Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Naghiwalay na mga Magulang Ang inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Makakayanan ang Paghihiwalay ng Aking mga Magulang?” (Oktubre 22, 1990) ay wari bang ginawa para sa akin, at pinatibay-loob ako nito. Ako’y 16 anyos, at ang aking mga magulang ay hiwalay. Kung minsan ako’y nalulungkot at nanlulumo, ngunit si Jehova ang aking matalik na Kaibigan, at ang laki-laki ng naitulong niya sa akin. Nauunawaan ko na hindi nakabubuti ang mag-alala nang husto tungkol sa paghihiwalay ng aking mga magulang. Nakasumpong ako ng mabubuting kaibigan sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Nasusumpungan ko ring nakapagpapalakas ang mga pulong at iba pang gawaing Kristiyano.
D. B. G., Brazil
Depekto sa “Hubble” Wari bang ipinalalabas ng inyong mga komento sa “Pagmamasid sa Daigdig” (Disyembre 8, 1990) na ang teleskopyong Hubble ay isang ganap na kabiguan. Gayunman, napagtagumpayan na nila ang ilan sa mga problema nito sa pasimula, at mas malinaw na nakakakita na kaysa mga teleskopyong patungo sa lupa.
D. N., Estados Unidos
Hindi namin layong tawagin ang teleskopyong Hubble na isang “ganap na kabiguan” kundi itawag-pansin ang napakalaking kabiguan sa siyentipikong pamayanan nang ang malaking salamin ng instrumento ay nasumpungang may malaking depekto.—ED.
Kagyat na Kasiyahan Maraming-maraming salamat sa inyong mga artikulong pinamagatang “Kamtin ang Lahat, Kamtin Ngayon! ” (Enero 22, 1991) Ang mga ito’y parang sagot sa aking taimtim na mga panalangin at nagbigay sa akin ng pag-iisipan. Pinahahalagahan ko lalo na ang pumupukaw-kaisipang mga tanong na itinanong ninyo. Ito ay walang kasinghalaga kapag ako’y natutuksong sumunod sa landasin ng kagyat na kasiyahan.
P. D., Estados Unidos
Pinapurihan ang Gumising! Ang literaturang nagsasama-sama ng napakahalagang mga paksa sa ating lipunan (gaya ng medisina, sosyolohiya, at ekolohiya), na isinusulat sa hindi pulitikal na paraan at may bahagyang patungkol sa relihiyon, at na umaasa sa Aklat ng mga Aklat para sa mga paliwanag nito—ang gayong literatura ay napakahirap masumpungan sa ngayon. Kaya hinihiling ko na opisyal na itala sa Katitikan na ang Gumising! ay tumanggap ng papuri, lalo na sa labas nito ng Nobyembre 8 at 22, 1990, mga labas tungkol sa mga UFO at sa sistema ng imyunidad.
N. B., Konseho Munisipal ng Tietê
São Paulo, Brazil
Sistema ng Imyunidad Akala ko’y nauunawaan ko ang mga salita sa Awit 139:14: “Pupurihin kita [Diyos] sapagkat kagila-gilalas ang pagkagawa sa akin sa kakila-kilabot na paraan.” Subalit dahil sa inyong maliwanag, maikli subalit malaman na mga artikulo tungkol sa paksang “Ang Ating Sistema ng Imyunidad—Isang Himala ng Paglalang” (Nobyembre 22, 1990), nalalaman ko na ngayon ang ganap na kahulugan ng kasulatang iyon! Ang daigdig ng mga selula sa loob natin ay kasindak-sindak. Talagang kahanga-hanga ang mga gawa ng ating Maylikha. Salamat sa inyong walang sawa, patuloy na pananaliksik sa ganitong uri ng mga paksa. Ang mga artikulo ay tunay na nakapagpapalakas ng pananampalataya.
D. J., Estados Unidos
Ang mga artikulo ay tagalang kasiya-siya at talagang nakapagtuturo. Samantalang binabasa ang mga ito, wala akong magawa kundi ang humanga kay Jehova at kung paano kagila-gilalas ang pagkakagawa sa atin. Mahirap paniwalaan na ang ilang tao ay nag-aakalang ang lahat ng ito ay nagkataon lamang.
Y. S., Estados Unidos
Hindi ko malaman kung paano ko kayo pasasalamatan sa kahanga-hangang mga artikulong iyon. Hindi pa ako nakarinig o nakabasa ng isang paliwanag na napakapayak, gayunma’y detalyado. Yamang ako’y may karamdaman na isa sa mga sakit na binanggit ninyo, mas nauunawaan ko ngayon kung ano ang sinabi sa akin ng aking doktor at kung paano ko pakikitunguhan ang aking problema sa kalusugan.
M. R. O., Brazil