“Ang Aming Misyon ay Pagpapatiwakal”
“Ang Aming Misyon ay Pagpapatiwakal”
ANG araw, Agosto 15, 1945, ay nagbubukang-liwayway nang kami’y nasa malayo sa gawing timog ng Karagatan ng Pasipiko. Ako’y nasa isang misyon bilang miyembro ng Kaiten Special (Suicide) Attack Corps, sakay ng submarino A-367. Nang ang pahayag ng Emperador na pagsuko ay marinig sa radyo, ang lahat ay natigilan. Tapos na ang digmaan sa Pasipiko.
Sa loob ng sampung araw kami’y nagbalik sa Hapón. Hindi maunawaan niyaong ilan sa amin na ginawang karera ang Navy kung bakit ang ibang mga marino ay mukhang maligayang-maligaya na mapalaya sa serbisyo gayong natalo pa kami sa digmaan! Anong laking pagkayamot ko na makitang nagsasaya ang mga tao sa pagtatapos ng digmaan gayong napakaraming binata ang namatay alang-alang sa kanilang bansa!
Sa Misyon na Pagpapatiwakal
Bilang paggunita naalaala ko mga walong buwan bago nito, pagkatapos kong mag-aral sa mga paaralang Naval Antisubmarine at Submarine. Disyembre 25, 1944 noon, at katatanggap ko lamang ng utos na maglingkod sa submarino A-367. Nang kami’y lumakad sakay ng Yokosuka noong Bagong Taon ng 1945, ang utos sa amin ay makibahagi sa pantanging pagsalakay. Ang mga salitang “pantanging pagsalakay” ay nangangahulugang pagpapatiwakal na pagsalakay, gaya ng
kamikaze sa himpapawid. Kami’y pinanganlang Shimbu Squad ng Kaiten Special Attack Corps.Upang maghanda para sa mga maneobra, naglayag kami patungong Kure, isang malaking daungan ng hukbong-dagat malapit sa Hiroshima, para baguhin ang ayos ng submarino upang maglaman ng kaiten. Ang isang kaiten ay isang ginawang torpedo na may masikip na control room para sa isang tao sa loob nito. Pagkatapos na ito’y mailunsad mula sa itaas na kubyerta ng isang submarino, ito’y inuugitan ng opereytor upang tumama sa target, kaya ang pangalang torpedong tao. Minsang mailunsad, wala nang balikan. Ang pagtama sa target ay nangangahulugan ng isang bayaning kamatayan, samantalang kung hindi mo matamaan ang target ito’y nangangahulugan ng asong kamatayan, gaya ng tawag dito ng mga Haponés kapag ang isang tao ay namatay nang walang layunin.
Sa aming palagay, ang mamatay alang-alang sa aming bayan ay isang maluwalhating pribilehiyo. Nang anyayahan ng aming opisyal na namamahala ang mga boluntaryo na humakbang paabante upang maging mga miyembro ng pangkat ng pagpapatiwakal (suicide squads), lahat ay humakbang paabante na parang isang tao. Bagaman hindi ako opereytor ng kaiten, ang lahat ng tripulante ay itinuturing na mga miyembro ng suicide attack corps. Anong laking karangalan!
Pagkatapos ng pagsasanay para sa paglulunsad ng kaiten, nagtungo kami sa isang misyon na dala-dala ang limang kaiten na nakalagay sa itaas na kubyerta. Patungo sa Pasipiko na dumaraan sa Inland Sea, tumayo ako sa kubyerta at minasdan ko ang kagandahan ng maagang tag-araw. Naiisip ko kung anong gantimpala ang naghihintay sa limang sasakyang ito ng kamatayan at ginunita ko ang matamis at mapait na mga alaala ng aking mga kaarawan bilang isang sinasanay sa hukbong-dagat.
Pagsasanay Para sa Hukbong-Dagat
Palibhasa buhat sa pagkabata nais kong gawing karera ko ang Hukbong-Dagat (Navy), nag-aral ako sa Naval Mine School nang ako’y maging 18 anyos noong 1944. Sa unang dalawang buwan, ang pagsasanay ay nakasentro sa mahahalagang bagay tungkol sa labanan sa lupa at isang mabilis na kurso tungkol sa sentido komon sa Hukbong-Dagat. Pagkatapos niyan, ang paaralan ay muling pinanganlan at naging Naval Antisubmarine School. Nagsimula ang edukasyon sa pagpapatakbo ng mga hydrophone at sonar anupa’t maaari kaming isugod sa unahan ng digmaan na lubusang nasanay.
Ang unang dalawang araw sa paaralan, kami’y pinakitunguhan na parang mga bisita. Ang mga tagubilin ay may kabaitang ipinaliliwanag sa amin anuman ang hindi namin maunawaan. Pagkatapos, noong ikatlong araw, dumating ang unang “pag-aayos.” Pagkatapos na pagkatapos maglibot ng opisyal na bantay bago kami matulog, narinig namin ang utos ng isang instruktor, “Bangon kayong lahat! Pumila kayong lahat sa kubyerta!” Hindi alam kung ano ang gagawin, parang bulag kaming nagtakbuhan. “Sulong! Bilisan ninyo! Pumila kayo!” Kami’y binulyawan. Sa wakas pagkatapos na pumila, kami’y sinabihan: “Kayong lahat ay nangangailangan ng sigla.” At nagsimula na ang “mga pag-aayos.” Sa Navy, ang “pag-aayos” ay nangangahulugan ng pagbugbog. Una’y sinabihan kaming tumayo na nakabuka ang mga paa at pagtiimin ang aming ngipin
upang huwag kaming matumba o pumutok ang loob ng aming bibig. Sinundan ito ng sunud-sunod na suntok sa mukha.Ang mga pag-aayos ay ibinibigay batay sa pananagutan ng pamayanan. Kung magkamali ang isang miyembro ng isang pangkat, kung gayon ang buong pangkat ay tatanggap ng pag-aayos. Kadalasan isang pamalo na kahawig ng bat ng baseball ang ginagamit upang paluin ang aming puwitan. Ito’y tinatawag na “pamalo upang magkaroon ng espiritu ng sundalo.” Ipinalalagay, na ang mga pag-aayos ay upang paunlarin ang espiritu ng pagtutulungan, na kailangang-kailangan sa dagat. Sa tuwing mararanasan ko ang isang pag-aayos, nag-iisip ako kung ito nga ay talagang makatutulong sa aktuwal na labanan.
Pagkatapos mag-aral sa Antisubmarine School, pumasok ako sa Submarine School. Kami ngayon ay natututong maging nasa kabilang panig ng bakod, binibigyan ng mga lektyur at pagsasanay sa kung paano sasagapin ang tunog ng isang barko sa ibabaw mula sa isang submarino at salakayin ito. Mas masahol pa ang pagsasanay rito, sinusunod ang tinatawag ng Navy ng Hapón na rutinang “Mon-Mon-Tue-Wed-Thu-Fri-Fri.” Sa ibang salita—may pasok hanggang Linggo.
Ang Pagpapakamatay na Pagsalakay
“Nakalampas na tayo ngayon sa Bungo Channel,” malakas na tunog ng laudispiker, naudlot ako sa aking paggunita. “Tayo’y maglalayag sa ibabaw hanggang bukas ng umaga. Inaasahan namin na gagawin ninyo ang misyong ito bilang Shimbu Squad ng Kaiten Special Attack Corps. Gawin ninyo ang pinakamagaling ninyong magagawa sa inyong iniatas na puwesto.” Ang aming misyon ay tambangan at wasakin ang mga barko na naglalayag sa ruta ng panustos sa pagitan ng Okinawa at Guam. Sa loob ng apat na araw kami ay lulubog sa pagbubukang-liwayway at lilitaw sa pagkagat ng dilim.
Noong 1400 na oras, o ika–2:00 n.h., sa ikalimang araw, namatyagan namin ang isang pinagmumulan ng tunog. Nanatili kami sa lalim na 14 metro at patuloy na lumapit samantalang inoobserbahan ang target sa pamamagitan ng periscope. Kaagad, lumabas ang sunud-sunod na utos.
“Bawat isa sa kaniyang puwesto!”
“Kaitens huwag lalayo!”
“Mga opereytor sa torpedo!”
Samantalang ang mga opereytor ay sumusugod sa makipot na pasilyo na itinatali ang Sumisikat-na-Araw na mga panali sa ulo, ang mga tripulante ay sumandal sa dingding, sumaludo ng pamamaalam.
Ang mga opereytor ay umakyat sa hagdan patungo sa communication duct (ang daanan patungo sa kinaroroonan ng torpedo mula sa loob ng submarino), umiikot sa isang pasukan, at sumasaludo habang sila’y sumisigaw: “Salamat, sa inyong lahat, sa pangangalaga sa amin. Gagawin namin itong matagumpay!” Yaong mga nakatayo sa ibabaw ay tahimik, ang kanilang mga mukha ay matigas.
“Bawat torpedo ay ihanda para sa paglunsad!” Ang boses ng tagaganap ay umalingawngaw habang inihahatid niya ang utos ng kapitan.
“Mga target: isang malaking panustos na barko at isang destroyer,” sabi ng kapitan. “Torpedo No. 1 ay sira. Kaya ang No. 2 at No. 3 ang paroroon sa mga target. Ang iba’y huwag lalayo.”
“Torpedo No. 2, alis na!”
“Torpedo No. 3, alis na!”
“Thud! Thud!” Ang mga kawad na nakatali sa mga kaiten ay lumuwag at kumalampag sa kubyerta. Ang torpedo No. 2 ay nakawala, at samantalang umaalingawngaw pa ang dagundong nito, sinundan ito ng torpedo No. 3. Ang batang mga mukha ng mga opereytor ay sumagi sa aking isip. Pinagtuunan ko ng pansin ang aking trabaho na pagsubaybay sa mga kaiten sa pamamagitan ng mga hydrophone.
“Panahon na upang tamaan nila ang mga target,” sabi ng isa. Ang mga kaiten ay inilunsad mga 15 minuto pa lamang, subalit para bang ito’y isang oras na o higit pa. “Boo—oom!” tunog ng pagsabog, na sinundan ng isa pa.
“Tinamaan ni Petty Officer Chiba ang target!”
“Tinamaan ni Petty Officer Ono ang target!”
Nangibabaw ang katahimikan. Walang isa man ang nagsalita, ni may umubo man. Ang iba ay daup-palad na nanalangin sa direksiyon ng putok. Nangilid ang mga luha sa mukha ng mga tripulante na walang kibong nakatayo. Isang hindi kapani-paniwalang tahimik na tanawin para sa gayong kahusay na resulta.
Nakatago sa kaniyang personal na mga gamit, nasumpungan namin ang isang tula ng pamamaalam na isinulat ni Petty Officer Ono, ayon sa
kaugaliang Haponés na pag-iiwan ng isang orihinal na tula kung inaasahan ng isa na siya’y mamamatay. Siya’y sumulat: “Kapag namulaklak ang mga punong cherry sa Matandang Hapón, at sumambulat ang mga talulot, sila’y sumasambulat sa ilalim ng dagat.” Siya ay 19.Pagsalakay sa Himpapawid!
Patuloy naming hinanap ang mga kaaway, lumulubog bago sumikat ang araw at pumapaibabaw paglubog ng araw. Pagkatapos ng dalawang linggo ng walang saysay na paghahanap, sinabi ng kapitan na kami’y babalik agad sa Kure. Ang buong tripulante ay natuwa. Samantalang ang submarino ay nakadaóng sa Kure para sa mga kumpuni at upang magdagdag na muli ng panustos, ang mga miyembro ng tripulante ay nagpahinga sa mga bakasyunan doon.
Hunyo 15, 1945 noon. Kami’y nakapugal sa pantalan malapit sa Arsenal ng Hukbong-Dagat samantalang naghahandang umalis patungo sa aming susunod na misyon. Sumilbato ang sirena na nagbababala ng pagsalakay sa himpapawid. Wala nang panahon para maghanda. Isang pakalaki-laking B-29 bomber formation ang bumaba patungo sa arsenal. Tumalon ako mula sa itaas na kubyerta tungo sa pantalan at inalis ko ang pagkakapugal sa unahan. Sinigawan ko si Petty Officer Mohri, na kababalik lamang, na kalagin ang pagkakapugal sa likuran. Ang submarino ay nakaalis mula sa pantalan, at kami’y naiwanan.
Nanganlong kami sa isang kublihang malapit sa pantalan, subalit ito’y punô ng mga manggagawa sa arsenal. Samantalang kami’y nakatayo sa pasukan, isang bomba ang nahulog, at kami’y tumilapon sa labas. Inaakala namin na magiging mapanganib na manatili roon at nagpasiya kaming tumakbo sa isang kuwebang hinukay sa buról sa likod ng arsenal. Naorasan namin ang tatlong-minutong patlang sa pagitan ng mga pagsalakay ng mga tagabomba. Pagkalagpas na pagkalagpas ng isang pangkat ng mga tagabomba, sumugod kami palabas at tumakbo patungo sa buról. Isang bomba ang sumabog sa likuran ko habang paparating ako sa kuweba, at ako’y tumilapon sa loob. Mabuti na lamang, ako’y hindi nasugatan. Si Petty Officer Mohri, na sumunod sa akin, ay hindi ko makita. Karaka-raka pagkatapos ng pagsalakay sa himpapawid, hinanap ko siya samantalang tinutunton ko ang landas pabalik sa pantalan. Ang mga bomba ay nag-iwan ng maraming malalaking butas sa daan. Hinanap ko ang aking kasama sa lahat ng dako subalit hindi ko siya nakita.
Kailanman ay hindi pa ako nakakita ng napakaraming patay at sugatan. Ang kasamaan at kawalang-saysay ng digmaan ay lubhang nakaapekto sa akin higit kailanman. Hindi maaaring umiral ang Diyos o si Buddha, naisip ko. Kung umiiral sila, hinding-hindi nila papayagan ang gayong mga kalupitan.
Pagkasumpong sa Mapagkakatiwalaang Diyos
Dalawang buwan pagkatapos ng pagsalakay sa himpapawid nang matanggap ko ang pagkatalo ng Imperyong Haponés noong araw na iyon ng tag-araw sa Timog Pasipiko. Pagkatapos gawin ang kakatuwang mga trabaho, nagbalik ako sa aking tahanan noong Nobyembre 20, 1945. Pagkaraan ng dalawang araw ako’y nakapagtrabaho sa Japan National Railways. Sa sumunod na 30 taon, ako’y nagtrabaho bilang isang konduktor at opisyal ng istasyon sa maraming lungsod sa isla ng Shikoku. Dahil sa naranasan ko noong panahon ng digmaan, ateistikong mga ideya ang namayani sa aking isip.
Noong 1970, ako’y naatasang magtrabaho sa Istasyon ng Sako, na tatlong oras ang layo sa kalapit na distrito. Sumasakay ng tren papunta at pauwi sa trabaho, ako’y nagbabasa ng mga diyaryo at magasin. Tuwing umaga kapag binubuksan ko ang aking maletin, nasusumpungan ko Ang Bantayan at Gumising! sa ibabaw. Ang aking misis ay bago pa lamang naging isang Saksi ni Jehova at inilagay niya ang mga ito roon. Noon ay nababalisa akong makita ang mga ito at basta ihahagis ko ang mga ito sa lalagyan ng kargada. Nagkikimkim ako ng galit sa relihiyon at malupit na sinalansang ko ang relihiyong Kristiyano ng aking asawa. “Huwag na huwag mong ilalagay na muli ang mga magasin na iyon sa aking maletin,” sigaw ko sa kaniya pag-uwi ko ng bahay. Kinabukasan, naroong muli ang mga magasin.
Isang araw napansin kong kinuha ng isang tao ang mga magasin mula sa salansanan at binasa ang mga ito. ‘Ano ba ang kawili-wili sa mga magasing iyon?’ tanong ko. Pagkatapos makita itong nangyari nang ilang beses, isang araw nagkataong tiningnan ko Ang Bantayan pagkatapos kong basahin
ang diyaryo. Hindi ko maintindihan ang nakasulat dito, subalit nasumpungan kong kawili-wili ang Gumising! Nabasa ito nang minsan, inaakala kong ito’y kakaiba, at mula noon ay binabasa ko na ang dalawang magasing ito. Siyanga pala, hindi ko ito binabasa sa bahay dahil sa paninindigan ko bilang isang mananalansang, subalit unti-unti kong napahalagahan kung bakit ang aking asawa ay nangangaral araw-araw.Mula noong pasimula ng 1975, humina ang aking pisikal na kalagayan, at ako’y nagretiro noong Abril nang taóng iyon. Natuklasan ng mga doktor ang kanser sa aking lalaugan (pharynx). Samantalang ako’y nasa ospital, isang lalaking Saksi ang dumalaw sa akin at niregaluhan ako ng The New World Translation of the Christian Greek Scriptures at ng aklat na Ganito na Lamang ba ang Buhay? Ako’y nababagot, at yamang ang Bibliya ay ibinigay sa akin bilang isang regalo, mayroon na ako ngayong dahilan upang basahin ito nang hayagan.
Nang lumabas ako ng ospital, agad akong dinalaw ng lalaki. Ang unang dalawang pagdalaw ay basta palakaibigang usapan. Pinag-usapan namin ang tungkol sa mga karanasan sa digmaan. Subalit sa ikatlong dalaw, inalok niya ako ng isang pag-aaral sa Bibliya, na tinanggap ko. Pagkatapos mapagtagumpayan ang ateistikong kaisipan na epekto ng naranasan ko sa digmaan, sa wakas ako’y nabautismuhan sa isang pandistritong kombensiyon noong 1980. Mula noon, tinamasa ko ang pribilehiyo ng paglilingkod sa iba, at kamakailan ako’y naatasang maglingkod bilang isang matanda sa aming lokal na kongregasyon.
Tinatanaw ang nakaraan, natanto ko kung bakit natuturuan ng pulitikal at militar na mga lider ang mga binata na walang pag-iimbot na ihandog ang kanilang mga buhay para sa kanilang bayan. Ang makapangyarihang mga puwersa ni Satanas na Diyablo ang nagtutulak sa kanila, gaya ng isinisiwalat ng aking pag-aaral sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sa likuran ng lansakang istirya tungkol sa mga misyon ng pagpapatiwakal, nauunawaan ko ngayon ang sadistikong layon ni Satanas. Inihula ito ng Apocalipsis 12:7-9, 12: “At sumiklab ang digmaan sa langit: si Miguel at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon at ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka ngunit hindi nanganalo, ni nakasumpong pa man ng dako para sa kanila sa langit. Kaya’t inihagis sa ibaba ang dakilang dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na dumaraya sa buong tinatahanang lupa; siya’y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya. Kaya’t mangagalak kayo, kayong mga langit at kayong nagsisitahan diyan! Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.”
Ang isip ko ay malaon nang nabulagan na maniwalang ang mga misyon ng pagpapatiwakal ay isang karangalan, ngunit nakikita ko nang nahahayag ang katotohanan. Nakikita ko na kung sino ang nasa likuran ng aking pagkabulag. Nililiwanag ito ng mga salita ni apostol Pablo sa 2 Corinto 4:3-6: “Kung, ngayon, ang mabuting balitang aming inihahayag ay natatalakbungan pa, ito’y may talukbong sa mga napapahamak, na binulag ng diyos ng sistemang ito ng mga bagay ang mga isip ng mga di-sumasampalataya, upang sa kanila’y huwag sumikat ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos. Sapagkat aming ipinangangaral, hindi ang aming sarili, kundi si Kristo Jesus bilang Panginoon, at kami ay gaya ng inyong mga alipin alang-alang kay Jesus. Sapagkat ang Diyos ang nagsabi: ‘Magningning ang ilaw sa kadiliman,’ at siya’y sumikat sa ating mga puso upang magbigay ng liwanag ng maluwalhating pagkakilala sa Diyos sa pamamagitan ng mukha ni Kristo.”
Ang pagkakilala sa katotohanan at sa tanging buháy at tunay na Diyos ay maihahambing sa kasarapan, oo, sa kasariwaan, ng hangin kapag kami’y pumapaibabaw at binubuksan ang pinto ng submarino. Wala nang makapagpapahalaga sa kasarapan at kasariwaan na gaya namin. Para sa espirituwal na represkong ito, ako’y lubos na nagpapasalamat kay Jehova. At nagpapasalamat din ako sa aking asawa dahil sa kaniyang walang-sawang mga pagsisikap upang ibahagi sa akin ang katotohanan ng Bibliya, hindi nanghihinawa sa loob ng sampung taon hanggang sa wakas ay inialay ko ang aking sarili sa Diyos. Bunga nito, ako ngayon ay nakikibahagi sa ministeryong Kristiyano, isang misyong nagliligtas-buhay para sa tunay na Diyos.—Gaya ng inilahad ni Yoshimi Aono.
[Larawan sa pahina 9]
Si Yoshimo Aono na naghahanda bilang isang miyembro ng suicide attack corps
Taglay ang mga kaiten, mga torpedong tao, na inilululan sa itaas na kubyerta, kami’y nagtungo sa aming misyong pagpapatiwakal na pagsalakay
[Larawan sa pahina 10]
Dahil sa walang-sawang pagsisikap ng aking asawa, ako ngayon ay nakikibahagi sa isang misyong nagliligtas-buhay para sa buháy na Diyos