Pagkilala sa Tunay Mong Pagkatao
Pagkilala sa Tunay Mong Pagkatao
KAPAG ikaw ay tumitingin sa isang salamin, ano ang nakikita mo? Ang iyo mismong pisikal na hitsura. Subalit sinasabi ba niyan sa iyo kung sino kang talaga? Sinasabi ba niyan kung ano ang pagkakilala sa iyo ng iba bilang isang tao? Talaga bang kilala mo kung sino ka? Alam mo ba kung paano ka nagkaroon ng personal na gawi? Oo, papaano ka nagkaroon ng pagkatao?
Kung hihinto ka sandali upang suriin ang lahat ng mga elemento na humubog sa iyong pagkatao, maaaring mapansin mo na maraming impluwensiya ang nanaig sa iyo—ito man ay sa pamamagitan ng ibang tao o ng ibang mga salik. Noong ating kabataan, karamihan sa atin ay kaunti lamang ang nagawa sa pagtatatag ng atin mismong mga ugali at paraan. Kaya tingnan natin ang ilan sa humuhubog-pagkatao na mga impluwensiyang ito na nanaig sa iyo—ang ilan dito ay bago ka pa nagkaroon ng pagkakataon na gawin ang anumang bagay tungkol sa iyong sariling gawi.
Ang Genetiko ay Gumaganap ng Mahalagang Bahagi
Gaano ka naapektuhan ng genetiko? Ang plano ng DNA, na masusumpungan sa mga chromosome na naghahatid ng mga katangiang namamana, ay nagdadala ng mga paglalarawan at may kodigong mga tagubilin para sa paglaki ng bawat tao. Kaya gaano karami sa iyong indibiduwal na gawi ang naimpluwensiyahan sa genetikong paraan? Wari ngang may suliranin pa rin sa pagpapatunay sa anumang kaugnayan sa pagitan ng mga gene at pagkatao. Gayunman, may ilang paraan na waring may merito. Halimbawa, ang ilan sa iyong namamanang mga katangian ay may kaugnayan sa iyong paggawi. Kaya, namamana ng ibang tao ang mahiyaing pag-uugali, samantalang ang iba naman ay likas na mas palakaibigan.
Ang di pa isinisilang na sanggol ng isang nagdadalang-tao ay maaaring makinabang o mapinsala ng mismong mga kilos, isip, at damdamin ng ina. Gaano ngang kapayapaan o pagkayamot ang naipasa sa iyo habang ikaw ay nasa sinapupunan pa ng iyong ina? Gaano karami ang natutuhan mo mula sa tono ng boses ng iyong mga magulang, ang musikang pinakikinggan nila? Paano ka naapektuhan ng pagkaing kinain ng iyong ina? Kung siya’y uminom ng inuming nakalalasing o uminom ng droga, paano siya naapektuhan nito? Nang ikaw ay isilang, ang marami sa iyong likas na hilig ay naitakda na at marahil ay mahirap nang baguhin.
Kumusta Naman ang Tungkol sa Pagkain, mga Alerdyi, Kapaligiran?
Habang ikaw ay lumalaki sa pagkabata, ang ilang pagkain ay maaaring magkaroon ng epekto sa iyong gawi. Ang mga pampatamis, artipisyal na mga kulay, at mga preserbatibo—ay pawang gumagawa ng di-nakikitang impluwensiya sa ating gawi. Ang sobrang aktibo, matinding tensiyon, pagkayamot, sakit sa nerbiyos, at sobra at di-mapigil na mga kilos ay ilan lamang sa mga resulta. Ang polusyon mula sa mga usok ng kotse, mga ibinubuga ng industriya, at iba pang lason sa kapaligiran ay humuhubog din ng ating gawi. O, kahit na sa personal na antas, maaaring ikaw ay may alerdyi na nakakaapekto sa iyong lubha ngunit maaaring walang masamang epekto sa mga nakapaligid sa iyo.
Karagdagan pa sa mga impluwensiyang ito, ang paggawi ng iyong mga magulang, ang kanilang mga gusto at di gusto gayundin ang kanilang maling mga palagay na pinamuhayan mo mula sa pagkasanggol, ay malamang na nagkaroon ng epekto sa iyo at humubog sa iyong pagkatao sa ilang antas. Ang resulta ay na marami sa iyong mga paraan at panlahat na pangmalas sa buhay ay
basta pagpapaaninag ng kanilang pangmalas. May hilig ka na mabalisa sa mga bagay na nakababalisa sa kanila. Ipinahihintulot mo ang mga bagay na ipinahihintulot nila. At bihira mong mapansin na ginagaya mo ang kanilang gawi hanggang may magsabi sa iyo na ikaw ay gumagawi na gaya ng iyong ama o ng iyong ina. Nakaapekto rin sa iyo ang kanilang pinansiyal at sosyal na katayuan, kung paanong nakaapekto sa iyo ang iyong kalapit-bahay at kapaligiran sa eskuwela. Ang iyong mga kaibigan at mga kasama ay may malaking impluwensiya rin sa iyo. Marahil ang isang masamang aksidente (sa iyo o sa isang matalik na kaibigan), o ilang lokal na sakuna, o kahit na ang magulong mga pangyayari sa daigdig ay nakaapekto sa iyo. O maaari namang ang ilang kalunus-lunos na pangyayari, gaya ng isang diborsiyo o isang maselang karamdaman, ay nag-iwan ng pilat sa iyong pagkatao.Kung bubulay-bulayin, makikilala mo kaya ang alinman sa mga impluwensiyang iyon?
Anong Bahagi ang Ginagampanan ng Relihiyon?
Ayon sa teoriya, ang relihiyon ay dapat na tumulong sa iyo na maging mas mabuting tao, pinabubuti ang iyong moral na paggawi, etika, at araw-araw na rutina. Ilan kaya sa iyong mga pamantayang pinahahalagahan at mga kilos ang apektado ng relihiyon? Samantalang ang relihiyon ay dapat na kumilos bilang isang pampigil sa iresponsable, kriminal na paggawi, maraming tao ang apektado ng kanilang pakikisalamuha sa relihiyon sa kakaibang paraan. Natatalos nila ang maraming pagpapaimbabaw at pagdiriin sa materyal kaysa kanilang espirituwal na pamantayan sa mga relihiyon at bunga nito’y sumama ang loob. Sila ay maaari pa ngang maging laban sa relihiyon, nawalan ng espirituwalidad at pag-asa.
Maaaring may maisip ka pang ibang panlabas na mga impluwensiya na humuhubog sa paggawi. Pag-isipang sandali ang alinmang bagay na maaaring nakaapekto sa iyo hanggang sa ngayon. Maililista mo ba ang ilan sa mga ito? Hindi madaling maging makatuwiran at mag-isip sa ganitong paraan, subalit sulit naman ang pagsisikap at maaari pa ngang makatulong sa iyo. Papaano?
Bueno, kung makikilala mo ang ilang impluwensiya o sanhi ng ilang negatibong hilig sa iyong gawi, kung maibubukod mo ito mula sa iba pang impluwensiya, nasa mas mabuting kalagayan ka upang supilin ito, baguhin pa nga ito. Kung masusupil mo, o maaalis pa nga, ang isang di kanais-nais na impluwensiya, ikaw ay maaaring maging isang naiibang persona, gumagawi nang mas positibo sa iba.
Mangyari pa, iyan ay isang hamon. Subalit yamang napakarami sa mga impluwensiya sa iyong paggawi ay ipinataw sa iyo ng ibang tao o ng mga pangyayaring wala kang kontrol, bakit hindi ka manguna at gawan mo ng paraan? Kung ito’y nangangahulugan ng pagsulong, bakit hindi baguhin ang iyong pagkatao?
[Blurb sa pahina 4]
Ang mga kilos at damdamin ng isang babaing nagdadalang-tao ay maaaring makaapekto sa kaniyang di pa isinisilang na anak