“Mole People”
“Mole People”
MAGINAW na taglamig. Isang 1,100-kilometrong dugtung-dugtong na mga tunél ng subwey na sa paano man ay mas mainit kaysa lungsod sa labas. Isang dumaraming populasyon ng mga taong walang tirahan—75,000 sa kanila, ayon sa isang tantiya. Sa Lungsod ng New York, E.U.A., ang tatlong salik na iyon ay nagsama-sama upang lumikha ng isang magulong pangyayari sa lungsod: mga naninirahan sa tunél, o “mole people,” gaya ng tawag sa kanila ng iba. Sa makipot na mga daanan at mga hagdan, sa abandonadong mga silid, tunél, at iba pang pinabayaang mga sulok ng napakasalimuot na mga daanang ito, sila’y nakipagsapalaran sa maliliit na homestead. Sa isang malaon nang hindi ginagamit ng tunél ng perokaril sa Manhattan, marami sa kanila ang lumipat sa iniwang kongkretong kublihang hukay, mga alcove, at pasamano. Ang iba ay nagtayo pa nga ng mga barung-barong sa loob ng tunél.
Ang buhay sa tunél ay mahirap, magulo. Ang mga daga na sinlaki ng mga pusa ay kumakaripas sa dilim. Sa bawat taon dose-dosenang mga tao ang napapatay ng mga tren na humahagibis sa mga tunél at ng may kuryenteng ikatlong riles. Regular na sinasaliksik ng mga pulis ang mga riles ng tren upang gisingin ang mga walang tirahan. Sumusunod naman ang mga manggagawang tagalipat, kinakalas ang mga tirahan. Hinahatak nila palabas ang mga supá at alpombra, radyo at telebisyon, at kinakayod pa nga ang wallpaper sa dingding ng ilang mga kublihan sa tunél.
Pag-alis ng mga pulis, ang mga walang tirahan ay nagbabalik. Gaya ng sabi ng isang opisyal ng pulis sa The New York Times, lahat ng kanilang pagsisikap na alisin ang mga walang tirahan ay maaaring alisin lamang silang sandali sa loob ng sistema ng tunél. “Ito’y isang panandaliang solusyon,” gayon ang sabi niya. Subalit ang kawalan ng tahanan ay hindi isang panandaliang problema. Ayon sa isang tantiya, kasindami ng dalawang milyon ang walang tirahan sa Estados Unidos lamang. Sa loob lamang ng isang taon, ang kanilang bilang ay dumami sa nakatatakot na 18 porsiyento. Maliwanag, isang pangmatagalang solusyon ang kailangan natin. Iyan ang ipinangangako ng Maylikha ng tao sa Bibliya—isang panahon kapag ang bawat tao sa lupa ay magtatayo ng kaniyang sariling bahay at maninirahan dito, masisiyahan sa isang buhay na wala nang kahirapan at kawalan ng tahanan.—Isaias 65:21-23.