Paano Ako Magiging Huwaran sa Aking Nakababatang mga Kapatid na Lalaki at Babae?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ako Magiging Huwaran sa Aking Nakababatang mga Kapatid na Lalaki at Babae?
ALAM ni Paul kung gaano naiibigan ng kaniyang nakababatang kapatid na lalaki ang panonood ng telebisyon. Kaya nagulat siya isang araw nang makita niyang pinatay niya ang TV sa kalagitnaan ng isang programa. Ang dahilan? Ganito ang sabi ng kapatid ni Paul: “Hindi ito magandang palabas. Alam kong papatayin mo ito, kaya pinatay ko na ito.”
Walang kamalay-malay rito, si Paul ay nagbigay ng isang huwaran upang tularan ng kaniyang nakababatang kapatid na lalaki—isang mabuting halimbawa. May nakababatang mga kapatid ka ba? Kung gayon ang iyong sinasabi at ginagawa ay nakakaapekto sa kanila. Ganito ang sabi ng aklat na Sibling Rivalry, ni Seymour V. Reit: “Ang pagnanais na tularan ang isang nakatatandang kapatid ay totoong malakas at lubhang umuugit sa mga kilos ng isang bata. Ang nakatatandang mga kapatid ay likas na mga modelo.”
Kaya, sa gusto mo man o hindi, sapagkat ikaw ay mas matanda at mas responsable, malamang na igagalang ka ng iyong mga kapatid na lalaki at babae. Maaaring sikapin nilang tularan ang paraan ng pagsasabi at paggawa mo ng mga bagay. Ipagpalagay na, ang pagiging huwaran sa tuwina sa iyong mga kapatid ay maaaring magtinging mabigat na pasanin kung minsan. a “Ako ang huwaran para sa lahat,” reklamo ng isang tinedyer na nagngangalang Linda. “Kaya sinasabihan ako ni inay na iyan ang dahilan kung bakit dapat akong mag-aral na mabuti sa klase . . . Talagang napakarami kong pananagutan.” Ang panggigipit ay maaaring maging lalo pang masidhi kung ikaw ay nakatira sa isang sambahayan ng nagsosolong-magulang. “Ako nga halos ang kanilang tatay,” sulat ng isang batang lalaki tungkol sa kaniyang nakababatang mga kapatid.
Gayumpaman, ang pagiging kuya o ate ay may mga pakinabang. Sa isang bagay, pinapayagan ka nitong maging isang positibong impluwensiya sa buhay ng iyong mga kapatid. Tingnan natin kung paano.
Sa Tahanan
Sabi ng isang matandang kawikaan: “Sa karunungan ay natatayo ang sambahayan, at sa pamamagitan ng unawa ay natatatag.” (Kawikaan 24:3) Mangyari pa, ang mga magulang mo ang may pangunahing pananagutan na itayo ang inyong sambahayan, gawin itong isang dako kung saan iiral ang kapayapaan at kaligayahan. Ngunit sa pagpapakita mismo ng karunungan at unawa, malaki ang maitutulong mo sa kaligayahan ng inyong pamilya.
Halimbawa, ano ang reaksiyon mo kapag inuutusan ka ni Inay o ni Itay na ilabas mo ang basura o linisin mo ang iyong silid? Ikaw ba’y nakikipagtulungan? Masunurin? O ikaw ba’y naghihimagsik o walang galang na sumasagot? Kung gayon, huwag kang magtaka kung ang iyong mga nakababatang mga kapatid ay walang galang din sa pagsagut-sagot. Ang matalino at may pag-unawang bagay na dapat gawin ay sundin ang mga salita ng Kawikaan: “Anak ko, dinggin mo ang disiplina ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang kautusan ng iyong ina.” 1:8
Ipagpalagay na, ikaw ay maaaring may lehitimong dahilan para magreklamo. Ganito ang panangis ng isang 18-anyos na babae: “Sa palagay ko ay hindi binibigyan ni inay ng sapat na pananagutan ang aking dalawang kapatid na lalaki. Ang pananagutan ay nakaatang sa akin sa lahat ng bagay: gawain sa bahay, pagbibigay ng huwaran, lahat.” Marahil ay may punto siya. Subalit sa halip na magrebelde, hindi ba mas mabuting ipakipag-usap ang mga bagay na ito sa iyong mga magulang sa mahinahon at magalang na paraan? Maaari mong ipaalam sa kanila kung ano ang iyong nadarama at kung ano sa palagay mo ang maaaring magpabuti sa mga bagay-bagay. Sa pamamagitan ng tapatan at malayang pakikipag-usap sa iyong mga magulang, hindi mo lamang ginagawang mas mabuti ang buhay para sa iyong sarili kundi tinuturuan mo rin ang iyong nakababatang mga kapatid ng maygulang na paraan ng paglutas ng mga di pagkakaunawaan.
Gayunman, pagkatapos na ipakipag-usap ang mga bagay sa iyong mga magulang, tandaan, sila pa rin ang may pangwakas na pasiya tungkol sa bagay-bagay. Kaya maging maligaya sa kanilang pasiya. Sa ganitong paraan ikaw ay magbibigay rin ng mabuting huwaran sa iyong mga kapatid.
Ang mainit na pagtatalo sa mga gawain sa bahay ay kadalasang maiiwasan kung ikaw ay mangunguna. Sa ibang salita, kailangan mo bang laging pagsabihan na huwag iwan ang iyong mga damit sa sahig, o iyo bang inaayos ang mga bagay nang hindi na sinasabihan pa? Ang iyong tahimik na halimbawa sa bagay na ito ay malaki ang magagawa upang tulungan ang isang nakababatang kapatid na lalaki o babae na matuto na sa isang pamilya dapat dalhin ng bawat isa ang kaniyang sariling pasan upang ang mga bagay-bagay ay tumakbo nang maayos.—Ihambing ang Galacia 6:5.
Sa Paaralan
‘Naiinis ako sa paaralan.’ ‘Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan kong mag-aral. Wala naman akong natututuhan.’ ‘Sa sandaling magawa ko ito, hihinto ako sa pag-aaral.’ Ang mga kabataan ay kadalasang maririnig na nagsasabi ng gayong negatibong mga pangmalas sa paaralan. Naririnig ka ba ng iyong nakababatang mga kapatid na nagsasalita ng gayon? Nakikita ba nilang ikaw ay nagbubulakbol? Madali itong makaapekto sa kanilang saloobin tungkol sa paaralan.
Ang pagbibigay ng tamang halimbawa ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kaaya-aya, positibong saloobin tungkol sa paaralan. Maaaring hindi ito madali. Subalit tandaan: Ang pag-aaral sa paaralan ay maaaring tumulong sa iyo kapuwa sa mental at espirituwal na paraan. Kasabay nito, matutulungan ka nitong magkaroon ng mga kasanayan na maaaring sumuporta sa iyo balang araw bilang isang adulto. Ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas ay may bahagi na pinamagatang “Paaralan at Trabaho.” b Ito’y naglalaman ng nakatutulong na impormasyon na maaaring magpasulong sa iyong saloobin tungkol sa pag-aaral.
Ang mabuting saloobin tungkol sa paaralan ay tiyak na makahahawa sa iyong nakababatang mga kapatid na lalaki at babae. At sa pagkuha ng personal na interes sa kanilang mga marka at araling-bahay—nagboboluntaryong tulungan sila sa pana-panahon—malaki ang magagawa mo upang tulungan sila sa kanilang akademikong pagsulong. Subalit kumusta naman ang paggawi mo mismo sa paaralan? Paano mo pinakikitunguhan ang mga guro, tagapayo, at mga tagapamahala sa paaralan? Ikaw ba ay mapanuya, palatalo, o ikaw ba’y nagbibigay ng mabuting halimbawa sa paggalang sa kanilang awtoridad?—Ihambing ang Tito 3:1, 2.
Mapapansin rin ng iyong mga kapatid kung anong uri ng mga kaibigan ang pinipili mo. Kung ikaw ay nakikitakbo sa “uso at popular” na grupo, di magtatagal masusumpungan mo ang iyong sarili na “malayo” na sa Diyos! Ang madalas-sipiing teksto sa 1 Corinto 15:33 ay nagbababala: “Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng mabubuting ugali.” Kasabay nito, maaari kang magbigay ng mapanganib na pamarisan para sa iyong mga kapatid. Pinili ng isang kabataang pinalaki ng isang Kristiyanong ina na tanggihan ang mga daan ng Diyos at nakisama sa isang pangkat ng mga kabataang sugapa sa droga. Di-nagtagal siya mismo ay isa na ring sugapa sa droga. Natatakot na baka sundin ng kaniyang nakababatang kapatid na lalaki ang kaniyang mga hakbang, binabalaan niya ito: “Huwag kang magsimulang gumamit ng droga!” Subalit ang kaniyang pagkilos ay napatunayang mas mabisa kaysa kaniyang salita, at hindi nagtagal ang kaniyang kapatid na lalaki ay napasama rin sa masasamang barkadang iyon. Tiyak, hindi mo nanaising pabigatan ang iyong budhi ng kaalaman na ikaw ang naging katitisuran para sa iyong sariling kapatid na lalaki o babae!—Ihambing ang Mateo 18:7.
Pagiging Huwaran sa Pagsamba
Pinakamahalaga sa mga kabataang Kristiyano na maging huwaran sa mga bagay na may kaugnayan sa pagsamba. Ang iyong pagiging seryoso, pagpipitagan, at nakapagpapatibay na pananalita ay hindi lamang magpapagalak sa puso ng iyong makalangit na Ama kundi makagagawa rin ng nagtatagal na bisa sa iyong nakababatang mga kapatid na lalaki at babae.—Kawikaan 27:11.
Upang ilarawan: Sa ilang kabataang mga Saksi ni Jehova, ang pangangaral sa madla ay mahirap. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Tulad ni Jeremias noong una, inaakala ng ilang kabataan na sila ay walang sapat na kakayahan. (Ihambing ang Jeremias 1:6.) Ang iba ay maaaring nahihiya pa nga na makita ng kanilang mga kaibigan kapag sila’y nakikibahagi sa nagliligtas-buhay na gawaing ito. Maaari kayang ang iyong mga kapatid ay nahahadlangan ng gayong negatibong mga saloobin? Kung gayon, sikaping magkaroon ng positibong pangmalas sa gawaing pangangaral. Tiyaking regular na lumabas sa gawaing pangangaral na kasama ng inyong pamilya. Habang nakikita ng iyong mga kapatid ang kagalakan at kasiyahan na nakukuha mo sa gawaing ito, baka naisin nilang tularan ang iyong pananampalataya.—Ihambing ang Hebreo 13:7.
Isaalang-alang, halimbawa, ang tinedyer na babaing nagngangalang Crystal. Aniya: “Ang personal kong tunguhin ay gumugol ng hangga’t maaari’y dalawang buwan sa bawat taon bilang isang auxiliary payunir kung tag-araw.” c Ano ang epekto ng kaniyang sigasig sa kaniyang nakababatang kapatid na lalaki? Sabi ni Crystal: “Ang aking 12-anyos na kapatid na lalaki ay gumugugol ng higit na panahon sa gawaing pangangaral simula nang gawin ko ito.”
Ang mga pulong Kristiyano ay nagbibigay sa iyo ng isa pang pagkakataon upang maging huwaran. Ang regular na pagdalo ay isang maka-Kasulatang kahilingan. (Hebreo 10:24, 25) Bakit hindi turuan ang iyong mga kapatid kung paano magiging organisado at disiplinado upang magawa nila nang maaga ang kanilang mga gawain sa paaralan at makadalo pa rin ng mga pulong? Maaari rin silang matutong mas masiyahan sa mga pulong kung makikita nilang ikaw ay laging naghahandang mainam at nagsisikap na makibahagi.
Ang pamumuhay ayon sa mga kahilingan ng Diyos ay hindi madali. Ngunit ang lahat ng mga kabataang Kristiyano ay hinihiling ng Diyos na “maging halimbawa . . . sa pagsasalita, sa paggawi, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan” sila man ay may mga kapatid o wala. (1 Timoteo 4:12) Bakit hindi simulan sa tahanan? Ang paggawa mo ng gayon ay mahalaga—sa buhay ng iyong mga kapatid at gayundin sa iyong buhay!
[Mga talababa]
a Tingnan ang artikulong “Bakit Dapat Akong Maging Halimbawa sa Aking Nakababatang mga Kapatid?” sa Oktubre 22, 1989 na labas ng aming Gumising!
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
c Sa mga Saksi ni Jehova, ang isang auxiliary payunir ay nagtatalaga ng 60 oras sa isang buwan sa gawaing pag-eebanghelyo.
[Larawan sa pahina 18]
Ang pakikitungo mo sa iyong mga magulang ay maaaring makaapekto sa kung paano sila pakikitunguhan ng iyong nakababatang mga kapatid