“Narcolepsy”—Ang Sakit sa Pagtulog
“Narcolepsy”—Ang Sakit sa Pagtulog
SI Ebba ay isang bata, malusog na babae. Subalit siya ay madalas na nakakatulog—nang bigla, walang babala—kung araw.
Sa paglipas ng panahon, ang kaniyang kalagayan ay lumalala; siya ay makakatulog ng ilang beses sa isang araw. Nagsimula siyang makarinig ng mga tinig at nagkakaroon ng nakatatakot na mga guniguni. Siya’y babagsak na parang salansan ng mga baraha nang walang kadahi-dahilan. O kaya siya ay nawawalan ng lakas sa kaniyang mga kamay at mahuhulog niya ang kaniyang pitaka. Nag-iisip si Ebba kung siya kaya ay may sakit sa isip o nasa ilalim ng pagsalakay ng demonyo.
Pagkatapos ng 32 taon ang emosyonal na pagkabalisa ni Ebba ay nagpangyari na siya ay maospital. Inaakala ng mga manggagamot na siya ay isang schizophrenic at nagsimulang gamutin siya ng gamot na laban sa pagkasira ng isip. Positibo ang tugon niya sa paggagamot, subalit hindi pa rin masabi ng kaniyang mga doktor kung ano nga ba ang kaniyang sakit. Ang paggagamot ay nag-iwan sa kaniya na pagod at walang sigla.
Lumipas ang labintatlong taon. Isang araw nabasa ng kaniyang asawa, si Louis, ang isang artikulo sa magasin tungkol sa dalawang babae na may katulad na sintomas na gaya ng sa kaniyang asawa. Ang pangalan ng sakit na ito? Narcolepsy.
Ang Kalikasan ng Narcolepsy
Ang narcolepsy ay isang karamdaman na nagpapangyari sa mga biktima nito na magkaroon ng madalas na mga pag-atake ng antok. Ganito ang sabi ng mananaliksik sa pagtulog na si Wilse B. Webb: “Samantalang gumagawa ng normal na pang-araw-araw na gawain, ang mga taong may sakit na narcolepsy ay bigla at di sinasadyang makakatulog mula sa mga ilang minuto hanggang mga 15 minuto.” Ang mga pagsalakay ay maaaring dumating anumang oras—sa panahon ng isang lektyur, samantalang nakikipag-usap, o samantalang nagmamaneho ng kotse. Ang iba pang mga sintomas ay maaaring kabilangan ng biglang panghihina ng mga kalamnan, paralisis sa pagtulog, at nakatatakot ng mga guniguni.
Tinataya ng ilan na ang Estados Unidos lamang ay maaaring maging tirahan ng sampu-sampung libong narcoleptic. At bagaman ang sakit mismo ay hindi nagbabanta sa buhay, ang panganib ng aksidenteng pinsala ay lubhang seryoso.
Sa loob ng maraming taon itinuring ng mga doktor ang narcolepsy na wala kundi sikolohikal na problema. Tinawag ito ng mga saykayatris na isang mekanismo sa pagtakas, isang anyo ng istirya, isang pag-urong ng pagkamaka-ako. Gayunman, dumami ang katibayan na ang narcolepsy ay isang pisikal na karamdaman. Halimbawa, napag-alaman na ang sakit ay waring namamana at na pinahihirapan ng karamdaman kahit na ang ilang uri ng mga aso. Ang American Journal of Psychiatry sa gayon ay naghihinuha: “Sa kasalukuyang panahon ang narcolepsy ay itinuturing na pangunahin nang isang organiko’t neurologo [utak] na sakit sa halip na isang saykogeniko [nagmumula sa isipan] na sakit. a
Gayunman, ang ika’y tawaging “tamad” o “baliw” pa nga ng mga kaibigan at ng mga miyembro ng pamilya ay maaaring maging sanhi ng saykolohikal na pinsala. Sa isang pag-aaral sa 24 na pinahihirapan ng narcolepsy, ganap na dalawang-katlo ang nagkaroon ng problemang pangkaisipan, gaya ng panlulumo o alkoholismo. Lubhang sinira rin ng sakit ang kanilang buhay sa ibang paraan. Sa 24 na lalaking pinag-aralan, 18 ang napatunayang “hindi maaaring ipasok sa trabaho.”
Ano ang mga Sanhi ng mga Sintomas
Kung ikaw ay may normal na huwaran sa pagtulog, sa loob ng 60 hanggang 90 minuto pagkatulog mo, mararating mo ang yugto ng panaginip na tinatawag na REM (Rapid Eye Movement o mabilis na pagkilos ng mata) na tulog. Bagaman hindi mo nababatid, ang iyong mga kalamnan ay malambot sa panahon ng REM na tulog. Ito sa wari ay nagsisilbing proteksiyon sa atin na isagawa ang ating mga panaginip.
Gayunman, sinisira ng narcolepsy ang normal na
huwaran ng REM. Ang isang narcoleptic na pasyente ay nagtutungo sa nananaginip na REM na kalagayan halos pagkatulog na pagkatulog niya. At sa araw—halos ay walang babala—aantukin na naman siya at halos muling magtutungo agad sa REM na kalagayan. Sa gayon binibigyan-kahulugan ng ibang doktor ang narcolepsy bilang isang “karamdaman dahil sa maling pagkilos ng REM.”Maaari ring pangyarihin ng narcolepsy ang normal na mga kalagayan ng isip at katawan na maging walang kaugnayan. Ang pasyente ay maaaring magising mula sa pagkatulog na ang kaniyang katawan ay nasa REM na kalagayan pa at matuklasan taglay ang malaking takot na hindi niya maikilos ang isang kalamnan! O ang kaniyang katawan ay naisalya sa REM na tulog samantalang siya ay gising na gising at ginagawa ang kaniyang pang-araw-araw na rutina ng gawain. Sa walang kadahilanan, ang kaniyang mga kalamnan ay biglang nanghihina o masyadong nanlalambot (paralisis ng kalamnan na tinatawag na cataplexy) anupa’t siya’y bumabagsak. Mula sa halos dalawang-katlo ng narcoleptic na mga pasyente ang dumanas ng nakatatakot na mga sintomang ito.
Halos ang anumang nagpapasigla ng damdamin—tawa, galit, takot—ay maaaring mag-udyok ng cataplexy. Ang aklat na Sleep, ni Gay Gaer Luce at Julius Segal, ay nagsasabi: “Hindi sila makatawa sa isang biro, pinapalo nila ang kanilang mga anak sa galit, nagdadalamhati sila, o nagpapakita ng matitinding damdamin nang hindi literal na nanghihina dahil sa emosyon at bumabagsak na parang kalamay.”
Ang mga bahagi ng REM na tulog ay maaari pa ngang manghimasok sa nagigising na kaisipan at daigin ng isang buháy na buháy na panaginip—o isang nakatatakot na bangungot—sa katotohanan. Maaari siyang magising, ang kaniyang katawan ay paralisado sa REM na kalagayan, at nakaririnig siya ng mga tinig at nakakakita ng nakatatakot na mga bagay. Ang gayong nakagigising na mga panaginip (tinatawag na guniguni ng nag-aantok) ay maaari ring mangyari sa araw, at nararanasan ito ng halos kalahati ng lahat ng narcoleptics.
Mauunawaan kung gayon na ang ilang narcoleptic ay waring lumalayo sa iba sa takot na mabansagang “tamad,” “baliw,” o “inaalihan ng demonyo.”
Pakikitungo sa Karamdaman
Kadalasang ipinaliliwanag ng mga narcoleptic ang kanilang mga sintomas bilang pagod o talamak na kapaguran at hindi sila nakapagpapagamot. Kahit na kapag sila ay nagpapagamot, ang narcolepsy ay hindi laging madaling marikonosi, lalo na sa unang mga yugto. Ganito ang sabi ng American Family Physician: “Ang mga pasyenteng may narcolepsy ay karaniwang dumaranas ng mga sintomas sa loob ng 15 taon bago tumanggap ng tamang rikonosi.”
Isa pa, kung ikaw ay pinahihirapan dahil sa talamak na pag-aantok sa araw, makabubuting sumangguni sa isang manggagamot at huwag sikaping rikonosihin ang sarili. Maaaring makilala ng isang lubusang pagsusuri ang isang medikal na problema na nangangailangan ng pansin.Gayunman, ano naman kung tiyakin ng doktor na ang iyong kalagayan ay narcolepsy? b Bagaman ang sakit ay walang lunas, sinasabi ng mga doktor na maraming medikasyon na makatutulong sa pinahihirapan nito na mamuhay ng makatuwirang normal na buhay. Ang mga pampasigla sa sentral-na-sistema-nerbiyosa ay kadalasang inirereseta upang tulungan ang isang pasyente na manatiling gising sa araw. Ang mga antidepressant ay ginagamit upang kontrolin ang mga problema tungkol sa cataplexy.
Maraming bagong mga paraan ang sinusubok din. Sinasabi ng ilang mananaliksik na ang codeine, na nagpapaantok sa maraming tao, ay may baligtad na epekto sa mga narcoleptic. May optimismo rin tungkol sa pananaliksik sa isang paggamot na karaniwang tinatawag na GHB (gamma-hydroxybutyrate) na maaaring patunayang mabisang gamit upang labanan ang pag-aantok sa araw at sa kasamang mga sintomas. Mangyari pa, ang paggagamot sa pamamagitan ng droga ay maaaring humantong sa pagkasugapa o hindi na tinatablan ng gamot, at maaaring magkaroon ng masamang mga epekto. Matalino kung gayon na maging maingat at magkaroon ng sapat na kaalaman pagdating sa pag-inom ng gamot. (Kawikaan 14:15) Gayunman, mababawasan ng isang manggagamot ang gayong mga panganib sa pamamagitan ng maingat na pagsubaybay sa reaksiyon ng pasyente sa gamot at sa paggawa ng mga pagbabago kung kinakailangan. Sa paano man, hindi dapat isipin ng isang Kristiyano na nilalabag niya ang mga simulain ng Bibliya kung siya ay iinom ng gamot sa ilalim ng pangangasiwa ng isang doktor, hindi para sa kasiyahan na nakukuha kundi paginhawahin ang maaaring maging mapanganib na kalagayang ito.
May mga praktikal na hakbang din na makukuha. Tanggapin mo ang katotohanan na ikaw ay may malubhang karamdaman at mga limitasyon na dala nito. (Kawikaan 11:2) Ang pagmamaneho, pagpapaandar ng makina, o paglangoy pa nga ay maaaring maging napakapanganib. Maaaring isaalang-alang mo rin ang pagbabago ng iyong trabaho o pagreretiro pa nga.
Kung ang iyong kalagayan ay kainaman lang, makabubuti kung ikaw ay umidlip ng ilang beses sa maghapon. Maaaring bawasan nito ang posibilidad na ikaw ay makatulog sa hindi kombinyenteng mga panahon. At kung ang pagpapakita ng matinding mga damdamin ay nagpapangyari ng panlalambot, baka kailangang matutuhan mong supilin ang iyong mga damdamin. Mangyari pa, dapat supilin ng lahat ng Kristiyano ang kanilang espiritu. (Kawikaan 16:32) Subalit ang pag-iwas sa pagpapakita ng lahat ng damdamin ay nangangailangan ng di-pangkaraniwang pagsisikap! Baka kailangang patuloy na paalalahanan mo ang iyong sarili na ang buhay at kalusugan ay nakataya. Ang iyong mga mahal sa buhay ay maaari ring maging malaking alalay kung sila’y natulungang unawain ang iyong kalagayan at ang mga limitasyong maaaring dala nito.
Si Ebba, na nabanggit sa simula, ay wastong narikonosi sa wakas at inilagay sa isang medikasyon na gumagana sa kaniya. At bagaman ang kaniyang karamdaman ay nagpahirap sa kaniya sa loob ng maraming taon, nakasusumpong siya ng kaaliwan sa pagkaalam na siya ay hindi baliw ni biktima ng mga pagsalakay ng demonyo. Alam din niya na sa ilalim ng Kaharian ng Diyos “walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’ ” (Isaias 33:24) Ang sakit sa pagtulog na tinatawag na narcolepsy ay mawawala na magpakailanman.
[Mga talababa]
a Maaaring natuklasan pa nga ng mga mananaliksik ang “biologic marker” para sa sakit—isang antigen na tinatawag na HLA-DR2, na nasumpungan sa “halos 100 porsiyento ng mga pasyenteng narcoleptic.” Ang antigen ay lumilitaw lamang sa 25 porsiyento ng populasyon sa pangkalahatan. Ang pambihirang tuklas na ito ay maaari ring maging katibayan na ang sistema ng imyunidad ay nasasangkot sa paano man sa pasimula ng narcolepsy.—American Family Physician, Hulyo 1988.
b Iginigiit ng ilang eksperto na ang tanging paraan upang gumawa ng positibong rikonosi ay subaybayan ang pagtulog ng isang pasyente sa buong magdamag sa isang ospital na nagdadalubhasa sa mga sakit na may kaugnayan sa pagtulog.
[Larawan sa pahina 20]
Ang isang narcoleptic ay maaaring makatulog kahit sa gitna ng isang usapan