Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Legal na Kinilala ang mga Saksi sa Mozambique
Ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay legal na kinilala sa timog-silangang bansa sa Aprika na Mozambique. Isang liham buhat sa Ministri ng Katarungan, na may petsang Pebrero 11, 1991, ay nagsasabi: “Ang mga Saksi ni Jehova, gaya ng ibang relihiyosong organisasyon, ay magtatamasa ng lahat ng karapatan at garantiya na itinakda ng Konstitusyon ng Republika ng Mozambique.” Ito’y nilagdaan ng Direktor ng mga Bagay na may Kaugnayan sa Relihiyon. Ang mabuting balitang ito ay may kaligayahang tinanggap ng 5,235 mga Saksi na nag-ulat ng pangangaral ng mensahe ng Bibliya doon nitong nakaraang Enero. Pinasasalamatan din ang pagpapahayag ng opisyal na pagkilala sa mga Saksi ng 13,971 delegadong dumalo sa tatlong “Dalisay na Wika” na Pandistritong mga Kombensiyon na ginanap kamakailan sa Mozambique, kung saan 357 ang nabautismuhan.
Mabuting Balita Buhat sa U.S.S.R.
Noong Marso 28, 1991, iniabot ng Minister ng Katarungan sa mga kinatawan ng mga Saksi ni Jehova ang isang dokumento na nagkakaloob ng legal na pagkilala sa Unyong Sobyet.
Mga Biktima ng Buchenwald
Ang pangalang Buchenwald ay naghahatid ng kakilabutan sa isipan niyaong nakatatanda sa Alemanya sa ilalim ng rehimeng Nazi. Malapit sa Weimar, sa kung ano ang dati-rati’y Silangang Alemanya, ang Buchenwald ay isang piitang kampo (concentration camp) na kilala sa malupit na pagtrato sa sangkapat ng isang milyong mga bilanggo. Ngayon, ito’y isang memoryal at museong pambayan sa mga biktima ng kasamaan, gayunman napaliligiran pa rin ito ng kontrobersiya. Si Ulrich Schneider, bagong direktor ng memoryal, ay inatasang ihayag ang 65,000 manggagawang alipin na namatay roon. “Angkop nga, halimbawa, na ang mga sundalong Sobyet ay alalahanin dito,” sabi niya. “Subalit maraming Pranses, taga-Belgium, at Olandes ang namatay rin dito, at kakaunting pansin lamang ang ibinibigay sa kanila.” Binanggit niya rin ang pangangailangang “matinding ilantad ang kawalang-katarungang ginawa” sa iba pang grupo, pati na sa mga Saksi ni Jehova.
Acupuncture Para sa mga Alagang Hayop
Sang-ayon sa The Wall Street Journal, kinikilala na ngayon ng American Veterinary Medical Association ang acupuncture bilang isang tinatanggap na paggamot sa may sakit na mga hayop. Binabanggit ng pahayagan na “dati’y itinuturing bilang pangkukulam, ang paggamit ng acupuncture sa mga hayop ay naitatag bilang isang malaya-sa-gamot na mapagpipiliang paggagamot, praktikal kapag bigo ang tradisyunal na mga paraan.” Ang ibang beterenaryo ay gumagamit ng hindi matinding mga laser, ultrasound, at iba pang pamamaraan upang pasiglahin ang mga dako kung saan itutusok ang karayom sa hayop. Iniulat na, ang pagpapasok ng pinung-pinong stainless na mga karayom sa iba’t ibang reflex points sa katawan ay naging matagumpay sa paggamot sa mga aso, kabayo, ibon, at goldfish pa nga.
Relihiyon sa mga Rural ng Tsina
Si Wang Zhen, ang bise-premyer ng Tsina, ay nagsasabi na ang mga pamayanan sa pagsasaka sa Tsina ay sinasalakay ng Kanluraning mga relihiyon, sang-ayon sa South China Morning Post at iniulat sa wikang-Intsik na pahayagan sa Estados Unidos na World Daily. Sinasabi ni Wang Zhen na sa mga nayon na nagsasaka, kung saan nakatira ang 70 porsiyento ng populasyon, “parami nang paraming tao ang nais umanib sa mga relihiyon.”
Labis na Karangalan?
Ang mga kongregasyon ng United Methodist ay dapat humanap ng paraan upang parangalan ang kanilang mga obispo maliban sa pagbibigay sa kanila ng pagkalaki-laking di-inaasahang pinansiyal na pakinabang. Iyan ang mungkahi ng isang pag-aaral ng isang teolohikal na paaralang Metodista sa Estados Unidos. Nasumpungan ng pag-aaral na ang mga kongregasyon ay kadalasang nagbibigay ng mga kaloob na pera ng hanggang $40,000 at mga kotse na nagkakahalaga ng hanggang $20,000 sa panahong magretiro o ilipat ang mga obispo. Ganito ang sabi ng Christianity Today: “May panahon na ang gayong mga gantimpala ay nilayon upang punan ang mababang sahod na ibinibigay sa mga opisyal ng simbahan. Subalit sa susunod na taon, ang sahod ng isang obispong UM (United Methodist) ay hihigit sa $66,000. Karagdagan pa, ang mga obispo ay tumatanggap ng libreng pabahay at isang alawans na $41,000.”
Hindi Tuwirang Paninigarilyo
Ang usok na inilalabas ng mga humihitit ng tabako ay kadalasang
di-sinasadyang nalalanghap ng mga hindi maninigarilyo. Ang hindi tuwirang paninigarilyong ito ay pumapatay ngayon ng libu-libo sa Australia, ayon sa isang pag-aaral kamakailan. Inaakalang “mahigit na 1000 hindi naninigarilyong mga Australiano ang namamatay taun-taon bunga ng sakit sa puso na dahil sa hindi tuwirang paninigarilyo,” ulat ng The Australian. Binanggit ng pahayagan na ang ‘segunda manong usok’ na ito ay naglalaman ng carbon monoxide at nikotina, na bumabawas sa kakayahan ng puso at sa “kakayahan ng dugo na magdala ng oksiheno sa puso at sa iba pang bahagi ng katawan.” Ang pag-aaral ay naghinuha na “sa bawat walong maninigarilyong napatay ng tabako, isang hindi maninigarilyo ang namamatay dahil sa pagkalantad sa usok.”Pinakamalakas Kumunsumo ng Gamot sa Daigdig
Ang magasing L’Express ng Paris ay nag-uulat na ang pinakamalakas kumunsumo ng iniresetang gamot ay ang mga Pranses. Sila’y gumugol ng 90 bilyong francs ($18 bilyon, U.S.) noong 1989 sa mga gamot, na isang katamtamang 1,598 francs ($320, U.S.) sa bawat tao. Ayon sa pahayagang Pranses na La Croix, ang mga Pranses ay limang ulit ang dami ng kinukunsumong mga trangkilayser at mga gamot na pampatulog na gaya ng mga Amerikano. Ang problema ay malawakan at nagsasangkot ng lahat ng edad. Ikinatatakot ngayon ng marami na ang panganib ng pagkasugapa ay tunay na tunay. Isa sa limang tinedyer ay umaalis sa tanggapan ng doktor na may reseta para sa mga gamot na pampatulog o trangkilayser. Sa mga batang wala pang isang taóng gulang, 15 porsiyento ay regular na tumatanggap ng mga trangkilayser upang gamutin ang nerbiyos at suliranin sa pagkain. Iniuulat ng pahayagang Le Figaro na sa Pransiya, sa pagitan ng 25 at 30 porsiyento ng mga adulto ay regular at matagal nang gumagamit ng ilang uri ng trangkilayser.
Karera ng Kotseng Pinatatakbo ng Enerhiya ng Araw sa Australia
Sarisaring kakatwang mga sasakyan—39 sa kanila, mula sa buong daigdig—ay tumakbo mula sa Darwin, sa gawing hilaga ng Australia, noong Nobyembre 11, 1990, patungo sa Adelaide, sa timog ng islang kontinente. Ang una sa mga sasakyan ay dumating doon pagkalipas ng anim na araw. Naglakbay sila ng 3,000 kilometro na pinatatakbo lamang ng sikat ng araw. Ang karerang ito, ang ikalawang World Solar Challenge, ay pinanalunan ng kalahok na Suiso, ang Spirit of Biel. Ang nagwagi ay tumakbo ng katamtamang 70 kilometro sa bawat oras, at kung minsan ay bumibilis nang hanggang 100 kilometro isang oras. Ang kasunod, na 400 kilometro ang layo sa nagwagi, ay nagkahalaga ng $15,000,000 upang gawin, ulat ng magasing Asiaweek. Gayunman, ang Spirit of Biel ay nagkahalaga lamang ng $600,000.
Malaking Peligro sa mga Pintor
Ayon sa isang ahensiya ng WHO (World Health Organization) sa Lyons, Pransiya, ang mga pintor ay 20-porsiyentong mas nanganganib na magkaroon ng kanser kaysa iba pang mamamayan. “Para sa kanser sa bagà,” ulat ng magasing Naturwissenschaftliche Rundschau, “ang dumaming panganib na ito dahil sa hanapbuhay ay umaabot ng 40 porsiyento na mas mataas kaysa katamtaman. Ang panganib na magkaroon ng karamdaman sa sentral at peripheral na sistema nerbiyosa ay mas mataas din.” Sinasabi ng magasin na kahit na ang mga anak ng mga pintor ay maaaring maapektuhan ng hanapbuhay ng kanilang mga magulang; sila sa wari’y mas nanganganib na magkaroon ng tumor sa utak at leukemia. Sang-ayon sa WHO, ang mga panunaw sa pintura at barnis ay pinagmumulan ng panganib, hindi ang trabaho mismo na pagpipintura.
Panliligalig sa mga Klerong Babae
Sa isang surbey na isinagawa ng United Methodist Church sa Estados Unidos, mahigit na tatlong-kapat ng mga klerong babae ng simbahan ay nag-ulat na sila ay dumanas ng seksuwal na panliligalig. Sang-ayon sa Ecumenical Press Service (ang tagapaghatid balita ng World Council of Churches), iniuulat din ng surbey na iyon na 41 porsiyento ng mga klerong babae ng simbahang iyon ay nagsisiwalat na ang seksuwal na panliligalig “ay isinagawa ng mga kasamahan o ng ibang mga pastor.”