Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Basta Kailangang Gawin Mo Ito”

“Basta Kailangang Gawin Mo Ito”

“Basta Kailangang Gawin Mo Ito”

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Colombia

ISANG may kabataang mag-asawa mula sa Missouri sa Estados Unidos ay nagsabi: “Una naming narinig ang tungkol sa International Volunteer Construction Worker Program noong tag-araw ng 1988 nang magbalik ang ilang kaibigan mula sa isang atas sa tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower sa Honduras, Sentral Amerika. ‘Basta kailangang gawin mo ito!’ sabi nila, nag-uumapaw sa kagalakan.”

Ang nabanggit na programa sa pagtatayo ay isa na ginawa ng mga Saksi ni Jehova para sa pagtatayo ng kanilang mga tanggapang sangay sa buong daigdig. Upang maging kuwalipikado rito, ang isa ay kinakailangan munang magtrabaho sa punong tanggapan ng Samahang Watch Tower sa Brooklyn, New York, kung saan ang kanilang mga kaugalian at mga kakayahan sa trabaho ay maaaring tayahin. Kaya ang asawang lalaki mula sa Missouri ay nakipag-alam sa tanggapan ng Samahan sa Brooklyn at nagboluntaryong magtatrabaho roon nang pansamantala.

Samantalang nasa punong tanggapan sa Brooklyn, ang asawang lalaki ay lumagdang magtrabaho sa ibang bansa. Pagkatapos, sa pagbabalik sa Missouri, siya at ang kaniyang maybahay ay nagsimulang mag-impok para sa kanilang inaasahang paglalakbay. Pagkaraan ng ilang buwan ay dumating ang atas sa pamamagitan ng liham. Sila’y magtutungo sa Colombia, Timog Amerika!

Mula noong 1987 hanggang 1990, mahigit na isang libong pansamantalang boluntaryong mga manggagawa ang nagbayad ng kanilang pasahe patungong Colombia upang gumugol ng mula dalawang linggo hanggang dalawang buwan sa pagtulong sa pagtatayo ng malaking bagong sangay ng pag-iimprenta ng mga Saksi ni Jehova roon. Karagdagan pa, mga 80 iba pang mga boluntaryo mula sa 14 na iba’t ibang bansa ang gumugol ng mahigit na isang taon sa pagtatrabaho sa malaking proyektong ito sa Colombia. Ang ilan sa panandalian at pangmatagalang mga manggagawang ito ay dati nang tumulong sa pagtatayo ng bagong mga pasilidad ng sangay sa mga bansa na gaya ng Nigeria, Pilipinas, Guyana, El Salvador, Guatemala, Costa Rica, Peru, at Ecuador.

Ang boluntaryong mga manggagawa na dumating sa Colombia ay tinulungan ng kanilang maypabisita na magpatuloy sa imigrasyon at adwana. Pagkatapos sila ay isinakay ng kotse patungo sa dako ng konstruksiyon sa Facatativá, mga 50 kilometro hilagang-kanluran ng Bogotá.

Oryentasyon

Para sa tipikal na bagong dating, kasama sa unang araw sa proyekto ang pamamasyal sa mga pasilidad at mga tagubilin tungkol sa pamumuhay bilang isang bahagi ng mga tripulante ng konstruksiyon. Karamihan ng internasyonal na mga manggagawa sa konstruksiyon​—nitong nakalipas na mga taon na mula 40 hanggang 60 sa anumang panahon—​ay nakatira sa mga pabahay na binili malapit sa dako ng konstruksiyon.

Ang bagong mga manggagawa sa konstruksiyon ay tumatanggap ng mga tagubilin tungkol sa mga iskedyul ng trabaho, sa pagdalo sa mga pulong Kristiyano, sa pakikibahagi sa gawaing pangangaral kung dulo ng sanlinggo, at sa wastong pangangalaga ng kanilang mga tirahan. Ang impormasyon ay ibinigay rin tungkol sa pagpapalaba, gayundin sa pakikibahagi sa programa sa umaga na pagtalakay ng Bibliya at kaugnay na mga bagay.

Ang mga silid na inilalaan ay komportable, ang mga pagkain ay mainit at masustansiya, at ang labada ay agad na nagbabalik, nalabhan at naplantsa na. Mayroon pa ngang medikal na pangangalagang makukuha kung kinakailangan. Walang kinaliligtaan upang hangga’t maaari’y gawing kaaya-aya ang mga bagay para sa boluntaryong mga manggagawa.

Ang mga bagong dating na ito ay karaniwang nagugulat na makitang ang proyektong pagtatayo ay mas malaki kaysa kanilang inaasahan. Sa isang dalisdis na patungo sa luntiang kagubatan sa likuran ng bundok, may hugong ng gawain sa dalawang limang-palapag na mga gusaling tirahan. Ito sa wakas ay titirhan ng hanggang 250 miyembro ng mga tauhan ng sangay sa Colombia, tinatawag na pamilyang Bethel. Sa nakalipas na mga buwan, nakita ng mga bagong dating ang mga tripulante na naglalagay ng mga instalasyon ng tubo, kawad ng kuryente, at mga balangkas na bakal para sa dingding.

Ang silid kainan na maginhawang makapag-uupo ng 400, ay siksikan sa 600 o higit pa kung dulo ng sanlinggo kapag ang dagsa ng boluntaryong mga manggagawa roon ay kumakain na istilong kapitirya. Maliban sa ilang pangwakas na gawain, tapos na ang silid kainan.

Sa malaking dalawang-palapag na gusaling pagawaan, lumipat na ang Shipping Department at ang Job Press Department. Habang nagdaraan ang mga bagong dating sa ikalawang palapag ng pagawaan, may pagmamalaking itinuturo ng nagsasagawa ng pamamasyal ang napakalaking Hantscho rotary offset na palimbagan. Pinangangasiwaan ng ilang miyembro ng pressroom sa Brooklyn ang instalasyon nito, na tinutulungan ng iba pang boluntaryo.

Ang palimbagang ito na kontrolado ng computer​—65 tonelada at 27 metro ang haba​—ay isa sa pinakamahusay na makukuha ngayon. Ito ngayon ay gumagawa ng 38,000 sipi sa isang oras ng mga edisyong Kastila ng mga magasing Bantayan at Gumising! para ipamahagi sa buong hilagang-kanlurang Timog Amerika. Mahigit na 155,000 mga Saksi ni Jehova sa Colombia, Venezuela, Panama, Ecuador, at Peru ay katatanggap lamang ang kanilang mga magasin mula sa palimbagang ito​—pawang makulay.

Alalay ng mga Tagaroon

Maraming boluntaryong taga-Colombia ang nasa proyekto rin ng pagtatayo, kapuwa mga lalaki at babae. Ipinagmamalaki nilang sila’y nagtatrabaho sa kanilang bagong sangay, gaya ng tawag nila rito. Ang ilan sa kanila ay pansamantalang nakatira sa pabahay na malapit sa dako ng konstruksiyon, at ang iba naman ay regular na uwian mula sa Bogotá at sa iba pang kalapit na mga bayan. Kung mga dulo ng sanlinggo at mga pista opisyal, karagdagang 50 hanggang 150 boluntaryong mga manggagawa ang dumarating, ayon sa turno, mula sa halos isang daang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Bogotá at sa kalapit nito.

Ganito ang sabi ng isang boluntaryong manggagawa sa konstruksiyon na taga-Canada, na may karanasan sa steel-stud framing at pagkakabit ng mga drywall: “Ang mga kapatid dito ay sabik na matuto, at ang kalidad ng kanilang trabaho ay mahusay, kung hindi mas mahusay pa kaysa, nakikita mo sa isang komersiyal na proyekto sa Canada.”

Ganito pa ang susog ng isang manggagawang nangangasiwa sa heavy equipment at earth-moving mula noong 1987: “May mahusay na grupo kami ng mga lalaki, kasama ang maraming lokal na mga kapatid, na nagtatrabahong kasama namin. Ang ilan sa kanila ay hindi marunong magmaneho ng kotse noon, pero sila’y naging ekselenteng opereytor ng mga kagamitan.”

Maraming kabataang taga-Colombia na regular na nagtrabaho sa proyekto ay nag-aplay para sa permanenteng paglilingkuran sa pamilyang Bethel, na malapit nang palakihin. Ang iba ay magbabalik sa buong-panahong pangangaral sa Colombia. Lahat ng ito ay nakaragdag sa kanilang espirituwal na katayuan dahil sa paglilingkod bilang boluntaryong mga manggagawa sa konstruksiyon dito sa kapaligiran ng pamilyang Bethel.

Isang Kasiya-siyang Gawain

Libu-libong nakibahagi sa International Volunteer Construction Worker Program ay nagpatotoo na ito ang tampok na bahagi ng kanilang buhay. “Napakaespesyal nito,” sabi ng isang manggagawa mula sa Mississippi, E.U.A., tungkol sa proyekto sa Colombia. “Ang mga tao ang gumagawa ritong espesyal. Gusto kong gawin ito sa lahat ng panahon kung ito’y posible. Maaari kang makapagtayo ng mga gusali saanman, ngunit ang paggawa na kasama ng mga kapatid ang gumagawa ritong naiiba.” Ang araw-araw na pakikisalimuha sa mga Kristiyanong nagpapakita ng mga bunga ng espiritu ni Jehova ay kaibang-kaiba sa pagtatrabaho sa sekular na daigdig!

Ang oras ng pag-alis para sa pansamantalang mga manggagawa ay karaniwan nang dumarating agad. May mga yapusan at iyakan. Anong dalas na marinig ang mga pamamaalam: “Gusto sana naming magtagal pa.” “Gusto naming manatili!” Ang lahat ay umaalis na may masidhing pagpapahalaga sa internasyonal na kapatiran ng mga Saksi ni Jehova. Naranasan nila ang patikim ng kung ano ang mamuhay at gumawang magkakasama sa hinaharap, sa pagpapalawak ng Paraiso sa mga dulo ng lupa.

Mangyari pa, ang lahat ay hindi maaaring makibahagi sa programang ito ng internasyonal na pagtatayo. Subalit yaong ang mga kalagayan ay nagpapahintulot dito, isang malaking bago at kapana-panabik na pinto ng pagkakataon ang nabuksan sa pamamagitan ng International Volunteer Construction Worker Program.