Ang Pambihirang mga Maninirahan sa Kuweba ng Kenya
Ang Pambihirang mga Maninirahan sa Kuweba ng Kenya
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Kenya
KAMI’Y naglakad sa nilalakarang landas. Ang tunog ng lumalagaslas na tubig na umaalingawngaw sa mga sanga sa kagubatan ng mga punong juniper ay nagpapahiwatig na ang dulo ng aming landas ay malapit na. Sa itaas ay nakabuka ang bibig ng kuweba, sa loob nito ay kadalasang nagkukubli ang mga nilalang na pinuntahan namin upang makita—ang mga elepante ng Elgon.
Ang pasukan ng kuweba ay mga 8 metro ang taas at 8 metro ang lapad. Ang aming puso ay kakaba-kaba sa pananabik habang kami’y pumapasok. Gayunman, ang ingay ng lumilipad na mga paniki ay agad nagpatunay sa isang nakatatakot na sapantaha. Alin sa kami’y dumating nang huli na o napakaaga. Ang mga bakas ng paa sa sahig ng kuweba ay nagpapatunay na ang mga elepante ay dumoon at nakaalis na.
Gayunman, bakit nga ba nais naming makita ang mga elepante na ang ilan ay 2,000 metro ang taas sa dakong ito ng bundok, huwag nang banggitin sa loob ng isang kuweba? Ito ay isang kahali-halinang kuwento.
Ang mga Tahanang Kuweba ng Bundok
Sa pagitan ng hangganan ng Kenya-Uganda ay
ang napakataas na kono ng bulkan ng Bundok Elgon. Sa taas na 4,320 metro, ito ang isa sa pinakamataas na nag-iisang bundok sa Silangang Aprika. Inaakala ng iba na bago nangyari ang pagguho, ang tuktok nito ay baka mataas pa sa tuktok ng Kilimanjaro na natatakpan ng niyebe. Ang bundok ay nanganganinag sa eksotikong kagubatan, mainit na bukal ng tubig, at mga lawang malamig ang tubig. Gayunman, marahil ang pinakakagila-gilalas na atraksiyon ng Elgon ay ang maraming kuweba nito. Ito ang tinitirhan ng mga elepanteng nais naming makita.Ang mga kuwebang ito ay dating tirahan ng mga taong Kony, o Elgon Masai. Inaakala ng iba na ang bundok ay ipinangalan sa kanila. Ang mga Kony ay unang dumating dito mahigit na 300 taon ang nakalipas. Nang dumating si Joseph Thomson, ang unang puting tao na gumalugad sa dakong ito, noong 1883, tiyak na siya’y nagtaka na makasumpong ng masalimuot na mga nayong itinatag sa ilan sa mga kuweba.
Sa kalakhang bahagi, iniwan ng mga Masai ang kanilang mga tirahan sa kuweba, bagaman ang ilang Masai ay naninirahan pa rin sa ilang mas mababang kuweba sa kahabaan ng paanan ng Bundok Elgon. Nang maglaon tinirhan ng mga hayop
na nanginginain ng damo sa mga kakahuyang ito ang iniwang mga kuweba. Hindi matanggihan ng mga buffalo ang nakatutuksong lusak ng putik na masusumpungan doon. Ang mga layang-layang at langay-langayan ay sabik na pumasok at hulihin ang masasarap na insekto na naakit sa mamasa-masang mga lawa ng tubig sa kuweba.Gayunman, kakatwa na ang mga kuweba ay hindi rin mapaglabanan ng hindi mo aakalaing maninirahan sa kuweba sa kanilang lahat—ang mga elepante. Hanggang sa ngayon binabatak ng mga dambuhalang ito ang kanilang apat- hanggang anim-na-toneladang mga katawan sa matarik at makipot na mga landas upang marating ang mga kuweba. Ano ang pinupuntahan nila roon?
Mga Minero ng Asin
Masusumpungan sa mga kuweba ang isang suplemento sa pagkain na pinakahahangad ng kanilang pagkalalaking katawan. Karaniwan na, ang pananim ay maglalaan ng sapat na asin sa kanilang pagkain, subalit sa mataas na dakong ito, ang asin ay naalis ng ulan sa lupa. Kaya ang mga elepante ay naglalakbay rito upang kumuha ng sodium sulphate (Glauber’s salt) na masusumpungan sa loob ng malambot na bato ng bulkanikong mga piraso na pinaka-sapin sa interyor ng kuweba.
Upang makuha ang asin, ang mga elepante ay gumagamit ng pambihirang pamamaraan. Inilalagay nila ang kanilang pangil sa isang di-pantay o bitak sa dingding ng kuweba. Pagkatapos, isang malakas na salya mula sa animo’y buldoser na katawan ng elepante ay magpapaluwag sa mga piraso ng bato. Pagkaraang ilagay ang isang piraso ng bato sa kanilang bibig sa pamamagitan ng kanilang nguso, gigilingin ito ng elepante sa pamamagitan ng malalakas na bagang nito at lulunuking magkasama ang graba at asin. Ito’y inuulit hanggang ang mga elepante ay mabusog. Pagkatapos ang masarap na pag-idlip sa madilim, malamig na minahan ay waring nakatutulong sa panunaw.
Kawili-wili, bagaman ang mga garing na pangil ng elepante ay patuloy na lumalago sa buong buhay niya, ang mga ito’y tila napupudpod—ang kabayaran sa mga dosis ng asin.
Pagkatapos gumala sa loob at palibot ng mga kuweba sa loob ng ilang linggo, muli na naman nilang madarama ang pagnanais na gumala. Maaari silang magparada tungo sa kagubatan ng mga kawayan upang kutkutin ang mga labong o ang mangunguyang balat ng puno. Ang mga elepante ay gumugugol ng mga 18 oras isang araw sa pagkain, kumukunsumo ng kasindami ng 180 kilo ng mga dahon. Pagkatapos sila ay tinatawag ng mga kuweba ng Elgon dahil sa kanilang pagnanais para sa asin.
Kung isasaalang-alang ang kanilang hilig na gumala at ang kanilang kakaunting bilang (marahil ay isang daan), hindi kataka-taka na hindi namin nakita ang naglalakad na mga elepante.
Sa Wakas ang mga Elepante!
Patungo sa kampo kinabukasan, tahimik kaming naglakbay sa mahamog na kagubatan, na namumutiktik sa colobus na mga unggoy at mga ibong umaawit. Walang anu-ano, may narinig kaming malakas na lagutok, sinundan ng biglang panginginig ng kalapit na mga palumpon! Kami’y nagkubli sa layo na mga ilang metro.
Tahimik na naghihintay, narinig namin ang marahang tunog ng hali-haliling mga katawan sa likuran ng mataas na halamang bakod na kahilera ng aming daanan. Sa wakas, isa sa mahiyaing hayop na ito, isang batang elepante, ay napagod sa aming larong taguan at lumabas at lumapit ng mga tatlong metro sa aming kotse. Siya ay maganda at matipuno, at ang kaniyang mamula-mulang kulay ay nagniningning sa sikat ng araw sa umaga. Bagaman siya’y mababa, ang kaniyang mapanganib na tingin ay humihiling ng paggalang.
Naipuwesto ko ang aking kamera para sa isa sanang napakagandang larawan. Subalit ayaw mag-release ang shutter; ubos na pala ang pilm! Pagkatapos ay lumabas ang nanay na elepante at sinabayan ang kaniyang anak na lumakad sa harap ng aming kotse. Nang malagyan ko na ng pilm ang aking kamera, napakalayo na ng mga elepante para sa isang kagila-gilalas na malapitang-kuha, ngunit kinunan ko rin ng larawan na sa paano man ay magpapatunay na nakita ko ang mailap na mga dambuhalang ito.
Kahanga-hangang mga nilalang! Maaari itong maging tahimik na parang daga, gayunma’y mas mabigat pa sa isang kotse. Mas malaki sa ilang trak, gayunma’y bihirang makita. Gayunma’y huwag mong hayaang hadlangan ka niyan na dalawin ang tirahan ng pambihirang mga maninirahan sa kuweba ng Kenya.