Filipos—Lugar ng mga Bukál
Filipos—Lugar ng mga Bukál
KAMI’Y humahapaw sa ibabaw lamang ng alon sa Aegean sa aming paglapit sa Tesalonica. Walang anu-ano, ang daanan sa paliparan ay bumungad sa unahan namin sa gilid ng tubig at nasa ilalim namin—napakalapit sa eruplano anupa’t ang akala ng misis ko kami’y nasa lupa na. “Iyan ang pinakamagandang paglapag na naranasan natin!” sabi niya. Pagkatapos, ang mga gulong ng eruplano ay lumapag.
Macedonia, Gresya! Naisip ko ang daigdig ni Alejandrong Dakila at saka ang digmaan sa Kapatagan ng Filipos na nagpasiya sa kinabukasan ng Roma. At nag-isip ako kung gaano ang naging impluwensiya nito sa buhay at ministeryo ng Kristiyanong si apostol Pablo. Bilang “isang apostol sa mga bansa,” ipinakilala ni Pablo ang Kristiyanismo sa Europa at sa Filipos. (Roma 11:13) May makikita kaya kami roon na magbibigay-liwanag sa amin? O ang kasaysayan kaya ay nagdaan sa kapatagan nang hindi nag-iiwan ng anumang bakas?
Dalawang oras sa hilaga ng Tesalonica, ang aming bus ay paliku-liko sa kahabaan ng daan sa bundok saGawa 16:11.
itaas ng daungan ng Kaválla. Bagaman ang Kaválla ay pangunahin nang kilala sa pagluluwas ng tabako, ang mga mangingisdang naghahayuma ng lambat sa pantalan ay lumikha ng tanawin na naguguniguni naming nakita ni Pablo nang ang Kaválla ay tinatawag na Neapolis.—Bagaman si Pablo ay hindi nanatili sa Neapolis, mga ilang metro sa ibaba namin ay nakikita namin ang matarik na daang nilakbay niya. Pagkatapos kami ay nasa makipot, may mga punungkahoy na daanan at nakita namin ang aming unang sulyap sa kung ano ang dating bayan ng Filipos. Nakikita namin ang malaking bato na nagtatanda sa tanawin, halos kalagitnaan patungo sa libis.
Pinagmamasdan namin sa ibaba ang mga bukid ng gumugulang na tabako. Si Pablo ay nagmamasid sa mga latian, at sa mga unang maninirahan sa masukal na gubat. Malamang na ang apostol ay huminto sa pana-panahon upang magpahinga sa kaniyang pag-akyat. Gayunman, malamang na nagmadali siya, marahil nasasabik na gaya namin.
Mga Bukál ng Tubig
Ang Filipos ay umiiral na bago pa dumating si Felipe II noong 356 B.C.E. upang hawanin ang kagubatan, palakihin ang bayan, at ipangalan ito sa kaniya. Limang taon na maaga, ang mga maninirahan mula sa Thásos ay dumating upang magtrabaho sa mayamang mga mina ng Asyla at Bundok Pangaeus. Tinawag nila ang kanilang nayon na Crenides, ‘lugar ng maliliit na bukál.’ Bakit? Dahil sa mga bukál ng tubig sa lahat ng dako, ginagawa ang libis na latian.
Kailan lamang na ang lupa ay matagumpay na naalisan ng tubig. Subalit naroon pa rin ang mga bukál, at dumadaloy pa rin ang mga sapa. Sa isang lugar, ang dating Romanong daan ay bumabagtas sa Ilog Gangites. Ang ilog ay mahalaga kay Pablo, at nais naming makita ito.
Mga Bukál ng Mahahalagang Metal
Pinagtibay ni Felipe ang Crenides upang iligtas ang mga minerong Thasiano na pinagbabantaan ng Thrace. Gusto niya ang Crenides bilang isang militar na himpilan. Ngunit higit sa lahat, kailangan niya ng ginto upang tustusan ang kaniyang ambisyosong mga plano sa digmaan. Pinayaman ng mga minahan ng ginto si Felipe at si Alejandrong Dakila ng mahigit na isang libong talento isang taon. Nang maubos na ang ginto, ang Filipos ay nakalimutan na.
Mga Bukál ng Dugo
Mahigit na isang siglo ang lumipas. Ang Gresya ay nagbigay-daan sa kapangyarihan ng Roma. Hiniling ng Imperyo ng Roma ang mga lansangan, at ang Via Egnatia ay itinayo sa ibayo ng Macedonia. Labing-apat na kilometro mula sa baybayin, binabagtas nito sa gitna ang Filipos, ginigising ito ng komersiyal at militar na kalakalan.
Ang Filipos ay naging estratihiko. Noong 42 B.C.E., maraming dugo ang nabubô roon sa dalawang mahigpit na digmaan sa pagitan ng Roma at ng mga umaagaw sa pangangasiwa ng imperyo. Subalit nabigo ang Republikanong sabwatan at nailigtas ang Imperyong Cesareano. Bilang isang alaala, ginawa ng matagumpay na si Octavian ang Filipos na isang kolonya ng Roma.—Gawa 16:12.
Mga Bukál ng Buhay
Walang nakatira sa Filipos ngayon. Isa lamang itong lugar ng arkeolohiya. Habang kami’y namamasyal sa kahabaan ng Via Egnatia, sinuri namin ang mga bilog na tatak sa simento. Nilibot namin ang pamilihan at tiningnan namin ang 50-upuang palikurang bayan. Sa aklatan, walang libro, kung paanong walang mga mambubuno sa gym (sa aktuwal ay isang palaestra, o paaralan sa pagbubuno). Nakita namin ang mga labí ng mga templong Romano, mga puntod na Griego, at isang santuaryong Ehipsiyo pa nga sa kalagitnaan ng acropolis. Habang kami’y nauupo sa walang-bubong na teatro, hinangaan namin ang akostiks. Tumayo kami sa forum at inilarawan namin sa isip ang makapangyarihang mga mahistrado na lumalabas mula sa kanilang mga silid, pinangungunahan ng mga konstable na dala-dala ang mga bungkos ng gabilya na nakatali sa palibot ng mga palakol—sagisag ng kanilang awtoridad. Sa aming isipan, sinikap naming ilarawan-muli ang Filipos noong 50 C.E. na naging lubhang Romano.
Sang-ayon sa Bibliya, si Pablo at ang kaniyang mga kasama “ay tumira sa lungsod na ito, gumugol ng ilang araw.” (Gawa 16:12) Walang kapana-panabik na mga pangyayari ang iniulat. Pagkatapos isang araw nabalitaan ni Pablo ang isang maliit na grupo na hindi sumusunod sa dati o bagong mga diyos gayunma’y sinasabing mga debotado. Sila’y nagtitipon sa kabila ng arko sa labas ng bayan malapit sa lugar kung saan ang daan ay bumabagtas sa sapa.
“At nang araw ng sabbath,” sulat ni Lucas, “ay nagsilabas kami sa labas ng pintuan sa tabi ng ilog, na doo’y sinapantahan naming may dakong mapananalanginan; at kami’y nangaupo at nakipagsalitaan sa mga babaing nangakatipon.” Ang usapan ay patungkol sa pag-asa ng kaligtasan at buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Lalo na “isang babaing nagngangalang Lydia, na mangangalakal na kayong kulay-ube, . . . ay nakikinig, at binuksan ni Jehova ang kaniyang puso upang bigyan-pansin ang mga bagay na sinalita ni Pablo.”—Gawa 16:13, 14; ihambing ang Filipos 2:12, 16; 3:14.
Pagkatapos ng ilang araw, ang pagtigil ni Pablo sa Filipos ay dumating sa madulang wakas. Samantalang naglalakad patungo sa dako ng panalanginan, nakasalubong niya ang isang magulong babaing inaalihan ng masamang espiritu. Nang palayasin ni Pablo ang demonyo, ang mga amo ng babae ay nagalit sapagkat nawala na ang negosyo nila ng panghuhula. Ano ang resulta?
“Dinakip nila si Pablo at si Silas at kinaladkad sila sa pamilihan sa harapan ng mga may kapangyarihan.” ‘Sila’y mga Judio,’ paratang nila. (Nalalaman ng lahat na kapapalayas pa lamang ni Claudius sa lahat ng mga Judio mula sa Roma.) ‘Sila’y nagsisipanggulong totoo sa ating bayan sa pamamagitan ng paghahayag ng mga kinaugaliang hindi matuwid nating tanggapin o gawin, palibhasa tayo’y mga Romano,’ susog pa nila. Ang pulutong ay nagsigawan; ipinasa ng mga hukom ang hatol. At kinalag ng mga konstable ang kanilang panghampas at “pinagpapalo” sina Pablo at Silas. Pagkatapos ay inihagis nila sila sa bilangguan, duguan at walang malay, at piniit ang kanilang mga paa sa mga pangawan. Nang gabing iyon isang malakas na lindol ang humantong sa paglaya nina Pablo at Silas at sa pagtanggap sa Kristiyanismo ng kanilang tagapamahala sa bilangguan at ng kaniyang sambahayan.—Gawa 16:16-34.
Kinaumagahan, lubhang ikinalungkot ng mga pinuno ang anumang di pagkakaunawaan, ngunit maaari bang umalis na sa bayan ang mga estranghero? Sina Pablo at Silas ay nagtungo muna sa tahanan ni Lydia upang patibayin-loob ang mga kapuwa mananampalataya bago sila nagtungo sa Tesalonica. Si Lucas ay naiwan upang pangalagaan ang bagong kongregasyon.—Gawa 16:35-40.
Mga Bukál ng Kagandahang-loob
“Kami’y pinilit niya” sa kaniyang tahanan, sulat ni Lucas tungkol kay Lydia. Kahit na ang taong tagapamahala sa piitan ni Pablo ay lubhang mapagpatuloy nang maunawaan niya ang kalagayan. (Gawa 16:15, 33, 34) Noong pamamalagi ni Pablo sa Tesalonica, dalawang beses na nagpadala sa kaniya ng mga bagay na kailangan niya ang mga kaibigan sa Filipos.
Nang maglaon, nang may kagitingang naglilingkod siya sa Diyos sa Corinto, minsan pang hinanap siya ng mga taga-Filipos. Kahit na pagkalipas ng mga ilang taon, nang si Pablo ay nabilanggo sa Roma, isang sugo mula sa Filipos ay dumating na may dalang mga kaloob at nag-alok ng personal na paglilingkod alang-alang sa kapakanan ng apostol. Naantig ang damdamin ni Pablo. Batid niya na ang mga taga-Filipos ay walang gaanong materyal na bagay. Kaya siya ay sumulat: “Ang kanilang labis na karukhaan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang-loob.”—2 Corinto 8:1, 2; 11:8, 9; Filipos 2:25; 4:16-18.
Ang Pag-alis Namin
Nagtagal kami sa Gangites, at pinahagibis ko ang aking kamay sa tubig. Ito’y nakapagtatakang malamig. Kami’y tumingin sa paligid. Sa tabi-tabi rito ay ang “dako ng panalanginan” kung saan si Pablo ang iba pa ay nagtipun-tipon upang sumamba.
Subalit tinanong ko ang aking sarili, Ano ba ang gumagawa sa Filipos na lubhang natatangi para sa akin? Ito ba’y ang lugar na ito sa tabi ng ilog? Ito kaya’y ang pamilihan na kinaroroonan ng walang laman na aklatan, bakanteng gym, mga templong walang diyos, at mga tindahang walang paninda?
Ito ba’y ang mga bukál? Oo, ang Filipos ay tunay na isang “lugar ng mga bukál.” Umaagos pa rin dito ang tubig. Minsa’y umagos dito ang ginto at, noong masamang panahon, umagos ang dugo. Subalit mayroon ding mabuting panahon nang ang mga bukál ng buhay, pag-ibig, at kagandahang-loob ay umagos mula sa ilang lubhang natatanging mga tao na gaya ni Pablo, Lydia, ang tagapamahala sa bilangguan, at iba pa. Ito’y ang mga tao, hindi ba? Ang mga natatanging taong iyon ang gumagawa sa Filipos na natatangi sa akin. Pinag-iisip nila ako. Pinaglimi nila ako. Nais ko sanang—hinawakan ng misis ko ang aking kamay. “Halika na,” marahang sabi niya. “Oras na upang tayo’y umalis.”—Isinulat.
[Mapa/Mga larawan sa pahina 25]
Kaliwang itaas: “bema” (hukuman) ng sinaunang Filipos; kanang itaas: kung saan binabagtas ng “Via Egnatia” ang Gangites; ibaba: ang forum
[Mapa ng Greece/Philippi]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)