Pangangaral ng Mabuting Balita sa Maraming Wika
Pangangaral ng Mabuting Balita sa Maraming Wika
NANG ibigay ni Jesus ang tanda na pagkakakilanlan sa mga huling araw, isang bahagi nito ay ang pambuong-daigdig na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Mateo 24:14) Upang maunawaan kung bakit ang pangglobong pangangaral sa lahat ng bansa sa maraming wika ay hindi naganap bago ang salinlahing ito, at kung bakit maaari at nagaganap na ngayon, kailangang balikan natin ang kasaysayan. Gaya ng sinasabi ng diksiyonaryong Webster, noon lamang ika-15 siglo, mahigit na 500 taon lamang ang nakaraan, inimbento ni Gutenberg ang pag-imprenta na gumagamit ng nakikilos na tipo (movable type). Sa ganitong pasimula, nagawa ng tao ang paraan upang makopya nang maramihan ang nilimbag na pahina para sa lansakang pamamahagi.
Makabubuting tandaan na bago ang imbensiyon ng imprenta, bihira ang sipi ng Bibliya, yamang ito ay kailangang kopyahin ng kamay. Ang pagkopya sa pamamagitan ng kamay ay matrabaho at magastos. Ang imbensiyon ng nakikilos na tipo at ng imprenta ay pagkalaki-laking pagsulong upang maging posible ang pag-iimprenta ng Bibliya at salig-sa-Bibliyang lathalain sa lahat ng wika.
Mula noong 1914 nagkaroon ng kamangha-manghang pagsulong sa pag-iimprenta at paglalathala, na nang maglaon ay offset na imprenta ang gumagawa ng halos lahat ng trabaho na dating ginagawa sa makinang letterpress.
Nito lamang nakalipas na mga taon, ang pagdating ng computer ay nagpabilis pa sa pamamaraang ito. Ang mga titik, diin o tuldik, at iba pang larawan ay maiguguhit, maipababasa sa computer, at magawang magamit nang karaka-raka sa isang diin sa tiklada ng computer. Napadali nito ang paglalathala ng materyal para sa mga tao ng lahat ng wika sa buong daigdig.
Noong 1979 pinasimulan ng Samahang Watchtower ang tinawag nitong proyektong MEPS. Ang MEPS ay nangangahulugang “Multilanguage Electronic Phototypesetting System.” Ang pangkomersiyong mga kompaniya ay gumagawa ng computer para lamang sa ilang wika na magbibigay ng tubo sa kanilang puhunan. Iba naman ang atas ng Samahan. Sinasabi ng Bibliya na ang mabuting balita ay ipangangaral “sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.”—Apocalipsis 14:6.
Sa pamamagitan ng marami sa 93 tanggapang sangay ng Samahan sa buong daigdig, ginawa ang pananaliksik sa mga katangian ng wika. Gumawa ng mga talaan ng lahat ng titik at tuldik na kailangan upang makapag-imprenta ng lathalain sa mga wika na sakop ng bawat sangay. Kinailangan din ang mga tuntunin sa paghahati ng mga salita sa bawat wika. Bawat titik at tuldik ay kinailangang iguhit, ipabasa sa computer, at iwasto. Gumugol ito ng maraming taon ng dibdibang paggawa. Ang resulta ay na ang mensahe ng Kaharian ngayon ay maaari nang iimprenta sa mas maraming wika kaysa rati, at ang bilang ng mga wika ay patuloy na dumarami.
Sa pasimula ang Samahan ay nagdisenyo at gumawa ng kanilang sariling hardware at software ng computer. Ang mga Saksi ni Jehova mula sa buong daigdig ay tinipon upang tumulong sa proyektong ito. Nagkaroon ng pagpapalitan ng kakayahan at gayundin ng pagpapatibay-loob. (Roma 1:12) Para itong pagbaligtad sa nangyari sa Tore ng Babel. Pagkatapos ng pantanging pagsasanay, ang kagamitan, pati na ang mga bihasang manggagawa, ay ipinadala sa mga sangay sa buong daigdig. Ang resulta ay isang mahusay na sistema ng paglalathala na ginagamit sa mahigit na isang daang lupain at mga pulo sa karagatan, na nasasangkapan na gumawa ng mga lathalain ng Samahan sa mahigit na 200 wika.
Sa inihulang mga huling araw na ito, ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay tunay na ipinangangaral sa maraming bansa at sa maraming wika.