Biglang Paglitaw ng Kolera—Isang Talaarawan ng Taga-Kanlurang Aprika
Biglang Paglitaw ng Kolera—Isang Talaarawan ng Taga-Kanlurang Aprika
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Kanlurang Aprika
DISYEMBRE: Isang matandang babae ang unang biktima. Pagkukurso (diarrhea) ang unang sintomas, matubig at madalas. Pagkatapos ay pagsusuka. Pinatigas ng pulikat ang kaniyang mga hita at tiyan. Ang kaniyang paghinga ay naging mabilis at mababaw, ang kaniyang balat ay kumulubot, at ang kaniyang mga mata ay lumalim. Pagkaraan ng apatnapu’t walong oras siya ay patay na.
Kinabukasan, isa pang kasambahay niya ang nagkasakit, sinundan ng isa pa. Sumunod, ilang kapitbahay ang nagkasakit. Ang sakit ay lumitaw sa kalapit na mga nayon at bayan. Ang ulat ay iisa—pagkukurso, pagsusuka, at sa sangkatlo ng mga kaso, kamatayan.
Sinuri ng Pasteur Institute ang ilang sampol ng dumi at pinagtibay ang kinatatakutan ng mga dalubhasa sa medisina. Ito ang sakit na sumalot sa 93 mga bansa sa nakaraang 25 taon, isang sakit na lubhang nakamamatay anupa’t ang pangalan lamang nito ay nakatatakot na: kolera!
Sa kabisera ng isang lupain sa Kanlurang Aprika, nasaksihan ko ang ilang madulang pangyayari bunga ng biglang paglitaw ng karima-rimarim na sakit na ito. Narito ang talaarawan ng mga pangyayari nang taóng iyon.
“Hindi Dapat Matakot”
Pebrero 13: Kasabay ng mga bali-balita, inilathala ng isang pahayagan ang unang-pahinang balita: “Diarea: 70 ang Patay Subalit ang Krisis ay Humuhupa.” Tinitiyak ng artikulo sa mga mambabasa na “hindi dapat matakot na kakalat ang kolera.”
Abril 25: Tinanong ko si Dr. L. Bakka, a isang pediatrician at pinuno ng programang Control of Diarrhoeal Diseases ng bansa, kung ang patuloy na bali-balita tungkol sa kolera ay totoo. “Totoo iyan,” wika niya. “May epidemya ng kolera at ito ay laganap. Sa 13 distrito, 10 ang may kolera.”
Nagtanong ako tungkol sa maramihang pagbabakuna. “Hindi kami magbabakuna sa mga tao,” sabi niya. “Wala itong gaanong magagawa sa paghadlang o pagsugpo man sa isang epidemya. Ang umiiral na mga bakuna ay may bisa lamang sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.”
“Sinasabi mo bang walang kabuluhan ang mga bakuna sa pagsugpo sa pagkalat ng sakit?” tanong ko.
“Hindi, ang World Health Organization ang may sabi niyan.”
“Nabakunahan ka na ba?”
“Hindi pa. At nakarating na rin ako sa maraming dako na laganap ang kolera, at marami na rin akong ginamot na pasyente ng kolera.”
Ipinaliwanag ni Bakka na ang kolera ay dala ng isang uri ng vibrio, o baktirya, na pumapasok sa katawan sa pamamagitan ng maruming pagkain o tubig. Ang mga baktirya ay naiipon sa bituka, kung saan sila dumarami at gumagawa ng nakalalasong sustansiya na siyang sanhi ng pagkukurso at pagsusuka. Ang mga baktiryang ito sa gayon ay maaaring mapunta sa tubig na iniinom o sa pagkain na nadumhan ng maruruming kamay—at ang sakit ay naipapasa.
Itinuro ng doktor ang kaniyang bibig. “Ang mahalaga ay kung ano ang pumapasok dito,” aniya. Sabi nga: “Makakain mo ang kolera at maiinom mo ang kolera, subalit hindi mo mahuhuli ang kolera!”
Posible kayang lumitaw ang sakit sa kabisera? “Nangyari na nga,” sabi ni Bakka. “Limang pasyente na ang tinanggap namin sa ospital sa araw na ito.”
Mayo 7: Ang hiráp na ospital ay walang gaanong gamit upang matugunan ang pangangailangan ng isang epidemya ng kolera. Ang mga pasyente ng kolera ay nakahiwalay sa isang malaking silid na sementado ang sahig at may isang bentilador
sa kisame. Ang mga palikuran ay masyadong malayo upang magamit, kaya ang mga dumi ay iniipon sa mga tsata at plastik na timba, na dinidisimpekta bago itapon. Mayroon na ngayong 12 pasyente—mga lalaki, babae, at 2 bata. Lahat ay mukhang hapô at malungkot.Ang mga maysakit ay nakahiga sa mga papag na kahoy. Walang mga higaan, walang pagkain na laan ng ospital, walang pribadong mga kuwarto. Gayunman, walang nagrereklamo. Ang buhay ay ibinibigay sa mga namamayat at nanunuyot na biktima, ang buhay sa anyo ng isang litrong mga bag na plastik na may sulat na “Ringer’s Lactate.” Ito ay solusyon na ipinapasok sa ugat.
Napag-alaman ko na ang pagkatuyo ng katawan ang nakamamatay sa kolera. Habang ang mahahalagang likido ng katawan at kinakailangang asin ay naiwawala sa pagsuka at pagkukurso, ang katawan ay natutuyo at namamatay. Muling-tinutubigan o pinapalitan ng lactate ang mga likidong ito at pinananatili ito hanggang huminto ang pagkukurso at pagsusuka—kalimitan sa loob ng ilang araw. Pinapatay ng gamot na tetracycline ang mga baktirya at pinaiigsi ang haba ng karamdaman.
Ang Balita ay Kumakalat
Mayo 29: Ibinalita sa radyo ng isang istasyong Britano na 300 hanggang 600 na ang napapatay ng kolera sa buong bansa. Kilala ko ang isa sa kanila. Nang umalis patungong trabaho ang ama, ang kaniyang batang anak na lalaki ay masayang naglalaro. Pagdating niya ng bahay kinagabihan, ang bata ay patay na.
Ngayong hapon naipasiya ng lokal na tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova na magpadala ng impormasyon sa lahat ng kongregasyon sa bansa, na ipinaliliwanag kung paano mag-iingat laban sa sakit.
Hunyo 2: Mga higaang binalot ng plastik na sapin ang ipinasok sa kuwarto ng mga may kolera. Isang dosenang bagong mga pasyente ang dumarating araw-araw. Yaong mga ipinapasok na tulala at hindi makainom ng solusyong ORS (Oral Rehydration Salts) ay sinusuweruhan ng lactate, mga tatlo o apat na litro sa unang oras. b Pagkaraan ng isa o dalawang araw, sila ay pinauuwi na. Ang hindi grabeng mga kaso ay pinaiinom ng solusyong ORS at pinauuwi pagkaraan ng ilang oras.
Dumagsa ang mga suplay ng Ringer’s lactate at mga pakete ng ORS sa bansa at isinugod sa mga sentrong pangkalusugan ng lalawigan, kung saan kasalukuyang higit ang pangangailangan kaysa lungsod. Mahigit sa 600,000 pakete ng ORS ang naipamahagi na. Naglaan ang pamahalaan ng mga sasakyan upang ihatid ang mga pangkat ng manggagamot at ang mga suplay sa mga dakong nangangailangan. Ipinaalam ng mga brodkas sa radyo at ng mga pulyeto sa publiko kung papaano maiiwasan ang sakit at kung ano ang gagawin kung makita ang mga sintomas. Inihatid ng mga sound car na pumapatrolya sa kabisera ang katulad na mensahe.
Hunyo 10: Tumaas sa bilang na 71 ang mga ipinapasok sa kuwarto ng mga may kolera. Labinglimang narses ang nagtatrabaho ngayon sa klinika. Ang mga kamag-anak ng mga pasyente ay tumutulong sa kanila sa pag-aalaga sa mga may sakit. Ang kuwarto ay punô—dalawa sa isang kama. Ang ibang pasyente ay sa sahig nakahiga.
Dumarating ang mga tao na pasan ang kanilang maysakit. Milya-milya ang nilakad ng iba at basang-basa ng dumi. Nagmamakaawa ang kanilang
mga mata: ‘Maililigtas mo ba ang aking anak . . . aking kapatid . . . aking ina?’Hunyo 21: Ganito ang sabi ng isang press release: “Ang Ministri ng Kalusugan . . . ay nagnanais na tiyakin sa publiko na hindi dapat na mabahala o matakot.” Gayunman ang mga tao ay nababahala! May mga ulat na ang Ringer’s lactate ay itinatago. Ang mga tsuper ng taksi ay naniningil ng napakataas sa paghahatid sa ospital ng mga pasyenteng may kolera—kung pumapayag man silang maghatid. Ang mga batang patungong paaralan ay nakikitang nagtatakip ng kanilang bibig at ilong pagka dumaraan sa klinika ng kolera. Ang iba ay may kamangmangang umiinom ng tetracycline araw-araw, umaasang sanggalang ito sa sakit.
Nakausap ko si Alafia, isang estudyanteng nars sa ospital. Malinaw na siya ay balisa. “Isang kusinero sa aming tuluyan ang nagkakolera!” bulalas niya. “Ginagamit ng ibang narses ang kanilang bakasyon upang makaiwas sa pakikitungo sa sakit.”
Subalit hindi lahat ay umiiwas sa pagtulong. Si Susan Johnson ay tagapamahala sa isang klinika ng kolera. Bagaman karaniwan nang siya ay mabiro, naaaninag ang kaigtingan ngayon. Pagpasok ko sa kuwarto, ang kamag-anak ng isang pasyente ay kumukuha ng isang basong papel at inilulubog sa tapayan ng malinis na tubig. “Huwag mong isawsaw ang kamay mo riyan!” bulahaw ni Susan. “Ang tubig na nadumhan ang nagpapakalat ng sakit na ito!” Tumingin siya sa akin at nasabi na may pagkasiphayo: “Talagang hindi nila maintindihan.”
Ang Pakikipagbaka ay Nagpapatuloy
Setyembre 1: Sa buong bansa, mayroon na ngayong opisyal na ulat ng 10,200 mga kaso, 796 ang patay. Karamihan sa mga namatay ay mga biktimang hindi tumanggap ng panggagamot o hindi agad tumanggap nito.
Sa 3,341 pasyente na ipinasok sa klinika rito, 1 lamang sa 93 ang namatay. Karamihan sa mga ito ay agaw-buhay na nang ipasok dito. Ang iba ay walang malay dahil sa matinding pagkatuyo. Sa mga sandaling iyon ang dugo ay lumalapot at umiitim, at ang mga ugat ay umuurong. Bilang panghuling lunas, ang Ringer’s lactate ay isinusuwero nang tuwiran sa isa sa mga ugat sa leeg o sa artirya sa hita.
Disyembre 30: Ang pagkalat ng salot ay humuhupa. Humigit-kumulang 14,000 katao ang dinapuan, at 1,213 ang namatay. Kakatwa. Alam ng mga doktor kung ano ang sanhi ng kolera, kung paano ito kumakalat, at kung paano ililigtas ang mga biktima. Subalit malayo pang magapi ang kolera. Ang kawalang-kakayahan ng tao na masugpo ang gayong mga epidemya ay madulang nagdiriin sa hula ni Jesus na ang “mga salot” ay magiging tanda ng mga “huling araw” na ito.—Lucas 21:11; 2 Timoteo 3:1-5.
Ipinakita ko kay Dr. S. Harding, isang mahalagang tao noong panahon ng epidemyang ito, ang teksto sa Bibliya sa Isaias 33:24. Inihuhula nito ang panahon kapag “walang maninirahan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’” Maingat niyang tiningnan ang talata, at sinabi: “Kung iyan ang sinasabi ng Bibliya, totoo iyan.” Tunay, ito ay totoo! At anong laking ginhawa kapag ang pangakong iyon ay natupad sa wakas!
[Mga talababa]
a Ang mga pangalan ay binago.
b Tingnan ang “Isang Maalat na Inumin na Nagliligtas ng Buhay!” sa Pebrero 22, 1986, na labas ng Gumising!
[Kahon sa pahina 22]
Kapag Lumitaw ang Kolera!
Ang pangunahing pinagmumulan ng impeksiyon sa kolera ay ang tubig na iniinom. Ang mikrobyong sanhi ng kolera ay nanggagaling sa dumi ng tao at napupunta sa tubig na iniinom dahil sa kakulangan ng kalinisan. Ang pag-inom o paggamit sa nadumhang tubig na ito ay maaaring magdala ng impeksiyon. Isang pangunahing sintomas ng kolera ay pagkukurso. Ito ay siyang sanhi ng matinding pagkaubos ng likido, madalas ay nauuwi sa matinding panlalambot at maging kamatayan. Upang maiwasan ang impeksiyon sa kolera:
1. Gumamit ng tubig na pinakuluan, malinis, o ginamot.
2. Maghugas ng kamay na gumagamit ng sabon at tubig bago humawak
ng pagkain at bago kumain.
3. Takpan ang pagkain upang huwag dapuan ng langaw.
4. Hugasan ang pagkaing hilaw ng malinis o nilagyan ng gamot na
tubig.
5. Gumamit ng palikuran o wastong dako na malayo sa mga balon,
ilog, at bukal—huwag dudumi sa hantad na parang.
6. Kung may maimpeksiyon, isugod ang pasyente sa doktor o sa
klinikang pangkalusugan.
Pinagmulan: World Health Organization
[Picture Credit Line sa pahina 21]
Larawan ng WHO kuha ni J. Abcede