Pagtulong sa mga Anak ng Nagdiborsiyo
Pagtulong sa mga Anak ng Nagdiborsiyo
“Minsan, nang ako ay mga tatlong taóng gulang, dinalaw ako ng aking tatay. Inilabas niya ako at ibinili ako ng isang manika na may magandang pulang damit, pagkatapos ay inihatid niya ako sa bahay. Naupo kaming sandali sa kotse. Ngunit paglabas ng nanay ko upang kunin ako, naghiyawan sila sa isa’t isa at nagtaltalan sa bintana ng kotse—na nasa gitna ako.
“Walang anu-ano ay binuksan ng tatay ko ang pinto at itinulak ako palabas ng kotse. Pinadulas niya ang mga gulong at umalis. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari. Ayaw pa ngang pabuksan sa akin ng nanay ko ang aking bagong manika. Hindi ko na ito nakita mula noon. At hindi ko rin nakitang muli ang tatay ko hanggang nang ako’y 19 anyos na.”—Heidi.
“LAHAT ng sugat ay gumagaling sa paglipas ng panahon,” ayon sa isang matandang kasabihan. Totoo ba ito? O ang mga bata ba ay napipinsala magpakailanman ng diborsiyo?
Sang-ayon sa The Journal of Social Issues, depende ito sa kung ano ang nangyayari pagkatapos ng diborsiyo. Sabi nito: “Ang mga kaugnayan ng pamilya na lumilitaw pagkatapos ng diborsiyo ay nakakaapekto rin sa mga bata o higit pa nga kaysa diborsiyo mismo.”
Sa kaso ni Heidi, ang diborsiyo ng kaniyang mga magulang ay pasimula lamang ng kaniyang mga problema. Gaya ng karaniwang nangyayari, ang ikalawang pag-aasawa ng kaniyang ina ay wala ring ipinag-iba sa unang pag-aasawa, ni ang isa pa pagkatapos niyan. Ang kabataan ni Heidi ay magulo dahil sa mga sigawan, basagan-ng-pinggan na mga away hanggang sa malungkot na gabi kung tag-araw sa isang walang taong apartment, takot na takot na nagtatanong kung kailan—at kung—uuwi ang kaniyang nanay sa bahay.
Malaki ang magagawa ng mga magulang upang huwag maranasan ng kanilang mga anak ang gayong magulong buhay na dala ng diborsiyo. Tutal, winawakasan ng diborsiyo ang pag-aasawa, hindi ang pagkamagulang.
Mga Magulang—Ang Napakahalagang Papel
“Ang magkabahaging akto ng paglilihi ay nagbibigay karapatan sa mga anak sa isang ina at isang ama,” sulat ng dalawang sikologo sa Psychology Today. Maaaring ipalagay mo na ang pananalitang iyon ay nagpapatunay sa sarili. Gayunman, ang diborsiyo sa ilang paraan ay nagkakait sa isang bata ng kapuwa mga magulang sa isang panahon.
Halimbawa, isaalang-alang ang Estados Unidos, na ayon sa estadistika ay matatawag na kabisera ng diborsiyo sa daigdig. Doon, mahigit na 90 porsiyento ng mga anak ng nagdiborsiyo ang nakatira sa ina at dinadalaw ng ama. Mahigit sa kalahati niyaong mga batang iyon ay nakikita ang kani-kanilang mga ama nang halos minsan sa isang taon! At ang panahon ng ina na kasama ng kaniyang mga anak ay nababawasan din pagkatapos ng diborsiyo, ng hanggang 21 oras sa isang linggo, ayon sa isang pag-aaral.
Kung may anumang bagay na sinasang-ayunan ang mga eksperto, ito’y na ang mga bata ay mas malamang na makabagay nang mahusay sa buhay pagkatapos ng diborsiyo kung sila ay patuloy na magkakaroon ng positibo at walang pagbabagong kaugnayan sa kapuwa mga magulang. Kung hindi posible iyan, ang mabuting kaugnayan kahit sa isang magulang ay makatutulong pa rin upang bawasan ang sakit na dala ng diborsiyo. Subalit paano ba mapananatili ng mga magulang ang gayong pagiging malapit sa kanilang mga anak pagkatapos ng diborsiyo?
Ginagawang Mahalaga ang Panahon
Kung ikaw ay isang diborsiyadang ina, ang pagpapanatiling malapit ay maaaring maging ang iyong pinakamahirap na hamon. Kadalasan, ikaw ay maaaring bansagan ng kung ano ang ipinalalagay ng ilang lipunan na dobleng batik sa karangalan: diborsiyo at karalitaan. Palibhasa’y hindi handa sa pagtatrabaho, at nagpupunyaging punan ang di maaasahan o di-sapat na ibinabayad na sustento mula sa dating asawa, maaaring akalain mo na kaunting panahon na lamang ang natitira para sa iyong mga anak.
Ang lunas: determinasyon at isang iskedyul. Bilhin mo ang anumang kaunting panahon na mabibili mo, at planuhin na kasama ng iyong anak kung ano ang gagawin ninyong magkasama sa panahong iyon. Kahit na ang kaunting panahon araw-araw at ang iyong di nababahaging pansin ay mas mahalaga kaysa walang anumang panahon. Ang patiunang pagpaplano para sa isang pantanging pamamasyal na magkasama kayo ay magbibigay rin sa iyong anak ng isang bagay na aasam-asamin.
At nariyan ang kailangang haraping pangangailangan ng bata para sa espirituwal na patnubay, disiplina, at pagsasanay. Ang tiyak na mga panahon para sa layuning ito ay maaaring mahirap dumating. Kaya ang Bibliya ay nagpapayo: “Ikikintal mo [ang kautusan ng Diyos] sa isipan ng iyong [anak] at sasalitain mo ang mga yaon kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa daan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.”—Deuteronomio 6:7.
Kayo ba kailanma’y nagkasama na “sa daan,” marahil sakay ng kotse o ng sasakyang pampubliko? Ano ang kumukuha ng iyong pansin—ang iyong anak, o ang pahayagan o ang radyo sa kotse? Kapag kayo’y kumakain na magkasama, natatabunan ba ng telebisyon ang lahat ng pag-uusap, o ang pagkain ba ay panahon upang ang inyong pamilya ay payapang mag-usap? May mga gawain ba sa
bahay na maaari mong ibahagi sa iyong anak, gaya ng pagluluto ng makakain o paglalaba?Siyempre pa, hindi ito nangangahulugan na dapat mong sunggaban ang mga pagkakataong ito upang sermunan ang iyong anak. Sa pakikisama mo sa iyong anak at sa masigla at tapatang pakikipag-usap sa kaniya, tiyak na mababahaginan mo siya ng ilan sa iyong mga pinahahalagahan. Ang mga panahong gaya nito ay maaari ring maging huwarang pagkakataon upang bigyan mo ang iyong mga anak ng katiyakan na kailangang-kailangan nila ngayon. Lihim na inaakala ng ilang anak na sila ang may pananagutan sa paghihiwalay ng kanilang mga magulang. Inaakala naman ng iba na sila’y tinanggihan ng humiwalay na magulang. Kung madalas mong tiyakin sa kanila ang iyong pag-ibig, pinupuri sila sa mabubuti nilang mga katangian at mga gawa, at ginagawa mo silang palagay upang sabihin nila nang tapatan ang kanilang niloloob, malaki ang magagawa mo upang bawasan ang matinding dagok ng diborsiyo.
Napababayaan naman ng ilang magulang ang disiplina pagkatapos ng diborsiyo, karaniwan na dahil sa sila’y nakokonsensiya. ‘Masama na nga ang naranasan ng aking anak kamakailan,’ palagay nila. Subalit ang pagbibigay sa inyong mga anak ng layang gawin ang balang maibigan nila ay hindi pagpapakita sa kanila ng pag-ibig. Ang direktor ng isang programa para sa tinedyer at mga bata sa isang ospital para sa nasisiraan ng isip ay nagsabi sa The Washingtonian: “Madalas sabihin sa akin ng mga bata, ‘Pinababayaan ako ng aking mga magulang. Wala silang malasakit sa akin.’ ” Gaya ng sabi ng Bibliya: “Kung hindi mo pinarurusahan ang iyong anak, hindi mo siya mahal. Kung mahal mo siya, itutuwid mo siya.”—Kawikaan 13:24, Today’s English Version.
Ang Anak na Pinag-aagawan
Isang munting batang lalaki, nang hilinging gumuhit ng mga larawan sa isang divorce clinic, ay iginuhit ang kaniyang sarili na nasa gitna at hinihila sa magkabilang kamay ng kaniyang nag-aangilang mga magulang; siya ay nahahati at nagdurugo. Ganiyan ang nadarama ng ilang mga anak ng nagdiborsiyong mga magulang. Bagaman minamahal ng bata ang kapuwa mga magulang, ayaw naman ng magulang na mahalin ng bata ang isang magulang.
Sa kapaitan at pasakit na kadalasang kaakibat ng diborsiyo, napakahirap para sa mga magulang na huwag isangkot ang kanilang mga anak sa labanan. Iniulat nina Wallerstein at Kelly na dalawang-katlo ng mga magulang sa kanilang pag-aaral ang hayagang nag-aagawan sa pag-ibig at katapatan ng kanilang mga anak. Si Dr. Bienenfeld ay nagbababala sa mga magulang na ang pag-aagawan nila sa bata ay maaaring lumikha ng mga damdamin ng pagkapoot-sa-sarili at pagkadama ng pagkakasala at “babawasan ang kaniyang tsansa sa kaligayahan, katuparan at tagumpay.”
Ang Bibliya ay may katalinuhang nagpapayo: “Kayong mga ama [o mga ina], minsan pa, huwag ninyong itaboy ang inyong mga anak sa galit, kundi bigyan sila ng tagubilin, at pagtutuwid, na ayon sa Kristiyanong pagpapalaki.” (Efeso 6:4, The New English Bible) Maliwanag, ang pagtataboy sa inyong anak na magalit sa isang magulang ay walang dako sa Kristiyanong pagpapalaki.
Ang bawat anak ay may dalawang magulang. Maaaring baguhin iyan ng kamatayan, ngunit hindi iyan binabago ng diborsiyo. At malibang takdaan ng hukuman ang pagpunta ng isang magulang sa mga anak (o kaya’y iniiwasan ng isang magulang ang kaniyang pananagutan), baka kailanganin mong makipagtulungan sa iyong dating kabiyak sa pagpapalaki sa mga bata.
Ipagpalagay na, ikaw ay may matuwid na dahilan upang magalit sa iyong dating asawa. Subalit kung gagamitin mo ang inyong mga anak upang parusahan ang isang iyon, ang mga anak ninyo ang talagang nagdurusa. Iminumungkahi ni Dr. Bienenfeld na ang matapat na pag-amin sa iyong sarili na ikaw man ay may bahaging ginampanan sa mga problema ninyong mag-asawa ay maaaring makatulong upang bawasan ang iyong galit. Binabanggit ng magasing Parents ang tungkol sa isang babaing sinisikap manalangin alang-alang sa kaniyang dating asawa kailanma’t nag-iisip siya ng negatibong mga kaisipan tungkol sa kaniya. Nasumpungan niyang ang taktikang ito ay nakabuti sa kaniya at nasusupil niya ang kaniyang sarili na lubhang bago sa kaniya at napalaya siya nito sa pagiging ‘palaaway sa kaniyang asawa.’—Ihambing ang Mateo 5:43-45.
Maaari Bang Tumulong ang Iba?
Ang mga sikologong sina Julius at Zelda Segal ay sumulat sa magasing Parents na “ang mga bata sa wasak na mga pamilya ay sa paano man napatitibay
kung ang ilang kaugnayan ay payapang nagpapatuloy” pagkatapos ng bagyo ng diborsiyo. Nakalulungkot sabihin, ayon sa mga sikologong ito, “ang mga kapitbahay at mga kaibigan ay waring lumalayo, at gayundin, ang ilang mga ninuno sapagkat sila man ay abalang-abalang pumapanig sa alitan ng mga magulang.”Oo, ang diborsiyo ay lalo nang malupit sa mga bata kapag ang ibang kamag-anak ay naglalaho rin sa kanilang buhay. Pinalulubha nito ang kanilang pagkadama na sila’y abandonado. Kaya kung ikaw ay isang tiya, o tiyo, o isang ninuno ng sinumang anak ng nagdiborsiyo, bigyan sila ng katiyakan na kailangang-kailangan nila ngayon sa halip na makisama sa labanan ng kanilang mga magulang. Kung minsan, wala nang makapagpapasigla sa kalungkutan ng bata kaysa isang maibiging ninuno.
Si Heidi, na sinipi sa simula ng artikulong ito, ay hindi tumanggap ng gayong suporta. Gayunman, ang kaniyang buhay ay isang kuwento ng tagumpay. Ngayon, sa gulang na 26, siya ay isang maligayang may-asawang babae, bukas-puso at masipag. Ano ang dahilan ng kaniyang tagumpay?
Sa isang salita: pakikipagkaibigan. Bilang isang tinedyer, si Heidi ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sa Kingdom Hall kung saan siya dumadalo ng mga pulong, siya’y nakasumpong ng tunay na mga kaibigan. “IniisipMarcos 10:29, 30.
ko noon na ang aking kalagayan ay wala nang pag-asa,” gunita niya. “Subalit nakatutulong na mayroon kang nakakausap. Mayroon akong kaibigan na mapagsasabihan ng lahat ng bagay. Sa tuwina’y nalalaman niya kung may problema, at lagi akong nagtatapos sa pagsasabi nito sa kaniya. Para ba siyang isang ina sa akin. Ngunit may iba pa rin na maaari kong makasama sa paggawa nang sama-sama.” Nasumpungan din ni Heidi ang katotohanan ng pangako ni Jesus na ang kongregasyong Kristiyano ay maaaring maglaan ng sapat na pamilya para sa kanila na nawalan ng kanila mismong pamilya.—Ngunit hindi si Heidi ang nanguna upang makipagkaibigan sa kanila. “Hinanap nila ako,” sabi niya. At iyan ang paulit-ulit na tema sa gitna ng mga anak ng nagdiborsiyo sa kongregasyong Kristiyano. Halimbawa, naaalaala pa ng dalagang nagngangalang Meg ang mag-asawang nakipagkaibigan sa kaniya nang ang kaniyang mga magulang ay naghiwalay: “Alam nila na kailangan ko sila, at naroroon sila. Ayaw mo namang magsabi, ‘Narito, kailangan ko kayo. Gusto kong mahalin ninyo ako ngayon.’ ”
Kumusta ka naman? Maaari ka bang maging isang kapatid na lalaki, isang kapatid na babae, isang ina, isang ama, o isang ninuno sa isang anak ng nagdiborsiyo? Marahil ay hindi ka hihilingin ng bata, subalit hindi iyan nangangahulugan na hindi ka niya kailangan.
Mangyari pa, hindi mo kailanman mapapalitan ang lahat ng gawain ng isang pamilya na buo. Ngunit ikaw ay maaaring maging isang kaibigan, isang mabait, nakikiramay na tagapakinig. Makatutulong ka rin sa pagpatnubay sa isang kabataan sa pagkakaroon ng mas mabuting kaugnayan sa ating Maylikha—ang tunay na “ama ng mga ulila” at ang pinakadakilang Kaibigan na mahihiling ninuman.—Awit 68:5.
Gayunman, hindi na ba tayo makakaasa ng panahon kung kailan mawawala na ang diborsiyo, isang panahon kapag ang mga bata ay tiyak na lalakí sa isang buo, maligayang mga pamilya?
Kapag Gumaling Na ang Pamilya
Kung aasa tayo sa tao para sa lunas, kung gayon ang sagot ay hindi, walang tunay na pag-asa para
sa mga bata. Bahagya ngang masimulan ng tao na ayusin ang wala nang pag-asang nababahaging pangglobong sambahayan ng tao, ano pa kaya ang di mabilang na nababahaging pamilya na bumubuo nito. Gaya ng sulat ni Linda Bird Francke sa Growing Up Divorced: “Napakaraming nangyari nang napakabilis. Ang mga hukuman ay nangangapa-ngapa. Ang mga paaralan ay nangangapa-ngapa. Ang mga pamilya ay nangangapa-ngapa. Walang nakakaalam kung ano ang aasahan sa bawat isa sa mga panahong ito ng lansakang diborsiyo yamang walang mga tuntunin, walang pamarisang susundan.”Ngunit ang Maylikha ng tao ay hindi nangangapa-ngapa. Nauunawaan niya ang ating nababahaging daigdig, at nakikita niya na hindi ito kailangang ayusin ng “mga dalubhasang” tao. Kailangan itong palitan. At siya’y nangangakong gawin iyon. Siya’y nangangako na yaong gagawa ng kaniyang kalooban ay makaliligtas sa paglipas ng tiwaling sistemang ito at mabubuhay upang makita ang pagsasauli ng isang pangglobong paraiso. (Lucas 23:43; 1 Juan 2:17) Sa panahong iyon ng pamumuhay sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, ang tao ay mapagagaling sa kasalanan na sumisira sa kaniyang kalikasan. Ang kasakiman at di kasakdalan na nagdadala ng pagkakabaha-bahagi, poot, at hindi pagkakaisa ay sa wakas aalisin na. Ang sambahayan ng tao ay gagaling na.—Apocalipsis 21:3, 4.
Sa panahong iyon ang diborsiyo ay magiging isang alaala ng lumipas na kahapon.
[Kahon sa pahina 9]
Payo sa Diborsiyadong mga Magulang
Huwag makipag-away sa iyong dating asawa—sa telepono o nang mukhaan—sa harap ng mga bata.
Huwag pintasan ang iyong dating asawa sa harap ng mga bata. Kung pinipintasan ng mga bata ang isang magulang na hindi presente, huwag silang himukin na gawin iyon o makisali sa kanila.
Huwag pilitin ang mga bata na mamili sa pagitan ng kanilang mga magulang, at huwag silang turuang magalit sa iyong dating asawa.
Huwag hayaang takutin ka ng mga bata ng mga banta na titira sila sa isang magulang. Ang pakikiayon sa gayong emosyonal na pananakot ay magpapalakas-loob sa kanila na maging maimpluwensiya at maaari pa ngang hadlangan ang kanilang moral na paglaki.
Huwag gamitin ang mga bata upang tiktikan ang iyong dating asawa, pilit na inaalam sa kanila ang impormasyon pagbalik nila mula sa bawat dalaw.
Huwag utusan ang mga bata na magdala ng galit na mga mensahe o nakahihiyang mga pagsamo para sa salapi mula sa iyo para sa iyong dating asawa.
Huwag hamakin ang isang bata ng mga pananalitang gaya ng, “Manang-mana ka sa tatay mo.” Sa bata hindi lamang ito parang pintas sa ama kundi maaari rin nitong ipadama sa bata na maaaring ulitin din niya ang mga pagkakamali ng isang magulang.
Patunayan mo ang iyong sarili na isang mabuting tagapakinig, hinahayaan ang mga bata na ipahayag ang kanilang nadarama—kahit na ang mga damdaming hindi mo sinasang-ayunan.
Makipag-usap nang malinaw, malaya, at prangkahan. Gayunman, ingatan sila mula sa mga detalyeng hindi na nila dapat malaman pa. Ang iyong anak na lalaki o babae ay maaaring mukhang ulirang katapatang-loob. Subalit tandaan, ang isang bata ay hindi isang munting adulto ni isang kahaliling asawa, gaano man kamaygulang siya sa tingin.
Aliwin ang inyong mga anak at tiyakin sa kanila na hindi sila ang dahilan ng diborsiyo, ni maaari kaya silang makialam at iligtas ang inyong pag-aasawa.
Magpakita ng maraming tunay, magiliw na pagmamahal. Maaaring ipalagay ng mga bata na ang mga magulang na hindi na nagmamahalan sa isa’t isa ay maaaring gayundin kadaling hindi na mahalin ang kanilang mga anak.
Makipagtulungan sa inyong dating asawa sa pagsasanggalang sa mga bata mula sa inyong mga pagtatalo.
Timbangin ang papuri ng disiplina, nagtatakda ng makatuwirang mga hangganan at makatotohanang mga tunguhin.
Magpakita mismo ng huwaran, iniiwasan ang imoral na paggawi na itinuturo mong iwasan nila.
Gugulin ang hangga’t maaari’y marami sa iyong malayang panahon na kasama ng mga bata.
[Kahon sa pahina 11]
Ikaw ba’y Isang Magulang na Patawag-tawag na Lamang?
KUNG gayon ka, baka masumpungan mong napakadali mong mawala sa larawan. Marahil ang pagsasaayos ng isang iskedyul sa pagdalaw ay nakakaasiwa na gaya ng paghingi ng pahintulot sa iyong dating asawa upang makita ang iyo mismong anak. O marahil ang iyong mga anak ay may bago ng magulang sa pangalawang asawa, at inaakala mong hindi ka na kailangan.
Ngunit kailangan ka nila. Ang Bibliya ay nagpapayo: “Mga ama, huwag ninyong pagalitin ang inyong mga anak.” (Efeso 6:4, New International Version) Kung maglalaho ka sa buhay ng iyong mga anak, hindi mo lamang sila pagagalitin kundi maaari mo ring sirain ang kanilang pagpapahalaga-sa-sarili, ipinadarama mo sa kanila na sila’y hindi minamahal at hindi maaaring mahalin. Kahit na ang limitadong kaugnayan sa iyong mga anak ay mas mabuti kaysa walang anumang kaugnayan.
Wari ngang ang tagal ng iyong mga pagdalaw ay mas mahalaga kaysa dalas ng iyong pagdalaw. Mientras mas matagal ang dalaw, mas malamang na ang iyong anak ay magkaroon ng di-malilimot na mga panahong kasama mo. Binabanggit ni Miriam Galper Cohen, isa mismong magulang na patawag-tawag na lamang, sa kaniyang aklat tungkol sa paksang ito na ang mga pagdalaw na ito ay hindi kinakailangang maging kagila-gilalas na mga pagliliwaliw. Kung minsan ang tahimik na paglakad na magkasama, o ang pagkain na magkasama, ang lumilikha ng pinakamagiliw na mga alaala.
Ang madalas na mga tawag sa telepono, na regular na nakaiskedyul, ay gagawa sa iyo at sa iyong anak na maging malapit sa isa’t isa. O maaaring irekord mo ang iyong sarili na nagbabasa ng isang kuwento sa iyong anak o nagkukuwento tungkol sa iyong sariling pagkabata. Bukod sa mga tape at mga sulat, maaari mo ring padalhan ang iyong anak ng mga litrato, mga drowing, cartoons, at mga artikulo ng magasin na inaakala mong katawa-tawa o kawili-wili. Iminungkahi rin ni Cohen ang pag-alam mo sa mga aklat o mga programa sa telebisyon na nagugustuhan ng iyong anak, na binabasa o pinanonood mo mismo, at saka banggitin ito sa sulat o sa telepono.
Gaya ng binabanggit ni Cohen, “ang pagiging magulang sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono ang mas pipiliin mo kaysa iba pang kaayusan sa pangangalaga sa mga bata, na hindi kailanman nakikita ang mga anak.” Gayunman, may ilang mga paraan upang ipabatid mo sa iyong anak, sa tuwina, ang iyong patuloy na pag-ibig at pagkabahala. Kahit na ang iyong pinakamaliit na pagpapakita ng konsiderasyon ay maaaring makabawas sa matinding kirot na nadarama ng iyong anak.
[Larawan sa pahina 7]
May mga gawain bang maibabahagi mo sa iyong anak? Winawakasan ng diborsiyo ang pag-aasawa, hindi ang pagkamagulang
[Larawan sa pahina 10]
May kilala ka bang anak ng nagdiborsiyo na nangangailangan ng isang kaibigan?