sapagkat ipapakita niya ito sa kaniyang mga pamangkin.”
May nakikilala ka bang bata na maaaring matutong bumasa, o pasulungin ang kaniyang kakayahang bumasa, sa pakikinig sa mga ulat ng Bibliya samantalang sinusundan, salita por salita, sa publikasyon kung saan hinango ang pagbabasa? “Kami ay nagagalak sa tulong ng mga tape sa amin,” sulat ng mag-asawa mula sa Manitoba, Canada, “at tiyak na inirirekomenda namin na gamitin ito ng ibang mga magulang.” a
[Talababa]
a Sa pahina 32 ay masusumpungan ninyo kung papaano tatanggapin ang mahusay na aklat na ito kasama ang mga rekording nito sa mga cassette tape.