Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Nalalaman Mo Tungkol sa Temperatura?

Ano ang Nalalaman Mo Tungkol sa Temperatura?

Ano ang Nalalaman Mo Tungkol sa Temperatura?

ANO pa ang higit na nakagiginhawa sa isang malamig na araw kundi ang maligo sa mainit na tubig? Ngunit kung ang tubig ay napakainit o napakalamig, maaaring hindi ka komportable at gumugol ka ng kaunting panahon hangga’t maaari sa pagpaligo. Ano ang gumagawa sa paliligo na isang kanais-nais na karanasan sa halip na isang sindak? Mangyari pa, ang temperatura ng tubig.

Ang temperatura ng hangin sa labas ay isa ring pang-araw-araw na pagkabalisa. Ang pag-alam sa temperatura ay tumutulong sa atin na magpasiya kung paano mananamit at kung paano ipaplano ang ating araw. Yamang ang kaalaman tungkol sa temperatura ay mahalaga, karaniwang ipinakikita ito ng mga gusaling pampubliko kasama ng oras.

Gayunman, depende kung saan ka nakatira, ang bilang na nakadispley ay maaaring magpabanaag ng lubhang kakaibang mga kalagayan. Halimbawa, bakit ang 40 digris na temperatura sa Estados Unidos ay nangangailangan ng pagsusuot ng isang pangginaw, samantalang ang 40-digris na temperatura sa Europa ay mangangailangan ng hangga’t maaari’y manipis na pananamit?

Sukatan ng Temperatura

Simple lang, kung saan ginagamit ang sukatang Fahrenheit, gaya sa Estados Unidos, ang 40 digris ay malamig, hindi malayo sa temperatura na nagyeyelo ang tubig. Subalit sa Europa, kung saan ang sukatang Celsius ang karaniwang ginagamit, ang 40 digris na temperatura ay napakainit. Sa artikulong ito tatalakayin namin ang dalawang sukatang ito na ginagamit ng madla sa pangkalahatan. Saan nagmula ang mga sukatan ng temperatura na Fahrenheit at Celsius?

Noong 1714 si Gabriel Daniel Fahrenheit, isang Alemang physicist, ay gumamit ng isang termometrong merkuryo upang gumawa ng isang sukatan ng temperatura. Nagtakda siya ng tatlong temperatura. Nais niyang ang temperaturang sero sa kaniyang sukatan na maging mababa hangga’t maaari. Kaya pinaghalo niya ang yelo, tubig, at isang uri ng asin, at ang temperatura ng halo ay bumaba sa pinakamababang temperaturang makukuha niya noon. Ang temperaturang iyon ay naging 0 digris sa kaniyang sukatan. Pagkatapos niyan, pinili ni Fahrenheit ang temperatura ng isang malusog na katawan ng tao bilang ang mas mataas na temperatura sa kaniyang sukatan. Inilagay niya ang temperaturang ito sa 96 digris. (Gayunman, mula noon ang temperatura ng katawan ng malusog na tao ay nasumpungang halos 2 1/2 digris na mas mataas kaysa itinakda niya.) Upang makuha ang ikatlong itinakdang temperatura, sinukat niya ang temperatura ng nagyeyelong tubig at nasumpungang ito’y 32 digris. Nang maglaon, ang sukatan ay ikinapit sa temperatura ng kumukulong tubig. Ang temperatura ay 212 digris sa antas ng dagat, na nang maglao’y iminungkahi ni Fahrenheit bilang ang mas mataas na temperatura sa kaniyang bagong sukatan.

Isang kapanahon ni Gabriel Fahrenheit ay si Anders Celsius, isang astronomong taga-Sweden, na nabuhay mula 1701 hanggang 1744. Noong 1742 si Celsius ay gumawa ng isang sukatan ng temperatura na ipinakikilala rin sa pangalan ng imbentor nito. Ang sukatan ay batay sa dalawang itinakdang temperatura: 0 digris ang temperatura ng nagyeyelong tubig, at 100 digris ang temperatura ng kumukulong tubig sa antas ng dagat. Yamang hinahati ni Celsius ang kaniyang termometro sa 100 pare-parehong sukat, kilala rin ito bilang ang centigrade na sukatan ng temperatura. Ang sukatang Celsius ay ginagamit saanmang lugar na gumagamit ng metric na sukatan.

Yamang kapuwa ang sukatang Fahrenheit at Celsius ay karaniwang gamit ngayon, kadalasang kinakailangang ikumberte mo ang isa tungo sa isa. Paano ginagawa ito? Bueno, pansinin ang kaibhan sa pagitan ng temperatura ng kumukulong tubig at ng nagyeyelong tubig sa sukatang Fahrenheit ay 180 digris (212 digris bawasan ng 32 digris). Subalit sa sukatang Celsius, ito ay 100 digris. Kaya nga, ang katumbasan sa pagitan ng dalawang sukatan ay 180/100, o 9/5.

Kaya, upang baguhin mula sa Fahrenheit tungo sa Celsius, una muna’y bawasin ang 32 sa Fahrenheit na temperatura. Pagkatapos ang natira ay paramihin ng 5/9. Halimbawa, sabihin nating ang temperatura sa Fahrenheit ay mainit na 104 digris. Upang maging temperatura sa Celsius, ibawas ang 32 sa 104, na ang sagot ay 72. Saka paramihin ang 72 sa 5/9. Ang resulta ay 40, sa temperaturang Celsius. Tunay, napakaalinsangan nga ng 40 digris Celsius!

Sa kabilang dako naman, upang baguhin ang Celsius tungo sa Fahrenheit, kailangan mong paramihin ang digris sa Celsius ng 9/5 at pagkatapos ay idagdag ang 32. Kaya, halimbawa, ang temperatura ay 20 digris Celsius. Ano ang katumbas niyan sa sukatang Fahrenheit? Pinararami ang 20 ng 9/5, makukuha mo ang 36. Sa pagdaragdag ng 32 sa 36, mararating mo ang temperatura sa Fahrenheit na 68 digris.

Ano ba ang Temperatura?

Ang temperatura ang sukat ng init o lamig. Subalit ano ang gumagawa sa isang bagay na mainit o malamig? Kung masisilip mo ang molekular at atomikong kayarian ng mga bagay habang ito’y umiinit, makikita mo ang iba’t ibang pagbabagong nagaganap. Isaalang-alang ang isang kalderong tubig samantalang ito’y iniinit sa isang kalan.

Ang mga molekula ng tubig ay pabilis nang pabilis na kumikilos. Di-nagtatagal ang tubig ay kumukulo. Ito’y nangyayari kapag ang mga molekula ng tubig ay kumikilos nang napakabilis anupa’t ang mga ito’y nagtatalbugan sa isa’t isa at ayaw nang magsama-sama sa anyong likido. Ang tubig sa katunayan ay nagsisimulang magbago tungo sa isang gas, na nakikita natin bilang singaw.

Ang mga bula ng gas ay una munang nag-aanyo sa ilalim ng kaldero, yamang ang temperatura roon ang pinakamainit. Bagaman ang init ay patuloy na umiinit sa panahong ito ng pagbabago ng tubig tungo sa singaw, ang temperatura ay hindi nagbabago. Ito’y dahilan sa inaalis nito ang enerhiya upang mapalaya ang mga molekula mula sa likidong katayuan at gawin itong gas. Itinutustos ng karagdagang init ang enerhiyang iyan. Kaya sa halip na uminit pa ang tubig, pinangyayari lamang nito ang mga molekula ng tubig na maging gas.

Ang mga molekula ng tubig sa anyong gas ay pabilis nang pabilis na kumikilos, yumayanig at nagpapalit ng posisyon habang umiinit ang temperatura. Kung ang temperatura ng singaw ay itinaas nang napakataas, halimbawa’y sampu-sampu o daan-daang milyong digris, kahit na ang mga electrons ay mawawalan ng mga atomo. Sa gayong maiinit na temperatura, ang nuclei, ang maliliit na ubod sa gitna ng mga atomo, ay matinding tatama sa isa’t isa anupa’t magkakaroon ng nuklear na mga reaksiyon. Sa katunayan, ito ang ideya sa likuran ng paggamit ng nuklear na pagsasama upang lumikha ng lakas o kuryente.

Mga Abot ng Temperatura

Ayon sa nalalaman, ang temperatura ay walang takdang init. Sa kabilang dako, ito ay waring may takdang lamig. Ang absolute zero ay itinakda sa -459.67 digris Fahrenheit, o -273.15 digris Celsius. Ito ang temperatura kung saan ang mga molekula at mga atomo ng isang bagay ay may pinakakaunting enerhiya.

Ang ibabaw ng planetang Pluto ay may tinatayang temperatura na halos -350 digris Fahrenheit, o -210 digris Celsius. Noong 1965 nalaman ng mga astronomo na ang kaitiman sa panlabas na kalawakan ay may temperatura na halos -455 digris Fahrenheit, o -270 digris Celsius, 3 digris lamang na mataas sa absolute zero sa sukatang Celsius. Sa kabilang panig naman, ang gitna ng araw ay pinaniniwalaang halos 15 milyong digris Celsius. Subalit ang mga bituin ay mas malaki kaysa araw​—at may mga bituin na libu-libong beses na mas malaki kaysa araw​—marahil ay mayroon mas mainit na temperatura.

Kumusta naman ang mga abot na temperatura dito sa lupa? Ito’y pabagu-bago sa maliliit na agwat. Sa Antartica ang temperatura na -128.6 digris Fahrenheit, o -89.2 digris Celsius, ay nasukat noong Hulyo 21, 1983. At isang pinakamataas na rekord ng temperatura ng 136 digris Fahrenheit, o 58 digris Celsius, ay naitala sa El Azizia, Tripolitania, sa gawing hilaga ng Aprika noong Setyembre 13, 1922. Subalit ang karamihan ng mga tao ay hindi nakaranas ng mga temperatura na halos kasintindi ng mga sukdulang temperaturang iyon. Makapagpapasalamat tayo sa ating Maylikha, sa Diyos na Jehova, na ang abot ng temperatura sa lupa ay nananatili sa maliit na agwat. Bunga nito, ang buhay sa lupa ay maaaring tamasahin.

[Dayagram sa pahina 13]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Fahrenheit Celsius

212 100 Ang tubig ay kumukulo sa antas ng dagat

sa presyon ng atmospera

98.6 37 Normal na temperatura ng katawan

32 0 Ang tubig ay nagyeyelo

-40 -40 Ang temperatura kapag ang digris sa Celsius

ay katulad ng digris sa Fahrenheit

-460 -273 Absolute zero