Mga Hadlang sa Kapayapaan sa Pagitan ng Tao at ng Hayop
Mga Hadlang sa Kapayapaan sa Pagitan ng Tao at ng Hayop
Ang mga larawan na gaya ng nasa pabalat ng magasing ito ay nakalulugod sa mga bata. Ang mga adulto man ay kadalasang naaakit sa gayong tanawin.
Bakit ganito ang reaksiyon ng mga tao? Ang tunay na kapayapaan ba sa pagitan ng tao at kahit ng pinakamabangis na hayop ay isa lamang pangarap ng bata? O ito kaya’y magkatotoo?
Isang Hadlang ang Tao
Isang malaking hadlang sa gayong kapayapaan ay ang tao mismo. Isang matandang kawikaan ang nagsasabi: “Dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) At ang kasaysayan ng tao na pagpinsala sa kaniya mismong uri ay makikita sa kaniyang pakikitungo sa mga hayop.
Halimbawa, maraming mababangis na hayop ang hinuli at pinaglaban sa mga arena ng sinaunang Roma. Noong 106 C.E., ang Romanong emperador na si Trajan ay iniulat na nagtanghal ng mga paligsahan sa laro kung saan 10,000 mga gladiator at 11,000 mga hayop ang pinatay upang bigyan-kasiyahan ang uhaw sa dugong sadistang mga manonood.
Oo, ang partikular na uri ng libangang iyon ay hindi na uso ngayon. Subalit ang dumaraming listahan ng lipol at nanganganib malipol na mga uri ng hayop ay nagpapatunay na may mali sa pakikitungo ng tao sa maiilap at mababangis na nilikha. Habang nagpuputok sa dami ang populasyon ng tao, ang tirahan ng maiilap na hayop ay lumiliit. At dahil sa kasakiman ng tao, may pangangailangan para sa mga balat, sungay, at pangil ng mga eksotikong hayop. Ikinatatakot ng ilang dalubhasa na ang tanging uri ng pinakamaraming uri ng mga hayop ay sa wakas doon na lamang makikita sa mga zoo.
Mangangain-ng-tao
Ang isa pang hadlang sa kapayapaan ay waring dahil din sa ibang mababangis na hayop mismo. Sa Aprika at Asia, karaniwan nang mababasa ang mga ulat tungkol sa mababangis na hayop na sumalakay at pumatay ng mga tao. Binabanggit ng The Guinness Book of Animal Facts and Feats na ang mga miyembro ng pamilya ng pusa ay “malamang na siyang dahilan ng halos 1000 kamatayan taun-taon.” Sa India lamang, ang mga tigre ay pumapatay ng mahigit na 50 tao sa bawat taon. Ang ilang leopardo sa bansang iyon ay naging mga mangangain din ng tao.
Sa kaniyang aklat na Dangerous to Man, ipinaliwanag ni Roger Caras na ang mga leopardo kung minsan ay nagiging mangangain-ng-tao pagkatapos kumain ng mga bangkay ng tao kasunod ng epidemya. Ang mga epidemyang iyon, sabi niya, ay karaniwang “sinusundan ng mga buwan ng kakilabutan habang ang mga leopardo ay nagpapakasasà sa kanilang bagong panlasa sa laman ng tao at nagsisimulang pumatay.”
Subalit napansin ni Caras na hindi lahat ng mga pagsalakay ng leopardo ay dahil sa mga epidemya ng sakit. Ang isa pang dahilan ay ang pagiging magugulatin ng hayop, lalo na kapag ito’y malapit sa mga bata.
Noong taóng 1918-26, isang leopardo sa India ang pumatay ng 125 katao, gaya ng iniulat ni Koronel J. Corbett sa kaniyang aklat na The Man-Eating Leopard of Rudraprayag. Pagkalipas ng mga dekada, ang mangangain-ng-taong mga
leopardo ay pumatay ng hindi kukulanging 82 katao sa distrito ng Bhagalpur.Isang game ranger sa Tanganyika (ngayo’y bahagi ng Tanzania) ang nagkuwento kung paano niya ginugol ang limang buwan noong 1950 sa kaniyang pagsisikap na barilin ang isang leopardong kumakain-ng-tao na tumatakot sa mga tao sa palibot ng nayon ng Ruponda ngunit hindi siya nagtagumpay. Sa wakas, pagkatapos pumatay ng 18 bata, ito ay nasilo ng isang taganayon ng Aprika. Isa pang leopardo ang pumatay ng 26 na mga babae at mga bata sa nayon ng Masaguru.
Nariyan din ang mga leon sa Aprika. Kapag ito’y kumakain ng tao, ang mga biktima ay kadalasang mga adultong lalaki. “Sa aking dalawampu’t-tatlong taon sa Game Department,” sulat ni C. Ionides sa kaniyang aklat na Mambas and Man-Eaters, “nabaril ko ang mahigit na apatnapung leon, ang karamihan ay mga mangangain-ng-tao, samantalang ang iba pa ay alin sa magiging mangangain-ng-tao o mga mananalakay-ng-hayop.” Sang-ayon kay Ionides, ang mga leon ay nagiging salot sa tao kapag lubhang pinaunti ng tao ang kanilang hayop na sisilain.
Inihula ang Pambuong-Lupang Kapayapaan
Sa kabila ng gayong mga hadlang sa kapayapaan sa pagitan ng tao at ng hayop, ang Bibliya’y nagsasabi: “Bawat uri ng mababangis na hayop . . . ay pinaaamo at napaaamo ng tao.”—Santiago 3:7.
Inihuhula ng Bibliya sa Ezekiel 34:25: “Ako’y [ang Diyos] makikipagtipan sa kanila ng kapayapaan, at aking papawiin ang mga mapaminsalang mababangis na hayop sa lupain, at sila nga’y magsisitahang tiwasay sa ilang at mangatutulog sa mga gubat.”
Ang mga hula bang iyon sa Bibliya ay isa lamang di-makatotohanang pangarap? Bago tanggihan ang pag-asa na pambuong-lupang kapayapaan sa pagitan ng tao at ng hayop, isaalang-alang ang ilang pahiwatig na tumuturo sa katotohanan ng kung ano ang sinasabi ng Bibliya. Ang ilan sa kahanga-hangang halimbawa ng pagkakasundo sa pagitan ng nangangalagang mga tao at ng mapanganib ng mga hayop ay pinatutunayan ng mga dokumento.