Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Pinakamaraming Bilangguan sa Daigdig
Anong bansa ang numero uno sa dami ng mga bilangguan para sa mga manlalabag-batas? Ang Estados Unidos, sabi ng Sentencing Project, isang pangkat ng mananaliksik. Ang Timog Aprika ang pangalawa at ang Unyong Sobyet ang pangatlo, ayon sa talaan nito. Mahigit na isang milyong Amerikano ang nakapiit, sa gayo’y ginagawa ang Estados Unidos na nangunguna bilang bansa na may pinakamaraming populasyon na nakakulong—426 sa bawat 100,000 residente. Ang taunang halaga ng pagbibilanggo? Para sa Estados Unidos lamang, ito ay $16 na bilyon. “[Kailangang] ihinto natin ang pagbibilanggo at simulan natin ang pagpapanibagong-buhay,” komento ng isang opisyal ng gobyerno ng E.U. tungkol sa report. “Maitatayo natin ang lahat ng piitan na inaakala nating kailangan natin at ikulong ang libu-libong tao, subalit wala itong halaga hanggang sa malutas natin ang pundamental na mga sanhi ng krimen.”
Paggamot sa Tumor sa Utak
Ang “stereotactic radiosurgery” ay maaaring mahirap bigkasin, gayunman para sa ilan na pinahihirapan ng maliit, panimulang mga tumor sa utak, ang mga salitang ito ay maaaring magbigay ng pag-asa. Ang stereotactic radiosurgery, ayon sa Los Angeles Times, “ay nagtututok ng ilang nakapokus na mga silahis ng radyasyon sa tinatarget na bukol, pinapatay ito.” Ang iba pang bahagi ng utak, bungo, at balat ay nananatiling hindi apektado ng walang operasyong pamamaraang ito. Gayunman, ito ay hindi maaaring gamitin sa mga sangkap ng katawan maliban sa utak at walang bisa laban sa mga tumor na mahigit sa 3.5 centimetro ang diyametro. Gayumpaman, “tunay na ito ay isang kamangha-manghang ideya,” sabi ni Dr. Michael L. J. Apuzzo, propesor ng Neurological Surgery sa University of Southern California School of Medicine.
Nilalabanan ng Tsina ang Iliterasya
Ang Tsina ay nakagawa ng kahanga-hangang pagsulong sa 40-taóng pakikipagbaka nito laban sa iliterasya (hindi makabasa at makasulat), subalit ang pagkikipagbaka ay hindi pa tapos. Noong 1949 mga 80 porsiyento ng mga Intsik ay hindi makabasa; ngayon ang bilang ay bumaba sa halos 20 porsiyento, ulat ng China Today. Gayunman, sa isang bansa kung saan ang populasyon ay malapit nang maging 1.2 bilyon, malaking bilang pa rin iyan. Tinataya ng China Today na may 220 milyong hindi makabasa o bahagyang makabasang mga tao sa bansa; at taun-taon 2 milyon pang mga tinedyer ang hindi makabasa’t makasulat nang wasto ang sumasapit sa gulang na 15. Kaya, inilunsad ng gobyerno ang isang sampung-taóng programa upang turuan sa bawat taon ang hindi kukulanging apat na milyong mga iliterato na bumasa’t sumulat.
Seruhanong Maysala
“Ito’y isang hatol na nakataang lumikha ng kaguluhan sa daigdig ng medisina,” sabi ng La Repubblica. Sa unang pagkakataon sa Italya, isang seruhano ang nasumpungang maysala ng pagpatay ng tao. Siya ay nahatulan na naging dahilan ng kamatayan ng isang matandang babae sa pagsasagawa niya ng isang lubhang mapanganib na operasyon nang walang pahintulot ang matandang babae. Binabanggit ng hatol ng hukuman sa Florence na isinagawa ng seruhano ang operasyon “na hindi naman kinakailangan at sa kabila ng pagtutol ng pasyente sa gayong uri ng operasyon.” Tinanggihan ng hukuman ang pangangatuwiran ng mga abugadong nagtatanggol na nagsasabing ang pasyente ay nasa malubhang kalagayan anupa’t ang operasyon ay hindi maaaring ipagpaliban, subalit tinanggap nito ang mga argumento ng nagsasakdal at ng mga abugado ng nagdedemanda. Ibinase nila ang kanilang mga argumento sa “pagsang-ayon ng pasyente,” “na kung wala ito ang lahat ng operasyon ay labag sa batas,” at ang bawat hiwa “ay katumbas ng saksak ng kutsilyo,” sabi ng La Repubblica. “Binabanggit ng hatol na tanging ang pasyente lamang ang may karapatang pumili may kinalaman sa kaniya mismong katawan at sa kaniyang sariling tadhana.”
Mga Kabataang Nasa Kaigtingan
“Ang mga batang babae ay dumaranas ng higit na kaigtingan kaysa mga batang lalaki dahil sa pang-araw-araw ng rutina,” ulat ng Frankfurter Allgemeine Zeitung. Ipinakikita ng isang apat-na-taóng pag-aaral ng 1,700 mga kabataan sa pagitan ng edad na 12 at 17 na isinagawa sa University of Bielefeld, Alemanya, na sa ilalim ng matinding panggigipit, wari bang tinatanggap ng mga batang babae ang kanilang mga kabalisahan at ang reaksiyon nila ay sakit ng ulo, nerbiyos, hindi pagkatulog, at mga sakit sa tiyan. Sinasabing dinadaig ng mga batang lalaki ang araw-araw na kaigtingan sa pamamagitan ng pagpapakita ng pag-uugaling magaspang, agresibo, o marahas. Saan nagmumula ang kaigtingan? Mula sa hindi makatuwirang mataas na iskolastikong mga inaasahan ng mga magulang, mula sa kaunting pagkilala ng mga kaedad, mula sa labis-labis na pangangailangan ng mamimili, at mula sa labis na nakapapagod na malayang panahon.
Rekord na Taas
Noong Oktubre 24, 1990, ang 52-anyos na si Helen Stamataki ay nagtagumpay sa pagtuntong sa 7 kilometrong
tuktok ng bundok Himalayas na tinatawag na Tukutche Peak, sa gayo’y nagtatala ng isang rekord para sa mga Griego sa pag-akyat sa bundok, ulat ng pahayagan sa Atenas na “TA NEA.” Binanggit nito na siya ang kauna-unahang babae na gumawa nito “nang walang tulong na oksiheno, isang pagkilos na itinuturing ng karamihan ng mga alpinista (umaakyat ng matataas na bundok) bilang lubhang mapanganib, yamang ang alpinista ay maaaring dumanas ng pamamaga ng baga at mamatay sa loob lamang ng ilang oras.”Mga Kotseng Iniwan
“Dati-rati’y binigyan tayo ng problema ng iniwang mga bisikleta, ngayon tayo nama’y nagkakaproblema dahil sa mga kotseng iniwan,” reklamo ng isang opisyal sa National Police Agency ng Hapón. Halos apat na milyong kotse ang iniiwan sa buong Hapón taun-taon, sang-ayon sa isang tantiya ng gobyerno. Noon, ipinagbibili ng mga may-ari ng kotse ang kanilang lumang kotse sa mga negosyanteng mambabakal, subalit ngayon kailangan nilang bayaran ang mga negosyante upang alisin ang mga ito. Ipinaliliwanag kung bakit ang mga kotse ay itinatambak, sinabi ng The Daily Yomiuri na nasusumpungan ng mga kompaniyang nagtatapon nito na ang pagbabakal ng mga kotse ay hindi matubong negosyo dahil sa biglang pagbagsak ng presyo ng bakal kamakailan. Gayunman, ang pulisya ay nagsasagawa ng pagkilos. Sinimulan nilang ipagsakdal ang mga taong nag-iiwan ng kotse.
Alerdyik sa Spaghetti
Isang Italyano sa isang libo ang hindi masisiyahan sa pagkain ng isang pinggan ng spaghetti dahil sa pagiging “alerdyik sa pasta.” O, bagkus, ayon sa pahayagan sa Milan na Corriere della Sera, ang kaawa-awang mga kaluluwang ito ay pinahihirapan ng isang karamdaman na tinatawag na celiac disease. Yamang ang tinapay at pasta ang pangunahing pagkain para sa mga Italyano, ang karamdaman ay nagiging isang suliraning panlipunan. Sa katunayan, ang mga espesyalista sa larangang ito ay nagtipun-tipon sa isang komperensiyang ginanap sa Roma noong nakaraang Nobyembre upang talakayin ang mga lunas. Ang celiac disease ay nagpapangyari sa isa na permanenteng maging hindi hiyang sa gluten, isang sangkap ng trigo, sebada, rye, at oats, at nagdadala ng pagbabago sa mucous membrane ng mga bituka.
Krisis ng Bangko-ng-Dugo sa India
“Dugo: ito ba’y nagbibigay ng buhay o nag-aalis nito?” tanong ng isang labas kamakailan ng India Today sa isang report tungkol sa masamang kalagayan ng pribadong mga bangko ng dugo ng bansa. Nasumpungan ng Ministri ng Kalusugan ng India na nag-utos ng isang pag-aaral na mahigit na 70 porsiyento ng dugong kinuha sa propesyonal na mga nagkakaloob ng dugo sa bansang iyon ay hindi wastong nasubok para sa nakamamatay na HIV virus na pinagmumulan ng AIDS. Binanggit din ng report ang hindi malinis na mga kalagayan na umiiral sa maraming pribadong mga bangko ng dugo, na bumibili ng dugo mula sa masakitin at mahihirap na mga nagkakaloob ng dugo. Marami sa mga nagkakaloob na ito ay “mga alkoholiko o mga sugapa sa droga,” o sila’y “walang itinatangi sa seksuwal na gawi.” Kaya ang India Today ay nanaghoy na dahil sa “hepatitis, malaria, sipilis at ngayon ang AIDS” na maaaring dalhin ng ipinagkaloob na dugo, “ang pagbili ng dugo mula sa labas ay parang paglalaro ng Russian roulette.”
Mag-ingat mga Mamimili
“Sa nakaraang dekada, ang mga pakinabang na tutubuin sa $150 bilyon parmaseutikal na pamilihan ay nagbigay-inspirasyon sa isang bagong uri ng panghuhuwad: mga huwad na gamot,” ulat ng Newsweek. “Ang pangalan ay pamilyar,” at kabilang dito ang ilan sa pinakamabiling gamot sa daigdig. “Ang mga huwad ay kamukhang-kamukha ng tunay, hanggang sa mga etiketa, mga pulyeto ng tagagawa at mga tatak ng kadalisayan.” Subalit sa loob ito ay maaaring naglalaman ng nakapipinsalang mga bagay, gaya ng industrial solvents, kusot, alikabok, pulbos, at maruming tubig. Kadalasan ang nilalamang dosis ay mahina at hinaluan ng tubig o ganap na walang halaga. Ang resulta? “Daan-daan kung hindi man libu-libong tao ang namatay,” sabi ng ekonomista sa kalusugan na si Susan Foster ng London School of Hygiene and Tropical Medicine. Ang mga doktor at mga ospital mismo ay maaaring walang kamalay-malay na nagbibigay ng mga gamot na ito. Ang matuwid na mga tagagawa ay napipilitang humanap ng lunas. Ang mga gamot ay karaniwang nagmumula sa mga bansa na hindi kumikilala sa internasyonal na mga patente ng gamot. Karaniwan na, ang matuwid na mga kompaniya ng gamot ay pinananatiling tahimik ang problema upang maiwasan ang publisidad na tatakot sa mga tao upang bilhin ang kanilang produkto.
May Katuwirang Matakot?
Ang paglalakbay sakay ng eruplano ay ipinalalagay na isa sa pinakaligtas na paraan ng transportasyon. Gayunman, para sa mga natatakot lumipad, ang sumusunod na estadistika tungkol sa pag-inom at pagpapalipad, na inilathala sa Newsweek, ay maaaring hindi makagulat: “Mahigit na 10,000 ng 675,500 lisensiyadong mga piloto sa E.U. ay may mga rekord ng lasing na pagmamaneho. Mahigit na 1,200 piloto ng airline ay ginamot dahil sa alkoholismo at nagbalik sa tungkulin sa nakalipas na 15 taon. Sa pagitan ng 5 at 10 porsiyento ng pangkalahatang mga piloto na namatay sa pagbagsak ng eruplano taun-taon ay may alkohol sa kanilang dugo. Anim na commuter at air-taxi na mga aksidente sa pagitan ng 1980 at 1988 ay ipinalalagay na tanging o sa bahagi ay dahil sa pag-inom ng piloto.”