Ipinahihintulot ba ng Bibliya ang Pakikitungo sa Ahas?
Ang Pangmalas ng Bibliya
Ipinahihintulot ba ng Bibliya ang Pakikitungo sa Ahas?
SA MUNTING mga simbahan, ang mga tapat ay nagkakatipon. Sila’y nagpapatugtog ng mga gitarang de kuryente at umaawit ng musikang pang-ebanghelyo. Sila’y nagdarasal para sa mga pagpapagaling. Nakikinig sila sa simpleng mga sermon at buong lugod na nagngangangawa sa kung ano ang tinatawag nilang “bagong mga wika.” Sa lahat ng ito, walang pinag-iba ito sa anumang bilang ng Pentecostal o karismatikong mga grupo sa Sangkakristiyanuhan. Pagkatapos ay inilalabas nila ang lason, ang apoy, at ang mga ahas.
Ang lason ay karaniwang strychnine, na kinanaw sa tubig. Ang apoy ay maaaring yaong nag-aapoy na telang ibinabad sa gas o isang acetylene na sulo, at ang mga ahas ay maaaring mga rattlesnake o copperheads, hindi mahirap hanapin sa Bundok ng Appalachian sa Estados Unidos, kung saan karaniwan ang mga pangkat na ito. Kung inaakala nilang sila’y tinatawag ng “espiritu” na gawin iyon, iinumin nila ang lason at hahawakan ang apoy sa kanilang mga kamay. Maaari rin nilang hawakan ang mga ahas, ibinibitin ito sa kanilang mga kamay at balikat, hinahawakan ito sa kanilang mga katawan, ipinapasa ito sa isa’t isa. Bakit?
“Ako’y humahawak ng mga ahas sapagkat ito’y nasa Bibliya, gaya ng isang utos,” sabi ni Dewey, ang lider ng isang maliit na relihiyon sa West Virginia. a Sinasabi ni Dewey na siya’y 106 na beses nang nakagat, at may mga pilat siya upang patunayan ito. Talaga bang ipinag-uutos ng Bibliya ang gayong mga bagay?
“Huwag Mong Tutuksuhin ang Panginoon”
“Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos; sapagkat ang Diyos ay pag-ibig,” sabi ng Bibliya sa 1 Juan 4:8, King James Version. Hihilingin ba ng isang Diyos ng pag-ibig ang kaniyang mga mananamba na saktan ang kanilang mga sarili? “Masakit ang tuklaw,” sabi ni Dewey. “Ang kirot nito ay halos 100 ulit na mas matindi sa isang sakit ng ngipin . . . Para bang ikaw ay nililiyaban.” Bagaman karamihan ng mga natuklaw ng ahas ay nakaliligtas, maraming kamatayan ang dokumentado, pati na ang kamatayan ng kapatid na babae ni Dewey noong 1961.
Mangyari pa, ang mga Kristiyano ay laging handang mamatay alang-alang sa kanilang pananampalataya, subalit ang kanilang kamatayan ay karaniwang ipinaparusa ng iba dahil sa pagtanggi nilang ikompromiso ang mga simulain ng Bibliya. Sa kabilang panig, nang anyayahan ni Satanas si Jesu-Kristo na di kinakailangan at kusang isapanganib ang kaniyang buhay sa pamamagitan ng pagtalon mula sa templo sa Jerusalem, “sinabi ni Jesus sa kaniya, Nasusulat din naman, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.”Mateo 4:7, KJ) Hindi ba pagtukso sa Diyos, o pangahas na paghamon sa kaniya, na maglaro sa ahas, apoy, o lason? Hindi ba ang pagsubok na iyon ay nagpapahiwatig ng lubhang kawalan ng pananampalataya sa bahagi ng mga mananamba, isang pagsisikap na pilitin ang Diyos na patunayan ang kaniyang sarili na tapat sa kaniyang Salita sa pamamagitan ng kahindik-hindik na mga gawa?
(Ano ang Iniuutos ng Kasulatan?
Ang mga miyembro ng pangkat na nakikitungo-sa-ahas ay nag-aangkin na ang kanilang mga gawain ay iniuutos ng Salita ng Diyos, at sinisipi nila ang Marcos 16:17, 18 bilang patotoo. Sang-ayon sa King James Version, ang mga talatang ito ay kababasahan ng ganito: “At lalakip ang mga tandang ito sa magsisisampalataya; Magpapalabas sila ng mga demonyo sa aking pangalan; mangagsasalita sila ng mga bagong wika; sila’y magsisihawak ng mga ahas; at kung magsisiinom sila ng bagay na nakamamatay, sa anumang paraan ay hindi makasasama sa kanila; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at sila’y magsisigaling.”
Una, dapat pansinin na halos lahat ng mga iskolar ng Bibliya ay sumasang-ayon na ang mga talatang ito ay hindi orihinal na bahagi ng Ebanghelyo ni Marcos. “Ang kahina-hinalang pagiging totoo ng mga Mar 16 talatang 9-20 ay gumagawa ritong hindi matalino na pagsaligan ng isang doktrina o ibatay rito ang isang karanasan (lalo na ang mga Mar 16 talatang 16-18),” sabi ng kilalang komentaristang si Charles Ryrie.
Gayunman, yaong mga humahawak ng mga ahas sa kanilang pagsamba ay kadalasang hindi naniniwala sa kung ano ang ipinalalagay ng mga iskolar ng Bibliya tungkol sa pagiging totoo ng Marcos 16:9-20. Ang mga talata sa Bibliyang King James, ang siyang tanging Bibliya na pinaniniwalaan ng karamihan sa kanila, at para sa kanila iyan ang wakas ng bagay.
Subalit kahit na kung ang mga talatang ito ay makatotohanan, hindi ito nag-uutos na humawak ng mga ahas o uminom ng lason, at wala itong binabanggit tungkol sa apoy. Kaya ito ay hindi maaaring basahin bilang isang kahilingan para sa pagsamba. Sa katunayan, si apostol Pablo ay nakaengkuwentro ng isang ahas sa isla ng Malta (Melita, KJ) subalit sa pamamagitan lamang ng aksidente sapagkat ito’y nasa isang bigkis na kahoy na iginagatong niya sa apoy. Bagaman si Pablo ay tinuklaw at iningatan ng Diyos mula sa panganib, hindi niya ipinasa ang ahas upang hawakan ng iba. Sa halip, “ipinagpag niya ang hayop sa apoy.” Malayung-malayo sa nakapapasong kirot na nadarama ng modernong mga humahawak ng ahas, siya’y “hindi nasaktan.”—Gawa 28:3-6, KJ.
Isang Pagsubok ng Pananampalataya?
Sang-ayon sa The Encyclopaedia of American Religions, ang paghawak ng ahas ay isang bagong kababalaghan. “Noong 1909,” sabi nito, “si George Went Hensley, isang batang residente ng rural na Grasshopper Valley, Tennessee, ay naging kumbinsido na ang mga binabanggit sa Marcos 16:17-18 na mga ahas at lason ay, sa katunayan, isang utos. Humuli siya ng isang rattlesnake at pagkaraan ng ilang araw sa kalapit na Sale Creek, sa kalagitnaan ng isang serbisyo ng pagsamba, inilabas niya ang ahas upang hawakan ng mga lalahok upang subukin ang kanilang pananampalataya.” Subalit walang katibayan, sa Kasulatan o sa kasaysayan, na ang mga Kristiyano ay hinilingan ng gayong ‘mga pagsubok ng kanilang pananampalataya.’
Isa pa, isaalang-alang ito: Si Pablo ay ginamit ng Diyos upang buhaying muli ang mga patay; gayunman siya’y gumawa ng makatuwirang pag-iingat tungkol sa kaniyang kalusugan at sa kalusugan ng kaniyang mga kasama. (1 Timoteo 5:23; 2 Timoteo 4:13) Hindi sinikap ni Pablo na gumawa ng mga pagkakataon upang buhaying muli ang mga tao.
Kaya, sa halip na pahirapan ang kanilang mga katawan ng kirot o lagyan ng pilat mula sa mga kagat ng ahas, ang mga Kristiyano ay pinapayuhang ‘iharap ang kanilang mga katawan na isang haing buháy, banal, na kaaya-aya sa Diyos, na siya nilang katampatang pagsamba.’ (Roma 12:1, KJ) Sa halip na utusan na subukin ng mga Kristiyano ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng walang ingat na mga gawa, ang makatuwirang payo ng apostol ay: “Siyasatin ninyo ang inyong sarili, kung kayo’y nangasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili.” (2 Corinto 13:5, KJ) Subukin ninyo ang inyong mga paniwala sa Salita ng Diyos. Ang matapat na pagsusuri-sa-sarili, inihahambing ang inyong paniniwala sa Kasulatan, ay tutulong sa iyo na tiyakin kung ang iyong pananampalataya ay makapapasa sa mahalagang pagsubok ng pagsang-ayon ng Diyos.
[Talababa]
a Magasing People, labas ng Mayo 1, 1989.