Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Trabaho Pagkatapos ng Klase Talagang nasiyahan ako sa mga artikulo tungkol sa mga trabaho pagkatapos ng klase. (Nobyembre 22 at Disyembre 8, 1990) Bagaman hindi pa ako handa para sa isang trabaho, ipinakita ng inyong mga artikulo ang kahalagahan ng pag-iipon ng pera para sa hinaharap. Tinulungan din ako nito na maunawaan na kung ako’y makapagtrabaho, kailangan ko ng isang iskedyul na kinabibilangan ng panahon para sa espirituwal na mga gawain. Tatandaan ko ang mga artikulong ito sa hinaharap.
J. S., Estados Unidos
Tunguhin ko ang maging isang payunir [buong-panahong ebanghelisador]. Nag-iisip ako kung kailangan ko kayang magtrabaho muna at mag-ipon ng pera. Tinulungan ako ng mga artikulo na makita na ang paggawa ng gayon ay maaaring maghulog sa akin sa bitag ng materyalismo. Kaya naipasiya kong magtrabaho—magtrabaho sa pagpapasulong ng aking espirituwal na pundasyon—upang ako’y maging mahusay at handa para sa paglilingkod bilang payunir.
G. J., Estados Unidos
Mga Kagubatan Ang inyong artikulo tungkol sa mga kagubatan (Marso 22, 1990) ay nasa mataas na siyentipikong antas. Nalalaman ng lahat na ang kapaligiran ay sumásamâ at na mayroon tayong dapat gawin. Subalit bilang isang kabalitaan dito sa Poland, nag-iisip ako kung sino ang maglalakas-loob na sumulat tungkol sa pangunahing mga dahilan ng kapabayaan ng kapaligiran. Kayo ang unang gumawa nito sa pagbanggit sa pagiging makasarili at paghahangad ng pakinabang bilang ang tunay na mga dahilan. Magaling!
W. S., Poland
Madugong mga Pelikula Ang pelikulang nais kong mapanood, ang Die Hard 2, ay binanggit sa isang balita sa “Pagmamasid sa Daigdig” na “Madugong mga Pelikula.” (Disyembre 22, 1990) Nasabi ko pa nga sa aking mga kaibigan na panonoorin ko ito. Subalit nang mabasa ko ang balitang ito, naipasiya kong ang panonood ng pelikulang ito ay katulad ng panonood ng isang pelikulang horror at nagpasiya akong huwag manood. Sa katunayan, gusto ko pa ring manood, pero alang-alang sa aking sariling espirituwal na pagsulong, hindi ko ito panonoorin.
M. T., Hapón
Ehersisyo Maraming salamat sa artikulong “Kung Ano ang Magagawa sa Iyo ng Ehersisyo.” (Oktubre 22, 1990) Tuwing mayroon kaming physical education sa paaralan, kailangan naming tumakbo ng 1.6 kilometro, at sa tuwina’y kinaiinisan ko ito! Ipinakita sa akin ng inyong artikulo na ang ehersisyo ay talagang kapaki-pakinabang sa tao.
L. B. D., Estados Unidos
Salamat sa inyong artikulo. Noong Setyembre, dahil sa pagkakaroon ng isang regular na programa sa ehersisyo, naihinto ko ang paggagamot sa mataas na presyon ng dugo. Pagkaraan ng siyam na linggo ng kalulundag sa isang minitrampoline, sinabi ko sa aking doktor na nais kong ihinto ang aking paggagamot. Tinuruan niya ako kung papaanong unti-unting babawasan ang dosis. Ngayon ang presyon ng dugo ko ay normal, mabuti ang aking pakiramdam, at ang aking mister ay naglulundag sa pagsisikap na pababain din ang kaniyang presyon!
G. Y., Estados Unidos
Dapat pansinin ng mga mambabasa na kung sila’y may malaking suliranin sa kalusugan, o kung sila ay matanda na, makabubuting sumangguni sa isang kuwalipikadong manggagamot bago simulan ang isang masiglang programa ng ehersisyo. Ang pagsangguni sa isang manggagamot ay makabubuti rin kapag gumagawa ng anumang pasiya tungkol sa iniresetang paggagamot.—ED.
Bakasyon sa Bahay Iminungkahi ng inyong artikulong “Bakit Hindi Subuking Magbakasyon sa Bahay?” (Hunyo 22, 1990) ang pangongolekta ng mga ligaw na bulaklak. Bagaman iyon ang ginagawa ko noon, natutuhan ko ang tuntunin: “Huwag kang kukuha ng anuman maliban sa litrato; huwag kang mag-iiwan ng anuman maliban sa mga bakas ng paa.’ Sa lugar na tinitirhan ko, labag sa batas na pumitas ng ilang ligaw na bulaklak. Subalit ang isang mahusay ang pagkakakuhang larawan ng isang ligaw na bulaklak ay maaaring magdulot ng kasiyahan sa loob ng maraming taon!
W. K., Estados Unidos
Ang pagkuha ng mga larawan ay tunay na isang praktikal na paraan upang masiyahan sa kalikasan sa mga lugar kung saan bawal pumitas ng mga bulaklak, o ang katulad na mga gawain, ay labag sa batas o maaaring maging dahilan ng ekolohikal na pinsala. Salamat sa mungkahi.—ED.