Paghadlang sa Pagbabalik ng Masasamang Kinaugalian
Paghadlang sa Pagbabalik ng Masasamang Kinaugalian
“NAGTAGUMPAY AKO! Sa wakas ay tapos na ang labanan!”
Ang mga salitang iyon ay nagpapahiwatig ng damdamin ng tagumpay na naranasan ng isang tao na nakipagpunyagi laban sa isang hindi kanais-nais na kaugalian at nadaig ito.
Gayunman, anong laking pagkabalisa sa taong iyon ang magbalik sa dati! Anong laking kabiguan na matuklasan na ang masamang ugali, na inaakalang naalis na magpakailanman, ay nakagugulat at malakas na nagbalik!
Marahil ay naranasan mo na ang magbalik sa dating masamang kaugalian na gustung-gusto mong mapagtagumpayan. Kung iyan ang kalagayan, maaaring pagdudahan mo ang iyong kakayahan na permanenteng talikdan ang di-naiibigang gawain. At ang di-naiibigang mga gawain ay maaaring marami: pagkain nang labis, “pagkasugapa” sa matatamis, pag-inom nang labis, mapusok na pamimili, laging huli, pagsusugal, paninigarilyo, at marami pang ibang kaugalian.
“Bakit Ako Umurong Nang Matapos Na ang Pinakamahirap?”
Wari bang minsang mapagtagumpayan mo ang mahirap na panimulang mga yugto na nararanasan kapag inihihinto ang isang masamang kaugalian, mas madali na itong iwasan. Gayunman, ipinakikita ng iba’t ibang pag-aaral na kadalasang hindi ganito ang kalagayan.
Sa aklat na Selfwatching, ang mga awtor na sina R. Hodgson at P. Miller ay nagpapaliwanag: “Ang pagbalik sa dati ay malamang na mangyari sa unang tatlong buwan pagkatapos ng paggamot. Sa katunayan, ipinakikita ng isang pag-aaral na humigit-kumulang 66 na porsiyento ng mga maninigarilyo, mga alkoholiko at mga sugapa sa droga ay nagbalik sa kanilang dating bisyo sa loob ng 90 araw matapos nilang magpasiyang magbago. Gayunman, yaong nasupil ang kanilang pagkasugapa sa unang tatlo hanggang anim na buwan ay may ekselenteng tsansa na panatilihin ang pagpipigil na iyon.”
Bakit isang banta ang pagbabalik ng masasamang bisyo mga ilang buwan—o kung minsan mga ilang taon—pagkatapos ng isang panahon ng abstinensiya? Ang isang dahilan ay na maaaring lumitaw muli ang ilang panggigipit sa buhay, at ang masasamang bisyo ang pinagmumulan ng ilang panandaliang ginhawa noon. Kaya kahit na pagkatapos mong madama na napagtagumpayan mo ang isang hindi kanais-nais na ugali, kung ikaw ay malagay sa ilalim ng kaigtingan—na dala ng pinansiyal na sagabal, mga suliranin sa kalusugan, iba’t ibang kabiguan—mag-ingat sa pagbalik sa dating ugali! Kung ikaw ay nababagot o nalulumbay, huwag kang magtaka na baka magbalik ang iyong dating ugali.
Maaaring ang iba pang dahilan ng pagbalik sa dati ay panggigipit panlipunan, pakikipag-away sa mga tao, negatibong mga damdamin, at ang pagiging nasa mga kalagayan kung saan malakas ang tukso.
Paghadlang sa Pagbabalik sa Dating Ugali
Kahit na pagkatapos ng unang yugto ng matagumpay na pakikipagbaka sa isang di-naiibigang ugali, mahalaga na patuloy na gamitin ang mga estratehiyang nakatulong sa iyo na itigil ang kinaugalian sa simula. Ang mga estratehiyang ito ay maaaring gamitin nang patuluyan, o sa ibang kaso ay maaari itong pasiglahin muli sa pana-panahon, sa mga panahon ng kaigtingan o matinding tukso.
Halimbawa, maaari kang mag-ingat ng nasusulat na rekord upang subaybayan ang iyong pagsulong, gaya ng pang-araw-araw o lingguhang pagtala habang sinisikap mong magbawas ng timbang. Ito’y nakatutulong sa paghinto ng isang bisyo at hindi dapat talikdan kahit na kung inaakala mong tapos na ang panganib.
Maaaring magkaroon ka rin ng ilang paraan ng paggantimpala sa iyong sarili kailanma’t matagumpay mong napaglabanan ang masamang kaugalian na sinisikap mong madaig. Maaaring makatulong
ang isang inayos na sistema ng gantimpala sa paghadlang sa pagbabalik sa dating kaugalian. O, sa paghinto sa isang kaugalian, humingi ka ba ng tulong sa isang kaibigan? Hayaan mong tulungan ka ng isang ito na maging malaya sa iyong nakaraang masamang kaugalian.Ano pa ang ibang estratehiya na tutulong sa iyo na labanan ang pagbabalik sa dating kaugalian, lalo na sa panahon ng panggigipit?
Lumaban sa Pamamagitan ng Paghahalili
Inirerekomenda ni Dr. R. Stuart, sikolohikal na direktor sa Weight Watchers International, Inc., ang sumusunod para sa mga nagsisikap pumayat: “Panatilihing abala ang isip sa maraming kawili-wiling gawain. Malaki ang nagagawa ng mga gawang-kamay, at gayundin ng mga libangan o hobbies. Kung maaari, ihanda ang mga suplay at ang gawaang dako, upang masimulan mo ang iyong gawain kapag napahiwatigan.” Marahil ang paraang iyon ay makatutulong sa iyo.
Oo, palitan ang iyong dating masamang kaugalian ng mahusay na gawain. Tandaan, ang kinaugaliang iyon ay nakaginhawa sa iyo nang ang buhay ay naging maigting, kaya pumili ng mga kahalili na mabisang magagamit sa gayong layunin. Maaari kang magbasa, mag-ehersisyo, tumugtog na isang musikal na instrumento, magpinta, o dumalaw sa mga kaibigan. Simulan mo ngayon sa pamamagitan ng pagsulat ng isang listahan ng potensiyal na mga kahaliling gawain. Gawin mo ang bagong mga gawaing ito nang paulit-ulit gaya ng ginawa mo sa dati mong kinaugalian. Gagawin nitong mas madali na gawin ang mga ito kapag ikaw ay nakadarama ng kaigtingan. Sa katunayan, ang kahaliling mga gawain na ito ay aktuwal na magiging mga kaugalian—mabuting kaugalian!
Ang Kahalagahan na Paglabanan ang Pagkasira ng Loob
Yamang ang tukso na bumalik sa masasamang kaugalian ay maaaring maging malakas kapag ikaw ay nasa ilalim ng panggigipit, maaari mo bang ayusin ang ilang mga kalagayan sa iyong buhay upang bawasan ang panggigipit? Kahit na kung hindi maiwasan ang ilang problema, matututuhan mong kontrolin ang iyong mga damdamin upang huwag kang madaig ng pagkasira ng loob.
Ang kapangyarihan ng pagkasira ng loob ay kadalasang minamaliit. Sabi ng isang kawikaan ng Bibliya: “Aalalayan ng diwa ng tao ang kaniyang [kalusugan] sakit; ngunit ang bagbag na diwa, sinong makatitiis nito?” (Kawikaan 18:14) Anong pagkatotoo nito! Karaniwan nang hindi ang problema kundi ang resultang pagkasira ng loob ang nakapanghihina sa atin.
Ganito ang pagkakasabi ng isa pang kawikaan ng Bibliya: “Ikaw ba’y nasisiraan ng loob sa kaarawan ng kasakunaan? Ang iyong kalakasan ay magiging munti.” (Kawikaan 24:10) Ang di-mapigil na negatibong mga damdamin ay magpapahina sa iyo. Gagawin ka nitong mahina upang magbalik sa dati, marahil gigipitin kang magbalik sa isang masamang kaugalian para sa ginhawa. Anong pagkahalaga nga, kung gayon, na labanan ang pagkasira ng loob!
Subalit kumusta naman kung, sa kabila ng iyong mga pagsisikap, nasusumpungan mo pa rin ang iyong sarili na nagbabalik sa dati?
Pansamantalang Hadlang Laban sa Ganap na Pagbalik sa Dati
Napakadaling isipin: ‘Bigo ako, kaya mabuti pang sumuko.’ Labanan ang damdaming iyan. Huwag mong hayaang daigin ka ng pansamantalang hadlang, o kahit na ng ilang mga hadlang.
Isaalang-alang ang ilustrasyong ito: Kung ikaw ay umaakyat sa hagdan at ikaw ay nadausos pabalik ng isa o dalawang hakbang dahil sa pagkatisod, ikakatuwiran mo ba, ‘Babalik na lang ako sa ibaba ng hagdan at magsimula uli’? Mangyari pa hindi! Bakit, kung gayon, dapat mong ikapit ang maling katuwirang ito upang labanan ang masasamang kaugalian?
Ang mga pagkadama ng pagkakasala ay kadalasang kasunod ng hadlang. Baka labis mong dinadala ang mga damdaming ito sa paghihinuha na ikaw ay walang silbi, na mahina ang iyong pagkatao at hindi ka karapat-dapat sa anumang bagay na mabuti. Huwag mong hayaan ang iyong sarili na magmukmok sa gayong labis-labis na pagkadama ng pagkakasala. Inuubos nito ang iyong lakas na kailangan mo upang makipaglaban. At tandaan ito: Ang pinakadakilang tao na kailanma’y lumakad sa lupa, si Jesu-Kristo, ay naparito upang tubusin ang mga makasalanan, hindi ang mga sakdal na tao. Kaya walang sinuman sa atin ang gagawa ng mga bagay nang may kasakdalan sa panahong ito.
Ang isa pang punto na dapat isaalang-alang ay na ang pagkadama ng pagkakasala ay maaaring gawing dahilan upang gawin natin ang bagay ring iyon nang paulit-ulit. Sa kaniyang aklat na You Can’t Afford the Luxury of a Negative Thought, ipinaliwanag nina P. McWilliams at J. Roger ang posibleng kahihinatnang ito: “Pagkadama ng pagkakasala . . . gawin natin itong muli. Kapag ‘nabayaran na natin ang halaga’ ng ating ‘pagkakasala,’ malaya na tayong gawin itong muli basta handa tayong bayaran ang halaga. Ang halaga? Higit na pagkadama ng pagkakasala.”
Hindi mo kailangang payagan ang isang pansamantalang hadlang na maging ganap na pagguho na bumalik sa dating ugali. Isaisip na, sa wakas, ang pagdaig sa kaugalian ang mahalaga, hindi kung baga naranasan mo ang ilang pag-urong habang daan.
Sa bagay na ito mahalagang magpasiya nang patiuna kung anong estratehiya ang gagamitin mo sakaling mapuna mo ang iyong sarili na bumabalik sa iyong dating ugali. Ang gayong plano na pantulong ay magsasangkap sa iyo na labanan ang pag-urong sa pinakamaagang panahon.
Posible—At Sulit!
Ang pakikipagbaka laban sa isang masamang kaugalian, kung gayon, ay higit pa sa pagtitiis ng hirap na nararanasan sa pasimula kapag inihihinto mo ang isang masamang kaugalian. Kasali rito ang pagdaig sa mga kabiguan nang hindi permanenteng bumabalik sa masamang kaugalian.
Mahirap? Oo, ngunit talagang posible. Ang estratehiya na tumulong sa iyo na ihinto ang masamang kaugalian sa simula pa ay, kung ipagpapatuloy, tutulong upang hadlangan o daigin ang magbalik sa dating ugali. Ang pinakamalaking pakinabang? Paggalang-sa-sarili—isang kapaki-pakinabang na gantimpala sa ganang sarili. At malamang na ikaw man ay lalong pahahalagahan niyaong nakakakilala sa iyo.
[Larawan sa pahina 14]
Ang pagdausos ng mga ilang hakbang pabalik ay hindi humihiling na ikaw ay magsimula sa umpisa
[Larawan sa pahina 15]
Ang banta na magbalik sa dati ay nababawasan sa pananatiling abala sa kawili-wiling mga gawain