Kung Paano Binago ng Telebisyon ang Daigdig
Kung Paano Binago ng Telebisyon ang Daigdig
NOONG nakaraang tag-araw, ginawa ng TV ang daigdig na isang pangglobong arena sa isports. Sa Roma, Italya, ang mga lansangan ay walang tao. Pinanonood ng 25 milyong Italiano ang mga laban sa World Cup soccer. Sa Buenos Aires, Argentina, ang mga lansangan ay wala ring tao, at sa gayunding dahilan. Sa Cameroon, Kanlurang Aprika, ang gayunding abuhing-asul na liwanag ay nakatatakot na aandap-andap sa mga bintana habang ang angaw-angaw ay sabay-sabay na sumisigaw. Sa ginigiyagis-ng-digmaan na Lebanon, isinuhay ng mga sundalo ang mga telebisyon sa kanilang nakatigil na mga tangke upang manood. Nang ang paligsahan ay sumapit na sa sukdulan, tinatayang sangkalima ng populasyon ng daigdig ang nanonood, malapit sa kahon na parang mga gamugamo sa ningas, ang kanilang mga mukha ay nagniningning sa liwanag nito.
Ang pagkalaki-laking paligsahang ito sa TV ay hindi natatangi. Noong 1985 halos sangkatlo ng populasyon ng daigdig—humigit-kumulang 1,600,000,000 mga tao—ang nanood ng konsiyertong rock na tinawag na Live Aid. Inihatid ng isang dosenang satelayt ang programa sa mga 150 bansa, mula sa Iceland hanggang sa Ghana.
TV—ang malaganap na kahong ito ang nasa gitna ng isang tusong pagbabago. Ang teknolohiya ay lumaki mula sa napakaliit, aandap-andap na mga puting-tabing noong 1920’s at 1930’s tungo sa makabagong mga puting-tabing ngayon, na may matingkad na kulay at linaw, samantalang ginagatungan ang isang pangglobong paglakas ng negosyo ng telebisyon. Noong 1950 wala pang limang milyong set ng telebisyon sa daigdig. Ngayon, mayroon nang halos 750,000,000.
Inilalarawan lamang ng mga paligsahan na gaya ng mga laban sa World Cup soccer ang kapangyarihan ng TV na pagkaisahin ang globo sa isang network ng impormasyon. Binago ng TV ang paraan ng pagkatuto ng mga tao tungkol sa daigdig sa paligid nila. Nakatulong ito sa pagpapalaganap ng mga balita at mga ideya, at maging ng kultura at mga pamantayan, mula sa isang bansa tungo sa ibang bansa, walang kahirap-hirap na dumadaloy sa pulitikal at heograpikong mga hangganan na dati’y sumugpo sa gayong mga daluyong. Binago ng TV ang daigdig. Sabi ng iba na maaari ka nitong baguhin.
Malawakang kinikilala na binago ni Johannes Gutenberg ang komunikasyon nang ang kauna-unahang Bibliya ay lumabas sa kaniyang palimbagan noong 1455. Ngayon ang isang mensahe ay maaaring makarating sa mas maraming tagapakinig sa mas maikling yugto ng panahon, sa mas mababang halaga. Hindi nagtagal at nakita ng mga gobyerno ang kapangyarihan ng pahayagan at sinikap na supilin ito sa pamamagitan ng mga batas sa paglilisensiya. Subalit ang inilimbag na media ay nakarating sa mas maraming tao. Noong maagang 1800’s, binanggit ni Alexis de Tocqueville na ang mga pahayagan ay may pambihirang kapangyarihan upang magkintal ng iisang ideya sa 10,000 isipan sa isang araw.
Ngayon ay isaalang-alang ang telebisyon. Maaari nitong ikintal ang iisang ideya sa daan-daang milyong isipan—pawang sabay-sabay! At di-gaya ng inilimbag na pahina, hindi nito hinihilingan ang mga manonood nito na maging edukado sa masalimuot na sining ng pagbasa, ni hinihilingan man sila nito na mag-anyo ng kanilang sariling mga larawan at impresyon sa isipan. Inihahatid nito ang mga mensahe na may mga larawan at tunog at lahat ng pang-akit na magagawa nito.
Hindi nagtagal at nakita ng mga pulitiko ang pagkalaki-laking potensiyal ng telebisyon. Sa Estados Unidos, may katalinuhang ginamit ni Dwight D. Eisenhower ang TV sa kaniyang kampanya sa pagkapresidente noong 1952. Sang-ayon sa aklat na Tube of Plenty—The Evolution of American Television,
si Eisenhower ay nanalo sa eleksiyon dahil sa siya ay mas “mabisang” kandidato sa media. Ipinakikita ng aklat na ang TV ay malamang na gumanap ng mas malaking bahagi sa tagumpay ni John F. Kennedy kay Richard M. Nixon noong eleksiyon ng 1960. Nang ang mga kandidato ay magdebate sa TV, si Kennedy ay nakakuha ng mas mataas na puntos sa mga tagapanood kaysa kay Nixon. Gayunman, ang mga nakapakinig ng debate ring iyon sa radyo ay nag-aakalang ito ay patas. Bakit ang kaibhan? Si Nixon ay mukhang maputla at pagod, samantalang si Kennedy ay matipuno at kulay-kayumanggi, nagpapahiwatig ng pagtitiwala at lakas. Pagkatapos ng eleksiyon, ganito ang sabi ni Kennedy tungkol sa telebisyon: “Kung wala ang aparatong ito ay wala tayong tsansang manalo.”Patuloy na ipinadarama ng ‘aparatong iyon’ ang kapangyarihan nito sa buong daigdig. Tinatawag nga ito ng iba na ang pangatlong superpower. Pinapangyari ng satelayt na teknolohiya na ihatid ng mga brodkaster ang kanilang mga hudyat sa ibayo ng mga hangganang pambansa at kahit na sa mga karagatan. Ginamit ng mga pinuno ng daigdig ang TV bilang isang plataporma upang kumuha ng internasyonal na suporta at batikusin ang kanilang mga kalaban. Ginamit pa nga ito ng ilang gobyerno upang maghatid ng propaganda sa kaaway na mga bansa. At kung paano sinikap supilin ng mga gobyerno ang imbensiyon ni Gutenberg minsang maunawaan nila ang kapangyarihan nito, mahigpit na hinawakan ng maraming gobyerno ang telebisyon. Noong 1986 halos kalahati ng lahat ng mga bansa ay nagbobrodkas lamang ng mga programang kontrolado-ng-gobyerno.
Gayunman, ginawa ng teknolohiya na lalo pang mahirap masupil ang TV. Inihahatid ng mga satelayt ngayon ang mga hudyat na maaari nilang masagap kahit sa mga tahanang may maliliit na dish antennas upang tanggapin ang brodkas. Ang maliit, nabibitbit na mga video kamera at videocassette, pati na ang napakaraming amatyur na mga litratista, ay nakagawa ng kadalasa’y hindi mapigil na baha ng mga visual record ng halos anumang pangyayaring karapat-dapat sa balita.
Isang organisasyon ng balita sa E.U., ang CNN (Cable News Network) ng Turner Broadcasting, ay nagtitipon ng mga balita mula sa 80 mga bansa at inihahatid ito sa buong daigdig. Ang pangglobo, beinte kuwatro oras na pagsaklaw nito ay maaaring gumawa sa anumang pangyayari tungo sa isang internasyonal na isyu nang halos ay biglaan.
Unti-unti, ang telebisyon ay nagbago mula sa isang tagapagtala ng pandaigdig na mga pangyayari tungo sa tagahubog ng pandaigdig na mga pangyayari. Ang TV ay gumanap ng mahalagang bahagi sa sunud-sunod na mga rebolusyon na yumanig sa Silangang Europa noong 1989. Ang maraming tao sa Prague, Czechoslovakia, ay nagsigawan sa mga lansangan, humihiling ng “aktuwal na paghahatid” sa TV. At samantalang ang mga rebolusyunaryo noon ay nagbubo ng dugo upang makuha ang ilang gusali, kuta, o tanggulan ng pulisya, ang mga rebolusyunaryo ng 1989 ay nakipaglaban muna upang makapasok sa mga istasyon ng telebisyon. Sa katunayan, ang bagong rehimen ng
Romania ay nagsimulang mamahala sa bansa mula sa istasyon ng telebisyon! Kaya, ang pagtawag sa TV na ikatlong superpower ay maaaring totoo nga.Ngunit higit pa ang nagawa ng TV kaysa impluwensiyahan ang larangan ng pulitika. Binabago pa nga nito ang kultura at mga pamantayan ng daigdig. Kadalasang ang Estados Unidos ay pinararatangan ng ‘kultural na imperyalismo,’ yaon ay, pagpapalusot ng kultura nito sa daigdig sa pamamagitan ng telebisyon. Yamang ang Estados Unidos ang unang bansa na nakapagtipon ng matubòng komersiyal na mga programa, noong dakong huli ng 1940’s at noong 1950’s, ang mga tagagawang Amerikano ay nakapagbenta ng mga programa sa ibang bansa sa kaunting halaga kaysa kung ano ang maaaring halaga nito kung sila ang gagawa ng kanilang sariling mga palabas.
Noong dakong huli ng 1980’s, ang Kenya ay nag-aangkat ng hanggang 60 porsiyento ng mga palabas nito sa TV; ang Australia, 46 porsiyento; Ecuador, 70 porsiyento; at ang Espanya, 35 porsiyento. Karamihan ng mga pag-angkat na ito ay galing sa Estados Unidos. Isang palabas sa Amerika, ang Little House on the Prairie, ay ibrinodkas sa 110 mga bansa. Ang palabas na Dallas ay lumabas sa 96 na bansa. Ang iba ay nagrereklamo na nawawala na ang lokal na katangian sa telebisyon sa buong daigdig, na ang hilig sa pagbili ng mga panindang Amerikano at materyalismo ay lumalaganap.
Maraming bansa ang nagkakagulo dahil sa ‘kultural na imperyalismo.’ Sa Nigeria, ang mga brodkaster ay nagreklamo na ang pagpapasok ng banyagang mga palabas ay umaagnas sa pambansang kultura; nag-aalala sila na ang mga manonood na taga-Nigeria ay waring mas maraming nalalaman tungkol sa Estados Unidos at Britaniya kaysa Nigeria. Gayundin ang palagay ng mga Europeo. Sa isang paglilitis kamakailan ng kongreso ng E.U., ang mayamang negosyante sa brodkasting na si Robert Maxwell ay nanggagalaiti sa galit: “Walang bansa ang dapat pumayag na ang kultura nito ay lupigin ng isang dayuhan.” Kaya, ang ilang bansa ay nagsimulang magpataw ng mga limitasyon sa dami ng mga programang galing sa ibang bansa na maaaring ibrodkas ng mga istasyon.
Maaaring pinsalain ng ‘kultural na imperyalismo’ ang higit pa sa mga kultura. Maaari pa nga nitong saktan ang planeta. Ang kamtin-lahat-ngayon na saloobin ng Kanluraning lipunan ay gumaganap ng malaking bahagi sa pagpaparumi sa hangin, paglason sa tubig, sa pamiminsala sa lupa. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang manunulat sa The Independent, isang pahayagan sa London: “Ang telebisyon ay nagdala sa daigdig ng isang maningning na pag-asa ng materyal na pagpapalaya—ng kasaganaan ng Kanluran—na mapandaya, sapagkat ito’y makakamit lamang sa kapinsalaan ng likas na kapaligiran na hindi na maaayos pa.”
Maliwanag nga, binabago ng telebisyon ang daigdig ngayon, at hindi sa ikabubuti sa tuwina. Subalit ito ay mayroon ding mas espisipikong mga epekto sa mga indibiduwal. Ikaw ba’y maaapektuhan?
[Blurb sa pahina 4]
Maaaring ikintal ng mga pahayagan ang isang ideya sa isip ng sampung libo sa isang araw
[Blurb sa pahina 5]
Maaaring ikintal ng telebisyon ang isang ideya sa isip ng daan-daang milyon nang biglaan