Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hindi ang Pinakamagaling na mga Paraan sa Pagbabago

Hindi ang Pinakamagaling na mga Paraan sa Pagbabago

Hindi ang Pinakamagaling na mga Paraan sa Pagbabago

MINSANG maitatag na ang mga modelo sa paggawi, paano ito babaguhin? Sino ang matatakbuhan mo, at anong mga pamamaraan ang maaaring gamitin upang gumawa ng nagtatagal na pagsulong?

Isaalang-alang natin ang ilang sukdulang pamamaraang ginagamit ngayon.

Pulitikal na Panggigipit

Angaw-angaw na mga tao ngayon ang nabubuhay sa ilalim ng mga rehimen na naghahangad na kontrolin ang mga huwaran at mga kodigo ng paggawi. Ginagamit ng mga gobyernong iyon ang kanilang kapangyarihan upang himukin ang pagbabago​—ang ilan ay tuso, ang iba ay sapilitan. Ang iba ay gumagamit ng brainwashing na mga pamamaraan, kadalasang kalakip ang pananakot, pagbilanggo, at pagpapahirap. Pinamamahalaan ang news media at iba pang sistemang pang-edukasyon, hinahangad nilang halinhan ang dating tatag na mga ideya niyaong ninanais ng kasalukuyang namumunong piling tao. Lahat ng tumututol ay sapilitang sinusugpo. Sinumang aayaw na turuang-muli ay maaaring ipailalim sa nakatatakot na pagtrato na karaniwang sumisira sa espiritu ng isa.

Pag-opera sa Utak at Elektrikal na Pangganyak

Ang ilang bahagi ng utak ay nakilala na nakaaapekto sa espisipikong mga kalagayan at uri ng paggawi. Ang pag-opera sa utak ay nagsasangkot ng pisikal na pag-aalis o pagsira sa himaymay ng utak sa bahaging iyon ng utak. Minsang maalis, ang bahaging iyon sa iyong utak ay maaaring hindi na muling kumilos, at ang anumang gawi na naiimpluwensiyahan nito ay maglalaho.

Sinasabing libu-libong gayong operasyon ay isinagawa, lalo na sa mga taong may lisya at mapanganib na paggawi sa sekso. Ang ilan ay pinasukan ng maliliit na electrodes sa kanilang utak, at kapag nilagyan ng kuryente, pinasisigla o hinahadlangan nito ang gawain ng utak sa dakong iyon. Sinasabing binabago nito ang mga impulso na nakaaapekto sa paggawa na kontrolado ng bahaging iyon ng utak.

Droga

Ang gamit ng droga o gamot sa saykayatri ay malaganap at kadalasang kailangan. May mga gamot upang magpatahimik, mga gamot upang magpatulog, mga gamot upang magpasigla, at mga gamot upang iwasto ang kemikal na di pagkakatimbang sa utak. May mga gamot din na ginagamit na parusa sa mga bilangguan at iba pang koreksiyunal na mga institusyon. Ang dalawang gamot na iyon ay ang apomorpina at Anectine.

Ang apomorpina ay ginamit sa mga bilanggo na ang gawi ay itinuturing na hindi kaaya-aya. Ito’y nagpapangyari ng matinding pagduduwal at pagsusuka. Ang bilanggo ay sinasabihan na kung siya ay muli na namang gagawi nang masama, siya ay bibigyan ng higit pang apomorpina. Ito ay tinatawag ding aversive therapy. Ang Anectine naman ay nagpapangyari sa isang magulong bilanggo na makadama ng hika at parang sinasakal. Akala niya siya ay mamamatay. Kung siya ay maglolokong muli, bibigyan siya ng higit na Anectine.

Ito ba ang mga paraan na gagamitin mo upang baguhin ang iyong modelo sa paggawi?

Karamihan ng pamamaraang binanggit ay labag sa malayang kalooban. Kasangkot din dito ang impluwensiya ng mga taong may kapangyarihan sa iba subalit hindi laging isinasaisip ang kapakanan ng isa. Ang pulitikal na kapangyarihan ba ay naghahangad ng sarili nitong pakinabang o ang pakinabang ng isang tao? Sa pag-opera sa utak, sino ang may hawak ng panghiwang gamit sa pag-oopera? Sino ang sumusupil sa suwits kapag ginagamit ang elektrikal na pangganyak? Gaano ang itinatagal ng aversive therapy? Mapagkakatiwalaan ba ang terapis?

Isaalang-alang natin ang mas kaaya-ayang pamamaraan.