Maaari Bang Mamuhay Nang Payapa ang Tao at ang Hayop?
Maaari Bang Mamuhay Nang Payapa ang Tao at ang Hayop?
“Para bang ako’y nasa pintuan ng paraiso; ang tao at ang hayop ay nagkakasundo.” Gayon inilarawan ni Joy Adamson ang isang tanawin sa tabi ng Ilog Ura sa Kenya habang minamasdan niya ang pagdating ng iba’t ibang ibon at mga hayop upang uminom. Ang kahali-halinang bahagi ng tanawin ay ang hayop na payapang nakaupo sa tabi niya—isang babaing leon na ganap na ang paglaki!
Mayroon bang katangi-tangi sa partikular na babaing leon na ito, si Elsa, na nakilala ng angaw-angaw sa aklat na Born Free, ni Joy Adamson? Wala, siya ay isang ordinaryong babaing leon. Ang kaibahan nga lang ay na natutuhan niyang mamuhay nang payapa na kasama ng mga tao.
Nang maglaon, nang matapos na ang pelikulang Born Free, maraming maamong babaing leon ang ginamit upang gumanap sa papel ni Elsa. Ang isa ay tinatawag na Mara. Sa simula siya ay mapaghinala, at pagkatapos siya ay masyadong mapang-angkin, hindi pinapayagang makalayo ang kaniyang bagong mga kaibigang tao. Upang pahinahunin siya, inilipat ng asawa ni Joy, si George Adamson, ang tolda niya sa tapat ng kulungan ni Mara. Sa katapusan, inilipat niya ang kaniyang tolda doon mismo sa loob ng kulungan! “Sa sumunod na tatlong buwan,” sulat niya sa kaniyang aklat na Bwana Game, “si Mara ay regular na natutulog sa loob [ng tolda ko], karaniwang nakaunat sa sahig sa tabi ng kama ko o kung minsan ay sa kama. . . . Kailanman ay hindi niya ako binigyan ng pangamba tungkol sa aking personal na kaligtasan.”
“Isa sa paborito naming laro,” sulat ni G. Adamson, “ay na ako’y mahihiga sa lupa na nakatago sa likuran ng isang tungkos ng damo. Si Mara ay susunod sa akin nang palihim, na ang tiyan ay mababa sa lupa sa wastong ayos ng leon at saka biglang dadaluhong na parang kidlat at siya ay babagsak sa ibabaw ko. Lagi niyang kinokontrol ang kaniyang nakatatakot na mga kukó at kailanman’y hindi ako sinaktan.”
Ang isa pang babaing leon na gumanap sa papel ni Elsa ay nagngangalang Girl. Nang matapos ang pelikula, si Girl ay ibinalik sa kagubatan, kung saan siya ay nakasumpong ng kabiyak at nanganak ng dalawang batang leon. Nasumpungan ng dalawa sa mga kaibigan ni Adamson ang tirahan ng mga leon. Ganito ang sulat ni Adamson: “Taglay ang kahanga-hangang pagtitiwala at kabaitan pinayagan ni Girl ang dalawang lalaki, na sumusuong
sa malaking panganib, na lumapit ng mga ilang metro sa lugar na pinagsilangan . . . Ang pag-uugali ni Girl ay lalo pang kahanga-hanga yamang [ang isa sa mga lalaki] ay estranghero sa kaniya.” Tungkol naman kay Adamson, pinahintulutan pa nga ni Girl na hipuin ni Adamson ang kaniyang mga anak, samantalang ang ibang leon ay itinaboy niya.Pagpapaamo sa Isang Mabangis na Leon
Iba-iba ang ugali ng mga leon. Samantalang inaalagaan ni Joy Adamson si Elsa, sa gawing timog naman ng Hilagang Rhodesia (ngayo’y Zambia), isang game warden, si Norman Carr, ay nag-aalaga rin ng dalawang lalaking batang leon. Ang isa sa mga batang leon, si Big Boy, ay masyadong palakaibigan. Ang isa naman, si Little Boy, ay tampuhin. Tungkol dito sa huling banggit, ganito ang isinulat ni Carr sa kaniyang aklat na Return to the Wild:
“Nang si Little Boy ay nagtatampo, lumupasay ako sa tabi niya habang umaangil siya sa akin, malapit sa kaniyang mga paa na may dalawang-pulgadang sintalim ng labahang mga kuko na maaari niyang gamitin. Matiyagang sinusuyo ko siya sa pamamagitan ng mahinahong pakikipag-usap sa kaniya habang ako’y palapit nang palapit sa kaniya; at nang sa wakas ay makadaiti na ako siya ay umaangil pa rin ngunit hindi na gaano. Nang ilagay ko ang aking kamay sa palibot ng kaniyang mabalahibong balikat at himas-himasin ang kaniyang dibdib, siya ay magrerelaks na para bang ang lahat ng kaniyang maigting na kalamnan ay naalisan ng hangin. . . . Inilalagay niya ang kaniyang ulo sa aking kandungan, inaanyayahan akong himas-himasin siya.”
Sa paunang salita sa aklat ni Carr, ang Earl of Dalhousie, na siyang gobernador-heneral ng bansa, ay nagsasaysay ng isang pangyayari na nasaksihan niya nang ang mga leon ay mahigit na dalawang taong gulang at walang kasamang gumagala-gala sa isang kapatagan malapit sa kampo ni Carr. Si Carr ay sumipol, at ganito inilarawan ng Earl ang pagtugon: “Sila’y lumapit na lumulundag sa sipol ng kanilang panginoon at ikinuskos ang kanilang ulo sa kaniya, at kasabay nito’y maligaya subalit nakatatakot na umuungal ng animo’y kulog na pagbati. Ang pagmamahal nila sa kaniya ay tiyak na hindi nabawasan.”
Ang mga leon ay may likas na takot sa tao at karaniwang iniiwasan siya. Ang katutubong reaksiyon na ito na masusumpungan sa mga leon at sa iba pang mga hayop ay tamang-tamang inilalarawan sa Bibliya. (Genesis 9:2) Kung wala ito ang tao ay maaaring maging ang pinakamadaling silain. Gayunman, ang ilang hayop ay naging mangangain-ng-tao.
“Mga Kataliwasán”
Isang eksperto sa paksang ito, si Roger Caras, ay nagpapaliwanag: “Sa gitna halos ng lahat ng uri ng malalaking pusa waring marami sa hindi normal na mga indibiduwal ay hinahanap ang tao bilang pagkain. Ang mga ito ay kataliwasán . . . Ang tao ay karaniwan nang maaaring mamuhay nang payapa na kasama ng [malalaking pusa].”
Para bang hindi nakikilala ng maraming hayop ang tao kapag siya ay nakaupong natatago sa isang sasakyan. Sa ganitong paraan ang mga tao ay nakakuha ng malapitang mga larawan ng leon. “Ngunit,” babala ng aklat na Maberly’s Mammals of Southern Africa, “malaking panganib kung bubuksan mo ang iyong pinto, o sisikapin mong lumapit sa mga leon, sapagkat nalalaman nila ang pagkanaroroon ng tao, at ang biglang paglitaw ay nakadaragdag sa sindak ng takot na maaaring pagmulan ng isang pagsalakay bilang pagtatanggol-sa-sarili. . . . Sa katunayan hindi gaanong mapanganib ang makaharap ng isang leon sa palumpong kaysa biglang paglitaw mo mula sa kotse sa harap niya! ”
Kumusta Naman ang mga Leopardo?
Ang mga leopardo na naging mga mangangain-ng-tao ay mga kataliwasán din. Ganito ang sabi ni Jonathan Scott sa kaniyang aklat na The Leopard’s Tale: “Kapag hindi nililigalig at nasa mabuting kalusugan, ang leopardo ay mahiyain, mabining nilalang na nagpapakita ng takot sa tao. Kung haharapin ito ay karaniwang tatakas sa pinakamalapit na makukublihan.”
Si Scott ay gumugol ng mga buwan sa Masai Mara Game Reserve sa Kenya na pinag-aaralan ang mga kilos ng isang babaing leopardo na pinanganlan niyang Chui. Unti-unting nakasanayan ni Chui ang pagkanaroroon ng sasakyan ni Scott, at noong minsan ang kaniyang mga anak na leopardo, nagngangalang Dark at Light, ay lumapit at sinuri ang kaniyang kotse. Naniniwala si Scott na
sa likuran ng malamig na pakikitungo ng leopardo ay maaaring naroroon ang mainit na kalikasan nito.Naranasan ng iba ang mainit na kalikasan ng leopardo. Halimbawa, inalagaan ni Joy Adamson ang isang ulilang batang leopardo na pinanganlan niyang Penny. Pagkatapos pakawalan sa kagubatan, si Penny ay nakasumpong ng kabiyak at nagkaanak ng isang batang leopardo. Nang ang kaniyang mga kaibigang tao ay nasa malapit na lugar, si Penny ay nagpakita at hinimok sila na lumapit at tingnan ang kaniyang bagong silang na mga batang leopardo. Sa tirahan ng leopardo, nakaupo sa tabi ng nagmamapuring ina, inilarawan ni Adamson ang nakatutuwang tanawin: “Hinimod niya ang aming kamay samantalang ang mga batang leopardo ay nakapangko sa pagitan ng kaniyang mga paa sa harapan, pawang lipos ng kaligayahan. Ang panlahat na paniniwala ay na ang mga leopardo ang pinakamapanganib sa lahat ng mga hayop sa Aprika, at ang mga babaing leopardo na may mga anak ay lalo nang mabangis.” Subalit binanggit ni Adamson na maaaring patunayan ng karanasan niya kay Penny na “karamihan ng tinatanggap na mga paniwala ay walang katotohanan.”
Isa pang “mabait” na babaing leopardo, na nagngangalang Harriet, ay nagbigay kay Arjan Singh ng hilagang India ng higit pang kahanga-hangang karanasan. Inalagaan ni Singh si Harriet mula sa pagkabata at sinanay ito upang masustentuhan niya ang kaniyang sarili sa gubat na malapit sa kaniyang bukid. Bilang bahagi ng pagsasanay, hihimukin kung minsan ni Singh ang leopardo na sumalakay. “Kapag ako ay yumuyukyok at inuudyukan ko siyang sumalakay,” paliwanag niya sa kaniyang aklat na Prince of Cats, “sasalubungin niya ako . . . , ngunit paglukso niya sa akin titiyakin niya na lulukso sa ibabaw ko, iikot sa ibabaw ng aking ulo at magpapadulas sa aking likod, nang walang iiwang galos sa aking balikat.”
Ang paraan ng pakikipaglaro ng leopardo sa aso ni Singh na si Eelie ay kahanga-hanga rin. Si Singh ay nagkokomento na “ipinakikita ng isang pelikula [ang leopardo] na nakaupo at sumusuntok habang nilulusob siya ng aso—ngunit hindi niya sinisikap na pabagsakin ang sumasalakay. Ang kaniyang malalaking paa ay tumataas sa isang panig ng leeg ni Eelie, sa itaas ng ulo niya at pababa sa kabilang panig na marahan na parang pamaspas ng alikabok.”
Ang palakaibigang ugnayan sa pagitan ng tao, aso, at leopardo ay nagpatuloy pagkatapos na si Harriet ay umalis ng bahay upang itaguyod ang buhay sa kalapit na gubat. “Kung may nagsasabing ang mga leopardo ay hindi mapagkakatiwalaan,” hinuha ni Singh, “iniisip ko lamang na maraming beses na si Harriet ay pumupunta sa [aking bukid] sa kalagitnaan ng gabi at marahang ginigising ako upang makipagbatian habang ako’y natutulog sa labas.”
Sa wakas, si Harriet ay nakasumpong ng kabiyak at nagkaanak ng dalawang batang leopardo. Nang ang kaniyang tirahan ay isapanganib ng isang baha, binuhat ng leopardo ang kaniyang mga kuting sa kaniyang bibig at dinala ito nang isa-isa sa ligtas na lugar sa bahay ni Singh. Nang humupa ang baha, si Harriet ay sumakay sa bangka ni Singh, hinihimok siya na igaod siya paroo’t parito sa ibayo ng ilog habang kinukuha
niya nang isa-isa ang kaniyang mga kuting tungo sa isang bagong tirahan sa gubat.Ang Elepante ng Aprika
Sinasabing ang elepante ng Aprika ay napakailap upang paamuin. Gayunman, napatunayan ng maraming tao ang kabaligtaran. Isang halimbawa ay ang makabagbag-damdaming kaugnayan sa pagitan ng tatlong elepante ng Aprika at ng isang Amerikanong nagngangalang Randall Moore. Ang mga elepante ay bahagi ng isang pangkat ng mga batang elepante na nahuli sa Kruger National Park sa Timog Aprika at ipinadala sa Estados Unidos. Nang maglaon sila ay sinanay para sa isang akto sa sirkus at mahusay ang kanilang pagganap. Nang mamatay ang nagmamay-ari sa kanila, ang tatlo ay ibinigay kay Moore upang ibalik ang mga ito sa Aprika.
Ang dalawang babae, na nagngangalang Owalla at Durga, ay ipinakilala sa Pilanesberg Reserve ng Bophuthatswana noong 1982. Nang panahong iyon ang parke ay maraming ulilang batang elepante na hindi mabuti ang kalagayan at nangangailangan ng pangangasiwa ng adultong mga babaing elepante. Magampanan kaya ng sinanay-sa-sirkus na sina Owalla at Durga ang bahaging ito?
Pagkalipas ng isang taon, si Moore ay tumanggap ng mga report na inampon ng kaniyang mga elepante ang lahat ng 14 na mga ulila at na higit pang mga ulila ang ipinakilala sa parke. Pagkaraang mawala ng apat-na-taon, si Moore ay bumalik upang makita ito mismo. Inaasahan ang matagal na paghahanap sa Bundok ng Pilanesberg, nagulat siya, pagdating na pagdating niya, nakita niya si Owalla at Durga sa gitna ng malaking pulutong.
“Ang aking una, hindi propesyonal na silakbo ng damdamin,” sulat niya sa Back to Africa, “ay tumakbo patungo sa kanila, yakapin sila at papurihan sila. Pinalitan ko ang simbuyong iyan ng mas makatuwirang paglapit.”Una, kailangang tiyakin nina Owalla at Durga ang pagkanaroroon ng kanilang dating kaibigan. Sinuri nila ang kaniyang nakalahad na kamay ng kanilang mga nguso. “Si Owalla,” sulat ni Moore, “ay mataas sa akin na para bang naghihintay ng susunod na utos. Ang iba pa sa kawan ng mga elepante ay walang kakibu-kibong nakapaligid. Ako’y nagpaunlak. ‘Owalla . . . ITAAS ang nguso at PAA!’ Agad na itinaas ni Owalla ang kaniyang paa sa harap at pinakulot ang kaniyang nguso pataas na para bang sumasaludo na gaya ng ginagawa niya noon sa sirkus. Sino ang unang nagsabi na ang isang elepante ay hindi nakakalimot?”
Pagkaraan ng tatlong taon, noong Oktubre 1989, ang memorya ni Owalla ay binigyan ng isa pang pagsubok. Sa pagkakataong ito ipinasiya ni Moore na subukin ang isang bagay na hindi pa niya nagawa buhat nang ipakilala niya ang mga elepante sa parke pitong taon ang nakalipas. Sinunod ni Owalla ang kaniyang utos na lumupagi at hayaan siyang sumakay sa kaniyang likod. Tuwang-tuwa ang mga manonood ng telebisyon sa Timog Aprika na makita siyang sumakay kay Owalla sa gitna ng mahigit na 30 maiilap ng elepante. “Ginawa ko ito,” paliwanag ni Moore sa isang panayam sa Gumising!, “hindi bilang publisidad kundi sapagkat gusto kong malaman kung gaanong ugnayan at talino ang posible sa isang elepante.” Ang mga ulilang elepante sa Pilanesberg ay lumaki sa ilalim ng matalinong pangangalaga nina Owalla at Durga.
Oo, ang mga halimbawa ng pagkakaibigan sa pagitan ng tao at ng mababangis na hayop ngayon ay hindi siyang kalakaran; ito’y nangangailangan ng maingat na paglinang. Isa ngang kamangmangan para sa isang karaniwang tao na mangahas sa kagubatan at sikaping lapitan ang mga leon, leopardo, at mga elepante. Ngunit bagaman ang gayong pakikipagkaibigan sa pagitan ng mababangis na hayop at ng mga tao ay pambihira sa ngayon, kumusta naman sa hinaharap? Ito ba ang magiging kalakaran?
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8]
Ang mga Leon ay Maaaring Paamuin!
“HALIKA at kunan mo ako ng litrato na kasama ng aking mga leon,” sabi ni Jack Seale, direktor ng Hartebeespoortdam Snake and Animal Park sa Timog Aprika. Nininerbiyos, sumunod ako sa kaniya sa kulungan ng mga leon, inaasahang hahayaan niya akong kumuha ng mga litrato mula sa labas ng bakod.
Ang kulungan ay malinis, malilim mula sa mga punungkahoy sa paligid. Agad na nakilala ng siyam na malulusog na leon ang kanilang tagasanay habang siya ay pumapasok sa kulungan na kasama ang isang katulong. Ang mga leon ay palakaibigang nag-ungulan at lumakad nang paroo’t parito.
“Halika sa loob,” sabi ni Jack. Kunwari’y hindi ko narinig. “Halika sa loob,” inulit niya nang mas malakas. Upang ipagtanggol ang kanilang sarili mula sa mga leon, patpat lamang ang dala nila! Ang lakas ng kaba ng aking dibdib habang pinaglalabanan ko ang pagkatakot, sa wakas ay pumasok ako sa loob. Agad-agad akong kumuha ng litrato habang hinihimas ni Jack ang ilan sa kaniyang kahanga-hangang mga alaga. Anong laking ginhawa ang nadama ko nang kaming lahat ay ligtas na nasa labas! Ngunit hindi ako kailangang matakot.
“Ang dahilan kung bakit kami pumapasok na may mga patpat,” paliwanag ni Jack pagkatapos, “ay sapagkat ang mga leon ay malambing at nagbibigay ng mga kagat ng pagmamahal. Iniaabot namin ang mga patpat upang manguya nila ito sa halip na ang aming mga kamay.” Si Jack at ang kaniyang ipinagmamalaki ay kababalik lamang mula sa Etosha National Park sa Namibia. Bakit niya inilayo sila tungo sa kagubatan? Sabi niya:
“Sila’y ginamit upang isapelikula ang isang dokumentaryo tungkol sa kung anong pananaliksik ang ginagawa ng mga siyentipiko upang kontrolin ang pagdami ng populasyon ng mga leon sa kagubatan ng Namibia. Subalit mas gusto ng mga leon ko ang buhay na nakalakhan nila rito. Sa Namibia, pagkakita nila sa trak ko, lalapit na sila rito. Hindi mahirap na pauwiin sila.”—Isinulat.
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Hartebeespoortdam Snake and Animal Park
[Larawan sa pahina 9]
Si Randall Moore, kasama ang kaniyang mga alaga sa palumpong sa Aprika