Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Kulay Salamat sa inyong artikulong “Gawing Makulay ang Iyong Buhay.” (Oktubre 8, 1990) Ang patnubay na ibinigay roon ay napakahusay at nakatulong sa akin nang malaki sa pagpili ko ng pananamit. Nahihirapan akong magtugma ng mga kulay, at nahihilig ako sa pagsusuot lamang ng itim at puti. Ngayon ang mga bagay ay magiging iba na!
D. M. D., Brazil
Sistema ng Imyunidad Ako’y sumusulat bilang pasasalamat sa inyong mga artikulo tungkol sa sistema ng imyunidad. (Nobyembre 22, 1990) Pinag-aralan ko ang imyunolohiya mga ilang taon na ang nakalipas bilang bahagi ng mga kahilingan sa aking graduate studies. Sana ang aking propesor ay naging kasinliwanag at detalyado na gaya ninyo. Tunay na ito’y isang kursong tagapagpagunita! Salamat sa pagbubuod sa imyunolohiya.
O. O. O., Estados Unidos
Nais ko lamang batiin kayo sa pinakamahusay na siyentipikong artikulo na kailanma’y nabasa ko tungkol sa sistema ng imyunidad. Naibigan ko lalo na ang “Espirituwal na Imyunidad sa Moral na Pagkasira.” Anong matalinong unawa!
R. K., Estados Unidos
Trabaho Pagkatapos ng Klase Ako po’y 17 anyos at nagagalak akong tanggapin ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Gawin kaya Akong Maygulang ng Isang Trabaho Pagkatapos ng Klase?” (Nobyembre 22, 1990) Nagtrabaho po ako noong bakasyon ng taóng ito, yamang gusto kong malaman ang tungkol sa daigdig ng mga maygulang. Kailangan kong pakitunguhan ang isang aroganteng amo, di kaaya-ayang mga problema sa mga kamanggagawa, at iba pa. Kung nabasa ko sana ang artikulong ito na mas maaga, sa palagay ko’y pipiliin kong malaman ang tungkol sa buhay sa hindi gaanong masakit na paraan. Ako’y lubhang natutuwa na nauunawaan ninyo ang mga pangangailangan ng mga kabataan.
T. F., Hapón
Mga Sakit na Kaugnay ng Pagkain Sa loob ng pitong taon ako’y nakipagbaka sa bulimia. Sinabi ko sa aking ina, at sinabi niya na bahagi lamang ito ng paglaki at na maihihinto ko rin ito. Pagkaraan ng anim na buwan hindi ko pa rin ito naihihinto. Kaya nagtapat ako sa dalawang babaing Kristiyano, at sinusuri nila ako sa pana-panahon. Mula noon ay minsan lamang akong nagbalik dito. Ang pagkakaroon ng ibang tao na aalalay sa iyo ay isang malaking tulong, subalit ang tunay na pangganyak ay ang takot na ako ay hindi makalugod sa aking Kaibigan, kay Jehova. Maraming aklat na ang nabasa ko tungkol dito, subalit ang inyong mga artikulo (Disyembre 22, 1990) ang pinakamalinaw at tinalakay nang tuwiran ang karamdaman.
E. S., Estados Unidos
Noong ako’y 13 anyos, nagkaroon ako ng ugali na pagkain at pagsuka. Sa loob lamang ng wala pang isang oras, kakain ako ng marami na normal na makasasapat sa sampu katao. Sa tulong ng isang propesyonal na tagapayo na nagpapakadalubhasa sa mga sakit na kaugnay ng pagkain, gumawa ako ng mga pagbabago. Ngayon ako ay isa nang bautismadong Saksi ni Jehova. Maraming salamat sa pagbibigay sa amin ng gayong kahusay ang pagkakasaliksik at timbang na mga artikulo tungkol sa gayong masalimuot na problema.
N. I., Hapón
Pangglobong Kapatiran Noong pasimula ng Nobyembre, kami ay hiniling ng aming guro na sumulat ng isang sanaysay tungkol sa paksang “Ang isang sibilisasyon ba ay dapat hatulan na nakahihigit sa iba?” Tamang-tama ang dating ng mga artikulo tungkol sa pangglobong kapatiran (Disyembre 8, 1990)! Tinanong ako ng guro ko kung saan ko kinuha ang aking impormasyon, at ibinigay ko sa kaniya ang mga artikulo sa Gumising! Nakakuha ako ng 18 puntos (mula sa 20) sa sanaysay na ito!
L. Q., Pransiya
Glaucoma Ang aking biyenang-babae ay dumating upang makipagkita sa akin at sinabi sa akin na siya’y nakakakita ng mga kulay asul at dilaw at isang bilog na sinag sa mga mukha ng tao. Nasumpungan ko ang artikulong “Glaucoma—Traidor na Magnanakaw ng Paningin!” (Mayo 8, 1988) Dahil sa impormasyong ito, isang maagang rikonosi ang isinagawa, at ang aking biyenang-babae ay gagamutin na ngayon. Anong laking pasasalamat ko sa Gumising!
G. S., Inglatera