Isang Balintunang Pagkakaiba
Isang Balintunang Pagkakaiba
ANG pagdami ng pangglobong populasyon ay inaasahang daragdag ng halos katumbas ng isa pang Tsina sa ating daigdig sa mga taon ng 1990. Ang problema ay totoo lalo na sa mga lungsod ng daigdig. Sa katunayan, sa loob ng susunod na 15 taon, ang mga maninirahan sa lungsod sa planetang ito ay inaasahang mahihigitan ang kanilang mga katapat sa lalawigan sa kauna-unahang pagkakataon. Binabanggit ng magasing International Wildlife na habang ang mga lungsod sa daigdig ay nagiging siksikang pagkalaki-laking mga lungsod, “durumhan [nila] ang hangin at tubig, kukunin nila ang masasakang lupa sa paligid nila, uubusin ang mga reserba ng kagubatan upang maglaan ng gatong at kahoy, at magpaparami ng krimen, sakit at kawalan ng pag-asa.”
Samantala, parami nang paraming mga kabukiran ang iniiwan. Halimbawa, sa Estados Unidos, daan-daang mga rural na mga bayan ang namamatay dahil sa kakulangan ng mga tao. Sa malawak na rehiyon ng Great Plains sa gawing kanluran ng Estados Unidos, ang ilang mga bayan ngayon ay mayroong mas maraming patay na bayan kaysa buháy na bayan. Sampung bayan sa North Dakota ay mayroon lamang isa’t kalahating tao o wala pa sa bawat kilometro kudrado; 18 bayan ang nawalan ng hindi kukulanging 50 porsiyento ng kanilang populasyon mula noong 1930. Inaakala pa nga ng iba, gaya ng pagkakasabi rito ng The Wall Street Journal, na ang buong rehiyon ng Great Plains ay “walang pagbabagong nagbabalik sa pagiging damuhan na pinagmulan nito.” Bakit? Sinisisi ng mga eksperto ang maling pamamahala sa lupain, ang pag-abuso sa limitadong suplay ng tubig, tagtuyot, at mahinang ekonomiya.
Ang mga lungsod ay nagpuputok sa dami ng populasyon. Napakalawak na kabukiran na may ilang iniwang mga bayan. Nariyan sa balintunang pagkakaibang iyon ang nakatatakot na patotoo na hindi mapamahalaang mabuti ng tao ang mga lungsod ano pa kaya ang mga bansa, at hindi nga nila mapamahalaang mabuti ang mga tao nito ano pa kaya ang planetang ito. Gaya ng angkop na pagkakalarawan dito ng Bibliya: “Hindi para sa taong lumalakad ang magtuwid kahit ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Subalit ang may kakayahan, matuwid na pamahalaan ay nasa kakayahan ng Maylikha ng tao. Ipinangako niya na sa malapit na hinaharap ang buong lupa ay magiging mabunga, binubungkal ng mapayapang mga maninirahan sa halip na sinisira ng di-masupil na mga nakatira rito.—Awit 67:6; 72:16; Isaias 65:21-23.