World Cup Soccer—Isport o Digmaan?
World Cup Soccer—Isport o Digmaan?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Italya
ANG pansin ng daigdig ay nakapako sa soccer. Mula noong Hunyo 8 hanggang Hulyo 8, 1990, ang mata ng daan-daang milyon katao ay nakatutok sa iskrin ng kanilang mga telebisyon upang subaybayan ang laro ng taon—ang kampeonato ng World Cup soccer na ginanap sa Italya. Isang pambuong-daigdig na kaubuang manonood sa telebisyon na 30,000,000,000 katao ang nanood sa 52 laro—iyan ay anim na ulit ng populasyon ng daigdig!
Ang panooring ito sa telebisyon ay ginawang posible ng isang walang katulad na organisasyon sa teknolohiya—isang sentro ng produksiyon ng TV na naglilingkod sa 147 network na kumakatawan sa 118 bansa, na may 180 kamera ng telebisyon, 38 yunit ng produksiyon, at 1,500 mga teknisyan. Naroon din sa palaro, na ginanap sa 12 soccer istadyum sa Italya, ang 2,515,000 mga manonood at 6,000 mga
peryudista mula sa buong daigdig. Gayunman, ang mga bilang ay hindi nagsasaysay ng buong pangyayari. Upang ilarawan ang pagkalaki-laking “pagtakas tungo sa katotohanan,” gaya ng tawag dito ng iba, ang mga manunulat, sosyologo, sikologo, mga artista, at mga teologo pa nga ay nagkomento tungkol sa pangyayaring ito.Gayunman, ang World Cup soccer ba ay nakatulong sa internasyonal na pagkakaisa at pagkaisport? Nagkakaisa sa kanilang simbuyo ng damdamin sa isport na ito, nadaig ba ng angaw-angaw na mga taong nanood sa mga palaro sa pamamagitan ng satelayt ang kanilang makabayang mga labanan sa loob ng 30 araw na iyon? Ang soccer ba ay nagsilbing isang puwersa para sa pagkakaisa?
Isport o Digmaan?
Isaalang-alang natin ang isa lamang aspekto na karaniwan sa napakaraming modernong laro sa isport—ang karahasan. Ang palatandaang ito ay madalas na nangyayari sa mga laban ng soccer—sa larangan, sa mga upuan, at sa labas ng istadyum. Ang mga sikologo, sosyologo, at mga peryudista ay sumasang-ayon na sa isang daigdig na totoong marahas, ang isport ay hindi eksepsiyon. Ang mahalagang mga pamantayang moral ay walang awang pinasásamâ. Sa pagtatangkang pagtakpan ang mararahas na katotohanan ng modernong isport, ang paggamit ng mga pariralang gaya ng “ang isport ay isang matapat na engkuwentro,” “ang espiritu ng pakikipagkaibigan,” o “kapatiran” ay hindi gumagana.
Ang kampeonato ng World Cup ay hindi isang eksepsiyon. Mga ilang panahon bago sila magsimula, ang nakababahalang mga report ay narinig. “Ang Marahas na Pagkapanatiko sa Soccer ay Nakatatakot at Nililisan ng mga Turista ang Italya,” ulat ng paulong-balita sa La Repubblica 18 araw bago ang unang laban. Ang lubhang kinatatakutan ay ang bantog sa kasamaan na mga hooligan o butangero, isang bahagi ng Ingles na mga tagahanga ng soccer na kilala sa buong Europa sa kanilang bandalismo bago, sa panahon ng laro, at pagkatapos ng bawat laro. a
Sinuri ng Hunyo 1, 1990, na edisyon ng peryodiko ng Turin na La Stampa ang mga sanhi ng karahasan sa mga istadyum at ang bastos na pag-uugali ng mga butangero, na nagkokomento: “Sa tribo ng soccer, sa ngayon ay walang kalahating sukat. Ang mga katunggali ay hindi na basta mga katunggali kundi ‘mga kaaway’; ang isang sagupaan ay hindi eksepsiyon kundi tuntunin, at ito’y dapat na matigas, hangga’t maaari’y matigas.” Subalit bakit? “‘Sapagkat napopoot kami sa isa’t isa,’ sagot ng ibang butangero ng soccer mula sa Bologna.” Sinisikap na ipaliwanag ang katuwiran sa likod ng gayong pagkapoot, ganito ang sabi ng sosyologong si Antonio Roversi: “Ang mga kabataan sa istadyum ay dumaranas ng hirap dahil sa ‘bedouin syndrome.’ Yaong mga nagdurusa dahil sa syndrome na ito ay itinuturing ang kaaway ng kanilang mga kaibigan na kanilang mga kaaway, ang kaibigan ng kanilang mga kaaway na kanilang mga kaaway, at, gayundin naman, ang kaibigan ng isang kaibigan ay isang kaibigan at ang kaaway ng isang kaaway ay isang kaibigan.”
Ang poot, karahasan, paligsahan, bandalismo, ang “bedouin syndrome”—ang World Cup soccer ay magsisimula pa lamang, gayunman ang kapaligiran ay para ba yaong pagpapahayag ng digmaan. Sa kabila nito, ang Italya ay naghanda para sa laro na may masayang kalooban.
Basbas ng Papa
Maging ang papa, na hindi nawawala sa mataong pagtitipon, ay dumalaw sa “templo” ng World Cup, ang inayos na muling Olympic Stadium sa Roma, at binasbasan ito. Sabi niya: “Bukod sa pagiging isang kapistahan ng isport, ang mga Kampeonato ng World Football ay maaaring maging isang kapistahan ng pagkakaisa sa pagitan ng mga tao.” Isinusog pa niya na dapat iwasan ng modernong isport ang katakut-takot na mga panganib, gaya ng labis-labis na paghahangad sa materyal na pakinabang, labis-labis na pagdiriin sa kagila-gilalas, paggamit ng droga, pandaraya, at karahasan. Inaasahan niya “na ang mga pagsisikap at mga sakripisyong ginawa ay gagawa sa ‘Italia ’90’ na isang sandali ng paglago sa kapatiran para sa mga kapuwa mamamayan at para sa lahat ng tao.” Ang sinabi ng Jesuitang si Paride Di Luca, isang dating manlalaro ng soccer, ay katulad din ng damdaming binigkas ng papa sa kaniyang ‘Panalangin ng Tagahanga ng Soccer’ nang kaniyang sabihin: “Halika, Oh Diyos ko, at panoorin mo po ang World Cup.”
Subalit talaga bang isang malaking kapistahan ang World Cup? Mabahala kaya ang Diyos ng sansinukob? Masdan natin kung ano nga ang larong ito, sa mga pamantayang dinadakila nito.
Mga Butangero ng Isport
Dahil sa mga butangero, ang mga lungsod na gaya ng Cagliare at Turin ay namuhay sa ilalim ng pagkubkob sa lahat ng unang yugto ng kampeonato. Narito ang ilan sa mga paulong-balita sa pahayagan: “Nayanig ang Rimini ng Pakikidigma”; “Cagliari, Sumiklab ang Digmaan”; “Karahasan sa Turin: Isang Aleman at Britano ang Nasaksak”; “Isang Araw ng Kaguluhan sa Pagitan ng mga Tagahangang Ingles, Aleman, at mga Italyano”; “Iligtas Mo Kami Buhat sa mga Tagahangang Ingles—Ang Samo ng Alkalde ng Turin”; “Mga Gabi ng Sagupaan sa Pagitan ng mga Ekstremista. Ang Alkalde: Yaong mga Galing sa Turin ang Tunay na mga Butangero.” Narito pa ang nakatatakot na halimbawa: “ ‘Kung Papaano Sasaksakin ang Kalabang Tagahanga’—Inilathala sa Inglatera, ang Manwal ng Sakdal na Butangero.” Ang mga paulong-balitang ito ay sapat na upang ilarawan ang kalagayan. Ngunit ang gayong mga bagay ay natural na produkto lamang ng isang lipunan na pinakakain ng karahasan.
Ang malaking pangyayari sa isport ay hindi nagwakas sa isang maligayang nota. Ang mapanirang pagsipol ng mga tagahangang Italyano sa koponan ng taga-Argentina at sa kampeon nito, si Maradona, dahil sa pagpapaalis sa koponang Italyano, ay nasapawan ang kagalakan at sinira ang pangwakas na laban. Noong gabing iyon ng Hulyo, walang “dakilang kapatiran sa laro” sa Olympic Stadium; ang “templo” ng World Cup ay nilapastangan. Ang Il Tempo ng Hulyo 10, 1990, ay nagkomento: “Sa larangan, nilabag nila ang laro—sa mga upuan ng mga manonood, dinumhan nila ang isport.”
Isang malungkot na wakas ng isang laro na inaasahan ng ilan na gagawa ng isang “pangglobong nayon” nang walang mga hadlang kahit na man lamang sa loob ng 30 araw. Ngunit kung maaaring itatag ng larong soccer ang kapayapaan at pagkakaisa sa loob o sa labas ng larangan ng laro, makatotohanan kayang isipin na maaari nitong impluwensiyahan ang pandaigdig na kapayapaan?
Isang Timbang na Pangmalas sa Soccer
Pinapurihan ng La Stampa ang soccer, inilalarawan ito bilang “isang sagradong labí ng mga pagpupunyagi ng mga ninuno, ang football ang sagisag ng pagka hindi mahuhulaan, ang diwa ng lahat ng paligsahan sa isport.” Isinasaalang-alang ang puntong ito, papaano dapat malasin ng isang taimtim na Kristiyano ang soccer? Oo, papaano dapat malasin ng isang Kristiyano ang lahat ng propesyonal na isports?
‘Yaong hindi mahilig sa soccer ay may kulang sa kanilang buhay,’ diumano’y nasabi ni Bertrand Russell. Mangyari pa, ang paglalaro ng soccer o anumang iba pang isport ay maaaring maging kapuwa kasiya-siya at nakalulusog, lalo na yamang napakaraming tao ang lagi lang nakaupo. Subalit nangangahulugan ba ito na walang panganib na nasasangkot?
Ang Bibliya ay nagsasabi: “Huwag tayong maging labis na palaisip sa sarili, na nagpapaligsahan sa isa’t isa, nagkakainggitan sa isa’t isa.” (Galacia 5:26) Maliwanag na ipinakita ng kampeonato sa World Cup kung paanong ang karahasan at ang saloobing manalo-sa-anumang-paraan ay kadalasang magkasama. Ito ang negatibong panig ng propesyonal na isports. Upang maiwasan ang gayong “mga gawa ng laman,” dapat pigilin ng mga Kristiyano, kapuwa mga kalahok at manonood, ang kanilang espiritu, lalo na tungkol sa pagnanais na maging numero uno. (Galacia 5:19-21) Tandaan ang sinabi ng makata: “Sapagkat kapag isinulat ng Isang Dakilang Tagalista ang iyong pangalan, inililista niya—hindi kung baga ikaw ay nanalo o natalo—kundi kung paano ka naglaro.”
Ang isa pang aspekto na hindi mo dapat kaligtaan ay ang salik ng panahon. Kabilang ka ba sa angaw-angaw na masugid na manonood ng telebisyon na gumugugol ng walang katapusang oras sa panonood ng mga laro? Sa kabaligtaran, gaano karami sa iyong panahon ang ginugugol mo sa pagsasagawa ng pisikal na ehersisyo? Pagkakatimbang—iyan ang susing salita. Ito’y nangangahulugan ng paghanap ng panahon para sa pisikal na ehersisyo at paglilibang, nang hindi kinaliligtaan ang mas mahalagang espirituwal na mga gawain. Pinayuhan ni apostol Pablo ang kabataang si Timoteo na lalo pa ngang totoo sa ngayon: “Ang pagsasanay sa katawan ay mapapakinabangan nang kaunti; ngunit ang maka-Diyos na debosyon ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay, sapagkat may pangako ng buhay ngayon at sa darating.”—1 Timoteo 4:8.
[Talababa]
a Ganito ang sabi ng isang paliwanag tungkol sa pinagmulan ng salitang “hooligan”: “Isang lalaking nagngangalang Patrick Hooligan, na lumakad na paroo’t parito sa gitna ng kaniyang mga kapuwa-tao, pinagnanakawan sila at paminsan-minsan ay sinasaktan sila.”—A Dictionary of Slang and Unconventional English, ni Eric Partridge.
[Picture Credit Line sa pahina 10]
Photo Agenzia Giuliani