“Igalang Mo ang Iyong Ama at ang Iyong Ina”
“Igalang Mo ang Iyong Ama at ang Iyong Ina”
ANG mga salitang iyon ay nakarating sa atin mula pa noong unang panahon, mga dantaon bago ang panahon ni Kristo. Ang mga ito ay ibinaba mula sa tuktok ng bundok, isinulat sa bato ng daliri ng Diyos. Si Moises ay ginamit upang akayin ang mga bihag na Israelita mula sa pagkabihag sa Ehipto, sa Dagat na Pula, at tungo sa isang kampamento sa paanan ng Bundok Sinai. Pagkatapos gumugol ng 40 araw at gabi na kasama ni Jehova sa Bundok Sinai, si Moises ay bumaba na dala ang dalawang tapyas na bato na doo’y nakasulat ang Sampung Utos.—Exodo 34:1, 27, 28.
Sa isa sa mga tapyas ng bato na ito ay nakasulat ang ikalimang utos na lumilitaw ngayon sa Bibliya sa Exodo kabanata 20, talatang 12. Ito’y kababasahan ng sumusunod: “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ni Jehovang iyong Diyos.” Sang-ayon kay apostol Pablo, ito ang “unang utos na may pangako,” na ang pangako ay: “Upang mabuhay ka nang matagal sa lupa.”—Efeso 6:1-3.
Ang nakasisindak na pagtatanghal ng apoy at usok at ang nakatatakot na pagyanig ng Bundok Sinai noong panahon ng pagbibigay ng Sampung Utos ay madulang nagpapahayag ng kahalagahan nito, pati na ang ikalima, na igalang ang ama at ina. Ano ang kasangkot sa paggalang na ito? Hindi lamang basta paggalang at pagsunod kundi gayundin ang pangangalaga at pagtustos sa materyal na paraan kung kinakailangan.
Ito’y nilinaw pagkaraan ng mga dantaon nang nakabangga ni Jesus ang mga eskriba at Fariseo tungkol sa kanilang bibigang mga tradisyon. Itinuro ni Jesus na kapag ipinagkakait nila ang materyal na suporta sa nangangailangang mga magulang, hindi nila iginagalang ang kanilang ama o ina. Sinabi niya sa kanila, gaya ng nakatala sa Mateo 15:3-6: “Sinabi ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina’; at, ‘Ang lumapastangan sa ama o sa ina ay mamatay sana siyang walang pagsala.’ Datapuwat sinasabi ninyo, ‘Sinumang magsabi sa kaniyang ama o ina: “Yaong maaaring pakinabangan mo sa akin ay isang kaloob na nakaalay sa Diyos,” hindi niya iginagalang ang kaniyang ama.’ At sa gayo’y niwalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos dahilan sa inyong tradisyon.”
Sa kaso mismo ni Jesus, siya’y sumunod sa kaniyang mga magulang, naging mapagpasakop sa kanila. (Lucas 2:51) Pagkalipas ng mga taon, nang siya’y naghihingalo sa isang pahirapang tu-
los,Juan 19:25-27.
nagpakita siya ng paggalang sa kaniyang ina sa paggawa ng maibiging paglalaan ng mangangalaga at tataguyod sa kaniya.—Alam na alam ni apostol Pablo na kahilingan ng Diyos sa mga anak, at maging sa mga apo, na pangalagaan ang nangangailangang mga magulang. At, kawili-wili, iniugnay niya ang gayong materyal na pagtulong sa pagpapakita ng paggalang: “Igalang mo ang mga babaing balo na talagang mga biyuda. Ngunit kung ang sino mang biyuda ay may mga anak o mga apo, ang mga ito’y hayaang matuto muna na mamuhay ayon sa maka-Diyos na debosyon sa kanilang sariling sambahayan at patuloy na gumanti ng kaukulan sa kani-kanilang mga magulang at mga ninuno, sapagkat ito’y kalugud-lugod sa paningin ng Diyos.” (1 Timoteo 5:3, 4) Ikaw ay inalagaan ng iyong mga magulang nang ikaw ay walang-kayang sanggol at paslit na bata; sa kanilang pagtanda, turno mo naman na tulungan sila sa kanilang pangangailangan.