Ang Colosseum—Sinaunang Sentro ng “Libangan” ng Roma
Ang Colosseum—Sinaunang Sentro ng “Libangan” ng Roma
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Italya
“ANG Colosseum, isa sa pinakabantog na sinaunang mga monumento ng Roma; isang sagisag ng dating kapangyarihan at kaluwalhatian nito, at isang saksi sa dakilang kabuktutan nito,” sabi ni Luca, na pinaka-giya sa paglalakbay ng kaniyang mga kaibigang sina Marco at Paolo.
Marahil ikaw man ay nagnanais makaalam ng higit tungkol sa Colosseum—kung kailan ito itinayo at kung anong palabas ang itinanghal doon. May sinaunang mga Kristiyano ba na nagtungo roon? Namatay ba sila roon, niluray ng mababangis na hayop, gaya ng paniwala ng iba? Bueno, makinig ka sa sasabihin ni Luca sa kaniyang mga kaibigan.
Luca: “Ang Colosseum ay dating tinatawag na Flavian Amphitheater sapagkat ito ay sama-samang gawa ng mga emperador ng pamilya Flavia: si Vespasian, Titus, at Domitian. Sinimulan ni Vespasian ang pagtatayo noong mga taóng 72 hanggang 75 C.E., ipinagpatuloy ng kaniyang anak na si Titus ang gawain at pinasinayanan ang gusali noong 80 C.E., at nang dakong huli’y tinapos ito ng kaniyang kapatid na si Domitian.”
Paolo: “Ngunit bakit ito tinawag na Colosseum?”
Luca: “Kawili-wiling tanong iyan, ngunit walang tiyak na sagot. Wari bang noon lamang ikawalong siglo C.E. na ang arena ay tinawag na Colosseum. Inaakala naman ng iba na ang pangalang iyan ay dahil sa napakalaking sukat nito. Sabi ng iba na ito raw ay dahil sa kalapit na colossus ni Nero, isang pagkalaki-laking istatuwa na halos 35 metro ang taas, na kumakatawan kay Nero bilang ang diyos-araw.
“Ang basta pagbanggit na ito ang pinakamalaki sa mga amphitheater ay walang gaanong kahulugan kung walang mga detalye. Halimbawa, ito’y itinayo sa hugis na ellipse, na ang mas malaking axis ay 188 metro at ang mas maliit ay 156 metro. Ito ay may paligid na 527 metro at 57 metro ang taas. Ang gawain ay nangailangan ng sampu-sampung libong tonelada ng travertine, isang uri ng marmol na bato sa kalapit na bayan ng
Tivoli, at 300 tonelada ng bakal upang pagdugtungin ang mga marmol. Ang mga tagapagtayo ay gumamit din ng maraming tinatawag natin ngayon na prefabricated na mga materyales. Mga bloke at haliging bato ay ginawa sa ibang lugar at saka dinala sa dako ng konstruksiyon. Ipinaliliwanag nito ang bilis ng pagkakatayo sa Colosseum. Isip-isipin lamang, sa pagitan ng lima at walong taon ay sapat na upang itayo ang pagkalaki-laking gusaling ito.”Marco: “Naisip ko, Luca, ilan kayang mga alipin ang nagtrabaho sa Colosseum! ”
Luca: “Posibleng ginamit ang mga bilanggo ng digmaan para sa mabibigat na gawain, iyan lamang. Ang bilis ng pagtatayo at ang iba’t ibang materyales na ginamit ay nagpapahiwatig na propesyonal na mga manggagawa at mga artisano ang ginamit.”
Paolo: “Ilang palapag ang Colosseum?”
Luca: “Mula sa labas makikita mo ang tatlong palapag na may simetrikong mga arko. Sa orihinal ang bawat arko ay pinalalamutian ng isang istatuwa, at bawat palapag ay may 80 arko. Sa itaas ng ikatlong palapag, makikita mo ang ikaapat na palapag na may malaking parihabang mga bintana sa dingding.”
Marco: “Ilan ang malululan nitong mga manonood?”
Luca: “Ipinakikita ng karamihan ng mga reperensiyang aklat na mga 45,000 nakaupo at 5,000 nakatayo. Sinasabi ng ibang aklat na ito’y makapaglalaman ng mahigit na 70,000 manonood. Sa anumang kaso, mayroon itong napakalaking kapasidad. Ang manonood ay protektado ng isang pagkalaki-laking ambî, o velarium, na tumatakip sa upuang dako ng arena.
“Ang amphitheater ay itinayo sa kongkretong plataporma na 13 metro ang kapal, na siyang dahilan ng katatagan nito sa nakalipas na mga siglo. Ang nakikita ninyo ngayon ay nakatagal na sa iba’t ibang sunog at lindol sa buong kasaysayan nito. Gayunman, ang pinakadakilang kaaway ng Colosseum ay ang mga tagapagtayo noong panahon ng Renaissance at Baroque, na ginamit ito bilang isang madali at murang pinagmumulan ng traventine at marmol. Ang ilan sa mahahalagang gusali sa Roma ay itinayo o isinauli sa pamamagitan ng mga materyal na kinuha mula rito. Subalit pumasok na tayo.”
Paolo: “Kahanga-hangang mga kagibaan! Sabihin mo nga sa akin, Luca, ano ba dati ang naroon sa gitna?”
Luca: “Iyan ang dakong subterranean para sa mga kagamitang ginagamit sa mga pagtatanghal. Diyan itinatago ang mga tanawin ng entablado, pati na ang mga kulungan para sa mababangis na hayop, mga sandata, at mga tagapagtaas na may katapat na timbang para itaas ang mababangis na hayop at ang mga mandirigma o gladiator sa kapantay ng arena. Ang sahig ng arena, na sumasaklaw sa buong dakong subterranean, ay yari sa kahoy. Ipinaliliwanag nito kung bakit walang bakas ng mga labî nito ang natitira. Ang paligid ng arena mismo ay napalilibutan ng isang mataas na lambat o pangharang na mga barandang metal. Sa lambat na ito, na suportado ng mga tikin, ay may malalaking pako at mga rolyo ng garing na humahadlang sa mababangis na hayop na umakyat dito. Bilang pag-iingat pa, wari bang maraming mámamanà ang itinalaga sa palibot ng arena.”
Paolo: “Kailangan bang magbayad ang mga manonood upang makapasok?”
Luca: “Hindi, ang pagpasok sa Colosseum ay libre. Ito ay bahagi ng patakaran ng mga emperador,
na nag-aalok ng libreng libangan upang masupil ang mga tao. Sa katunayan, ang mga pagtatanghal na ito ay parang droga na nagpasama sa budhi ng bayan. Ginamit ng makatang Romano na si Juvenal ang bantog na katagang ‘panem et circenses,’ ‘tinapay at ang sirkus,’ na ikinalulungkot ang ugali ng mga Romano, na ang karamihan ay nabubuhay upang kumain at masiyahan.“Ang lipunang Romano ay nahahati sa dalawang klase, gaya ng ipinakikita ng hati ng mga upuan sa arena. Ang mga upuan sa harapan ay nakareserba sa mga senador. Sa likuran nito ay ang mga upuan ng mga maginoo, at ang iba pa, sa gawing itaas, ay para sa mga babae at mga alipin.”
Marco: “Dito ba nakikipagbaka ang mga gladiator?”
Luca: “Oo. Pangunahin nang may dalawang pagtatanghal, ang munera, o labanan sa pagitan ng dalawang gladiator, at ang venationes, ang pagpatay sa mababangis na hayop. Gayundin, ang mga kriminal ay dito pinapatay, ipinadadalang walang armas upang lumaban sa mga gladiator o inihahagis sa mababangis na hayop. Ang kanilang kamatayan ay nagbibigay ng nakakikilabot na panoorin para sa ‘kasiyahan’ ng publiko.”
Paolo: “Kung natatandaan ko pa nang tama, ang mga gladiator ay mga alipin, di ba?”
Luca: “Oo, mga alipin na ang karamihan ay pinili mula sa mga bilanggo ng digmaan, na tumatanggap ng anumang trabaho upang iligtas ang kanilang buhay. Ang ibang kriminal na, upang maligtas sa hatol na kamatayan, ay umaasa ng mas mabuting tsansa sa labanan ng mga gladiator. Ang iba ay nagboboluntaryo bilang mga gladiator. May mga paaralan na nagsasanay sa kanila bago nila simulan ang kanilang karera. Sila’y pinapayagang gumamit ng iba’t ibang kagamitan sa pakikipaglaban, gaya ng tabak, o sibat at kalasag, o lambat at trident (tatlong-tulis na sibat). Kahit na ang mga pangyayari ay tinatawag na ludi gladiatorii, mga larong gladiator, ang gayong mga engkuwentro ay kalunus-lunos na mga pagtatanghal na kalimitang nagwawakas sa kamatayan ng isa sa mga kalahok.”
Marco: “Sa katunayan, natatandaan ko na kapag pumapasok ang mga gladiator sa arena, binabati nila ang emperador ng mga salitang, ‘Ave, Caesar, morituri te salutant,’ na nangangahulugang, ‘Mabuhay, si Caesar, yaong mga mamamatay ay bumabati sa iyo.’ ”
Paolo: “Kumusta naman ang eksena sa mga pelikula kung saan inilalabas ng emperador ang kaniyang kamay na nakababa ang hinlalaki upang ipasiya ang kamatayan ng natalong gladiator—talaga bang nangyari iyon?”
Luca: “Oo, talagang nangyari iyon. Noong unang panahon, ang nagwagi ang nagpapasiya sa kahihinatnan ng natalo. Nang maglaon, ang karapatang
ito ay ibinigay sa emperador mismo, na nagpapasiya pagkatapos marinig ang hatol ng maraming tao. Kung inaakala ng mga manonood na ang talunan ay may katapangang nakipaglaban, itataas nila ang kanilang mga hinlalaki at sisigaw, ‘Mitte!’ (Pabayaan siya!), hinihiling na iligtas ang kaniyang buhay, at kung ipakikita rin ng emperador ang nakataas na hinlalaki, ang talunan ay hahayaang mabuhay. Kung, sa halip, ay inaakala ng mga manonood na ang talunan ay kumilos nang may karuwagan, ibababa nila ang kanilang hinlalaki at sisigaw, ‘Iugula!’ (Patayin siya!) Kung uulitin ng emperador ang kilos na iyon, ang hatol na kamatayan sa natalong gladiator ay nahayag na. Ang magagawa na lamang niya ay ipapatay ang sarili sa nagwagi. Lahat ng ito ay sa gitna ng masigabong palakpakan at sigawan ng maraming tao. Ang nagwagi ay saka binibigyan ng mahahalagang regalo at mga baryang ginto.”Marco: “Anong lupit na tanawin!”
Luca: “Ah, talaga! Ang dugo ng tao ay literal na umagos, huwag nang banggitin ang dugo ng mababangis na hayop na pinatay. Ang mga pagtatanghal na kinasasangkutan ng mga hayop ay kadalasang simpleng mga pagtatanghal ng sinanay na mababangis na hayop na sumusunod sa utos ng tagasanay nito, gaya ng nakikita natin sa modernong-panahong sirkus. Subalit kadalasan, ang mababangis na hayop ay nakikipagbaka sa isa’t isa o hinahabol at pinapatay. Ito’y isang tunay na patayan. Isipin lamang, nang pasinayanan ang Colosseum, 5,000 mababangis na hayop ang pinatay sa isang araw! ”
Paolo: “Nakapagtataka kung papaano nasisiyahan ang mga tao sa gayong mga bagay.”
Luca: “Bueno, isipin ninyo ang tungkol sa mga laban ng boksing ngayon. Isinisigaw ng mga manonood ang kanilang pagsang-ayon na makitang bumagsak sa sahig ang talunan, ang kaniyang mukha ay duguan. O kumusta naman yaong mga naaakit sa mga pelikula na sinisikap na panabikin ang madla sa pagpapakita ng dugo, kamatayan, at pagdanak ng dugo sa lahat ng dako? Marahil ang mga tao ngayon ay wala ring pakiramdam gaya nila noon.
“Kaya ang mga arena ay mga lugar ng karahasan at katiwalian. Sa kadahilanang ito ang sinaunang mga Kristiyano ay maingat na hindi nagtutungo rito. Sa katunayan, binigyang kahulugan ng manunulat noong ikatlong-siglo na si Tertullian, sa kaniyang akdang De spectaculis, kung ano ang nangyayari sa arena bilang ‘basura’ at idiniin niya na ang arena ay ‘hindi kilala’ ng mga Kristiyano.”
Marco: “Posible kaya na ang ilang mga Kristiyano ay namatay ng martir na kamatayan sa Colosseum?”
Luca: “Ang mga Kristiyano ay walang alinlangang pinatay sa Romanong mga arena, niluray ng mababangis na hayop. Pinatutunayan ito ng makasaysayang mga reperensiya. Maaaring sinasabi ni apostol Pablo sa 1 Corinto 15:32, na siya ay nalantad sa mapanganib na mababangis na hayop sa arena sa Efeso.
“Tiyak, dito sa Roma, ang mga Kristiyano ay dumanas ng martir na kamatayan, subalit imposibleng sabihin kung sila ay pinatay sa Colosseum. Ang Enciclopedia Universale, Tomo 4, ay nagsasabi: ‘Hindi pinatutunayan ng kasaysayan na ang Colosseum ay isang dako kung saan ang mga Kristiyano ay dumanas ng martir na kamatayan.’ Gayunman, sinasabi ng ilang awtor na Katoliko na ito ang lugar. Maliwanag na ibinabatay nila ang kanilang opinyon sa mga alamat na lumitaw noong kasunod na mga panahon at na tinanggap ng herarkiyang Katoliko.
“Gayunman, ang nakapagpapatibay-loob sa mga Kristiyano ngayon ay ang bagay na ang sinaunang mga tagasunod ni Kristo ay tapat hanggang kamatayan sa pananatiling neutral sa isang marahas na sanlibutan. Ang mahalagang bagay ay hindi ang pagkaalam kung saan sila dumanas ng martir na kamatayan kundi ang pagkaalam na lubusang pinanatili nila ang kanilang katapatan.
“Nasiyahan ba kayo sa inyong pagdalaw sa napakalaking Romanong arkitekturang ito?”
“Aba oo,” sagot nina Paolo at Marco, “at pinasasalamatan ka namin sa iyong mahusay na mga paliwanag.”
Ang mga bato na nagsasalita sa atin sa pamamagitan ng kasaysayan ay maaaring magsiwalat ng maraming kawili-wiling mga bagay. Itinatampok ng Colosseum ang pambihirang mga talino ng sinaunang mga Romano sa larangan ng arkitektura at konstruksiyon. Sila’y mga tagapagtayo ng tulay, lansangan, mga aqueduct, teatro, arena, templo, at mga palasyo. Gayunman, ang Colosseum ang tanawin ng kakila-kilabot na mga pagtatanghal kung saan ang mga Kristiyano noon, gayundin sa ngayon, ay hindi nakikibahagi bilang mga manonood o kusang mga kalahok.
[Larawan sa pahina 25]
Sa loob ng Colosseum ngayon
[Larawan sa pahina 26]
Ang Colosseum sa nakalipas na kaluwalhatian nito