Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Alaala—sa Isang Pindot ng Butón!

Mga Alaala—sa Isang Pindot ng Butón!

Mga Alaala​—sa Isang Pindot ng Butón!

Nagmamadali kang pumunta sa isang photo shop upang kunin ang magagandang litrato na iyong kinuha noong nakaraang bakasyon mo. Ngunit anong laking kabiguan ang mga ito! Ang ilang litrato ay madilim, ang iba ay parang kupas o kaya’y malabo. ‘Dahil ito sa kamera!’ ang sabi mo sa pagkasiphayo. Ngunit dahilan nga ba ito sa kamera? O ang litratista?

ANG kasal mo, makapigil-hiningang mga lugar na iyong binisita, mga kaibigang lumipat na, mga lolo’t lola at iba pang kamag-anak, ang unang hakbang ng iyong anak​—lahat ng alaalang ito ay mabibihag mo sa film sa isang pindot ng butón. Gayunman, anong laking kabiguan nga kung hindi magaganda ang kuha​—o hindi makilala ang iyong kinunan! Hindi, hindi isang bagong kamera ang lunas. Ang susi sa tagumpay ay ang pagdadalubhasa sa pangunahing mga prinsipyo ng potograpiya.

Papaano ba Gumagana ang Kamera?

Sa simpleng pangungusap, ang kamera ay isang kahon na hindi pinapasok ng liwanag na may “mata,” isang lente, kung saan pumapasok ang liwanag at ipinopokus upang bumuo ng isang larawan sa film. Ang ibabaw ng film ay binubuo ng sensitibo-sa-liwanag na mga kemikal na dapat sumagap ng sapat na liwanag upang wastong ma-expose. Kung sobra ang liwanag ang iyong mga litrato ay parang kupas. Kung kulang naman ang iyong mga litrato ay masyadong madilim.

Kapag ikaw ay kumukuha ng litrato, ang shutter ng kamera ay bumubukas bahagi ng isang segundo, upang makabuo ng larawan sa iyong film. Kaya ang isang paraan ng pagkontrol sa exposure ng film ay ang pag-ayos kung gaano katagal ang pagkakabukas ng shutter. Sa normal na liwanag kung araw ang karaniwang litrato ay maaaring kunan sa bilis ng shutter na 1/125 segundo. Maraming kamera ang may iba’t ibang bilis ng shutter, ngunit sa pangkalahatan ay dapat kang gumamit ng bilis ng shutter ayon sa ipinahihintulot ng antas ng liwanag. Mientras mas matagal na nakabukas ang shutter, mas malamang na ang iyong litrato ay maging malabo dahil sa pagkilos ng kamera. Sa mga delikadong kalagayan ito ay maiiwasan kung ipapatong ang kamera sa isang tripod at bubuksan ang shutter sa pamamagitan ng isang kable o ng timer ng kamera.

Ang isa pang paraan ng pagkontrol sa exposure ay ang pag-ayos sa laki ng bukas ng lente (tinatawag ding f-stop). Maihahambing ito sa iyong mata na mulat na mulat, bahagyang nakasara, o umaaninag. Kinokontrol nito ang dami ng pumapasok na liwanag. Maraming lente ang may pihitan na may iba’t ibang mapagpipiliang laki ng bukas ng lente, o f-stops. Mientras mas malaki ang bukas ng lente, mas maraming liwanag ang pumapasok at mas malaking exposure sa film. Lalo pang nakalilito ang bagay na ito sa baguhan, ang mga bilang ng f-stop ay kabaligtaran ng laki ng bukas ng lente. Halimbawa, ang f-2.8 ay malaking bukas; ang f-32 ay maliit na bukas. Maraming kamera ngayon ang may gayong mga katangian na gaya ng awtomatikong pagkontrol ng exposure at built-in light meters na wastong nagsasabi sa iyo kung saan ilalagay ang mga adjustment. Oo, sa ilang lubos na awtomatikong kamera, ang lahat ng adjustment ay kusang gagawin para sa iyo. Ang gayong mga kamera ay maaaring kusa pa ngang nagpopokus!

Anong Film ang Pipiliin?

Gaya ng mga kamera, may pabagu-bagong iba’t ibang film na mabibili. Ang may kulay na negatibong film ay ginagamit upang gumawa ng may kulay na mga kopya. Ito’y madaling ipasa at may kamurahang ipakopya o ipalaki. Ang isa pang bentaha ay na dahil sa higit na laya nito, o ang layo ng abot nito sa exposure, kahit na hindi maayos ang exposure ng negatibo ay makagagawa pa rin ng kaaya-ayang kopya. Ang color-reversal films ay ginagamit upang makagawa ng color transparencies, o slides. Gayunman, upang masiyahan dito, kailangan mong bumili ng isang prodyektor at puting-tabing. Ang slides ay hindi basta-basta at nangangailangan ng higit na pagkaeksakto sa exposure. Gayumpaman, maaari kang makagawa ng magagandang kopya mula rito.

Ang mga film ay nagkakaiba-iba sa kanilang bilis (pagiging sensitibo sa liwanag) at may iba’t ibang antas batay sa mga bilang ng ISO o ASA. a Ang iba ay kasimbaba ng ISO 25 at ang iba ay kasintaas ng ISO 3200. Ang isang mahusay na pangkalahatang-gamit na film ay ISO 100 Daylight, yamang ang katamtamang-bilis na film na ito ay gumaganang mahusay sa normal na mga kuha sa liwanag ng araw. Ang mas mabilis na ISO 400 film ay gumaganang mahusay sa mga kalagayang hindi gaanong maliwanag, gaya sa takip-silim, makulimlim na araw, at sa loob ng bahay. Gayunman, bilang pangkalahatang tuntunin, mientras mas mabagal ang film, mas malinaw ang detalye ng larawan. Ang mabilis na film ay may hilig na magpakita ng mga guhit sa pagpapalaki.

Kung ang kamera mo ay may pihitan para sa bilis ng film, napakahalagang ilagay mo ito sa tamang bilang ng ISO o ASA. Narito ngayon ang mahalagang punto:

Kung Paano Makagagawa ng Magandang Larawan

Karamihan ng mga baguhan ay kumukuha ng mga snapshot. Itinututok nila ang kamera at pinipindot ang butón. Ang isang mahusay na litratista ay gumugugol ng kaunting panahon at nag-iisip at gumagawa ng larawan. Kinakatha niya ito. Ang pagpupuwesto sa iyong kukunan ng litrato o punto ng interes sa tamang ayos ay tinatawag na pagkatha o composition. Hindi, hindi ang paghihilera sa iyong kukunan sa gitnang-gitna ang pinakamagaling na paraan. Sa halimbawang ibinigay rito (pahina 26), pansinin kung paanong ang isang kukunan ng litrato ay mas kawili-wili kung ito ay bahagyang ilalayo mula sa gitna​—mga ikatlong bahagi ang layo mula sa itaas o sa gilid ng litrato. Ito ang tinatawag na pagkakapit ng “rule of thirds.”

Mahalaga ring ibukod ang kukunan ng larawan mula sa background. Ang kalat-kalat, o magulong, background ay maaaring makasira ng pansin ng kumukuha ng litrato sa kinukunan. Mayroon bang mapusyaw-kulay na pader o kaya’y ibang neutral na background na maaaring gamitin upang ipuwesto ang mga tao? Kung hindi makakita ng isang tamang background, gawing mas malaki ang bukas ng lente (mas maliit na bilang ng f-stop). Gagawin nitong malinaw ang bagay na iyong kinukunan, ngunit palalabuin nito ang background.​—Tingnan ang halimbawa, pahina 24.

Upang makatiyak ng mabuting exposure, maaari mong i-bracket ang mga kuha mo. Ibig sabihin nito na kung kukuha ka ng litrato sa f-8 at 1/125 segundo, maaari ka ring kumuha sa f-5.6 at f-11 sa bilis ding iyon. Sa ganitong paraan, nagpapahintulot ka ng laya para sa mga kalagayan ng liwanag. Sa kabilang dako, kung ang sukdulang depth of field ang nais mo, kung gayon ay mag-bracket ka sa pamamagitan ng pagdaragdag o pagbabawas sa bilis ng shutter (1/60, 1/125, at 1/250 segundo) nang hindi binabago ang f-stop.

Mahalaga rin ang paglalapat ng liwanag. Kung may maliwanag na background o matinding liwanag sa likuran ng iyong kinukunan ng litrato (niyebe, maaraw na dagat, o dalampasigan), maaari nitong lituhin ang iyong kamera at maging sanhi ng kulang na exposure. Ang lunas? Lumapit sa kinukunan ng larawan, at kumuha ng eksaktong pagbasa ng liwanag. Pagkatapos ay umatras sa dati mong posisyon, at kumuha ng litrato sa iyong napiling kapaligiran. Ang may karanasang mga litratista ay kadalasang gumagamit ng isang elektronikong flash kung araw na gaya ng “fill-in lighting” na nag-aalis ng mga anino na likha ng matinding liwanag mula sa likuran o ng lilim.

Ang maliwanag, mataas na araw na patuon sa kinukunan ng litrato (o tuwiran sa likuran) ay maaaring lumikha ng mga anino sa ilalim ng mata, ilong, at baba ng isa. Kaya nga, ipuwesto mo ang iyong kinukunan ng litrato sa lilim o gumamit ng fill-in flash. Maaari mo pa ngang iposisyon ang araw na tuwirang nasa likuran o nasa gilid ng iyong kinukunan upang lumikha ng epektong sinag ng araw habang pinatitingkad ng araw ang buhok ng tao, basta ba hindi tuwirang sinisikatan ng araw ang iyong lente.

Ang elektronikong flash ay may mga limitasyon, yamang maraming flash units ang mabisa lamang sa layo na halos 10 metro. Kaya nga, ang pagkuha ng litrato na ginagamitan ng flash sa isang entablado (gaya sa Kristiyanong kombensiyon) o sa isang mataas na gusali sa lungsod ay walang magagawa kundi gastahin ang iyong batirya. Ang direktang flash ay may hilig na lumikha ng mga anino o itampok ang mga dungis sa mukha. Ang lunas? Subuking takpan ang iyong flash (hindi ang lente) ng tisyu o ng panyo upang maalis ang sobrang maliwanag na mga dako, o kaya’y patalbugin ang flash mula sa puting kisame. Nangangailangan din ito ng nararapat na exposure. Maaari mong ipuwesto ang iyong kinukunan ng larawan sa mas madilim na background upang bawasan ang mga anino.

Ang epekto ng pagpula ng mata ay isa pang kakatwang bagay sa potograpiyang ginagamitan ng flash, lalo na sa mga kamerang may kasama nang flash. Kung hindi mo maihihiwalay ang iyong kamera sa iyong flash unit (gaya ng paglalagay ng bracket), kung gayon ipatingin mo ang iyong kinukunan ng larawan sa isang maliwanag na ilaw upang ang mga mata ay hindi dilat sa pagkuha mo ng litrato. O kaya’y hilingin mo sa kinukunan ng larawan na huwag tumingin nang tuwiran sa lente.

Nangungusap na mga Larawan

Ang isang magandang larawan ay higit pa ang ginagawa kaysa kopyahin lamang ang mukha ng tao. Makapagbibigay ito ng mas malalim na pagkaunawa sa personalidad o ugali ng indibiduwal. Upang makagawa ng gayong magagaling na litrato, dapat kang maging dalubhasa sa mga pamamaraan ng potograpiya. Sa ganitong paraan maitutuon mo ang iyong pansin sa iyong kinukunan, hindi sa iyong kagamitan.

Una muna, gawing relaks ang iyong kukunan ng litrato. Gumamit ng telepotong lente upang makakuha ka ng malapitan nang hindi mo ilalapit ang nakaaasiwang kamera. Ang angkop na musika ay nakarerelaks. Ang pakikipag-usap ay isang paraan upang tulungan ang kinukunan mo ng larawan na kalimutan ang kamera at makalikha ka ng natural na ekspresyon. Magtanong ka upang magsalita siya nang malaya at magpakita siya ng damdaming nais mong makunan ng larawan. Sa pagkuha ng larawan ng mga bata, gawin itong isang laro o kaya’y magkuwento. Hayaan silang kumilos nang malaya at maglaro. Ang mga bagay na makalilikha ng animo’y tunay na mga epekto ay maaaring makatulong na maging relaks ang iyong kinukunan. Kaya ipuwesto ang isang musikero na kasama ng kaniyang instrumento o ang isang manggagawa na kasama ng kaniyang kagamitan.

Ang larawan ng grupo ay hindi naman nangangahulugan na kailangang ayusin ang lahat sa isang hanay. Bigyan sila ng isang prop​—isa o dalawang silya​—at ayusin sila sa palibot nito, marahil ay sa tatsulok na ayos. Hindi naman kinakailangan na silang lahat ay ngumiti sa kamera. Ngayon ay tingnan mong maigi ang eksena bago mo pindutin ang butón. Maayos ba ang damit at ang buhok? Mayroon bang nakagagambalang bagay sa likuran? Ang anggulo ba ng kamera ang pinakamaganda? (Maaaring paikliin ng kamerang ipinupuwesto na mas mababa ng kaunti sa mukha ang mahabang ilong o gawing hindi halata ang lumalapad na noo.) Ngayon ay sumige ka at kumuha ka ng maraming larawan, at kapag ito ay nadibelop na, piliin mo ang pinakamaganda.

Taglay ang kaunting pagsisikap—​at pagsasanay​—ang iyong kamera ay maaaring magdulot sa iyo ng higit na kasiyahan at tutulungan ka nitong maingatan mo ang pinakatatanging mga alaala, mga alaalang nabihag sa bihasang pagpindot sa butón ng iyong kamera!

[Talababa]

a Ang ISO ay daglat para sa International Standards Organization; ang ASA, para sa American Standards Association. Sa ilang bahagi ng Europa, ang DIN (Deutsche Industrie Norm) ay ginagamit din. Ang isang film na nakatala bilang ISO 100/21 ay ASA 100, o 21 DIN.

[Kahon sa pahina 26]

Ilang Paraan Upang Maiwasan ang Pangit ang Pagkakakuhang mga Litrato

1. Basahin at sundin nang maingat ang mga tagubilin sa kamera.

2. Tiyaking tama ang pagkakalagay ng bilis ng film.

3. Tiyaking ang lente at ang flash ay hindi natatakpan ng iyong mga daliri o ng takip ng lente.

4. Ayusin ang iyong larawan sa pamamagitan ng pagbabago ng iyong puwesto o kaya’t gumamit ng zoom lens.

5. Hawakang matatag ang kamera, saka pindutin ang butón.

[Mga larawan sa pahina 24]

Ibinubukod ng mas malaking bukas ng lente (mas mababang f-stop) ang bulaklak mula sa background nito; at pinananatili ng mas maliit na bukas ng lente ang bagay na kinukunan at ang background na nakapokus

[Mga larawan sa pahina 25]

Pinupunan na “fill-in flash” ang madidilim na anino sa larawan sa itaas

[Larawan sa pahina 26]

Sa pagkakapit ng isang pamamaraan, ang “rule of thirds,” ang punto ng interes ay inilalayo sa gitna ng larawan