Magkasundo Kaya?
Magkasundo Kaya?
ANG hidwaan sa pagitan ng Judio at Kristiyano ay higit pa sa Holocaust. Mula sa simula, ang dalawang paniniwalang ito ay hindi nagkakaisa sa mahalagang isyu: kung baga si Jesus ng Nazaret ang ipinangakong Mesiyas.
Noong unang siglo, ang isyu tungkol sa Mesiyas ang nagpasimula ng marahas na pag-uusig sa mga Kristiyano. (Gawa 8:1) Gayunman, ang kalagayan ay nabaligtad mismo noong dakong huli. Nang maglaon, ang nag-aangking mga Kristiyano ang naging mga taga-usig sa mga Judio. Subalit sa kabila ng pinakamahusay na mga pagsisikap ng Sangkakristiyanuhan na kumbertihin ang mga Judio sa nakalipas na mga dantaon, ang bayang Judio sa kabuuan ay hindi matinag sa kanilang dating saloobin.
Binanggit ng isang manunulat na Judio na bagaman ang mga Judio ay hindi galit kay Jesus bilang isang indibiduwal, siya “ay tiyak na hindi ang pulitikal na Mesiyas na masidhing pinakahahangad namin at ng aming mga ninuno.” Ganito ang mas tahasang pagkakasabi ni Rabbi Samuel Sandmel: “Hindi kami naniniwala na gaya ng paniniwala ninyo [mga Kristiyano]; ganiyan kasimple.” (We Jews and You Christians) Bunga ng pagkakaibang ito ng opinyon, isang relihiyosong bangin ang umiiral sa pagitan ng mga Judio at mga Kristiyano na lumilitaw na mas malawak kaysa nalalaman ng marami.
Mga Hadlang sa Pagkakasundo
Sa isang panig, ang doktrinang Kristiyano ay hindi nagtuturo ng anumang daan tungo sa kaligtasan nang wala si Jesus. Si Jesus mismo ay nagsabi: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Sinuman ay hindi makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”—Juan 14:6; ihambing ang Gawa 4:12; 1 Timoteo 2:3-6.
Sa kabilang panig naman, ang Judaismo ay nasusuklam sa idolatriyang palasak sa Sangkakristiyanuhan. Ang doktrina ng Trinidad ay minamalas din na may paghamak ng mga Judio bilang isang malinaw na pagsalungat sa “diwa ng Judaismo”—ang monoteistikong doktrina na inilalarawan sa mga pananalitang, “DINGGIN MO, OH ISRAEL: ANG PANGINOON NATING DIYOS, AY ISANG PANGINOON.” (Deuteronomio 6:4, The Soncino Chumash) Ganito ang sabi ng iskolar na si Jakób Jocz: “Sa puntong ito na ang malaking agwat sa pagitan ng Simbahan at ng Sinagoga ay nabubuksan sa harap natin sa lahat ng lalim at kahulugan nito. . . . Ang turo na pagka-Diyos ni Jesu-Kristo ay isang di-mapatatawad na kasalanan sa paningin ng Judaismo.”—The Jewish People and Jesus Christ.
Magkaiba rin ang mga palagay ng Kristiyanismo at Judaismo tungkol sa Kautusang Mosaiko at sa mga tradisyon nito. Si Rabbi Stuart E. Rosenberg ay nangangatuwiran: “Kung wala ang tipan ng Diyos ay walang bansang Judio: Hinubog nitoColosas 2:14.
ang kanila mismong pasimula, at kailanman ay hindi nila ito tinalikdan. . . . Ngunit mula sa pasimula, ang mga Kristiyano ay nagkaroon ng problema sa tipan ng Israel.” Oo, ganito ang sabi ni apostol Pablo tungkol sa Kautusang Mosaiko: “Pinawi [ng Diyos] ang sulat-kamay na kasulatan . . . , at Kaniyang inalis iyon sa pamamagitan ng pagpapako nito sa pahirapang tulos.”—Nasusumpungan ng mga teologo ng simbahan ang kanilang mga sarili sa isang kahiya-hiyang kalagayan sa pagsisikap na huwag idiin ang doktrinang Kristiyano sa pangangatuwiran na ang tipang Mosaiko ay may bisa pa rin o na may ‘iba’t ibang daan patungo sa Diyos.’ Upang ang kanilang mga palagay ay makasundo ng “Bagong Tipan,” kailangang gawin ng mga teologo ng simbahan ang katumbas ng pabagu-bagong teolohiya: pagdudoktor, pagpilipit, o waling-bahala pa nga ang mahahalagang teksto sa Bibliya. O kailangan nilang ikatuwiran, gaya ng ginagawa ng iba, na ang mahihirap na teksto ay hindi kailanman kapani-paniwala, na kailanman ay hindi inangkin ni Jesu-Kristo na siya “ang daan ang katotohanan at ang buhay,” na ang mga salita ni Pedro sa Gawa 4:12, na nagsasabi na si Jesus ang tanging “pangalan sa silong ng langit . . . na sukat nating ikaligtas,” ay gawa-gawa na lamang noong dakong huli sa ilalim ng impluwenisya ng teolohiyang Paulino, at iba pa. Subalit sa paggawa ng gayon, pinahihina nila ang pananampalataya ng kanila mismong mga tagasunod.
Sa gayo’y mahusay na binuod ni Jakób Jocz ang bagay na ito sa pagsasabing ang dalawang paniniwala “ay walang pagkakatulad kung saan maaaring gumawa ng saligan para sa isang ‘teolohiyang tulay’. Maaari lamang silang magkompromiso sa pamamagitan ng pagsuko: alin sa ang Simbahan ay maging Sinagoga o ang Sinagoga ay maging Simbahan.”
Kung Bakit ang Pagkakasundo ay Tiyak na Mabibigo
Gayunman, may mahihirap na hadlang upang marating ang anumang kompromisong iyon. Para sa mga Judio, ang pagmumungkahi lamang ng relihiyosong pagbabagong-loob ay nakasusuklam. Tutal, ano ba ang nagawa ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan upang irekomenda ang kanilang mga sarili sa mga Judio? Itinatala ni Rabbi Samuel Sandmel ang ilan sa mga kilabot ng kasaysayan na “ginawa ng mga Kristiyano laban sa mga Kristiyano, sa ngalan ng Kristiyanismo,” at siya’y nagtatanong: “Sa liwanag nito, matuwid bang asahan ninyo kaming sumang-ayon sa palagay na ang inyong relihiyon ay nakahihigit sa amin? Nakagawa ba ito ng mas mabubuting tao? Nalutas ba nito ang mga isyu ng kapayapaan at digmaan, at ang kasaganaan at katahimikan sa gitna ng mga bansang Kristiyano?”
Itinampok din ng Holocaust ang isyu tungkol sa kaligtasan ng mga Judio—bilang isang bayan, bilang isang relihiyon, at bilang isang kultura. Sa gayon wari bang minamalas ng mga Judio ang pagbabagong-loob, hindi lamang bilang pagsunod sa doktrina ng maling paniniwala, kundi bilang isang kataksilan. Ang Journal of Jewish Communal Service ay nanangis: “Mahirap naming maiwala ang sinuman sa pinakabagong adultong salinlahi ng mga Judio. . . . Kung ano ang nabigong gawin ng mga Nazi sa Holocaust, ay maaari pang mangyari sa pamamagitan ng [pangungumberte].”
Si Rabbi Henry Siegman sa gayon ay naghihinuha: “Ang alaala ng sapilitang mga kombersiyon ay malalim na nakatimo sa isipan ng mga Judio at naging ang pinakamaselang hadlang sa pag-unlad ng relasyong Kristiyano-Judio.”
Pagharap sa Tunay na Isyu
Sa gayon ay walang tunay na pagkakasundo ang nakikita sa pagitan ng Sangkakristiyanuhan at ng Judaismo. Ang mga pagsisikap sa pagkakaisa ay patuloy na pinahihina ng hindi mapagkasundong mga teolohiya, nagkakasalungatang interes sa pulitika, at hindi pagtitiwala sa isa’t isa. Wari bang iniiwasan ng relihiyosong mga usapan ang isyu na nilikha ng hidwaang ito sa una pa lamang, yaon ay, ang pag-aangkin ni Jesus bilang ang Mesiyas. Mawawala lamang ang malaon nang mga hadlang ng takot at hindi pagtitiwala kung ang bagay na ito ay tahasang lulutasin.
Ipagpalagay na, ayaw pag-usapan ng karamihan ng mga Judio si Jesus. Ang kanilang pag-aatubili ay walang pagsalang pangwakas na bunga ng mga dantaon ng pagkapoot sa mga Judio sa ngalan ni Jesus. Gayumpaman, hindi si Jesus ang naglunsad ng mga Krusada, ni pinapangyari man ni Jesus ang Inkisisyon o sinindihan ang mga apoy ng Holocaust. Ang kasuklam-suklam na mga gawang iyon ay isinagawa ng mga taong huwad na nag-aaking mga Kristiyano! Ito ay maliwanag buhat sa mga salita ni Jesus tungkol sa kaniyang sarili, na, sumisipi buhat sa Kautusan ni Moises, ay nagbibigay ng isang pumapatnubay na simulain sa tunay na Kristiyanismo: “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39; Levitico 19:18) Ang mga salitang ito ay tumatayong isang pagsasakdal sa Sangkakristiyanuhan. Maliwanag, ang ganitong uri ng relihiyon ay isang malaking pagpilipit sa kung ano ang aktuwal na itinuro ni Jesus.
Pagtutuwid sa Ulat
Nais ng mga Saksi ni Jehova na maunawaan ng mga Judio na ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan—hindi ang Kristiyanismo mismo—ang dahilan ng labis na paghihirap ng mga Judio. Nais nilang ang mga Judio ay magkaroon ng walang kinikilingan at hindi pilipit na pangmalas tungkol
kay Jesus upang sila’y makagawa ng isang may kabatirang pasiya tungkol sa kaniya. Isa pa, nais nilang ibahagi sa mga Judio ang kanilang matibay na pananalig na ang Mesianikong panahon, malaon nang inihula ng mga propeta, ay malapit na! Gayunman, bakit nanaisin ng isang Judio na makinig sa isa sa mga Saksi ni Jehova?Sa isang bagay, hindi nila ginagalit ang mga Judio sa paggamit ng mga idolo sa kanilang pagsamba, ni naniniwala man sila sa doktrina ng Trinidad—isa pang paniniwala na kasuklam-suklam sa Judaismo. Tinatanggihan nila ang turo bilang pagano at hindi maka-Kasulatan. a Sa katunayan, ang mga Saksi ay hindi bahagi ng Sangkakristiyanuhan! Kaya, wala silang pananagutan sa Holocaust, ni sa madugong kasaysayan ng pagkapoot sa mga Judio.
Sa lahat ng relihiyong nag-aangking Kristiyano, sila lamang ang sumusunod sa utos ni Jesus sa Juan 17:16 na maging “hindi bahagi ng sanlibutan.” Kasangkot dito ang mahigpit na pananatiling neutral sa pulitika. Nalalaman ng may kabatirang mga Judio na noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, mahigit na isang libong mga Saksing Aleman ang namatay sa mga kampo ni Hitler, pinipili pang maging mga biktima ng Holocaust sa halip na maging tahimik na mga kasapakat nito. b Ang kanilang walang takot na paggigiit sa neutralidad bilang pagsuway sa Nazismo ay isang nagniningning na patotoo ng kapangyarihan ng tunay na Kristiyanismo. Kung gayundin sana ang ginawa ng Sangkakristiyanuhan, hindi kailanman nangyari ang Holocaust.
Kaya naman ang mga Saksi ni Jehova ay may kabaitang tinatanggap ng maraming Judio. Ipagpalagay na, hindi lahat ay nagpapahalaga sa kanilang mga pagdalaw. Gayunman, kinikilala ni Rabbi Samuel Sandmel na ang mga Kristiyano ay nakadarama na kailangan nilang mangaral sa iba. (Roma 10:10) Tinatanong niya ang mga Kristiyano: “Maipagpapatuloy ba ninyo ang inyong layunin sa paraan na ito’y hindi gumagawa ng karahasan sa aming dangal ni nagpapahiwatig man na tinalikdan na ninyo itong [atas na pangangaral] na mahalaga sa inyo?”—We Jews and You Christians.
Gayon nga ang sinisikap na gawin ng mga Saksi ni Jehova. Buong galang, hinihiling nila sa kanilang mga kapitbahay na Judio na isaalang-alang ang isyu na malaon nang naghiwalay sa mga Kristiyano at mga Judio: ang Mesianikong pag-asa. Ano ang pinagmulan ng pag-asang ito? Bakit ang mga palagay ng mga Kristiyano at ng mga Judio ay lubhang magkaiba? Ang kasalukuyang paglitaw ng pagkapoot sa mga Judio sa ilang bahagi ng daigdig ay lumilikha higit kailanman ng mga tanong tungkol kay Jesus. Sisikaping sagutin ito ng aming susunod na artikulo.
[Mga talababa]
a Tingnan ang Dapat Ka bang Maniwala sa Trinidad?, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Tingnan “Ang Holocaust—Mga Biktima o mga Martir?,” lumilitaw sa Abril 8, 1989, na labas ng Gumising!
[Blurb sa pahina 6]
“Ang turo na pagka-Diyos ni Jesu-Kristo ay isang di-mapatatawad na kasalanan sa paningin ng Judaismo”
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang mga gawain ng tinatawag na mga Kristiyano ay walang gaanong nagawa upang irekomenda ang Kristiyanismo bilang isang relihiyon ng pag-ibig
[Credit Line]
U.S. Army
[Larawan sa pahina 8]
Ang idolatriya ng Sangkakristiyanuhan at ang doktrina ng Trinidad ay nagpalayo sa maraming Judio