Komunikasyon ng Doktor-Pasyente—Isang Susi sa Tagumpay
Komunikasyon ng Doktor-Pasyente—Isang Susi sa Tagumpay
NOONG maagang mga taon ng 1980, maliwanag na ang may tibay-loob na pangunguna ay kailangang isagawa upang magtatag ng mas mabuting komunikasyon sa pagitan ng mga Saksi ni Jehova at ng medikal na pamayanan. Kaya ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay nag-awtorisa ng isang programa upang gumawa ng isang mabuting ugnayan sa mga doktor at mga ospital.
Dinalaw ng mga kinatawan mula sa pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi sa New York City ang maraming malalaking ospital sa lungsod na iyon. Ito’y lubhang pinahahalagahan ng mga tauhan ng ospital, at ito’y naglagay ng saligan para sa pagtutulungan, sa halip ng alitan. Pagkatapos noon ang mga kinatawang ito ay nagdaos ng mga seminar sa malalaking lungsod sa palibot ng bansa. Bilang bahagi ng mga seminar na ito, isinama nila ang mga ministro ng mga Saksi ni Jehova roon para sa mga miting sa mga medical center sa lugar na iyon, sa gayo’y sinasanay ang mga ministrong ito na ipagpatuloy ang programa. Nang sila’y nasa Chicago, Illinois, E.U.A., sila’y nakipagkita sa editor ng Journal of the American Medical Association. Ito’y nagbunga ng isang paanyaya na sumulat ng isang artikulo sa kung paanong ang mga doktor ay maaaring makipagtulungan sa mga Saksi ni Jehova. a
Nang maglaon, mga pagsasanay at nasusulat na mga tagubilin ay inilaan sa pinalawak na saligan upang ang mga Saksi sa ibang bansa ay makapagpasimula rin ng katulad na mga programa. b Halimbawa, pagkatapos maidaos ang isang seminar sa Canada, ang Hospital Liaison Committees (nang maglao’y tinawag doon na Medical Liaison Committees) ay binuo at sinanay. Ang bawat komite ay binubuo ng hinirang na matatandang Kristiyano na handa at kayang makipag-usap sa mga doktor, social workers, at sa mga tauhan ng ospital.
Gumawa ng mga appointment sa ilang panlalawigang mga minister ng kalusugan, sa mga direktor ng mga samahan sa medisina at sa mga ospital, at sa iba pang maimpluwensiya sa larangan ng pangangalaga sa kalusugan. Ang mga miting na ito ay nakatulong upang maging higit na sensitibo ang medikal na pamayanan sa mga problema ng mga Saksi ni Jehova. Sa gayon isang matibay na pundasyon ang nailagay para sa talakayan sa hinaharap.
Isang Handang Pinagmumulan ng Tulong
Malaon nang pinahahalagahan na ang tumpak na impormasyon ay isang malaking tulong upang mawala ang potensiyal na mga komprontasyon sa pagitan ng taimtim ng mga Kristiyano at ng mga manggagamot na umaasa sa paggagamot na gumagamit ng dugo. Noong maagang 1960’s sa punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, isang talaan ng nakikipagtulungang mga doktor sa medisina ay tinipon. Ito ang mga manggagamot na naging pamilyar na sa medikal na mga kahalili sa pagsasalin ng dugo. Sa dakong huli, kung isang lokal na doktor o ospital ay asiwa sa paghawak sa kaso, maaaring kunin ng isang komite ang mga pangalan ng iba pang manggagamot. Sa gayon ang pasyente ay maaaring ilipat sa ibang pangkat ng mga doktor.
Ang isa pang mapagpipilian ay na maaaring isaayos ng Hospital Liaison Committees ang pagsangguni
sa pamamagitan ng telepono sa pagitan ng lokal na seruhano at ng kaniyang may karanasang mga kasamahan. Kung minsan ang uring ito ng kagyat na komunikasyon ay nagpangyari sa mga doktor na baguhin ang kanilang paggamot, nang walang di-kinakailangang panganib sa pasyente. Kaya, sa paglilingkod bilang isang liaison o tagapag-ugnay sa pagitan ng pasyente at ng doktor, ang mga komite ay naging mga dalubhasa sa pagpawi ng kabalisahan kapuwa ng pasyente at ng doktor kapag waring kinakailangan ang dugo.Patotoo na Ito’y Umuubra
Si Sonya ay isang matalinong 13-anyos nang, maaga noong 1989, nalaman niya na siya ay may tumor sa ilalim ng isang mata na maaaring mauwi sa kanser. Ipinakita ng seruhano kay Sonya at sa kaniyang mga magulang ang kaselangan ng kinakailangang operasyon. Yamang ang tumor ay mabilis na lumalaki, ang operasyon ay hindi kailangang iantala. Susunod ay kakailanganin ang chemotheraphy, at sinabi ng doktor sa kaniyang mga magulang na bigyan siya ng pahintulot para sa pagsasalin ng dugo. Subalit ang pamilya ay hindi maaaring magbigay ng pahintulot dahil sa kanilang relihiyosong paniniwala. Ang may kakayahang seruhano na gumagamot kay Sonya ay handang alisin ang tumor na maaaring mauwi sa kanser, nagtitiwalang magagawa niya ito nang walang pagsasalin ng dugo. Gayunman, dahil sa patakaran ng ospital, walang makuhang anestisiyologo ang seruhano na tutulong sa kaniya.
Si Jonathan ang pinakamatandang anak na lalaki ni Michael at Valerie. Noong dakong huli ng 1989, nang si Jonathan ay 16 anyos, ipinagbigay-alam sa kanila ng mga doktor na si Jonathan ay may napakalaking bukol sa kaniyang lapay. Ang mga doktor ay nag-aalala tungkol sa pag-opera nang hindi gumagamit ng dugo, subalit buong tapang na ginawa nila ito, iginagalang ang relihiyosong paniniwala ng pamilya. Noong panahon ng paggaling, nagkaroon ng malubhang mga komplikasyon. Ang presyon ng dugo ni Jonathan ay lubhang bumaba, at bumaba ang kaniyang blood count. Sa ikalawang operasyon, maraming dugo ang nawala sa kaniya, ang kaniyang hemoglobin ay bumaba sa 5.5, na halos ay sangkatlo ng normal na antas. Ang internist ay nagsabi: “Ang kalagayan ng inyong anak ay lumalala. Napakahirap nito. Kung hindi siya sasalinan ng dugo, maaari siyang mamatay!” Ano ang dapat gawin?
Ang mga liaison committee ay nagbigay ng mahalagang tulong sa kapuwa ng kasong ito sa Canada. Tiniyak ng isang komite sa pamilya ni Sonya na kung kinakailangan, maisasaayos nila na siya ay ilipat sa isang medical center sa ibang bansa. Ngunit may magagawa ba upang ang babaing seruhano na pamilyar na sa kaniyang kalagayan ay makapagpatuloy? Sa katunayan, ang seruhanong ito ay napalapit na kay Sonya anupat siya’y nag-alok na maging bahagi ng pangkat ng mga seruhano saanman isagawa ang operasyon. Gayunman, hindi na kinakailangan ng paglipat. Nahikayat ng mga miyembro ng komite ang medikal na mga tauhan doon na makipagtulungan sa seruhano. Sang-ayon sa doktor na iyon, pagkatapos ng walo-at-kalahating-oras na operasyon, ang unang mga salita ni Sonya ay ang balisang pagtatanong kung baga siya ay sinalinan ng dugo. Anong ligaya ni Sonya na malaman na ang sagot ay hindi!
Sa kaso ni Jonathan, nang ang kaniyang blood count ay bumaba sa 5.5 pagkatapos ng dalawang operasyon, ang mga doktor ay kumbinsido na kailangan ang isang pagsasalin ng dugo upang iligtas ang kaniyang buhay, at handa na silang kumuha ng court order upang sapilitang salinan siya ng dugo. Subalit ang matibay na pananampalataya at ang personal na pagtanggi ni Jonathan sa paggamit ng dugo ay nagpabagal sa mga bagay. Si Jonathan ay nag-uulat: “Hinawakan ko sa kuwelyo si Dr.— at tinitigan ko siya sa mata at sabi ko, ‘Walang dugo o mga produkto ng dugo, PAKISUYO!’ ” Ang komite ng mga sanay na kapatid ay tumulong upang isaayos na si Jonathan ay ilipat sakay ng eruplano sa isang mas malaking ospital. Pagdating niya, isang miyembro ng komite ang nasa ospital na at nakipag-usap na sa aasisting mga manggagamot. Kinabukasan ang hemoglobin ni Jonathan ay tumatag. Ang kaniyang blood count ay patuloy na bumuti, at siya ay lumabas sa ospital 15 araw pagkaraan ng unang operasyon.
Maliwanag, palibhasa’y parami nang paraming mga tauhan ng medisina at mga social worker ang handang makipagtulungan sa mga Hospital Liaison Committees ng mga Saksi ni Jehova, maaasahan ang patuloy na tagumpay.
[Mga talababa]
a Muling inilimbag sa mga pahina 27-9 ng Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Mayroon na ngayong 100 Hospital Liaison Committees sa Estados Unidos, 31 sa Canada, 67 sa Pransiya, at karagdagan pa sa ibang bansa sa palibot ng globo.