Mga Ulilang Taga-Afghanistan na Nais Makakita ng Isang Bukid
Mga Ulilang Taga-Afghanistan na Nais Makakita ng Isang Bukid
HABANG ang modernong lipunan ay higit at higit na nagiging lungsod, angaw-angaw na mga bata ang hindi na nakakakita ng isang bukid at ang mga hayop dito. Oo, ang mga bata sa Afghanistan ay karaniwang hindi na makakakita ng isang Amerikanong bukid. Kaya isip-isipin ang katuwaan ng maliit na grupo ng mga batang iyon, mga ulila, pininsala at sinalanta ng digmaan, na makadalaw sa Watchtower Farms, na nasa Wallkill, mga dalawang oras hilaga ng Lungsod ng New York sakay ng kotse.
Kasama sa grupo ang mga tagasaling taga-Afghanistan upang tulungan silang maunawaan ang lahat ng gawain sa pambihirang mga gusaling ito sa pagsasaka at pag-iimprenta na pinangangasiwaan ng mga Saksi ni Jehova at may mahigit na isang libong boluntaryong mga manggagawa, na bumubuo sa pamilya sa Watchtower Farms.
Ang pagdalaw ay nagsimula sa pamamagitan ng isang salu-salo ng tsa at mga cookies, pagkatapos nito ang grupo ay nagpatuloy upang tingnan ang pagkalaki-laking apat-na-kulay na palimbagang ginagamit upang gawin ang mga magasing Bantayan at Gumising! Isang giya ang nagsabi: “Sa pagtataka ko nasiyahan sila sa kahusayan at laki ng palimbagan, bagaman ang kanilang mga puso ay sabik na sabik nang makita ang mga hayop sa bukid.”
Sabi pa niya: “Pagkatapos, nagtungo kami sa mga guya, kung saan ang mga bata ay nagkaroon ng pagkakataong hipuin at pakanin ang mga hayop. Isa itong tanawing kaygandang pagmasdan—ang mga batang tumatakbo upang kumuha pa ng luntiang mga dahon upang pakanin ang maliliit na hayop. Sa kulungan ng manok, lahat sila ay nakahawak sa munting mga sisiw. Nakatatawa, nang tanungin kung ano ang paborito nilang pagkaing Amerikano, ang sagot nila, ‘Kentucky fried chicken!’ ”
Nang sumapit na ang pananghalian, sila ay kasama ng malaking pamilya sa farm sa isang pananghalian ng kanin at manok sa silid kainan. Pagkatapos, pinaligiran ng mga miyembro ng pamilya ang mga kabataang ito mula sa malayong lugar upang batiin sila. Maliwanag na magustuhin sila sa mga bata.
Noong hapon ang mga bata ay umakyat sa mga traktora at hinawakan ang mga manibela. Mangyari pa, silang lahat ay gustong sumakay sa kabayo, at ang naising iyan ay ipinagkaloob. Ang susunod na katuwaan? Ang Watchtower Farms firehouse, na may malaki, matingkad-pulang sasakyang pamatay-sunog! Anong laking katuwaan! Makikita mo ito sa kanilang mga mukha habang naghahali-halili sila sa pagsakay at pagpapatunog ng sirena. Talagang nagugustuhan ng mga bata sa buong daigdig ang parehong mga bagay—kulay at ingay!
Nang tanungin ang kanilang reaksiyon sa pagdalaw, si Ahmad, isang nakatatandang batang lalaki, ay nagsabi: “Nasiyahan ako sa mga palimbagan, ang pananalangin bago at pagkatapos ng pagkain—at lahat ng bagay sa kapiterya!” Nagustuhan nilang lahat ang mga hayop at ang pagsakay sa kabayo.
Ipinakikita ng maikling karanasang ito na ang kabaitan, sa mga ulila o sa sinuman, ay maaaring magsilbing isang mahusay na rekomendasyon sa Kristiyanong pananampalataya at sa maibiging Diyos, si Jehova. Gaya ng binabanggit ng Bibliya: “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang bahid-dungis sa paningin ng ating Diyos at Ama ay ito: tulungan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian, at ingatan ang sarili na manatiling walang bahid ng sanlibutan.” (Santiago 1:27)—Isinulat.