Lumiliit na Kagubatan, Umiinit na Temperatura
Lumiliit na Kagubatan, Umiinit na Temperatura
TROPIKAL na pagkalbo sa kagubatan. Ang greenhouse effect. Ang dalawang krisis na ito ay kadalasang binabanggit na magkasama. At may mabuting dahilan naman: Ang nauna ang nagiging dahilan ng huling banggit. Habang sinusunog, binubuldoser, at binabaha ng tao ng pakalaki-laking mga rehiyon ng kagubatan upang maging mga rantso, daan, at hydroelectric na mga prinsa, ang kagubatan ay naglalabas ng isang tambak na carbon sa atmospera. Ang carbon dioxide na bunga nito ay isa lamang sa maraming gas na nagpapangyari na mapanatili ng atmospera ang init, dahan-dahang iniinit ang globo.
Ang mga report kamakailan ng United Nations ay nagsisiwalat na ang dalawang krisis na ito ay baka lumala pa kaysa dating inaakala. Halimbawa, mahigit na 300 mga dalubhasa sa klima sa buong daigdig ang naglabas ng isang babala noong Mayo 1990 na ang katamtamang temperatura sa buong daigdig ay tataas ng 2 digris sa susunod na 35 taon at 6 na digris sa pagtatapos ng susunod na siglo kung hindi babaligtarin ng tao ang hilig na ito.
Kakatawanin nito ang pinakamadulang pagbabago sa katamtamang temperatura na nasaksihan ng lupa sa sampung libong taon, sabi ng mga siyentipiko. Habang ang greenhouse effect ay pinagtatalunan ng mga siyentipiko, ganito ang sabi ng The Washington Post: “Ang mga siyentipikong sumulat ng report . . . ay nagsabi na ito ay kumakatawan ng pambihirang kasunduan sa gitna ng daan-daang karaniwang palakontrang mga siyentipiko.”
Samantala, tinataya ng isang report na pinamagatang World Resources 1990-91, na ang daigdig ay 50 porsiyentong mas mabilis na nawawalan ng tropikal na kagubatan nito kaysa ipinakikita ng nakaraang tantiya. Ang pinagsamang bilis ng tropikal na pagkalbo sa kagubatan sa siyam na mga bansa—sa Asia, Aprika, at Timog Amerika—ay mahigit pa sa triple ang isinulong noong 1980’s! Ang pandaigdig na kabuuan, sang-ayon sa report, ay sa pagitan ng 16 at 20 milyong ektarya ng tropikal na kagubatan ang nasisira sa bawat taon.
Ang pagkalbo sa kagubatan ay pinagbabayaran na. Halimbawa, ang International Wildlife ay nagsasabi na ang mga kagubatan ng daigdig ang tirahan ng di-kukulanging 5 milyon at marahil kasindami ng 30 milyong uri ng halaman at hayop—“mas marami pa sa nakatira sa lahat ng iba pang ekosistema ng lupa na pinagsama-sama.” Ang mga uring ito ay talagang mabilis na nalilipol. Napansin na ng ilang nagmamasid sa mga ibon sa hilagaang klima na umuunti ang mga ibon na nandarayuhan sa pana-panahon mula sa tropikal na mga kagubatan.
Sa Madagascar mga 80 porsiyento ng namumulaklak na mga uri ng halaman ang hindi masusumpungan saanman dako sa planeta; isa rito, ang malarosas na periwinkle, ang pinagbabatayan ng ilan sa pinakamahalagang gamot laban sa kanser. Gayunman, mahigit sa kalahati ng kagubatan ng Madagascar ay kalbo na o lipól na.
Tunay ngang “ipinapahamak [ng tao] ang lupa” sa mga huling araw na ito, gaya ng malaon nang inihula ng Bibliya na mangyayari.—Apocalipsis 11:18.
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Abril Imagens/João Ramid