Pagtatanggol-sa-Sarili—Hanggang Saan ang Magagawa ng Isang Kristiyano?
Ang Pangmalas ng Bibliya
Pagtatanggol-sa-Sarili—Hanggang Saan ang Magagawa ng Isang Kristiyano?
“Bakit kailangan mong mabuhay sa takot? Mag-aral ng mga paraan upang ipagtanggol ang iyong sarili at takasan ang isang mananalakay. Ang madali at mabisang pamamaraan ng depensa ay ipinakikita nang detalyado. Ang nakapagtuturong video na ito ay gagawa ng malaking pagkakaiba sa pagitan ng pagiging isang biktima o isang nakaligtas.”—Advertisement for self-defense video.
HINDI na kailangan pang ipaliwanag ang lakas ng benta ng gayong video ngayon. Sa isang lungsod sa Philadelphia, Pennsylvania, E.U.A., isang pangkat ng mga kabataan ang nagsasabing “Bugbugin, bugbugin, bugbugin” habang umaaligid sila sa mga lansangan na naghahanap ng mga biktimang bubugbugin. “Ang takot sa krimen ay nakaaapekto sa buong lungsod” ng Rio de Janeiro, ulat ng magasing Time. Sa Hong Kong ang armadong pagnanakaw at mga barilan ay nagaganap sa mga lugar kung saan halos hindi kilala ang marahas na krimen—hanggang sa ngayon.
Kahawig na mga ulat ang nababalitaan sa buong daigdig. Taglay ang anong resulta? “Pinag-iisipan ng mga mamamayan ang mga panganib ng ganting pagbaril,” sabi ng Newsweek. Ang mga Kristiyano ay apektado ng “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan,” subalit ang ganting pagbaril ba ay gagawa “ng malaking pagkakaiba sa pagitan ng pagiging isang biktima o isang nakaligtas”?—2 Timoteo 3:1.
Gantihan ng Karahasan ang Karahasan?
‘Kung may dala akong baril,’ palagay ng iba, ‘magiging ligtas ako. Tatamaan ko siya bago pa niya ako tamaan. Sa paano man ay tatakutin ko siya! ’ Gayunman, hindi ganiyan kapayak.
Si George Napper, isang komisyunado ng kaligtasang pambayan ng Atlanta, Georgia, E.U.A., ay nagsasabi: “Ang pagmamay-ari ng isang baril ay nangangahulugan ng pagiging handang mamuhay sa resultang pagpatay ng isang tao.” Ang isang Kristiyano ba ay handang mamuhay taglay ang gayong kahihinatnan, na maaaring kabilangan ng pagkakasala sa dugo?—Ihambing ang Bilang 35:11, 12.
Gayundin, ang Salita ng Diyos ay nag-uutos, ‘Pukpukin ninyo ang inyong mga tabak upang maging mga sudsod’ at, “Hanapin ang kapayapaan at itaguyod ito.” (Mikas 4:3; 1 Pedro 3:11) Paano nga magkakaroon ng proteksiyon ang mga Kristiyano sa mga sandata at kasabay nito ay mamuhay na kasuwato ng mga kahilingan ng Bibliya? Sa anumang kaso, ang mananalakay ay malamang na mas mabilis bumunot ng baril kaysa biktima.
Tinanggihan ni Jesus ang sandatahang pagtutol. Totoo, tinagubilinan niya ang kaniyang mgaMateo 26:36, 47-56; Lucas 22:36-38, 49-51.
apostol na magdala ng dalawang tabak sa hardin ng Getsamane, ang lugar kung saan siya ay dadakpin. Subalit bakit niya ginawa ito? Ang pagkakaroon ng mga sandata, gayunma’y hindi ginagamit ito, ay mapuwersang nagpapakita na ang mga tagasunod ni Jesus ay hindi dapat bumaling sa mga sandatang nakamamatay. Kapansin-pansin na palibhasa’y may makukuhang sandata, mapusok na ginamit ito ni Pedro. Matinding sinaway siya ni Jesus dahil sa padalus-dalos na kilos na ito ng mga salitang: “Lahat ng nangagtatangan ng tabak ay sa tabak mangamamatay.”—‘Totoo iyan sa mga nagmamay-ari ng mga sandata,’ maaaring sabihin ng isa. ‘Ngunit kumusta naman ang pag-aaral ng martial arts para sa pagtatanggol-sa-sarili, gaya ng judo, karate, at kendo?’ Tanungin ang iyong sarili, hindi ba ang layunin ng pagtuturong ito ay ang labanan o saktan ang iba? At hindi ba’t ang gayong pagsasanay ay katumbas nga ng nakamamatay na pagsasandata sa sarili? (1 Timoteo 3:3) Kahit na ang mga sesyon ng pag-eensayo ay nagbunga ng grabeng mga pinsala at kamatayan.
Ang Roma 12:17-19 ay nagbibigay ng matalinong payo tungkol sa bagay na ito: “Huwag gumanti sa kaninuman ng masama sa masama. . . . Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi inyong bigyan-daan ang galit; sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ni Jehova.’ ” Ang salitang Griego na ginamit ni Pablo para sa “masama” (ka·kosʹ) ay maaari ring mangahulugan ng “mapangwasak, nakapipinsala.” Kaya, dapat alisin sa isipan ng mga Kristiyano ang may paghihiganting pagwasak o pagpinsala sa ibang tao.
Sa halip na mapusok na ipahayag ang sariling galit, ang isang Kristiyano ay lubusang nagtitiwala sa Diyos, na nagsasabi sa kaniyang bayan: “Ang humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.” Kasuwato nito, ang Diyos ay nangangakong ‘lilipulin ang masama’ sa takdang panahon.—Zacarias 2:8; Awit 145:20.
Panahon Upang Lumaban?
‘Hindi ko ibibigay ang aking pera nang hindi ako nakikipaglaban! ’ pangahas na bulalas ng iba. Si Dick Mellard, manedyer ng edukasyon sa National Crime Prevention Institute, ay nagbababala: “Likas sa tao na lumaban, subalit maaari [kang] mapatay ng kalikasan ng tao sa maling kalagayan.” Maraming mambubugbog ang nasasandatahan at mga maigting at ninenerbiyos. Ang nawalang pera ay maaaring makuhang muli, ngunit kumusta naman ang naiwalang buhay? Sulit ba ang panganib?
Ganito ang ibinibigay na payo ni George Napper: “Marahil ang pinakamagaling na paraan upang pangalagaan ang iyong sarili ay sa pagsasapanganib ng iyong ari-arian sa halip ng iyong buhay. Karamihan ng mga magnanakaw at manloloob ay naroon upang magnakaw, hindi upang pumatay.” Sa mga kalagayang kung saan ang isang tao ay basta nilalapitan o kapag hinihingan siya ng pera, ang matinong simulain ay: “Ang alipin ng Panginoon ay hindi nararapat na makipag-away.”—2 Timoteo 2:24. a
Hindi ito pasipismo, ang patakaran na hindi paglaban sa ilalim ng anumang kalagayan. Sa Exodo 22:2, 3, isang kalagayan ay inilalarawan kung saan ang isang magnanakaw ay napatay samantalang pumapasok sa bahay ng isa sa araw. Ang gayong hakbang na pananggalang ay itinuturing na katumbas ng sadyang pagpatay, yamang ang magnanakaw ay maaaring kilalanin at iharap sa paglilitis. Subalit sa gabi, mahirap makita ng maybahay ang isang nanloloob at tiyakin ang kaniyang mga layunin. Kaya, ang taong pumapatay ng isang nanloloob sa dilim ay itinuturing na walang kasalanan.
Samakatuwid, hindi itinataguyod ng Bibliya ang mapusok na pagsisikap sa pagtatanggol-sa-sarili. Gayunman, sa hindi pagsuporta sa pasipismo ipinakikita ng Bibliya na may panahon upang ipagtanggol ang sarili. Maaaring salagín ng mga Kristiyano ang pisikal na pagsalakay laban sa kanilang sarili, sa kanilang pamilya, o sa iba pa na talagang nangangailangan ng pagtatanggol. b Ngunit hindi sila magsisimula ng isang pagsalakay, ni pisikal man silang gaganti upang iligtas ang kanilang mga ari-arian. Hindi sila magdadala ng mga sandata sa paghihintay sa gayong pagsalakay; bagkus, sinisikap nilang “mamuhay nang mapayapa.”—2 Corinto 13:11.
[Mga talababa]
a Bagaman ipinakikita ng konteksto na ang tinutukoy rito ni Pablo ay ang berbal na mga away, ang orihinal na salitang isinasaling “away” (maʹkhe·sthai) ay karaniwang iniuugnay sa sandatahan o manu-manong labanan.
b Ang isang babaing pinagbabantaang halayin ay dapat sumigaw at gamitin ang anumang paraang magagamit niya upang labanan ang pagtatalik.—Deuteronomio 22:23-27.
[Larawan sa pahina 12]
Betrayal of Christ, ni Albrecht Dürer, 1508