Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Problema sa Kape

Ang Problema sa Kape

Ang Problema sa Kape

MAHIGIT na 1,500,000,000 tasang kape sa isang araw! Ayon sa isang tantiya kamakailan, ganiyan karaming kape ang iniinom sa daigdig. Ang pagkarami-raming nauubos na kape ay nagpapatuloy sa kabila ng paulit-ulit na babala mula sa mga siyentipiko sa nakalipas na mga taon na nakakaharap ng mga umiinom ng kape ang totoong maraming panganib, mula sa sakit sa puso hanggang sa diabetes at iba’t ibang uri pa nga ng kanser. Kung gayon, bakit iilan lamang sa mga umiinom ng kape ang humihinto at umiiwas sa pag-inom ng kape?

Sa nakalipas na mahigit na 40 taon, inilathala ng mga siyentipiko ang mahigit na limang daang report tungkol sa mga epekto ng pag-inom ng kape. Subalit sa paano man ang kanilang mga konklusyon ay, bueno, malawak ang sakop. Bakit? Sa isang bagay, ang kape ay mas masalimuot kaysa nakikita mo. Ang isang tasang kape ay maaaring naglalaman ng kasindami ng limang daang likas na kemikal. Gayunman, pinagtutuunan ng karamihan ng mga pag-aaral ang isa lamang sangkap, ang pampasiglang caffeine.

Sa ilang tao, ang caffein ay nagpapangyari ng pag-aantok at pagkayamot o ginagawang mahirap magtuon ng isip. Subalit kumusta naman ang tungkol sa kanser? Ang magasin ng mamimili na Which? ay nag-uulat: “Sa halos bawat pag-aaral na nagpapakita sa posibleng kaugnayan [sa pagitan ng caffein at ng kanser], may isang pag-aaral na may salungat na mga tuklas.” Hindi kataka-taka, kung gayon, na isang tagasuri ng kape sa London ay nag-uulat na sa pangkalahatang publiko, “wala man lamang umiiwas sa kape.” Isa pa, nalalaman ng marami na ang tsa, cocoa, at mga inuming may cola ay naglalaman din ng caffeine. Sa katunayan, binabanggit ng magasing Which? na “timbang sa timbang, ang tsa ay naglalaman ng mas maraming caffeine kaysa kape, ngunit sa pangkalahatan, kaunti lamang tsa ang ginagamit sa pagluluto ng tsa.”

At, may ilan pa ring pag-iingat na maaaring bigyang-pansin ng isa na umiinom ng kape. Binanggit kamakailan ng The Times ng London ang tuklas na ito mula sa isang report ng Olandes: “Ang kape kung saan ang kumukulong tubig at ang giniling na kape ay tuwirang inihahalo ay maaaring magparami sa antas ng kolesterol ng 10 porsiyento kung ihahambing sa pag-inom ng sinalang kape o walang kape pa nga.” Ang kolesterol ay kilalang-kilalang pinagmumulan ng sakit sa puso. Sa isa pang labas nito, sinipi ng The Times ang isang kilalang Britanong dalubhasa sa pagkain na nagsasabi: ‘Ang regular na mga umiinom ng kape ay dapat na laging may isang tasa ng bagong nilagang kape at iwasan ang kapeng muling inilaga o pinakuluan.’

Kung may anumang bagay na sinasang-ayunan ang mga dalubhasa pagdating sa kape, ito’y ang pag-inom nang katamtaman. Pangkalahatang inirerekomenda ng mga doktor na ang mga tao ay uminom ng hindi hihigit sa anim na tasa (o apat na mug) ng kape sa isang araw. Yaong may mga suliranin sa kalusugan gaya ng sakit sa puso o sa bato o mataas ang presyon ng dugo ay dapat uminom na kaunti pa riyan. At ang mga babaing nagdadalang-tao o yaong mga nagpapasuso ng kanilang mga sanggol ay hindi dapat uminom ng mahigit sa isang tasang kape sa isang araw.