Paano Ko Matutulungan ang Aking Nagsosolong Magulang?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Matutulungan ang Aking Nagsosolong Magulang?
“Ang pagiging nagsosolong magulang ay katulad ng isang salamangkero. Pagkatapos ng anim na buwan na pag-eensayo, sa wakas ay nasasalamangka mo ang apat na bola nang sabay. Subalit pagkatapos mong magawa iyon, may naghahagis sa iyo ng isang bagong bola!”—Isang nagsosolong magulang.
ANG trabaho ng nagsosolong magulang ay nakapapagod, kadalasa’y walang pahinga. At kung ang iyong nanay ay isang nagsosolong magulang, walang alinlangan na batid mo na kailangan niya ng tulong. a Ngunit bilang isang tinedyer, nakakaharap mo ang tinatawag ng isang manunulat na “ang pinakamaigting at nagbabantang panahon ng buhay.” Para bang napakarami mong pinakikitunguhan bilang isang kabataan.
Gayumpaman, tulad ng nagsosolong magulang na sinipi sa pasimula, maaaring paminsan-minsan ang iyong nanay ay nakadarama na para bang siya’y nagapi, sinisikap na maging nanay at tatay sa iyo. Totoo, hindi inaasahan ni Jehova ang imposible mula sa sinuman. Gaya ng binabanggit ng isang simulain ng Bibliya: “Ang mahalagang bagay ay maging handang magbigay ng lahat ng maibibigay natin—iyan ang tinatanggap ng Diyos.” (2 Corinto 8:12, Phillips) Gayunman maaari pa rin siyang makadama ng ilang kaigtingan. Dapat mo bang huwag pansinin ang kaniyang problema, o may mabuting dahilan ba upang ikaw ay tumulong?
“Gumanti ng Kaukulan”
Sa 1 Pedro 3:8, ang mga Kristiyano ay sinabihan: “Katapus-tapusan, kayong lahat ay magkaisang-isip, na nakikiramay sa kapuwa.” Kaya sa paano man, hindi ba dapat kang pakilusin ng pakikiramay sa iyong magulang na tulungan siya? Oo, ito’y “kalugud-lugod sa paningin ng Diyos” na ang mga kabataang Kristiyano’y “patuloy na gumanti ng kaukulan sa kani-kanilang mga magulang.”—1 Timoteo 5:4.
Bagaman ang tekstong ito ay walang alinlangang tumutukoy sa pagbibigay ng pinansiyal na tulong sa isang naulilang magulang, ito’y nagtuturo ng isang mahalagang simulain: Hindi natin mababayaran ang pagkakautang natin sa ating mga magulang. At kung sila’y nangangailangan, tungkulin at pribilehiyo natin na gumanti sa kanila. Halimbawa, gagamitin ng ilang kabataan ang ilan o ang lahat ng kanilang kita mula sa part-time na trabaho upang makatulong sa pagbabayad ng mga gastusin ng pamilya. Ito’y nagpapakita ng tunay na pagtanaw ng utang na loob at pagpapahalaga!
Gayunman, ang pinansiyal na tulong ay isa lamang paraan upang bayaran ang iyong magulang “nang kaukulan.” Hindi mo kailangang gampanan ang papel ng iyong magulang na wala—imposible iyan—ni kailangan man kayang sagarin mo ang iyong sarili sa emosyonal na paraan, inaakalang ikaw ang may ganap na pananagutan sa lahat ng bagay sa inyong sambahayan. Trabaho pa rin iyan ng iyong ina bilang magulang. (Ihambing ang Kawikaan 31:27.) Subalit maraming praktikal na paraan na doo’y mapatutunayan mo na ikaw ay isang tunay na malaking tulong sa iyong ina kung siya ay isang nagsosolong magulang.
Pinagagaang ng Pagsunod ang Kaniyang Pasan
Ang isang paraan ay basta sundin ang utos sa Colosas 3:20: “Kayong mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng bagay, sapagkat ito’y kalugud-lugod sa Panginoon.” Maaaring kabisado mo ang tekstong ito. Subalit kung minsan ba’y hindi mo nasusunod ito?
Isang nagsosolong magulang na may tinedyer na anak na lalaki ay nagtatrabaho ng mahabang oras upang mapaglaanan ang kaniyang pamilya. Subalit may bugtong hiningang nasabi niya: “Pinahihirap pa ng anak ko ang buhay kapag sinusuway niya ako.” Sagot naman ng anak niya: “Ako lamang ang lalaki sa bahay. Mas malaki ako sa nanay ko, kaya kung minsan napakahirap para sa akin na sumunod at gumalang sa kaniya bilang ulo ng pamilya.”
Ang laki ng iyong katawan o ang iyong kasarian ay hindi naglilibre sa iyo sa utos ni Jehova: “Huwag mong kalimutan ang kautusan ng iyong ina.” (Kawikaan 6:20) Ang iyong ina ay binigyan-karapatan ng Diyos na gumawa ng mga kautusan, o mga tuntunin sa bahay. Dapat mo siyang igalang at sundin. Kung ikaw ay lalaki, maaaring mapagmahal na tawagin ka ni Inay na ang lalaki sa bahay. Subalit siya ang ulo ng tahanan! At sa pagsunod sa kaniya—hindi sa pakikipagtalo sa kaniya tuwing may ipagagawa siya sa iyo—iyong pinagagaang ang kaniyang pasan at nakatutulong ka sa kapayapaan sa inyong pamilya.
Tumulong sa Gawain sa Bahay
Ang isa pang paraan upang mabawasan ang pasan ng iyong magulang ay tulungan sila sa mga gawain sa bahay—hindi na hinihintay na ikaw ay sabihan lagi na gawin ang mga ito. ‘Pero hindi naman ako inuutusan ni Inay na gumawa ng anumang bagay,’ tutol mo. Kataka-taka, kadalasang ganito ang kalagayan. Gaya ng isinulat ni Carol V. Murdock: “Ang Nagsosolong Ina o Nagsosolong Ama ay susuray-suray sa sala na hirap na hirap na dala ang napakaraming nilabhan—at ang mga mata ng tatlong anak ay titig na titig sa iskrin ng telebisyon.”—Single Parents Are People, Too!
Bakit hindi gaanong inuutusan ng maraming nagsosolong magulang ang kanilang mga anak? Isang nagsosolong ina ang nangatuwiran: “Ayaw kong madama ng aking anak na babae na hindi siya nakapagsasaya sapagkat kailangan kong magtrabaho. Natatakot akong maghinanakit siya sa akin dahil dito.” Sabi pa ng isa: “Nais mong punan ang kawalan ng isa pang magulang sa pamamagitan ng paggawang madali para sa mga bata.” Gayunman, ang ugat na dahilan ng gayong mga damdamin ay marahil nakokonsensiya ang iyong magulang. Marahil ay nakokonsensiya siya na siya’y malayo sa iyo dahil kailangan niyang magtrabaho.
O baka nakokonsensiya siya tungkol sa kaniyang bigong pag-aasawa, nangangatuwiran na siya ang dapat sisihin sa pagmumuhay mo sa isang tahanan ng nagsosolong-magulang.Sang-ayon kay Dr. Richard A. Gardner, awtor ng The Boys and Girls Book About Divorce, sinasamantala ng ibang kabataan ang kalagayan. Gusto nilang sila’y kaawaan at tumatanggi silang makibahagi sa mga gawain sa bahay. Gayunman, ito’y nagpapagunita sa atin ng manhid na saloobin na ipinakita ng mga lider ng relihiyon noong panahon ni Jesus. Ganito ang sabi ni Jesus tungkol sa kanila: ‘Kanilang ipinapapasan ang mabibigat na pasanin, datapuwat ayaw man lamang nilang kilusin ang kanilang daliri upang tumulong sa pagdadala ng mga pasan na iyon.’—Mateo 23:4, Today’s English Version.
Magpakita ka ng kakaibang saloobin. Huwag mo nang dagdagan pa ang pasan ng iyong ina; huwag mong ilibre ang iyong sarili sa mga gawain sa bahay.
Pangunguna
Ito’y maaaring mangahulugan ng paggawa ng mga bagay na dapat gawin nang hindi na inuutusan. Isaalang-alang kung paano binabawasan ng kabataang si Tony ang pasanin ng kaniyang ina. Sabi niya: “Ang aking ina ay nagtatrabaho sa isang ospital, at ang kaniyang uniporme ay kailangang plantsahin. Kaya pinaplantsa ko ito para sa kaniya.” Ngunit hindi ba’t ito’y trabahong babae? “Gayon ang palagay ng iba,” tugon ni Tony. “Subalit ito’y nakatutulong sa aking nanay, kaya ginagawa ko ito.”
Bukod sa pag-aalok ng praktikal na tulong, marami kang magagawa upang pasiglahin ang iyong ina sa pamamagitan ng pagpapahayag ng pagpapahalaga. Isang nagsosolong magulang ang sumulat: “Karaniwang nasusumpungan ko na kapag ako’y nalulungkot o naiinis mula sa isang nakapapagod na araw sa trabaho at pag-uwi ko ng bahay—yaon naman ang araw na pinili ng anak kong babae na inihanda ang mesa at ang hapunan.” Susog niya: “Niyayapos ako ng aking anak na lalaki at sasabihin, ‘Kayo ang pinakamagaling na nanay sa mundo.’ ” Paano siya naaapektuhan ng gayong maalalahaning mga pagkilos? Sabi pa niya: “Ang aking buong saloobin ay nagbabago at minsan pang bumubuti.”
“Patuloy na Lumalakad sa Katotohanan”
“Wala nang lalong higit na dahilan na dapat kong ipagpasalamat kaysa mga bagay na ito, na aking mabalitaan na ang aking mga anak ay patuloy na lumalakad sa katotohanan.” (3 Juan 4) Tinutukoy rito ni apostol Juan ang tungkol sa kaniyang espirituwal na mga anak. Kung ang iyong ina ay isang Kristiyano, tiyak na gayundin ang nadarama niya sa iyo; nais niyang ikaw ay lumakad sa katotohanan. Sa layuning iyon maaaring isaayos niya ang isang regular na pampamilyang pag-aaral ng Bibliya sa iyo.
Maaaring hindi madali sa kaniya ang pagdaraos ng pag-aaral na iyon pagkatapos ng isang nakapapagod na maghapong trabaho. At kung ikaw ay hindi pa nakikipagtulungan o nagrereklamo, ang pampamilyang pag-aaral ay maaaring maging isang pahirap para sa lahat na nasasangkot. Kaya makipagtulungan! Maging handang mag-aral kapag dumating ang nakaiskedyul na panahon. Patiunang paghandaan ang iyong mga leksiyon. Ang iyong pakikipagtulungan ay baka siyang kinakailangan ng iyong magulang upang panatilihing regular ang pag-aaral na iyon. Kapag ikaw ay dumadalo sa mga pulong Kristiyano at nakikibahagi sa gawaing pangangaral sa bahay-bahay nang hindi na itinutulak pa, ipinakikita mo rin na ikaw ay lumalakad sa katotohanan. (Mateo 24:14; Hebreo 10:24, 25) Sa ganitong paraan tinitiyak mo sa iyong ina na ang kaniyang mga pagsisikap ay hindi walang kabuluhan!
Mga Pakinabang
Ang Kawikaan 3:27 ay nagsasabi: “Huwag mong ikait ang mabuti sa kinauukulan, pagka nasa kapangyarihan ng iyong kamay na ito’y gawin.” Maliwanag, pagpakitaan mo ang iyong magulang ng gayong konsiderasyon. At kapag ibinibigay mo ito, hindi lamang siya ang iyong pinalulugdan kundi ang Diyos na Jehova mismo. Isa pang pakinabang: Mas mahusay ang magiging kaisipan ng iyong magulang upang bigyan ka ng tulong kung kinakailangan mo ito.
Sa wakas, ang pagtulong sa iba ay gumagawa ng mabubuting katangian. Gaya ng sabi ng isang manunulat: “Kailangan ng mga kabataan ng mga pagkakataon upang madama na sila ay tumutulong at nagbibigay sa iba. Kung hindi nila nararanasan ito, hindi nila matutuklasan ang kanilang sariling lakas at katatagan [na nanggagaling] sa pagkaalam na ikaw ay isang mabuting tao na tumutulong sa iba.” Gaya ng sabi ni Jesus: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa pagtanggap.” (Gawa 20:35) At malaking kaligayahan ang mapasasa-iyo kung tinutulungan mo ang iyong nagsosolong magulang.
[Talababa]
a Yamang ang karamihan ng nagsosolong magulang ay babae, gagamitin namin ang pambabaing kasarian. Gayunman, ang mga simulaing tinatalakay rito ay kumakapit alin man sa lalaki o babaing nagsosolong magulang.
[Mga larawan sa pahina 19]
Ang tamad o hindi nababahalang kabataan ay nakadaragdag ng kaigtingan sa buhay ng kaniyang magulang . . . Ang isa na tumutulong sa gawain sa bahay ay binabawasan ang kaniyang pasan