Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Bahay-Bahay na Paraan

Sang-ayon sa pahayagan sa Madrid na El País, ang mga pari at obispong Katoliko ay dumaranas ng krisis. Nalipos ng kawalan ng pag-asa, ang ilan ay umaalis sa pagkapari o naghahangad ng maagang pagreretiro. Kabilang sa mga dahilan na ibinibigay ay ang kalungkutan ng ipinatutupad na hindi pag-aasawa ng mga pari. Ang mga obispo ay nag-aalala rin tungkol sa paglago ng ibang grupo ng relihiyon. Binanggit ng El País na iminungkahi ng isang kardinal na ang mga seminarista ay turuan ng “bahay-bahay na paraan upang sila’y makapagbahay-bahay na gaya ng ginagawa ng mga Saksi ni Jehova upang kumbinsihin ang mga tao na tanggapin ang pananampalatayang Katoliko.” Sang-ayon sa pahayagan, sinabi pa ng kardinal na kapuwa si Kristo at si apostol Pablo ay nakibahagi sa bahay-bahay na gawaing pangangaral.

Hudyat ng “May Sakit” na Gusali

Ngayong ang sintomas ng may sakit na gusali dahil sa polusyon ng hangin sa loob ng gusali ay lubhang napatunayan na, papaano mapapansin ang problema bago magkasakit ang mga tao? (Tingnan ang Gumising!, 11/8/88, pahina 30 at Gumising! 12/8/88, pahina 29.) Sa pamamagitan ng paggamit ng mga halaman, sabi ng dalawang propesor sa Dartmouth University. Sinasabi nilang makikita ang pagkakasakit ng mga halaman dahil sa mga tagapagparumi bago pa magkasakit ang mga tao dahil sa kemikal, sa gayo’y nagbibigay ng maagang sistema ng paghudyat. Maraming halaman ang nagpapakita ng baluktot at namamatay na mga dahon o nagpapakita ng di normal na paglaki kapag nalantad sa mga kemikal na magbibigay sa mga tao ng mga sakit ng ulo, pagkahilo, at gagawa ng iba pang sintomas ng “may sakit” na mga gusali. Sabi pa nila, bukod sa pagiging napakasensitibo, ang mga halaman ay mas mura kaysa mga instrumento.

Mga Ripleng Ginawang mga Pamalo ng Bola

Noong 1990 ipinahayag ng pamahalaan ng Timog Aprika ang malaking pagbabawas sa gastos sa depensa, sang-ayon sa Financial Mail. “Hinuhulaan ng militar na mga tagasuri na hindi kukulanging R1bn [libong milyon ($400,000,000, U.S.)] pa ang aalisin sa badyet ng depensa sa susunod na taon,” sabi ng babasahing ito sa Timog Aprika. Upang makayanan ang nabawasang pangangailangan, ang industriya ng mga sandata ay nakisosyo sa mga kompaniya na gumagawa ng komersiyal na mga produkto. Isang pagawaan ng sandata “ang iniangkop ang mga makinarya nito na ginagamit sa paggawa ng ripleng kahoy upang gumawa ng mataas-na-uring pamalo ng bola sa larong cricket,” ulat ng pahayagang The Star ng Johannesburg. Ang mga pamalo ng bola sa cricket ay ginagamit sa popular na isport sa Timog Aprika kung tag-araw at nasubok at sinang-ayunan ng isang kilalang manlalaro ng cricket.

Umuunting Paruparo

Ang Europa ay may 380 kilalang uri ng mga paruparo, halos sangkatlo nito ay doon lamang matatagpuan sa kontinenteng iyon. Binabanggit ng isang report sa The European na “halos lahat . . . ay lubhang umunti at ang ilan ay nanganganib na malipol.” Kabilang sa mga bansang apektado ang Netherlands, Alemanya, Switzerland, at United Kingdom. Ano ang dahilan? Ang pagdami ng produksiyong pang-agrikultura dahil sa pag-unlad ng Europeong Pamayanan, ay umakay sa pagkawasak ng mga tirahan ng maiilap na hayop at pananim. Ang pagsasaka sa mga damuhan, ang pag-aalis ng tubig sa mga latian, ang malawakang paggamit ng mga pestisidyo, pagsira ng mga bakod na halaman, at ang hindi mahusay na pangangasiwa sa mga parang ang nagpalubha sa kalagayan.

Batang mga Kriminal

Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng Ministri ng Katarungan sa Hapón, “ang mga kabataan [ang dahilan] ng 57.4 porsiyento ng lahat ng pinaghihinalaang tinanong o naaresto,” ulat ng The Daily Yomiuri. Ang katamtamang edad ng batang mga kriminal ay bumababa taun-taon sa nakalipas na sampung taon. Sinabi pa ng pahayagan na “sang-ayon sa pag-aaral, nagawa ng mahigit na 70 porsiyento ng mga delingkuwente ang kanilang unang krimen sa pagitan ng edad na 13 at 15. Doon sa mga nakulong nang makalawa, nagawa ng karamihan ang kanilang unang pagkakasala bago pa sa gulang na 10.” Isinisiwalat ng pag-aaral na ang karamihan ng delingkuwenteng mga kabataan sa Hapón ay may mga magulang na hindi nagbibigay ng sapat na disiplina. Sila’y galing sa mga pamilya na “hindi nag-uusap sa makabuluhang paraan.”

Bibliya sa Wikang Mongolian

Ang mga taong nagsasalita ng Mongolian sa mundo ay maaari na ngayong makakuha ng bahagi ng Bibliya sa kanilang sariling wika. Kumuha ng 18 taon upang matapos ng Britanong iskolar na si John Gibbens ang kaniyang salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Sang-ayon kay G. Gibbens, “ang Mongolian ang huling opisyal na pambansang wika sa daigdig na tumanggap ng Bagong Tipan,” ulat ng Asia Magazine. Gayunman, sinabi pa ng magasin na ang bilang niyaong naniniwala sa Bibliya ay “tinatayang hindi na hihigit pa sa isang dosena mula sa 2.2 milyong mga tao na nakatira sa Mongolian People’s Republic.” Isang samahan sa Bibliya sa Inglatera ang nagsasabi na may lumalagong interes sa Bibliya bilang isang klasiko ng daigdig.

Pagkakaiba ng Palagay ng mga Katoliko

Iniuulat ng pahayagang Pranses na Le Figaro na sang-ayon sa isang pambansang surbey kamakailan tungkol sa opinyon ng mga Katolikong Pranses, ang karamihan ng mga Katolikong Pranses (57 porsiyento) ay hindi sumasang-ayon sa opisyal na mga turo ng simbahan tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa moralidad. Nang tanungin tungkol sa katapatan sa pag-aasawa, birth control, aborsiyon, at artificial insemination, 60 porsiyento ang tumugon na ang simbahan ay hindi dapat gumawa ng anumang tuntunin sa mga bagay na ito. Isinisiwalat ng surbey na ganap na 69 na porsiyento ng mga Katolikong Pranses ay nagsasabi na sila’y sumasang-ayon, sa simulain, sa pagsisiping bago ang pag-aasawa. Higit pa riyan, 49 porsiyento ang nagsabi na sang-ayon sila sa pag-aalis sa kahilingang hindi pag-aasawa ng mga paring Katoliko, at 51 porsiyento ang may palagay na ang mga babae ay dapat pahintulutan sa pagkapari. Kawili-wili, 8 porsiyento lamang ang may palagay na ang Iglesya Katolika ay tapat pa rin sa mga turo ni Kristo Jesus.

Satanikong mga Ritwal

“Ang mga ulat tungkol sa satanikong mga ritwal, na malaon nang kinalimutan bilang imposible, ay dumadalas at nakababalisang nagpapatuloy,” ulat ng The Globe and Mail ng Canada. Kabilang sa gayong mga ulat ang seksuwal na pag-abuso, kanibalismo, at mga haing tao. Sinasabi ng iba na ang mga biktima ng inihahaing mga tao ay kinukuha mula sa 50,000 mga naglalayas at mga taong walang tirahan na iniuulat na nawawala sa Hilagang Amerika taun-taon. May mga sinasabi ring pag-aanak at pagtatago ng mga sanggol para sa layuning gamitin ang mga ito sa paghahandog ng tao. Sinasabi pa ng The Globe and Mail na sa “Canada, tinatayang 2,000 katao ang umamin na sila’y inabuso sa satanikong mga kulto.” Upang lutasin ang problema, ang mga departamento ng pulisya sa ilang bahagi ng Canada ay nagtatampok ng Satanismo sa kanilang mga kurso sa pagtuturo. Ang mga opisyal ay nababahala tungkol sa “pang-akit ng Satanismo sa mga kabataan.”

Nakalulusog na Taba

Isinisiwalat ng isang pag-aaral kamakailan na mas kaunti ang may sakit sa puso sa mga taong nakatira sa kahabaan ng mga baybayin ng Hapón kaysa roon sa mga nakatira sa malayo sa aplaya. Ang dahilan? Ang Asiaweek ay nag-uulat na ang pagkaing sagana sa pagkaing-dagat “ay iniuugnay sa pagbawas ng ilang karaniwang mga pinsala sa puso.” Ang salmon at isdang trout lalo na ay maraming polyunsaturated fat na kilala bilang omega-3. Inaakalang ang uring ito ng taba ay makapagpapababa sa antas ng triglycerides at nababawasan ang “ ‘lapot’ ng dugo​—ang hilig nito na mamuo at marahil ay barahan ang mga daluyan ng dugo mula sa puso,” sabi ng Asiaweek. Iminumungkahi ng iba na ang omega-3 ay maaari pa ngang makatulong upang hadlangan ang iba pang mga sakit, gaya ng artritis, kanser sa suso, sakit sa bato, at mga sakit ng ulo dahil sa migraine.

Numero Unong Pumapatay ng Puno

Sang-ayon sa Süddeutsche Zeitung, isang pahayagan sa Munich, ang mga kagubatan sa Alemanya ay lumala pa. Halos 56 porsiyento ng kagubatan ng Alemanya ay sinasabing napinsala. Ang mga punong fir ay lalo ng apektado, na may maselang resulta sa mga burol, kung saan ang malalim na mga ugat ay gumaganap ng mahalagang papel sa paghadlang sa mga pagguho at pagkaagnas ng pang-ibabaw na lupa. Binabanggit ng Süddeutsche Zeitung na dahil sa mataas na antas ng mga ibinubuga ng mga sasakyan sa Alemanya, “ang mga conservationist ay muling nanawagan sa pederal na pamahalaan na gawan ng paraan ang ‘No. 1 pumapatay ng puno,’ ang kotse.”

Pag-aaral sa Bahay

Daan-daang libong mga magulang sa Estados Unidos ang nagtuturo sa kanilang mga anak sa bahay sa halip na papag-aralin sila sa paaralan. Ang The New York Times ay nag-uulat na ayon sa ilang tantiya, hanggang 50,000 mga bata ang tinuturuan sa bahay. Ang mapagpipiliang ito ay nagiging popular sa mga magulang na nababahala “tungkol sa droga at krimen sa mga paaralang bayan at tungkol sa pag-unti ng mahuhusay na mga guro.” Sang-ayon sa Times, sinasabi ng mga guro na ang mga batang ito ay “napapabayaan sa mabuti-ang-intensiyon ngunit hindi kuwalipikadong mga magulang.” Inamin ng isang tagapagsalita para sa National Homeschool Association na “ang pag-aaral sa bahay ay hindi para sa lahat.” Saka idinagdag niya: “Ni ang paaralang bayan man.”

Krisis sa Pangangalaga ng mga Katedral

Bagaman ang Church of England ang ikalawang-pinakamalaking nagmamay-ari ng lupa sa Britaniya, nahihirapan ito sa pangangalaga sa marami nitong katedral. Ayon sa Guardian Weekly ng Manchester, “may mga palatandaan na ang publiko ay nababagot na sa pagtangkilik sa gumuguhong mga monumentong ito.” Iminungkahi ng ilang opisyal ng simbahan ang pagbubukas ng mga restauran sa lupa ng simbahan o palakihin ang mga gift shop na naroroon na; sa York, dinoble ng mga opisyal ng simbahan ang upa ng mga tindahan doon. Iba-ibang pagpuna ng mga lider ng simbahan sa mga pagsisikap na iyon. Subalit si Dr. Robert Runcie, dating Arsobispo ng Canterbury, ay sumulat kamakailan ng isang liham sa Britanong pamahalaan na humihingi ng pinansiyal na tulong para sa simbahan. Ang katedral sa Ely ay mayroong mas simpleng solusyon. Ang mga bumibisita rito ay sinisingil ng bayad sa pagpasok.