Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tsismis—Bakit ang Pang-akit?

Tsismis—Bakit ang Pang-akit?

Tsismis​—Bakit ang Pang-akit?

SA Intsik ito ay shén-tán; sa Finlandes, juoru; sa Italiano, pettegolézzo; sa Kastila, chisme. Oo, ang tsismis ay pansansinukob. Sa ibang wika, ang tsismis ay maaaring may ganap na negatibong kahulugan. Sa Tagalog ang salitang “tsismis” ay nangangahulugang “walang kuwentang usapan,” usap-usapan tungkol sa walang halagang mga bagay.

Gayunman, kapansin-pansin na ang katagang Ingles ay nagkaroon ng negatibong kahulugan. Sa gayon ang “tsismis” ay kalimitang pinangungunahan ng salitang “may malisya” o “nakasasakit.” Ito’y dahilan sa ang walang kuwentang usapan ay madalas na nauuwi sa nakasasakit o usapang pinagmumulan ng gulo. Maaari pa nga itong maging tahasang paninirang-puri, na binigyang-kahulugan bilang “ang pagsasalita ng maling mga paratang o kasinungalingan na nakasisirang-puri at nakapipinsala sa reputasyon ng iba.” Hindi kataka-taka, kung gayon, na isang sinaunang kawikaan ay nagsasabi: “Ang tsismis ay nagdadala ng galit kung paanong ang hanging hilaga ay nagdadala ng ulan.”​—Kawikaan 25:23, Today’s English Version.

Kung gayon, dahil sa potensiyal na pinsalang dulot nito, bakit kadalasang nasusumpungan nating lubhang di-maiwasan, lubhang kaakit-akit ang tsismis? At ano ang hangganan sa pagitan ng hindi nakapipinsala at nakapipinsalang tsismis?

Tsismis​—Ang Pagpapalitan ng Impormasyon

May tunay na pangunahing dahilan para sa tsismis: Ang mga tao ay interesado sa tao. Kaya, natural lamang na tayo ay magsalita tungkol sa ibang tao. Gaya ng minsa’y sinabi ni Max Gluckman, isang antropologo: “Sa bawat araw, at sa kalakhang bahagi ng bawat araw, karamihan sa atin ay nagtsitsismis. Naiisip ko na kung tayo’y nagtatala ng kung paano natin ginagamit ang ating panahon kapag tayo ay gising, ang pagtsitsismis ay papangalawa lamang sa ‘trabaho’​—para sa iba sa atin—​sa puntos.”

Kapag mahinahon at mabait, ang di-sinasadyang pag-uusap ay maaaring magsilbing palitan ng kapaki-pakinabang na impormasyon, bilang isang paraan ng pag-alam sa pinakahuling pangyayari. Maaaring kasangkot dito ang walang halagang mga bagay na gaya ng kung sino ang nag-asawa, sino ang buntis, at sino ang namatay, o maaaring ito’y isang nakatatawang usapan na walang masamang layon.

Gayunman, sa maraming kaso, ang walang kuwentang usapan ay lumalampas sa kung ano ang nararapat at mabuti. Ang mga bagay ay pinagaganda, pinalalabisan, o pinipilipit. Ang pagkapahiya ay ginagawang katatawanan. Ang personal na mga bagay ay ibinubunyag. Ang mga lihim na ipinagkatiwala sa isa ay ipinaaalam sa iba. Ang mga reputasyon ay nasisira o napapahamak. Ang mga bagay na karapat-dapat purihin ay nakukubli ng pagrereklamo, pagbubulung-bulungan, at pamimintas. Na wala ka namang masamang layon ay hindi nakaaaliw sa isa na pinag-uusapan. Ang nakapipinsalang tsismis sa gayon ay inihahambing sa putik na inihagis sa isang malinis na pader. Maaari itong maalis, subalit lagi itong nag-iiwan ng maruming marka.

Pag-ayon

Ang isa pang dahilan kung bakit tayo ay maaaring madaling maakit sa tsismis ay ang ating likas na pagnanais na maibigan at tanggapin ng iba. “Sa paano man,” sulat ng mga sikologong sina John Sabini at Maury Silver, “ikaw ay may obligasyong magsalita; at ang tsismis ay isang kaaya-aya, madali, at pansansinukob na tinatanggap na paraan ng pagtupad sa obligasyon.” (Moralities of Everyday Life) Sa gayon, sa isang bagay ang tsismis ay kapaki-pakinabang na pampasigla sa pag-uusap, isang paraan upang umayon.

Ang problema nga lang ay na ang mga tao ay waring mas natutuwa sa negatibong impormasyon kaysa positibong impormasyon. Ang iba pa nga ay tila natutuwang masindak ng nakagugulat at nakapangingilabot. Kaya ang tsismis ay tunay na kumukuha ng atensiyon​—mientras mas nakasisindak o iskandaloso ang makulay at kaakit-akit na balita, mas maganda. Bihirang may anumang pagkabahala upang patunayan ang nakasisindak na mga sinasabi.

Tsismis sa Media

Ang klaseng ito ng tsismis ay nakaaakit sa isa pang kahinaan ng tao​—sobrang pagkausyoso. Gustung-gusto natin ng mga sekreto. Nasisiyahan tayo na tayo’y nagtataglay ng lihim na mga impormasyon. Sing-aga ng 1730, nang simulang isulat ni Benjamin Franklin ang isang pitak ng tsismis para sa Pennsylvania Gazette, nabatid na ang mga tao ay magbabayad para sa tsismis.

Ang tsismis sa media ay patuloy na umiiral​—at umuunlad. Ang mga tindahan ng diaryo sa Europa ay talagang umaapaw sa mga pahayagan na nagtatampok ng mga kuwento tungkol sa maharlikang mga pamilya, mga karerista ng kotse, at iba pang internasyonal na mga kilalang tao. Sa gayon tinawag ng isang artikulo sa pahayagan ang tsismis na malakas na negosyo.

Ngunit kapaki-pakinabang ba ang maging sobrang mausyoso tungkol sa kung ano ang nangyayari sa personal na tahanan, kuwarto, at isipan ng mga tao? Makabubuti ba ang pagbabasa at panonood ng mga materyal na waring pumupukaw sa hindi kanais-nais na nasa? Maliwanag, dinadala ng tsismis sa media ang pag-uusyoso na lampas pa sa makatuwirang mga hangganan.

“Balitang Kutsero”

Ang walang batayáng balita at kasinungalingan ay gumagatong din sa nakapipinsalang tsismis. Ang mga tsismis ang may kagagawan ng pagkakagulo, kamatayan, at napakalaking kapinsalaan. Ang halaga sa negosyo lamang ay hindi mataya. Isang fast-food restaurant chain ay gumugol ng mahigit na isang taon sa pakikipagbaka sa isang maling balita na ang mga hamburger nito ay naglalaman ng bulati. Isang kompaniyang kilala sa paggawa ng mga produktong sabon ay gumugol ng mga taon​—at milyun-milyong dolyar—​upang masugpo ang tsismis na ang sagisag ng kompaniya nito ay tanda ni Satanas at na ang kompaniya mismo ay kasangkot sa pagsamba sa demonyo.

Gayunman, ang mga tao ang dumaranas ng pinakamatinding sama ng loob at pinsala mula sa tsismis. At, palibhasa waring nakabibighani ang walang katotohanang mga kuwento, itinataguyod naman ito ng mga tao nang hindi gaanong isinasaalang-alang ang katotohanan o ang mga kahihinatnan.

May Malisyang Tsismis​—Paninirang-puri

Ang inggit at poot ay kadalasang ugat ng lubhang nakasisirang anyo ng tsismis​—may malisyang tsismis, o paninirang-puri. Ang salitang Griego para sa “paninirang-puri” ay di·aʹbo·los, ang salitang isinasalin sa Bibliya na Diyablo. (Apocalipsis 12:9) Ang titulo ay angkop, yamang si Satanas ang dakilang maninirang-puri sa Diyos. Tulad ni Satanas, ang iba ay nagsasalita tungkol sa iba na may masamang layon. Kung minsan ang motibo ay paghihiganti, bunga ng nasaktang damdamin o paninibugho. Sa anumang kaso, nais lamang nilang pasulungin ang kanilang sariling kapakanan sa pamamagitan ng pagsira sa mabuting pangalan ng iba.

Bagaman ang may malisyang tsismis, o paninirang-puri, ay maliwanag na siyang pinakamasisising anyo ng tsismis, ang pakikibahagi sa anumang anyo ng nakasasakit, pinagmumulan ng gulong tsismis ay masama at iresponsable. Paano, kung gayon, maiiwasan ng isa na mauwi ang hindi nakapipinsalang usapan tungo sa nakapipinsalang paninirang-puri?

[Larawan sa pahina 5]

Ang palakaibigang tsismis ay kadalasang nagsisilbi sa layunin na pagpapalitan ng kapaki-pakinabang na impormasyon at nagpapasigla sa mga usapan

[Larawan sa pahina 6]

Ang nakapipinsalang tsismis ay parang putik na inihagis sa isang malinis na pader. Maaari itong maalis, subalit lagi itong nag-iiwan ng maruming marka

[Larawan sa pahina 7]

Ang ibang tao ay nagtsitsismis upang maging ang sentro ng atensiyon