Ang “Spanish Flamenco” ang Dati Naming Buhay
Ang “Spanish Flamenco” ang Dati Naming Buhay
MAY malaking pagkakaiba sa pagitan ng pagtugtog ng gitara at pag-ihip ng trumpeta. Bagaman mahilig ako sa pagtugtog ng gitarang flamenco mula nang ako’y 17 anyos, sa isang paraan, ang trumpeta ang bumago ng landas ng aking buhay. Iyan ay nang ako’y nasa Spanish Air Force noong 1975. Ngunit, hayaan mo munang ipaliwanag ko kung paano ako naging mahilig sa gitara.
Ako’y pinalaki sa Verdun, isang uring manggagawang arabal ng Barcelona, ang abalang daungang Mediteraneo ng Espanya. Ang aking ama ay isang makata at taong masigasig sa flamenco. Ang aking ina ay isang mang-aawit ng flamenco. (Ang flamenco ay isang pambihirang istilo ng musika, awit, at sayaw ng Andalusia na galing sa mga Hitano, Arabe, at mga Judio daan-daang taon na ang nakalipas.) Ang aking tatay, mula sa Baena, Córdova, sa Andalusia, ay natural na magustuhin sa flamenco at pinasigla akong mag-aral ng pagtugtog ng gitara. Kaya’t ako’y nag-aral sa isang pribadong guro sa loob ng dalawang taon at pagkatapos ay naghanap ako ng trabaho. Hindi naman iyan mahirap masumpungan. Sapagkat napakaraming turista ang dumadalaw sa Espanya, ang flamenco ay laging hinihiling.
Nabuo ang Duwetong Flamenco
Pagkatapos makompleto ang aking paglilingkod sa militar, ako’y nagtrabaho sa isang tablao na tinatawag na El Cordobés sa Barcelona. Ang aming salitang Kastila na tablao, o tablado, na tumutukoy sa isang palabas na flamenco, ay galing sa tanghalang yari sa mga tabla, o makakapal na tabla ng kahoy, kung saan itinatanghal ang sayaw na flamenco. Sa gitara, sinasaliwan ko ang lalaki’t babaing mananayaw (bailaores at bailaoras) gayundin ang mga mang-aawit (cantaores) na siyang karaniwang bahagi ng isang pagtatanghal ng flamenco. Para sa mga walang kabatiran sa awitin at sayaw na flamenco, ang masasabi ko lamang ay na isa itong sining noon pang panahon ng pananakop ng mga Arabe sa Espanya (ika-8 hanggang ika-15 siglo). Noon ito ay pangunahing itinatanghal ng mga artistang may Hitanong pinagmulan.
Samantalang nagtatrabaho sa El Cordobés, humanga ako sa isang batang mananayaw na dumating sa kompaniya. Siya si Yolanda, mula sa Catalonia, maliit, maliksing mananayaw na may maitim na buhok at itim na mga mata. Binago niya ang aking buhay sa pagiging kabiyak ko. Kami’y kinasal noong 1978 sa isang simbahang Katoliko sa
Santa Coloma de Gramanet, malapit sa Barcelona. Ngunit papaano ba siya napasangkot sa daigdig na pagsasayaw ng flamenco? Hahayaan ko siyang isaysay ang kaniyang kuwento.Musika at Sayaw sa Aking Dugo
Yolanda: Mula sa pagkabata ang musikang Kastila ang lagi kong naririnig. Ang aking tatay ay nasisiyahang makinig sa musikang Sardana, karaniwan sa Catalonia, samantalang ang nanay ko naman at lola ay laging umaawit ng masasayang jota ng Aragon. Yamang ako’y may problema sa aking mga paa, iminungkahi ng isang doktor na ako ay mag-ehersisyo. Bunga nito, ako’y nagsimulang mag-aral ng ballet. Nang ako ay pitong taóng gulang, nakita ko ang isang babaing nagsasayaw ng flamenco, at nagustuhan ko ito nang husto anupa’t ako’y pinag-aral ng nanay ko sa isang paaralan para sa gayong mga mananayaw.
Mahusay ang pagsayaw ko at ako’y nagtanghal sa peñas flamencas, o munting mga tanghalan ng flamenco. Isang araw, nang ako ay 14 anyos, ako’y naglalakad kasama ng aking ina sa kahabaan ng kilalang Rambla de las Flores sa kabayanan ng Barcelona nang makita namin ang isang karatulang nag-aanunsiyo sa El Tablao Flamenco, El Cordobés. Iminungkahi ni inay na kami’y umakyat upang tingnan namin kung sila ay nangangailangan ng isang mananayaw. Tinanggap nila ako nang unang gabing iyon. At sino ang gitarista? Si Francisco (Paco) Arroyo, na sa dakong huli ay napangasawa ko! Ngayon puwede na niyang ipagpatuloy ang kuwento.
Isang Trumpeta at ang Pagbabago
Papaano pumapasok ang trumpeta sa kuwento ko? Noong 1975, ako’y naglilingkod sa hukbong panghimpapawid (Academia General del Aire) sa bilangguang militar sa La Manga del Mar Menor sa lalawigan ng Murcia. Ako ang tagatugtog ng trumpeta sa piitan na tumatawag sa araw sa mga opisyal na kadete.
Samantalang nanunungkulan doon, napansin ko ang isang may kabataang bilanggo, isang tahimik, mapakumbabang lalaki. Nagtataka ako kung bakit siya nasa bilangguan. Kaya isang araw ay tinanong ko siya. Sa simula siya ay bantulot magsalita sa akin dahil sa mga palakad sa bilangguan, subalit mapilit ako. Nais kong malaman. Ipinaliwanag niya na siya ay naroroon bilang isang Kristiyanong tumatanggi dahil sa budhi, isa sa mga Saksi ni Jehova, at dahil sa personal na paniniwala, siya’y tumangging maglingkod sa hukbo. Nais kong malaman ang tungkol sa kaniyang mga paniwala, kaya
sinabi niya sa akin na siya ay naniniwala sa Bibliya at na ang kasalukuyang mga kalagayan sa daigdig ay inihula sa aklat na iyon. Kailanman ay hindi pa ako nakabasa ng Bibliya, kaya tinanong niya ako kung nais ko ba ng isang kopya. Sabi ko na nais ko.Ngunit bilang isang bilanggo na pinagbabawalang mangaral, papaano niya ako makukunan ng isang Bibliya? Isang araw ang ilan sa kaniyang mga kapuwa Saksi ay nagdala sa kaniya ng isang basket ng mga kahel at nakatago sa gitna ay isang Bibliya at ang aklat na Ang Katotohanan na Umaakay Tungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Lihim niyang ipinasa ang literatura sa akin, subalit pagkatapos niyaon ay hindi ko na siya muling nakita. Pagkaraan ng ilang panahon, umalis ako sa hukbong panghimpapawid at nagbalik ako sa Barcelona. Kung sana’y nalaman ko ang pangalan niya! Nais kong makita siyang muli, yamang siya ang ginamit upang ipakita sa akin ang katotohanan ng Bibliya sa kauna-unahang pagkakataon.
Pagluluwag sa Mahigpit na Hawak ng Flamenco
Gaya ng nasabi ko na, kami ni Yolanda ay nagpakasal. Isang araw pagkalipas ng halos isang taon ay may kumatok sa pinto. Binuksan ito ni Yolanda, at naroon ang dalawang Saksi ni Jehova. Sinabi ko sa kaniya na paalisin sila. Saka ko naalaala ang binata sa bilangguan at ang mga aklat na ibinigay niya sa akin. Pinapasok ko sila at tinanong sila ng maraming tanong. Nakita nila ang pangangailangan na magsaayos ng higit pang pagdalaw, kaya isang pag-aaral sa Bibliya ang sinimulan nang sumunod na linggo.
Hindi nagtagal ay tumanggap ako ng pagsalansang mula sa aking pamilya. Sabi ng tatay ko: “Gugustuhin ko pang ikaw ay maging isang magnanakaw kaysa maging isa sa mga Saksi ni Jehova! ” Ang pagsalansang na ito ay kumumbinsi sa akin na mas mabuti pa kung ako’y magtatrabaho sa ibang bansa, malayo sa pamilya. Kaya noong 1981 kami ay nagpunta sa Venezuela na may kontrata sa trabaho. Hindi nagtagal ay dinausan kami ng pag-aaral ng mga misyonerong Saksi. Kami’y nakisama sa mga Saksi sa loob ng ilang panahon nang hindi gumagawa ng anumang tunay na pagsulong. Sa wakas, noong 1982, kami’y lumipat sa Estados Unidos, kung saan kami’y nagtrabaho sa isang restaurang Kastila sa Los Angeles, California.
Sa kabila ng negatibong mga saloobin sa pamilya ko at sa pamilya ng aking asawa, kami sa wakas ay nabautismuhan noong 1983 sa Los Angeles. Gayon na lamang ang inis ng tatay ko anupa’t sinabi niya sa akin na alisin ko ang kaniyang huling pangalan, ang Arroyo, sa aking pangalan. Gayunman, mula noon ay nagbago na ang kaniyang saloobin, at ngayon tinatanggap pa nga niya ang mga pagdalaw ng mga Saksi. Gayundin, isa sa aking mga kapatid na babae ay nag-aaral na ngayon ng Bibliya.
Ang isa pang dahilan kung bakit matagal kami bago napabautismo ay na kami ay masyadong kasangkot sa daigdig ng flamenco. Abalang-abala kami sa pamumuhay na iyon sa gabi, yamang kailangan naming magtanghal sa mga nightclub at mga restauran. Ang samahan ay hindi laging pinakamabuti para sa amin bilang mga Kristiyano. Nais ng may-ari ng restauran na kami’y magtanghal kung Pasko at sa mga birthday party, at ayaw naming makipagkompromiso. Kaya sa wakas ay iniwan namin ang daigdig na iyon.
Pansamantala kami ay nagkaroon ng dalawang anak, si Paquito at si Jonathan. Upang tustusan ang aming pamilya, kami ngayon ay nagtuturo ng sayaw at gitara sa mga estudyanteng nagpupunta sa aming bahay bilang aming kabuhayan. Ito’y nag-iiwan sa amin ng higit na panahon para sa aming pamilya at sa aming espirituwal na mga interes, pati na ang pagpapasulong ng aming gawain sa pangangaral sa madla kung minsan.
Isang Bagay na Mas Mahalaga Kaysa Flamenco
Ang flamenco ay ipinahahayag sa iba’t ibang istilo at isang tunay na kapahayagan ng sinaunang alamat ng Espanya. Kapuwa namin nagugustuhan pa rin ito bilang musika at bilang isang kapahayagan ng mga damdamin ng tao. Subalit alam namin na mayroong mas mahalaga sa buhay—ang paglilingkod sa Diyos at sa ating kapuwa.
Nasisiyahan kaming magpahingalay na kasama ng aming Hispanikong mga kapatid na lalaki at babae kapag paminsan-minsan kami’y sama-samang nagkakasayahan na may musika at sayawang Mexicano at Kastila. Anong laking kagalakang makita ang pagkakaisa ng bayan ni Jehova mula sa maraming bansa! At anong kaluguran para sa lahat na hindi na magtatagal ating ibabahagi ang ating musikal na karanasan sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos sa isang malinis, mapayapa, dalisay na lupa!—Ni Francisco (Paco) at Yolanda Arroyo.
[Mga larawan sa pahina 18]
Ang aming pamilyang handang mangaral sa bahay-bahay
Pagtatanghal ng flamenco para sa isang grupo ng mga kaibigan