Kumusta Naman sa Hinaharap?
Kumusta Naman sa Hinaharap?
Bakit lubhang kalugud-lugod ang kapayapaan sa pagitan ng tao at ng hayop? Sapagkat ang mga tao ay orihinal na nilalang na makipagpayapaan sa mga hayop, kahit na roon sa inuuring mababangis.
Nang gawin ng Diyos ang unang lalaki at babae, inilagay niya sila sa isang dakong paraiso sa lupa upang masiyahan sa buhay. Layunin niya na sila ay magkaroon ng mga anak at palawakin ang mga hangganan ng orihinal na Paraisong iyon hanggang sa masakop nito ang buong lupa. Sa buong lupa, mapayapang sasakupin ng tao ang mga hayop.
Ang ulat ng Genesis ay nagsasabi: “Magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid at sa maaamong hayop at sa buong lupa at sa bawat hayop na gumagalawGenesis 1:26-31; 2:9.
sa ibabaw ng lupa. . . . At nakita ng Diyos ang lahat ng kaniyang nilikha at, narito! napakabuti.”—Ang pagkakaroon nila ng kapangyarihan sa mga hayop ay hindi dapat gawin nang may kalupitan. Ang mga tao at mga hayop ay nilayon na mamuhay nang mapayapa. Ito’y makikita sa bagay na nang paraanin ang mga hayop sa harap ng tao upang panganlan ang mga ito, siya ay hindi nasasandatahan. At walang binabanggit na takot na ipinakita ng tao o ng hayop.—Genesis 2:19, 20.
Matutupad ang Orihinal na Layunin
Nakatutuwa, ang orihinal na layuning iyon ng Diyos ay malapit nang matupad, kapag ang lahat ng gawang-taong mga gobyerno ay napalitan na ng Kaharian ng Diyos, na magpupuno mula sa langit. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Kapag ang pamamahala-ng-Diyos ay lubusang naitatag na muli sa buong lupa, ang orihinal na layunin ng Diyos para sa lupa at sa mga maninirahan nitong tao at hayop ay matutupad.
Ang mga epekto ng pagbabago ng matuwid na pamamahala ng Diyos ay may kagandahang inilarawan sa maraming hula sa Bibliya. Halimbawa, pansinin kung ano ang isinulat ni Isaias sa ilalim ng pagkasi: “Ang lobo ay aktuwal na tatahang sandali kasama ng lalaking kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing, at ang guya at ang batang leon at ang patabaing hayop na magkakasama; at isa lamang munting batang lalaki ang papatnubay sa kanila. At ang baka at ang oso ay manginginain; ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping. At kahit na ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka. Sila’y hindi mananakit o lilikha ng ano mang pinsala sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay mapupunô nga ng kaalaman tungkol kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa mismong dagat.”—Isaias 11:6, 7, 9.
Ipinakikita rin ng iba pang hula ang ganap na kapayapaan na iiral sa bagong sanlibutan ng Diyos. Tungkol dito ay inihula ni Mikas: “Kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Sila’y hindi magtataas ng tabak, ang bansa laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikidigma. At sila’y aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punung-ubas at sa ilalim ng kaniyang punung-igos, at walang tatakot sa kanila.”—Mikas 4:3, 4.
Sa panahong iyon walang mababangis na hayop ang gagambala sa kapayapaan ng tao, sapagkat ang makahulang salita ng Diyos ay nagsasabi: “Ako’y makikipagtipan sa kanila ng tipan ng kapayapaan, at aking papawiin sa lupain ang masasamang hayop na mababangis, at sila’y magsisitahang tiwasay sa ilang at mangatutulog sa mga gubat. . . . At sila’y titiwasay sa kanilang lupain.”—Ezekiel 34:25, 27.
Kaya ang kapayapaan at ang pagkakasundo sa lahat ng panahon sa ipinanumbalik na Paraisong iyon ay magiging ganap. Iyan ang dahilan kung bakit ang mga kalagayan doon ay mailalarawan ng huling aklat ng Bibliya nang ganito: “‘Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamahati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.’ At ang isang nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay.’ At, sinasabi niya: ‘Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’”—Apocalipsis 21:4, 5.
Oo, tapat at totoo. Ito’y nangangahulugan na maaasahan natin ang mga pangako ng Diyos, sapagkat di-tulad ng di-sakdal na mga tao, mayroon siyang kapangyarihan, karunungan, at determinasyon na isagawa ang kaniyang mga layunin. Gaya ng sabi ng isang tapat na lingkod ng Diyos noong unang panahon: “Walang isa mang salita na nagkulang sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova ninyong Diyos. Lahat ay natupad para sa inyo. Wala kahit na isang salita na hindi natupad.”—Josue 23:14; tingnan din ang Isaias 55:11.
Maaari rin tayong magkaroon ng gayong pagtitiwala na malapit na, sa bagong sanlibutan ng Diyos, ang kaniyang orihinal na layunin sa lupang ito, para sa mga tao, at para sa mga hayop ay matutupad. Ang bigay-Diyos na kapayapaan ay magiging pambuong-daigdig na katunayan. At ang kapayapaang iyon ay hindi lamang maghahari sa gitna ng mga tao kundi mababanaag din sa daigdig ng mga hayop.