Dapat ba Akong Sumali sa Isang Gang?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Dapat ba Akong Sumali sa Isang Gang?
“Habang nakaupo ako sa locker room sa paaralan, lumapit sa akin ang mga lalaking ito at ginugulo ako. Sinuntok ako sa dibdib ng isa sa kanila. Sa pagkakataong iyon isang lalaking kilala ko mula sa isang gang sa aking lugar ang dumating at tinulungan ako. Naisip ko, ‘Kung sasali ako sa gang, marahil ay magkakaroon ako ng proteksiyon na gaya nito.’”—Greg.
ANG mga gang ay lumalaganap sa maraming paaralan at mga lugar. Noong 1989 tinataya ng pulisya na sa Los Angeles County, E.U.A., lamang may 600 gang, na may mga 70,000 miyembro. Gayunman, ang mga gang ay hindi limitado sa Estados Unidos. Halimbawa, iniulat ng magasing Maclean’s na sa lungsod ng Vancouver, Canada, mga 13 gang ang umiiral, na may mahigit na 600 miyembro.
Tulad ni Greg, marami ang sumasali sa mga gang upang magkamit ng proteksiyon mula sa karahasan sa paaralan, at sa marahas na panahong ito, hindi mahirap unawain kung bakit ang ilang kabataan ay nakadarama ng gayong pangangailangan. Nasasaksihan natin ang isang pambuong daigdig na “paglago ng katampalasanan.” (Mateo 24:12) Gayunman, may iba pang dahilan kung bakit ang mga gang sa lansangan ay may malakas na pang-akit sa ilang kabataan.
Alalay at Pagkakaibigan
“Talagang gusto kong magkaroon ng mga kaibigan, mapasama sa isa o sa isang grupo, isa na mamahalin mo,” sabi ni Bernard, isang dating miyembro ng gang. Inamin ni Marianne, na sumali sa isang gang ng mga babae, na ginawa niya iyon “dala ng [kaniyang] pangangailangan na masupil ang isang bagay,” gayundin sa “pamilyang kapaligiran” na iniaalok nito.
Bagaman totoo na ang ilang kabataan ay sumasali sa mga gang upang malunasan ang pagkabagot o para sa katuwaan na maaaring ibinibigay nito, lumilitaw na mas maraming kabataan ang sumasali sa mga gang upang mapasama sa isang grupo, upang tumanggap ng emosyonal na suporta, upang magkaroon ng mga kaibigan na katulad nila sa maraming bagay. Kadalasang ito’y ginagawa upang palitan ang isang hindi kanais-nais na kalagayan sa pamilya.
Ganito ang sabi ni Bernard sa kaniyang sarili at sa mga kabarkada niya: “Karamihan sa amin ay galing sa mga wasak na tahanan. Marami ay pinalalaki ng nagsosolong magulang, karaniwan nang isang ina, sa malalaking pamilya. Kaya walang may panahon upang makipag-usap sa kanila. Marami ang galing sa mga tahanan kung saan sila ay pisikal o berbal na inabuso at walang nababahala kung sila ba ay may damdamin o wala. Kaya minabuti nila, gaya ng ginawa ko, na sumali sa isang grupo kung saan ikaw ay may makakausap at may makikinig.”
Ang puntong ito ay sinabi rin ng isang taga-Canadang tagapayo ng mga kabataan na si Lew Golding. Sabi niya: “Ang mga batang may problema sa tahanan ay sumasali sa isang gang para sa emosyonal na pagpapalaki.”
Sa Estados Unidos, maraming gang ang natatag dahil sa etniko o kultural na kadahilan. Kaya nga, ang mga gang sa lupaing iyon ay nag-aalok ng karagdagang pang-akit sa samahan niyaong may magkatulad na damdamin tungkol sa pagkain, musika, wika, at marami pang ibang bagay. Sa mga kabataan at sa mga adulto, normal na makadama ng pagnanais na ikaw ay kailangan at tinatanggap. Subalit ang mga damdamin at mga pangangailangan kayang ito ay tunay na masasapatan sa pagsali sa isang gang?
Ang Kawikaan 17:17 ay nagsasabi: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon.” Talaga bang nararanasan ng mga miyembro ng gang ang gayong katapatan at tunay na pagkakaibigan? Sa kabaligtaran, ang mga pagtatalo at mga away pa nga sa gitna ng mga kabarkada ay karaniwan. Oo, sa matindi-ang-panggigipit na kapaligiran kung saan kumikilos ang mga gang, madaling magkaroon ng mga sama ng loob. Ang mga pagkakaiba ng opinyon ay maaaring bigyan-kahulugan bilang kawalan ng katapatan. Sabi ni Bernard: “Kung may pagtatalo kami, kailangan kong maging alisto sapagkat walang anu-ano, maaaring lumabas ang isang patalim o isang baril. At ito ay ipinalalagay na mga kaibigan ko! Ang barkadahan ay nag-iwan sa akin na bigo sapagkat wala akong tunay na mga kaibigan.”
Gaya ng susog pa ng isang 18-anyos na miyembro ng gang: ‘Wala kang tunay na mga kaibigan, wala kahit sa sarili mong gang. Nag-iisa ka.’
Huwag Kang ‘Sumunod sa Karamihan’
“Huwag kang susunod sa karamihan na gumawa ng masama.” (Exodo 23:2) Ito ang sinabi sa bayan ng Diyos noong sinaunang panahon, at ang simulaing ito ay kumakapit sa kaninumang kabataang nag-iisip sumali sa isang gang. Maaaring isipin mo ang isang gang bilang isang paraan ng proteksiyon-sa-sarili o isang pinagmumulan ng pagkakaibigan. Gayunman, sa katunayan ang isang miyembro ng gang ay tiyak na napipilitang magtaguyod ng “masama.”
Ganito ang sabi ng The Globe and Mail tungkol dito: ‘Ang gang ay nagiging pamilya. Nangangahulugan din iyan na ang gang ang tumitiyak kung ano ang tinatanggap na paggawi. Sa daigdig ng hindi napamamahalaang mga tinedyer, ang mga pagnanakaw, pambubugbog, at seksuwal na mga pagsalakay ay maaaring maging “ang” mga bagay na dapat gawin.’
Noon lamang 1989, ang mga gang sa Los Angeles County ay napasangkot sa 570 mga pagpatay sa kapuwa. At halos saanmang dako na doo’y umiiral ang mga gang, may karahasan. Anumang pagsisikap na tanggihan ang pagkasangkot ay tiyak na mamalasin bilang kakulangan ng pagsuporta sa gang o, masahol pa, bilang karuwagan. Sa alinmang pangyayari, madali mong masusumpungan ang iyong sarili na tudlaan ng pagsalakay. Gaya ng sabi ng isang miyembro ng gang: “Hindi ka maaaring tumanggi sa iyong [gang].” Sulit ba ang mapasama sa isang gang o sa proteksiyon nito sa ganitong uri ng panggigipit?
Ang manunulat ng Kawikaan 1:10-15 ay sumasagot: “Anak ko, kung ikaw ay hikayatin ng mga makasalanan, huwag mong tulutan. Kung kanilang patuloy na sabihin: ‘Sumama ka sa amin. Tayo’y magsitambang sa pagbububo ng dugo. Tayo’y magkubli na walang anumang kadahilanan sa walang sala. . . . Ikaw makipagsapalaran sa amin. . . . ’ Anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila.”
Nabubuhay sa Tabak
Isipin din, ang tungkol sa maaaring ibunga sa iyong kalusugan at kabutihan. Isang miyembro ng gang ang nagsabi na ‘dapat ay handa kang mamatay alang-alang sa kapuwa mga miyembro ng gang.’ At kadalasang gayon nga ang nangyayari.
Sa kabaligtaran, isaalang-alang ang aral na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad noong gabi bago ang pag-aresto sa kaniya. Si Jesus ay walang sandata at nakaharap niya ang isang marahas na pulutong ng mga tao. Nais ba ni Jesus na magsama-sama ang kaniyang mga alagad at marahas na ipagtanggol siya? Gayon ang akala ni Pedro. Kaya’t hinugot niya ang kaniyang tabak at sinalakay ang isa sa mga lalaki sa pulutong ng mga tao, tinagpas ang tainga nito. Gayunman, tiyak na natigilan si Pedro sa tugon ni Jesus. Makahimalang pinagaling ni Jesus ang tainga ng lalaki at sinabi kay Pedro: “Isauli mo ang iyong tabak sa kaniyang lalagyan, sapagkat ang lahat ng nagtatangan ng tabak ay sa tabak mamamatay.”—Mateo 26:52.
Ang aral? Ang pagsasandata sa sarili para sa pagtatanggol ay hindi lamang labag sa Kasulatan kundi kamangmangan din naman, hindi praktikal. Ganito ang pagkakasabi rito ng isang kawikaan: “Siyang humahanap ng masama, ay sa kaniya lalagpak.”—Kawikaan 11:27.
Pagkasumpong ng Isang Tunay na Kasama
Mga 50 taon na ang nakalipas, isang pag-aaral ang isinagawa na bumabalangkas sa iba’t ibang salik sa pagtatatag ng mga gang. Kabilang sa mga problemang itinala ay di-sapat na buhay pampamilya, karalitaan, sumasamang lugar, at mahinang edukasyon. Ang gawain ng gang ay hindi nakatulong sa situwasyong ito, ni nakatulong man ito sa nalulungkot na mga kabataan na makasumpong ng tunay na pagkakaibigan. Gayunman, ang kongregasyong Kristiyano ay nag-aalok sa iyo ng pakikisama sa mga tao na isinasapuso ang iyong pinakamabuting kapakanan. Bakit hindi linangin ang pagkakaibigan doon?
Gayunman, papaano mo mapangangalagaan ang iyong sarili kung ikaw ay nakatira sa isang lugar na doo’y laganap ang mga gang? Tatalakayin ito ng isang artikulo sa hinaharap.
[Kahon sa pahina 18]
‘Sumali Ako sa Isang Gang sa Kalye’
“Ako’y 17 anyos. Ang mga kaibigan ko at ako ay sawang-sawa nang makita ang mga tao na binabaril, binubugbog, at ginagahasa sa aming lugar. Naisip namin na kung magtatatag kami ng aming sariling gang, marahil ay maihihinto namin ito. Kasabay nito, nais kong mapasama sa isang grupo. Kaya’t nagtatag kami ng isang gang.
“Nagsimula kaming magpatrolya sa aming lugar, at di-nagtagal sinubok kami ng iba pang gang. Dalawa sa aming miyembro ay nilukso ng isang karibal na gang. Isa sa kanila ay hinampas sa mukha ng isang pamalo ng baseball; ang isa ay sinaksak. Ipinaghiganti namin ang kawalan ng katarungan at hindi nagtagal kami ang naging kinatatakutang gang sa aming lugar.
“Gayunman, natuklasan ko na ang mga miyembro ng gang ay hindi mga tunay na kaibigan. Hindi mo mapagkatiwalaan ang lahat. Hindi ka tutulungan ng iba kung ikaw ay nagipit. At ang ilan ay hindi nagtataglay ng mga mithiing taglay ko—nambubugbog na sila at pumapatay pa nga ng tao sa walang kadahilanan. Kaya napoot ako sa kalagayan ko sa buhay. Naniniwala ako na umiiral ang Diyos subalit nagtataka ako kung bakit niya pinapayagan ang napakaraming kawalan ng katarungan. Natutuhan ko rin sa paaralan na ang simbahan ang may pananagutan sa mga Inkisisyon at sa pagsira sa buong sibilisasyon sa ngalan ng Diyos. Naniniwala ako na ang mga relihiyon ay isang palabas lamang para kumita ng salapi.
“Isang araw ako’y nanalangin sa Diyos na tulungan akong masumpungan ang organisasyon na ginagamit niya. Binuksan ko ang Bibliya na ibinigay sa akin ng isang tiyo at binasa ko ang Gawa 20:20. Binabanggit nito ang tungkol sa pagtungo sa bahay-bahay. Ang tanging nakikilala ko na gumagawa niyaon ay ang mga Saksi ni Jehova. Nasumpungan ko kung saan ang Kingdom Hall doon at nagtungo ako roon kinabukasan. May mga luha sa aking mga mata, nilapitan ko ang isa sa mga Saksi ni Jehova at ibinulong ko, ‘Nais kong mag-aral.’ Nasumpungan ko ang bayan ng Diyos. Tapos na ang mga araw ko bilang miyembro ng isang gang.”—Ang manunulat, na ayaw magpakilala sa pangalan, ay naglilingkod ngayon bilang punong tagapangasiwa ng isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 17]
Bakit hindi linangin ang pagkakaibigan sa mga tao na talagang isinasapuso ang iyong mga kapakanan?