Isang Mamamatay-Tao na Nasukól
Isang Mamamatay-Tao na Nasukól
SI Faraon Ramses V ng Ehipto ay namatay mga tatlong libong taon na ang nakalipas. Walang nakatitiyak sa dahilan ng kaniyang kamatayan, subalit hanggang sa panahong ito, ang kaniyang inimbalsamong bangkay ay nagbabadya ng di kilalang mamamatay-tao. Iniwan din ng halimaw na ito ang mapangwasak na marka nito sa sinaunang India, Tsina, Gresya, at sa lahat halos ng iba pang bansa.
Ito’y isang napakalakas na mamamatay-tao anupa’t binago nito ang landasin ng kasaysayan. Sang-ayon sa isang babasahin, sa gawing ibaba ng Libis ng Indus, hinampas pa nga nito nang matinding dagok ang makapangyarihang hukbo ni Alejandrong Dakila. Kasa-kasama ng manggagalugad na si Cortés hanggang sa Mexico, nilipol nito ang populasyon ng katutubo roon nang gayon na lamang kalawak anupa’t halos iginarantiya nito ang madaling tagumpay ng konkistador. Noong ika-18 siglong Europa, nakita ang kasindami ng 600,000 bangkay sa mga kuko ng mamamatay-tao pagkalipas ng mga ilang taon. Sila’y pawang mga biktima ng isang kalaban na hindi nila nakikita—isang pagkaliit-liit, hugis-laryong virus, ang virus ng bulutong.
Kahit sa modernong panahon, ang pagbanggit sa bulutong ay nakatatakot sa marami. Halimbawa, noong 1947, dahil sa 12 kaso na iniulat sa Lungsod ng New York, mahigit na 6 na milyon ng mga maninirahan nito ay binakunahan. At tinatayang nito lamang 1967, ang bulutong ay sumawi ng dalawang milyong buhay. Bakit ba lubhang nakatatakot ang sakit na ito? Isa pa rin bang banta ito ngayon?
Isang Mamamatay-Tao na Dapat Katakutan
Para sa karamihan sa atin, ang ating tanging pagkakilala sa sakit ay ang makita ang mapagkakakilanlang pilat sa isang estranghero, na ang mukhang punô ng pilat ay nagsasaysay na naligtasan niya ang pagdalaw ng mamamatay-tao. Gayunman, marami ang hindi nakaligtas. Sa ibang lugar kasindami ng 1 sa bawat 2 katao ang nahawaan at namatay.
Gayunman, sa marami, nakatatakot na gaya ng mataas na bilang ng namamatay ang pangit na mga sintomas. Karaniwan na, sa loob ng dalawang linggo mula nang makuha ng isang tao ang virus, dumami na ito nang husto upang magsimula ang tunay na problema. Magsisimula ang napakataas na lagnat, sakit ng ulo, at pangingiki, susundan ng maikling mga kombulsiyon at parang sinasaksak na kirot sa gulugod. Pagkalipas ng ilang araw, lilitaw
na ang maliliit na pulang batik, una muna’y sa mukha, pagkatapos sa kamay, dibdib, likod, at sa wakas at sa paa. Ito ay agad na lumalakí at nagiging mga paltos na punô ng nana, o pustules, na nagbibigay sa nagdurusa rito ng nakatatakot na hitsura. Mas grabe pa ang pagsalakay sa mahahalagang sangkap ng katawan. Kung hindi matipon ng sistema ng imyunidad ng katawan ang sapat na mga depensa nito, isa o higit pa sa mga sangkap na ito ang masisira, na hahantong sa kamatayan ng pasyente.Bagaman hindi ipinalalagay na lubhang nakahahawa, ang kakayahan ng bulutong na manatili sa loob ng mahaba-habang yugto ng panahon sa labas ng tao ay nangangahulugan na ito ay maaaring madaling kumalat doon sa mga malapit sa isa na pinahihirapan nito o sa iba pa na humahawak ng narumhang mga gamit sa higaan o pananamit. Ang pumapatay na virus, na inilabas mula sa pumutok na mga paltos ng huling biktima, ay sasama sa mga alabok o mga patak ng tubig at maaaring madaling pumasok sa lalamunan o daanan ng hininga ng isa pang biktima at simulan na muli ang nakahahawang siklo nito.
Wala pang nalalamang kemikal o gamot—at wala pa rin hanggang sa ngayon—na makahahadlang sa pagkalat ng bulutong. Sinisikap lamang ng mga doktor at mga nars na hangga’t maaari’y gawing maginhawa ang pasyente at bigyan ng gamot upang bawasan ang panganib ng pagkalat ng impeksiyon. Ang tanging lunas ay mula sa kahanga-hanga ang pagkakadisenyong sistema ng imyunidad sa loob mismo ng katawan ng tao. At diyan ginawa ang pinakadakilang mga tuklas ng modernong medisina, sa gayo’y gumagawa ng sandata na susugpo sa malupit na mamamatay-taong ito.
Isang Sandata na Papatay sa Mamamatay-Tao
“Malalaman ng mga bansa sa hinaharap sa pamamagitan lamang ng kasaysayan na umiral ang kasuklam-suklam na bulutong,” sulat ni Thomas Jefferson, noo’y pangulo ng Estados Unidos, noong 1806. Siya’y sumusulat upang batiin si Edward Jenner, isang Britanong manggagamot sa lalawigan at naturalist, sa kaniyang tuklas na isang paraan ng paglipol sa bulutong. Ang paggamot ni Jenner, na nang maglao’y tinawag na bakuna, ay karaniwan nang ang katulad na proseso na pamilyar sa mga manlalakbay sa siglong ito.
Mga dantaon bago ang mga imbestigasyon ni Jenner, isang kahawig na anyo ng paggamot para sa bulutong ay ginagamit na. Halimbawa, sa Bengal, India, ugali na ng sinaunang mga saserdote ng Shitala Mata (diyosa ng bulutong) na magtipon ng nahawaang mga bagay mula sa mas suwabeng kaso ng bulutong at sa isang kontroladong paraan ay iturok ito sa malulusog na tao. Isang di gaanong malubhang anyo ng sakit ay karaniwang resulta mula sa sinaunang uri ng pagbabakuna. Subalit minsang madaig ng sistema ng imyunidad na tumanggap nito ang sakit, ang indibiduwal ay ganap na hindi na tatablan ng mga pagsalakay pa.
Sa kabila ng likas na mga panganib nito, ang uring ito ng paggamot ay ipinakilala sa Europa noong panahong bago ang panahon ni Jenner. Noong 1757, bilang isang walong taóng gulang na batang lalaki, alam na alam ni Jenner mismo ang mga panganib nito nang ang kaniyang mga tagapag-alaga, na balisang ingatan siya mula sa karaniwang pahirap, ay ipinasok siya sa isa sa “mga kuwadrang bakunahan” na karaniwan noong panahong iyon. Tinalian upang hadlangan ang kaniyang pagkilos, siya ay pinahiga, gaya ng iba pang pasyente, sa isang kamang tinakpan ng dayami. Doon ay tiniis niya ang nakapanlulumong mga epekto ng itinurok na bulutong, sa ilalim pinakasaunahing anyo lamang ng pangangalaga.
Bagaman nakaligtas si Jenner, hindi siya lubusang gumaling sa loob ng maraming taon. Ang karanasang ito ang nagpapaliwanag sa sigasig niya noong dakong huli ng kaniyang buhay upang hanapin ang isang mas mabuting sistema ng pagbabakuna. Ang pagkakataong ito ay dumating nang siya’y maging manggagamot sa rural ng Sodbury, Inglatera. Natuklasan niya ang katotohanan ng isang matandang kasabihan sa lalawigan na ang mga babaing naggagatas sa mga baka na nagkakasakit ng sakit na kilala bilang cowpox ay hinding-hindi na magkakasakit ng bulutong. Noong 1796, pagkaraan ng mga taon ng pag-aaral, sinubok niya ang kaniyang mga tuklas sa pamamagitan ng sadyang paghawa sa isang bata, si James Phipps, ng napakasuwabeng virus ng cowpox. Ang teoriya niya ay na gagaling si James na may kaunti lamang hirap at pagkatapos siya ay hindi na tatablan ng nakamamatay na bulutong.
Hindi lahat ay sang-ayon sa paniwala ni Jenner. Ang mga taganayon ay tumutol na sisimulan niya ang isang nakatatakot na bagong salot o na ang
mga batang ginamot niya ay magkakaroon ng mga katangian ng baka. Napagtagumpayan ni Jenner ang mga pagtutol, at nang gumaling si James nang walang anumang problema at, higit sa lahat, siya’y ganap na hindi tinatablan ng bulutong, ang lokal na pagsalansang ay tumahimik. Ang pananaliksik ay nagpatuloy hanggang noong 1798, nang ilathala ni Jenner ang kaniyang mga tuklas sa daigdig. Ang kaniyang teoriya ay pinapurihan. Sa wakas ay mayroon nang sandatang papatay sa mamamatay-tao.Pagsalakay sa Biktima
Kasunod ng gawaing pangunguna ni Jenner, ipinagpatuloy ng iba pang siyentipiko ang pananaliksik. Mas mahusay na mga paraan ng paggawa at pagsasagawa ng bakuna ay nagawa, pinagbubuti ang bisa ng bagong sandatang ito para sa pagsalakay. Gayunman, sa kabila ng pagsulong, ang virus ng bulutong ay patuloy na kumuha ng mga biktima nito. Kahit na noong 1966, iniulat pa rin ang mga kaso ng bulutong sa 44 na bansa, at nakatatakot na mga epidemya ay karaniwan sa nagpapaunlad na mga bansa.
Nang bandang huli ng taon ding iyon, sa ika-19 na World Health Assembly, ang mga bansa sa wakas ay nagpasiya na magkaisa sa positibong aksiyon na hulihin at lipulin ang mamamatay-tao. Ang tagumpay ay depende sa bagay na ang virus ng bulutong ay mamamatay minsang nasa labas ng katawan ng tao. Sa ibang salita, ang mga tao lamang ang tagapagdala nito. Kung ito’y mahahadlangan sa pagpapasa nito mula sa tao tungo sa tao, ang virus ay mamamatay. Kaya, isang sampung-taóng plano upang lipulin ang bulutong ay inilunsad. Ito’y binubuo ng pagmamatyag upang bantayan ang anumang paglitaw nito, pati na ang paghimok sa publiko na iulat ang anumang kaso, at ang lansakang pagpapabakuna upang masukól ang kaaway, huwag nang kumalat pa.
Nakapagpapasiglang mga resulta ang natamo halos karaka-raka kahit sa mga bansang may limitadong pasilidad sa paglilingkod pangkalusugan. Halimbawa, sa Kanluran at Sentral Aprika, nang magkaroon ng kagamitan, mga tagapayo, at mga bakuna, nalipol ng 20 bansa ang sakit sa loob lamang ng tatlo at kalahating taon. Udyok ng tagumpay
sa Aprika, pinag-ibayo ng Asia ang mga pagsisikap nito. Noong Oktubre 16, 1975, ang huling natural na lumitaw na kaso ay nabukod sa Bangladesh.Gayunman hindi ito ang wakas, sapagkat noong 1976 isa sa dalawang mas suwabeng anyo ng virus ay iniulat pa rin sa Somalia. Isang 13-buwang pakikipagbaka ang naganap; hinabol at hinadlangan ng mga opisyal ng kalusugan ang salarin hanggang sa wakas, noong Oktubre 1977, nasukól nila ito. Ang huling biktima nito ay isang katutubong nagngangalang Ali Maow Maalin. Nang gumaling si Ali, ang huling kaso ng natural na lumilitaw na bulutong ay tapos na. Sa wakas, sa loob halos ng 200 taon, natupad ang pangarap ni Jenner. “Ang paglipol sa bulutong—ang pinakanakatatakot na parusa sa lahi ng tao”—ay naisagawa na.
Humampas Kaya Itong Muli?
Noong 1980 ang daigdig ay ipinahayag na opisyal na malaya na mula sa bulutong. Huminto na ang sapilitang bakuna, at isang bagong lahi ang lumalaki na hindi na nangangailangan ng proteksiyon laban sa virus nito. Gayunman, ano kaya ang maaaring mangyari kung ang mamamatay-tao ay magbalik sa gayong walang bakunang populasyon? Ang takot na maaaring lipulin nito ang buong mga kontinente ay nagtutulak sa atin na magtanong kung posible bang magbalik ito.
“May dalawang posibilidad,” paliwanag ng isang virologist sa School of Tropical Medicine ng Calcutta. “Ang isa ay sa pamamagitan ng pagtagas sa laboratoryo; at ang isa ay sa pamamagitan ng masamang hangarin ng tao.”
Ang katunayan ng una sa mga bantang ito ay nangyari noong 1978, nang sa isang maikling pagkabuhay-muli, ang bulutong ay minsan pang napalagay sa mga ulong balita, sa pagkakataong ito ay sa Birmingham, Inglatera. Nakuha ng isang litratista, na nagtatrabaho sa palapag na nasa itaas ng isang laboratoryo kung saan ang virus ay iniingatan para sa pananaliksik, ang sakit at nang maglaon ay namatay dahil dito, subalit nahawaan din niya ang kaniyang matanda nang ina. Mabuti na lamang, ang mabilis na pagkilos ng Britanong mga awtoridad ay minsan pang sumilo sa virus at nahadlangan ang higit pang kasawian. Upang huwag nang maulit pa ang pangyayaring tulad niyon, ang virus ng bulutong ay nakakulong sa dalawa lamang institusyon ng pananaliksik na may mahigpit na seguridad, isa sa Atlanta, Georgia, E.U.A., ay ang isa ay nasa Moscow, U.S.S.R.
‘Ngunit,’ maitatanong mo, ‘bakit hindi nilipol ang mamamatay-taong ito upang maiwasan ang gayong mga panganib?’ Ang takot sa masamang hangarin ng tao ang kasagutan. Masama man ito, sa tuwina’y nariyan ang posibilidad na ang bulutong ay maaaring gamitin para sa biyolohikal na pakikidigma. Ipinakikita ng kasaysayan na kayang gawin ng tao ang gayong bagay. Upang tulungan sa kanilang mga plano na manirahan sa Hilagang Amerika noong ika-17 siglo, sadyang ikinalat ng ilang residente ang sakit sa gitna ng mga katutubong Indyan. Punô ng pag-asa, inaakala ng marami na tayo ay sumulong na sa ibayo pa ng yugtong iyon at na ang tsansa ng ‘pakikidigmang ginagamitan ng virus ng bulutong’ ay malayo. Makaaasa lamang tayo na gayon nga. Maaari lamang nating asahan na ang bulutong ay nalipol na nga at na sa ilang di-alam na kadahilanan, hindi na ito muling lilitaw sa hinaharap.
Dahil sa tuklas ni Dr. Jenner, sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan, ang tao ay nagtagumpay sa pag-alis sa isa sa kaniyang nakamamatay na kaaway na virus. Ang siyensiya ng medisina, ngayo’y nasasangkapan ng modernong mga gamit at unawa na higit kaysa taglay noon ni Jenner, ay nagsisikap na magtagumpay sa iba pang nakahahawang sakit. Magtagumpay kaya ito? Inaamin ng mga siyentipiko na sa kabila ng kamangha-manghang mga pagsulong, ang panlahat na tunguhin ay waring napakalayo pa. Maliwanag na ang karunungan na higit pa sa tao ang kakailanganin upang magkaroon ng isang daigdig kung saan “walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’”—Isaias 33:24.
[Mga larawan sa pahina 23]
Ang bakuna para sa bulutong ay nagsimula sa gawa ni Dr. Edward Jenner
[Credit Line]
WHO photo ni J. Abcede
[Picture Credit Line sa pahina 21]
WHO photo