Naiinis Ka bang Tumanggap ng Pagpuna?
Naiinis Ka bang Tumanggap ng Pagpuna?
MAGUGUNITA mo ba kung kailan ang huling panahon na ikaw ay pinuna? Ito ay nangyayari sa lahat sa pana-panahon sa iba’t ibang kadahilanan.
Marahil pinuna ka ng isa upang itaas ang kaniyang sarili. Gayunman, kadalasan, ang pagpuna ay nanggagaling sa isang tao na nasa puso ang iyong kapakanan: Napansin ng iyong mister ang isang pagkakamali sa iyong pagluluto; sinabi ng iyong misis na ang iyong kurbata ay hindi katerno ng iyong amerikana; pinuna ka ng isang kaibigan dahil sa hindi mo pinangangalagaan ang iyong kalusugan. O ang pagpuna ay maaaring isang disiplina, gaya ng pagpuna mula sa isang amo o sa isang magulang (kung ikaw ay minor de edad), upang ituwid ang iyong sinabi o ginawa.
Anuman ang kalagayan, tinanggap mo ba ang pagpuna? O ikaw ba’y nainis, marahil ay sinabi mo pa nga sa kaniya na huwag siyang makialam?
Sa marami, ang pagtanggap ng pagpuna ay isang masakit na karanasan. Sila’y nagagalit, naghihinanakit. Ang iba naman ay nawawalan ng tiwala, at naghihinuha na ‘Wala akong magawang tama’ at nanlulumo.
Kabilang ka ba sa mga naiinis mapuna? Hindi ka naiiba; ganiyan din ang nadarama ng marami. Matututuhan mo kayang tanggapin ang pagpuna nang hindi gaanong nasasaktan, nang hindi labis-labis
ang reaksiyon? Tatalakayin ng artikulong ito ang anim na paraan na maaaring gawin upang mas maluwag sa loob na matanggap ang pagpuna. Maaaring makatulong ito sa iyo na alisin, sa paano man ay bawasan, ang kirot ng pagpuna.1. Tanggapin ang Pagpuna
Kakatuwa ba sa iyo na nais ng ibang tao ang pagpuna, hinahangad pa nga ito? Ganito ang sabi ng magasing Bits and Pieces: “Nalalaman ng matatalinong lider . . . na sila’y magkakamali sa ilang panahon. Iyan ang dahilan kung bakit nais nila ang magkasalungat na pangmalas na ito—upang bawasan ang mga pagkakamali bago pa ito magawa, at iwasto agad hangga’t maaari ang nakaraang mga kamalian.”
Kung paanong nakikita ng iba ang mga bahagi ng ating hitsura na hindi natin nakikita—isang nakapihit na kuwelyo, isang baluktot na kurbata—nakikita nila ang mga aspekto ng ating personalidad na hindi natin nakikita. Malasin ang kanilang mga obserbasyon na nakatutulong sa halip na nakapipinsala. Tanggapin ang kanilang pagpuna bilang isang pagkakataon upang matuto ng isang bagay. Gawin itong isang nakapagpapatibay na karanasan.
2. Pigilin ang Iyong Pinakamahigpit na Kritiko
Ikaw ba’y lubhang mapamintas sa iyong sarili? Malungkot na pinakaiisip mo ba ang iyong mga pagkukulang? O kung may nagsabi sa iyo ng isang kapintasan, idinaragdag mo ba ito sa mahabang listahan ng walang kaugnayang mga kahinaan sa iyong isipan?
Ganito ang sabi ni Dr. Harold Bloomfield: “Kung tayo’y sinasalot na ng pagpuna-sa-sarili, tayo’y lalo pang mababalisa kapag tumanggap tayo ng pagpuna sa iba. Kahit na kung pinupuri tayo ng iba at may isang maliit na bagay lamang na pupunahin, karaniwan nang binibigyan natin ng higit na pansin ang kawalang kakayahan kaysa mga bagay na nagawa natin nang mahusay.”
Maging makatuwiran kapag tinatasa ang sarili. Paano mo matitiyak kung ano ang makatuwiran? Isip-isipin mo na isang matalik na kaibigan ang tumatanggap ng katulad na pagpuna. Anong reaksiyon ang nanaisin mo mula sa kaniya? Pagkahabag-sa-sarili? Galit? Palalong pagtanggi sa mabuting payo? Hindi, malamang na aasahan mong siya’y makikinig sa pagpuna na bahagyang masasaktan ang damdamin, matapat mo itong suriin, at gamitin ito sa pagpapasulong ng sarili.
Kung gayon, bakit hindi pakitunguhan ang iyong sarili sa gayunding paraan?
3. Tanungin ang mga Detalye
“Hindi ko naiibigan ang iyong saloobin!” Nais mo bang may magsabi sa iyo niyan? Hindi, ang mga pangungusap na gaya niyan ay nakasasakit, hindi ba?
Ang iyong pinakamabuting paglapit dito ay magtanong ng higit pang mga detalye. Sa kaniyang aklat na Conversationally Speaking, ganito ang paliwanag ni Alan Garner: “Ang pagpuna ay karaniwang ibinibigay sa pangkalahatan . . . Ang paghiling ng mga detalye ay magpapangyari sa iyo na malaman kung ano talaga ang tutol ng isang iyon. . . . Tulad ng isang reporter, ang ginagawa mo ay basta nagtatanong ka upang malaman kung sino, ano, kailan, saan, bakit, at papaano.”
Halimbawa, sa nabanggit kanina, maaari kang tumugon: ‘Anong partikular na saloobin ang nasa isip mo?’ Kung hindi pa rin siya espisipiko, maaari mo ring itanong: ‘Nakaiinis ba ito sa iyo? Mabibigyan mo ba ako ng halimbawa kung kailan ko ginawa ito?’ Inuudyukan ng iyong pagnanais na makipag-usap sa halip na hamunin, ang mga tanong na gaya nito ay maaaring makatulong sa iyong kritiko at sa iyo na ituon ang pansin sa mga detalye. Maaaring isiwalat nito kung baga ang pagpuna ay nararapat o ito ba’y isang labis na reaksiyon. At binibigyan ka nito ng kaunting panahon upang pag-isipan ang bagay na ito.
4. Pahinahunin ang Iyong Kritiko
Ano kung ang isang pumupuna sa iyo ay balisa? Si Dr. David Burns ay nagrerekomenda: “Tama man o mali ang iyong kritiko, humanap ka ng paraan na sasang-ayon ka sa kaniya.” Paano ito magiging sa iyong pakinabang? Para bang inaalisan nito ng armas ang iyong kritiko, pinahihinahon siya, at ginagawa siyang mas bukás sa pakikipag-usap.
Sa kabilang dako, kung agad-agad kang magiging depensibo—na siyang nangyayari kapag ang paratang laban sa iyo ay hindi makatuwiran—parang ginagatungan mo pa ang iyong kritiko. Gaya ng binabanggit ni Dr. Burns: “Masusumpungan mo na ang pagsalakay ng iyong kalaban ay tumitindi!” Kung gayon, ang iyong pinakamabuting kilos ay humanap ng ilang puntong mapagkakasunduan
bago talakayin ang anumang bagay na magkasalungat.5. Ituon ang Pansin sa Nilalaman, Hindi sa Pagkakasabi
Isang ina ang tumanggap ng reklamo tungkol sa ugali ng kaniyang anak na lalaki sa kanilang lugar. Ang reklamo ay masakit ang pagkakasabi at sa espiritu ng pakikipagkompitensiya. Maaari sanang hindi pansinin ng ina ang sinabi ng kapitbahay na hindi makatuwiran o hindi totoo, at talaga namang natutukso siyang gawin iyon.
Sa halip, pagkatapos matiyak na may katotohanan sa pagpuna, sinabi niya sa kaniyang anak na lalaki: “Sa tuwina’y hindi ang ating mga paborito ang nagsasabi ng ating mga pagkakamali, gayunman tayo’y nakikinabang dito. Gamitin natin ito bilang isang pagkakataon para sumulong.”
Mayroon bang mahigpit na nangaral sa iyo? Marahil ang taong iyon ay may problema sa pagiging walang pakiramdam o nagseselos pa nga. Baka ikaw o ang iba ay may pagkakataon na tulungan siya tungkol dito sa isang angkop na panahon. Subalit huwag tanggihan ang kaniyang obserbasyon dahil lamang sa nakasasakit ang pagkakasabi niya rito. Ituon ang pansin sa nilalaman ng pagpuna. Totoo ba ito? Kung totoo, huwag mong ipagkait sa iyong sarili ang pagkakataong ito upang sumulong.
6. Bawasan ang Kasidhian
Ito’y maaaring makagulat sa iyo, subalit magagawa mong kontrolin ang dalas at kasidhian ng pagtanggap mo ng pagpuna. Ang simulaing ito ay totoo lalo na kung tungkol sa nagtutuwid na pagpuna mula sa mga taong nasa autoridad. Papaano?
Noon, ang halamang itim na cumino ay popular sa Palestina. Subalit di-gaya ng ibang halaman, hindi ito ginigiik ng malalaking gulong o ng mga gulong ng giikan. Bagkus, ito ay ginigiik sa pamamagitan ng tungkod o pamalo. Bakit ang natatangi, mas malumanay na pagtrato? Sapagkat ang maliliit, malambot na mga binhi ay hindi nangangailangan ng mabibigat na paggiik at, sa katunayan, sisirain ito nito.
Ginagamit ng aklat ng Bibliya na Isaias ang halamang itim na cumino upang ilarawan ang iba’t ibang antas ng disiplina. Kapag ang isang tao ay tumugon sa mas malumanay na anyo ng pagtutuwid, hindi na niya kakailanganin ang mas mahigpit na disiplina sa bagay na iyon.—Isaias 28:26, 27.
Kaya maaari mong iwasan ang mahigpit na pagtutuwid sa pamamagitan ng pagtugon agad sa pagpuna sa mas malumanay na anyo. Bilang halimbawa, napapansin mo ba na ikaw ay madalas mahuli sa trabaho? Ituwid mo ngayon ang ugaling iyan, bago ka kausapin ng iyong amo tungkol dito. Naitawag-pansin na ba niya ito sa iyo? Tumugon agad sa pagiging nasa oras, bago pa siya gumawa ng mas mahigpit na hakbang.
Makakayanan Mo Ito
Ang pagtanggap ng pagpuna ay maaaring makasakit. Maaaring naisin mong huwag kang pakialaman ng iba, tigilan na nila ang paghatol sa iyo, tigilan na nila ang paggawa ng ‘nakatutulong na mga mungkahi.’
Subalit ang pagnanais at pagtanggi ay hindi pipigil sa mga pagpuna. Ang pagiging mapunahin ay bahagi ng kalikasan ng tao ngayon. Isa pa, hindi mo masusupil ang taktika ng iba kapag sila’y nagbibigay ng hindi hinihiling na payo.
Sa halip na mayamot, samantalahin mo kung ano ang maaari mong supilin: ang iyong pagtugon. Gamitin mo ang ilan sa mga mungkahi sa itaas upang makayanan mo ang pagpuna at nang huwag kang masaktan. Magagalak ka na gayon ang ginawa mo.
Pagbibigay ng Pagpuna
Kung ikaw ay sensitibo sa pagtanggap ng pagpuna, maaaring nahihirapan ka ring magbigay ng pagpuna. Narito ang ilang alituntuning dapat tandaan kapag nagbibigay ng pagpuna:
Gumamit ng kaunting salita. Ang maling pagsisikap upang huwag makasakit sa damdamin ng isang pinupuna ay kadalasang nanggagaling sa labis-labis na salita, na maaaring maghatid ng isang malabong mensahe.
Iwasan ang pagpuna sa bawat maliliit na pagkakamali na napapansin mo sa isang tao. Ito’y nakaiinis, at sa kalaunan aakalain ng mga tao na ang iyong mga palagay ay hindi mahalaga. Maaari pa nga nilang iwasan ka. Ang lahat ay di-sakdal at may pagkakamali. Hindi nila maaaring ituwid ang mga ito sa isang panahon. Kung ang kapintasang iyong napansin ay hindi naman grabe, palampasin mo na lang ito. Gaya ng binabanggit ng Bibliya: “Ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.”—1 Pedro 4:8.