Sinabi Nila Ito sa Pamamagitan ng Bulaklak sa Hapón
Sinabi Nila Ito sa Pamamagitan ng Bulaklak sa Hapón
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón
MULA noong Dakilang Pagtatanghal ng 1851 sa London, laging itinatampok ng mga peryang pandaigdig ang pag-unlad ng industriya at teknolohiya. Gayunman, ang kalikasan ang pinakamahalagang bagay sa expo na ginanap sa Osaka, Hapón, noong nakaraang mga buwan ng tag-araw. Sinalungat nito ang uso at inilagay sa unahan ang mga bulaklak at luntiang halaman.
Itinatampok ang paksang “Ang Payapang Pamumuhay sa Pagitan ng Kalikasan at ng Sangkatauhan,” pinatunayan ng magagandang hardin sa lugar ng tinatawag na Expo ng Bulaklak ang kakayahan ng tao na mamuhay na kasuwato ng kalikasan. Kasabay nito, ang mga babala ay ipinagbigay-alam tungkol sa pangglobong krisis ng kapaligiran.
Ang lugar ay sumasakop ng 140 ektarya at hinati sa apat na bahagi sa palibot ng isang tubigan sa gitna na pinanganlang ang Dagat ng Buhay. Sa kanan ng pangunahing pinto ay ang Mountain Area, at ang kahabaan ng mga buról nito. Ang Field Area ay nasa kaliwa. Sa ibayo ng Field Area, ang mga daan ay patungo sa City Area, ang kinaroroonan ng iba’t ibang pavilion. Ang Magical Crossroads, isang parkeng libangan, ay nasa gawing dulo ng bakuran.
Ang pamamasyal sa Field Area, Mountain Area, at sa internasyonal na mga hardin ay nagpangyari sa amin na mawili nang husto sa bulaklak na aspekto ng Expo. Mga bukirin ng dilaw,
murado, lila, at marami pang ibang kulay ng mga bulaklak ay nakagiginhawa kapuwa sa mga mata at sa diwa. Ang marahang simoy ng hangin, na pinahalimuyak ng namumukadkad na mga rosang pula, puti, at dilaw, ay nakaragdag pa sa tahimik na kapaligiran. Ang kakaibang Libis ng mga Bulaklak na ayos Haponés ay nagbigay rito ng pantanging ganda. Lahat ng ito ay nagpapahiwatig na ang mga tao ay ginawa upang mabuhay sa isang tulad-harding kapaligiran.Gumagala-gala sa internasyonal na mga hardin, natawag ang aming pansin ng Hardin ng Bibliya ng Israel, na nakatuon sa matandang mga puno ng olibo at mga pader na bato. Ang mga nakadispley na mga sinipi buhat sa Awit ni Solomon at sa iba pang mga aklat ng Bibliya ay nakatulong upang likhain-muli ang kapaligiran ng isang hardin noong panahon ng Bibliya.
Ang isa pang pagtatanghal na nagpagunita sa ulat ng Bibliya ay ang dinamikong pagtatanghal ng paghahati ng mga tubig sa Dagat ng Buhay. “Ang pagbobomba ng 600 toneladang tubig sa loob ng apat na minuto ang nagpapangyari nito,” paliwanag ng isang opisyal sa expo. Habang unti-unting bumubuka ang dagat, anim na paunten na iba-iba ang disenyo ay sumayaw sa saliw ng musika ng palabas. Kung magagawa ito ng teknolohiya ng tao, tiyak na nahati ng makapangyarihan-sa-lahat na Maylikha ang Dagat na Pula.—Exodo 14:21-28.
Modernong Teknolohiyang mga Pavilion
Sa kabila ng mahabang panahong paghihintay, maraming tao ang naakit sa mga pagtatanghal sa maraming pavilion. Isang pavilion ay nagtampok ng isang “magic carpet” kung saan ipinakita sa amin ang landas na dinadayo ng isang paruparong monarch. Nakaupo sa “magic carpet,” isang malinaw na salamin, magandang tanawin ang nabuksan sa ilalim namin. Para bang kami’y lumilipad na kasama ng paruparong monarch. Nang sakmalin ng isang buwaya ang paruparo, nakadama rin kami ng malaking takot na para bang kami’y muntik-muntikang makaligtas.
Pagpasok namin sa isa pang pavilion, kami’y binigyan ng isang pantanging pares ng salamin sa mata upang makita ang tatlong-dimensiyong pelikula na pinamagatang The Last Buffalo. Halos maaabot namin at mahihipo ang isang grizzly bear na nanghuhuli ng salmon, isang cougar na lumulukso sa bato, at isang pares ng buffalo na ipinagsasanggalang ang kanilang guya sa mga kaaway!
Pambihirang mga Bulaklak at Walang Katulad na mga Pagtatanghal
Ang mga pavilion na nagtatampok ng mga hardin at luntiang halaman ay nakaakit din ng maraming bisita. Ang pinakamalaking bulaklak sa daigdig, ang rafflesia mula sa Indonesia, ay isa sa mga atraksiyong iyon. Sumusukat ng halos 1 metro sa diyametro at tumitimbang ng mga 7 kilo,
ang parasitikong halamang ito ay lumalago nang walang ugat o mga dahon. Pagkatapos lumago sa kinakapitang puno sa loob ng 30 buwan, isang kakatwang bulaklak ang namumukadkad at tumatagal lamang ng apat na araw.Nakadispley sa Great Conservatory, isang pagkalaki-laking greenhouse, ang 15,000 halaman ng 2,600 uri na katutubo sa mga lupain na mula sa tropiko hanggang sa mga rehiyon sa polo. Isang kaayusan ng mga tubo, na nagpapainit o nagpapalamig sa lupa, at mga kurtinang hangin, na humahati sa mga espasyo, ang pinagsama upang panatilihin ang walong magkakaibang klima ng mga sona sa loob ng konserbatoryo. Taglay ang gayong teknolohiya, ang tropikal na mga halaman at mga cactus ng disyerto, gayundin ang mga halaman sa Alpino gaya ng pambihirang blue poppies ng Himalaya, ay maaaring tahimik at maringal na mamulaklak.
Pagbababala Tungkol sa Ekolohikal na Krisis
Para bang sinasadyang sirain ang lahat ng kapayapaan at kagandahan, ang mga babala tungkol sa ekolohikal na krisis na nakakaharap ngayon ng sangkatauhan ay makikita sa buong kapaligiran. Halimbawa, ang mga mensahe at mga larawan na may mga pamagat na gaya ng “Pagkawasak ng Ozone Layer,” “Pag-init ng Globo,” “Pag-ulan ng Asido/Asidong Ulap,” “Paglaho ng Tropikal na mga Kagubatan,” at “Ang Lupa ay Higit at Higit na Nagiging Disyerto” ay lantad na nakadispley sa mga pavilion at mga halamanan ng Hardin ng Pamahalaan ng Hapón.
Gayunman, ano naman ang sanhi ng pagkawasak na iyon? “Mga Tao—Mga Biktima ng Atin Mismong Pagninira,” isang displey sa labas ng Great Conservatory, ang pagsasakdal ng salarin. “Isinakripisyo ng mga tao ang marami sa likas na yaman ng lupa para sa kanilang sariling pakinabang. . . . Bunga nito, nakakaharap natin ngayon ang mga resulta ng ating mga kilos.”
Kahit na sa ekolohikal na krisis na inaakalang gawa ng kalikasan, nakikita natin ang anino ng mga kamay ng tao. Isang plake sa Hardin ng Kapayapaan ng UN ay nagbabala sa amin sa katotohanan na sangkatlong bahagi ng lupa ay nanganganib na maging disyerto, apektado ang halos isang daang bansa. “Ang pagiging disyerto ng lupa ay maaaring pabilisin ng tagtuyot, subalit bihirang ito ang nagpapasimula nito,” paliwanag nito. “Ang pangunahing mga sanhi ay gawang-tao at maaaring supilin at lunasan ng pagkilos ng tao.”
Buong-Lupang Tulad-Harding Tahanan—Papaano?
Ang lugar na kinaroroonan ng mga hardin ng Expo ng Bulaklak at mga latag ng bulaklak ay dating isang tambakan ng basura para sa Osaka. Pinatutunayan nito ang kakayahan ng tao na baguhin ang isang basurahan tungo sa isang paraiso. Gayunman, kahit na maraming malalaking korporasyon ang nagtanghal ng magagandang palabas na ito, sila ay “pinipintasan sa kanilang pangkapaligirang rekord sa ibang bahagi ng Hapón at sa iba pang bahagi ng daigdig,” sabi ng Japan Quarterly. Sa katunayan, sa halip na gamitin ang kaniyang talino at kakayahan upang gawing paraiso ang lupang ito, sinisira ng tao—dahil sa kaniyang kaimbutan at kasakiman—ang ekolohikal na pagkakatimbang ng lupa.
May pag-asa pa ba na baguhin ang napahamak na lupa tungo sa isang paraiso? Ang Bibliya ay nagbibigay ng pag-asa sa mga salitang ito: “Ang ilang at ang tuyong lupa ay sasaya at ang malawak na disyerto ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng rosa.” Subalit paano mangyayari ito? Si Isaias ay sumasagot: “Kanilang makikita ang kaluwalhatian ni Jehova, ang karilagan ng ating Diyos.” (Isaias 35:1, 2) Oo, sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, ang mga pagsisikap ng tao na kasuwato ng pagsulong ng tao sa kalikasan ay tiyak na magtatagumpay. Ang lupa ay babaguhin tungo sa isang pangglobong paraiso, sa walang-hanggang pagpapala ng tao at sa kaluwalhatian at kapurihan ng Diyos.