Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kanilang Pananampalataya ay Nagpapalipat ng mga Bundok

Ang Kanilang Pananampalataya ay Nagpapalipat ng mga Bundok

Ang Kanilang Pananampalataya ay Nagpapalipat ng mga Bundok

TAGLAY ang paulong-balitang iyan iniulat ng pang-araw-araw na pahayagan sa Buenos Aires na Crónica, ng Disyembre 7, 1990, ang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na ginaganap sa mga soccer istadyum ng River Plate at Vélez Sarsfield. Tunay, malakas na pananampalataya ang nagpakilos sa halos 6,000 dayuhang mga delegado mula sa mahigit na 20 bansa na maglakbay patungong Argentina upang makisama sa sampu-sampung libo ng kanilang mga kapatid na taga-Argentina para sa kanilang “Dalisay na Wika” na Kombensiyon. Kasama sa kabuuang ito ang ilang kongregasyon ng mga Saksing Koreano roon. Ang dayuhang mga delegado ay nanggaling sa Britaniya, Canada, Chile, Hapón, Espanya, at Estados Unidos (kasama ang Alaska), at marami pang bansa. Ano ang gumanyak sa kanila? Ang kanilang pagnanais na itaguyod ang ikalawang internasyonal na kombensiyon na ginanap sa Argentina.

Pag-aalay ng Bagong Bethel

Ngunit ang dakilang mga gawa ng pananampalataya ay naganap na bago pa ang panahon ng kombensiyon. Noong Oktubre ang bagong tanggapang sangay sa Argentina ng Asociación de los Testigos de Jehová ay inialay ng dumadalaw na tagapagsalita na si Theodore Jaracz ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Ang bagong tirahang gusali ay itinayo ng 259 internasyonal at 690 taga-Argentina na mga boluntaryong manggagawa. Ang Bethel, o “Bahay ng Diyos,” na nasa Buenos Aires na may mga hanay ng punungkahoy sa magkabilang panig ng lansangan, ay may 129 mga silid at isang silid kainan para sa 300 katao. Binubuo ng mahigit na 84,000 Saksi sa Argentina at potensiyal para sa higit pang pagsulong, walang alinlangan na ang bagong gusaling ito ng sangay ay malapit na namang mapuno.

“Mga Saksi ni Jehova na May Dalisay na Wika”

Ang paksa ng internasyonal na kombensiyon na “Dalisay na Wika” ay nakapukaw ng interes ng marami, kabilang na ang mga kinatawan ng media. Itinampok ng Crónica ang paulong-balita sa itaas at sinipi ang kahulugan ng “dalisay na wika” gaya ng pagpapakahulugan dito ng tagapagsalita: “Ang tumpak na pagkaunawa sa katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang layunin para sa lupa at sa tao, gaya ng sinasabi sa Bibliya . . . Kapag ang isa ay nag-aaral magsalita ng dalisay na wika, kung gayon ang kaniyang paraan ng pag-iisip, ang kaniyang pananalita, at ang kaniyang paggawi ay nakasentro sa pagkilala sa Diyos bilang ang tanging tunay na Diyos.”

Ang punong lungsod na Buenos Aires, isang malaking lungsod ng mahigit sampung milyon katao, ay ganap na nakaaalam tungkol sa kombensiyon na nagaganap sa gitna nito. Noong anim na araw, ang regular na 40-segundong balita sa radyo at TV, na ipinag-uutos ng batas, ay nagbigay ng libreng publisidad tungkol sa pangyayaring ito. Ang programa noong Sabado ay nakaakit sa pahayagan sa bautismo ng bagong mga Saksi. Nakikita ng mga tagapanood, 3 pool ang itinayo sa bawat dulo ng dalawang istadyum, subalit kahit na ang 12 pool ay hindi sapat upang tapusin ang bautismo sa panahon para sa programa sa hapon. Kaya ang mga pool sa River Plate Stadium ay inihanap ng ibang lugar sa labas. Sa River Plate, 1,363 ang nabautismuhan at sa Vélez Sarsfield, 748, para sa kabuuang bilang na 2,111! Ang paulong-balita ng Crónica ay kababasahan: “Isa Pang Kamangha-manghang Kapahayagan ng Pananampalataya sa River at Vélez​—Mga Saksing Nagpabautismo.” Ang dumalo sa dalawang kombensiyon ay may kabuuang bilang na mahigit 67,000.

Internasyonal na Katangian

Habang ang isa ay nakikihalubilo sa makulay na mga tagapakinig, ang pisikal na pagkakaiba ng lahi at kultura ay kitang-kita. Narito ang isang sister na taga-Argentina na nasisiyahan sa kaniyang yerba maté, isang tsa na sinisipsip sa pamamagitan ng isang metal na bombilla, o tubo, mula sa isang pantanging tasang yari sa kahoy. Sa 800 delegado buhat sa Espanya ay mga kapatid na babaing nakasuot ng magagandang damit ng bansang iyon. Kabilang sa grupo ng 900 buhat sa Hapón ang ilang babaing nakadamit ng tradisyunal na mga kimono. Isang delegado buhat sa Mexico ang nakaitim na kasuotan at may karaniwang malapad na dahon ng sombrerong Mexicano. Gayunman, sa kabila ng lahat ng panlabas na mga pagkakaibang ito, ang kanilang espirituwal na pagkakaisa ay malinaw na makikita ng lahat. Sa pagtatapos ng asamblea, marami ang nagpalitan ng mga subenir​—mga badge ng kombensiyon, pluma, postcard​—anumang bagay na magsisilbing tagapagpaalaala ng magandang pangyayaring ito.

Ang espiritu ng asamblea ay makikita rin sa mga paliparan. Ito’y totoo lalo na sa Miami, Florida, E.U.A., kung saan maraming grupo ang nagpangita habang hinihintay ang kanilang eruplano. Pauwi mula sa Buenos Aires, nakatagpo ng isang malaking grupo buhat sa Estados Unidos ang isang pangkat buhat sa Hapón, na patungo naman sa Mexico. Hindi nagtagal, lahat ng mga delegadong Amerikano ay kau-kausap ng kanilang masiglang mga kasamang Hapones. Ang iba pang tao na nasa lugar na iyon ay nalito at nagtaka sa kung ano ang nangyayari. Ito’y ang mga Saksi na ibinabahagi ang espiritu ng kanilang “dalisay na wika”!

Ang programa ng kombensiyon at ang internasyonal na samahan ay lubhang natatangi anupa’t nang matapos ang kombensiyon noong Linggo, walang sinuman ang may nais umalis sa mga istadyum. Ang iba’t ibang pambansang grupo ay kusang nagsimulang umawit ng mga awit pang-Kaharian nang walang kasaliw na instrumento sa kanilang iba’t ibang wika at nagkawayan ng mga panyo sa isa’t isa. Ito’y nagpatuloy sa loob halos ng isang oras bago ang maliligayang mga kombensiyunista ay nagsiuwi sa wakas. Gaya ng sabi ng isang taga-Argentinang litratista ng pahayagan na hindi agad humahanga: “Kailanman ay hindi pa ito nangyari sa Argentina . . . gayon na lamang damdamin at sigla!”

[Mga larawan sa pahina 15]

Mahigit na 67,000 ang dumalo sa dalawang “Dalisay na Wika” na mga Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Buenos Aires, Disyembre 6-9, 1990

[Mga larawan sa pahina 16]

Ang bagong gusali ng sangay sa Argentina ay handang maglingkod sa mahigit na 84,000 Saksi