Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Papaano Ako Matutulungan ng mga Pulong Kristiyano?

Papaano Ako Matutulungan ng mga Pulong Kristiyano?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Papaano Ako Matutulungan ng mga Pulong Kristiyano?

“Sa aking palagay hindi ka tinutulungan ng mga iglesya na sumulong sa espirituwal. Ibig kong sabihin, nasa tao na iyon kung nais niyang maging espirituwal o hindi.”​—19-anyos na si Kevin.

TAMA si Kevin sa maraming bagay. Talaga ngang nasa bawat tao ang magpasiya “kung baga nais niyang maging espirituwal o hindi.” Ngunit yamang binabasa mo ang artikulong ito, malamang na sa paano man nais mong maging espirituwal na tao. Gayunman, maaaring hindi ka nakatitiyak kung ano nga ba ang isang espirituwal na tao o kung paano ka magiging gayon.

Sa simpleng pananalita, ang isang espirituwal na tao ay isa na ipinasasakop ang kaniyang kaisipan, mga palagay, at kilos sa patnubay ng Kataas-taasang Diyos, si Jehova. Isinasaalang-alang niya ang kaniyang Maylikha kapag gumagawa siya ng pang-araw-araw na mga pasiya, nagtatatag ng mga tunguhin, o naglalagay ng mga pangunahing bagay sa buhay. Sa ibang salita, ang espirituwal na tao ay nakatalaga-sa-Diyos.

Bilang isang tinedyer, maaaring masumpungan mo na “ang kabalisahan sa sistemang ito ng mga bagay” ay humahadlang sa iyong espirituwal na paglaki. (Mateo 13:22) Ang pakikisama sa maghapon sa mga kaklase na maaaring ‘nahihilig gumawa ng masama sa tuwina’ ay maaari ring nakasisirang-loob. (Genesis 6:5) Ang iba ay maaari pa ngang “manuya at magsalita sa kasamaan,” ginagawang mahirap para sa iyo na ituon ang iyong isip sa kung ano ang mabuti. (Awit 73:8) At kung ang iyong mga magulang o iba pang miyembro ng pamilya ay hindi mo kapananampalataya, sila ay maaaring maglaan ng kaunti, kung mayroon man, na espirituwal na pampatibay-loob. Ano ang magagawa mo upang hadlangan ang negatibong mga impluwensiyang ito at sumulong sa espirituwal?

Ang isang bagay na magagawa mo ay regular na dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Di-gaya ng mga serbisyo sa simbahan, ang mga pulong doon ay kapuwa magpapatibay-loob sa iyo na itaguyod ang “maka-Diyos na debosyon bilang iyong tunguhin” at tutulong sa iyo sa iyong pagsulong mula sa espirituwal na sanggol tungo sa espirituwal na tao.​—1 Timoteo 4:7; Efeso 4:13, 14.

Mga Pulong na Tutulong sa Iyo na Matuto

Sa mahigit na 63,000 kongregasyon sa buong lupa, sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang payo na “pisanin ang bayan, mga lalaki at mga babae at mga bata . . . upang kanilang marinig at upang sila’y matuto.” (Deuteronomio 31:12) Kaya masusumpungan mo ang maraming kabataang gaya mo sa gitna ng mga Saksi.

Ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay nakikibahagi sa iisang programa ng edukasyon. Ito’y binubuo ng limang lingguhang pulong, bawat isa’y halos isang oras ang haba. Ang limang pulong ay:

Pahayag Pangmadla​—isang pahayag sa Bibliya na nagtatampok ng isang paksa sa Bibliya.

Pag-aaral sa Bantayan​—isang malalim na pag-aaral sa mga turo ng Bibliya na ginagamit ang magasing Bantayan, ang pangunahing publikasyon ng mga Saksi ni Jehova.

Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro​—nagtuturo ng mga kasanayan sa pagsasalita para sa ministeryong Kristiyano.

Pulong sa Paglilingkod​—nagtatampok ng mga pahayag at mga pagtatanghal tungkol sa mabisang mga paraan ng pagtuturo para sa ministeryo sa bahay-bahay at sa pag-aaral sa Bibliya.

Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat​—isang tanong-at-sagot na talakayan sa maliliit na grupo na ginagamit ang isang pantulong sa pag-aaral ng Bibliya​—karaniwan na sa pribadong mga tahanan.

Ang mga programa ng edukasyon sa mga pulong na ito ay makatutulong sa iyo na matutuhan “kahit ang malalalim na bagay tungkol sa Diyos.” (1 Corinto 2:10; Kawikaan 2:5) Gayunman, may iba pang pakinabang sa pagdalo.

“Kung Paanong ang Bakal ay Nagpapatalas sa Bakal”

“Madaling maging isang Kristiyano kung kasama ng iba pa na naglilingkod din sa Diyos,” sabi ng 15-anyos na si Michelle. “Subalit kapag ikaw ay pumapasok sa eskuwela, ito’y mas mahirap sapagkat ang iyong mga kaklase ay may ibang mga pamantayan at mga tunguhin.” Samakatuwid, ang isang pakinabang ng pagdalo sa mga pulong ay ang pagkakataon na makasama ang mga kapananampalataya.

Ang matalinong si Haring Solomon ay nagsabi: “Kung paanong ang bakal ay nagpapatalas sa bakal, gayon ang tao ay nagpapatalas sa isip ng iba.” (Kawikaan 27:17, The New English Bible) Kung minsan, ang ating espirituwal na “isip,” yaon ay, ang ating espirituwal na kaalaman at pang-unawa, ay kailangang hasain. Ngunit kung papaanong ang paghasa sa isang literal na kutsilyo ay nangangailangan ng kasanayan at wastong mga kagamitan, kailangan mo ring makisama sa tamang mga tao, yaong may kakayahang “magbahagi sa iyo ng kaloob na ukol sa espiritu.”​—Roma 1:11.

Sa Kingdom Hall, masusumpungan mo ang gayong mga tao, ng iba’t ibang edad, lahi, at nasyonalidad. Mauunawaan naman, ikaw ay maaaring maakit na makisama sa iyong mga kaedad. Gayunman, bigyan mo ng partikular na pansin yaong gumugol ng maraming taon sa matapat na paglilingkod kay Jehova. (Levitico 19:32) Ang karanasan nila sa buhay pati na ang kanilang malalim na kaalaman tungkol sa Bibliya ay maaaring maging malaking tulong sa iyo. Paano mo sila makikilala? Subukan mong tanungin sila, gaya ng, ‘Papaano po kayo napasakatotohanan?’ o, ‘Ano po ba ang katulad ng paglilingkod sa larangan noong kayo’y bata pa?’ Maaari silang makagawa ng ilang espirituwal na mga kaloob para sa iyo!

Totoo, kapag lumalapit sa iba sa kongregasyon, maaaring sa simula’y madama mo ang gaya ng nadama ng 12-anyos na si Craig, na nagsabi: “Dati-rati’y natatakot akong makipag-usap sa mga nakatatanda. Akala ko kung may masabi akong mali, ako’y papayuhan.” Alam na ngayon ni Craig na ang kaniyang mga palagay ay walang batayan. “Hindi na ako asiwa sa pakikipag-usap sa kanila ngayon,” sabi niya. Bakit hindi gumawa ng kahawig na pagsisikap na makisama sa espirituwal na maygulang na mga kapatid sa kongregasyon? Ang paggawa ng gayon ay magbibigay sa iyo ng napakahalagang pagkakataon na masdan at tularan ang maygulang na mga Kristiyano.​—2 Tesalonica 3:9.

Isang “Dila ng Nangaturuan”

Ang isa pang dako kung saan dapat kang gumawa ng pagsulong ay nagsasangkot sa iyong mga kakayahan sa pagtuturo. Halimbawa, nasasabi mo bang malinaw ang mga katotohanan ng Bibliya? Natatawag mo ba ang pansin ng tagapakinig? Alam mo ba kung paano lalagyan ng buhay ang iyong binabasa? Ang propetang si Isaias ay nagsabi: “Ang Soberanong Panginoong Jehova mismo ang nagbigay sa akin ng dila ng nangaturuan.” (Isaias 50:4) At kasama ang pagsasanay, ikaw man ay magkakaroon ng dilang nangaturuan. Ang partikular na pulong na makatutulong sa iyo sa bagay na ito: ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Nakasali ka na ba sa paaralang iyan?

Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay idinisenyo upang turuan ang mga Kristiyano na magsalita sa iba. Wala itong takdang gulang, ni kahilingan man ang bautismo. Gayunman, dapat ay marunong kang bumasa at sumulat, aktibong makisama sa kongregasyon, at mamuhay ng isang buhay na kasuwato ng mga simulaing Kristiyano. Paano ba kumikilos ang paaralan ukol sa pagmiministro?

Pagkatapos magpatala, ikaw ay aatasang magbigay ng maikling pahayag sa isang espisipikong paksa sa Kasulatan. Paghandaang mabuti ang iyong pahayag. Halimbawa, ang karagdagang impormasyon tungkol sa iyong paksa ay maaaring masumpungan sa pananaliksik sa mga publikasyon ng Bibliya sa paggamit ng Watch Tower Publications Indexes at sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa ensayklopedia ng Bibliya na Insight on the Scriptures. a Kung kailangan mo ng tulong sa bagay na ito, hilingin mo ang iyong mga magulang o isang may karanasang Kristiyano na tulungan ka. Ang pananaliksik na gagawin mo ay malaki ang magagawa sa iyong pahayag at maaaring magpasigla sa iyong espirituwal na paglaki.​—Kawikaan 2:1-5.

Kapag ikaw ay nagpapahayag sa harap ng kongregasyon, ang kuwalipikadong ministro na nangangasiwa sa paaralan ay maingat na makikinig. Pagkatapos ng iyong pahayag, siya ay magbibigay ng angkop na pampatibay-loob at payo batay sa impormasyong masusumpungan sa Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, isang publikasyong idinisenyo upang tulungan ang mga tagapagsalita sa madla. Makinig na mainam sa payong ito. Hindi ito nilayon upang punahin o ipahiya ka. Ang mga mungkahing ibinibigay ay upang tulungan ka. Kung ikaw ay “patuloy na magsisikap sa pagbabasa,” ang iyong espirituwal na pagsulong ay “mahahayag sa lahat.”​—1 Timoteo 4:13-15.

‘Purihin si Jehova ng Iyong mga Labi’

Ang isa pang paraan upang sumulong sa espirituwal sa mga pulong Kristiyano ay boluntaryong sumagot o magkomento kapag may pakikibahagi ang tagapakinig. Ang patiunang paghahanda ang susi. b Subalit baka nasusumpungan mong mahirap magkomento kahit na kung ikaw ay naghanda para sa pulong. Sa gayong mga kalagayan, humingi ng tulong kay Jehova. Si Haring David ay nanalangin: “Oh Jehova, bukhin mo nawa ang aking mga labi, upang ang aking bibig ay magsasaysay ng iyong kapurihan.”​—Awit 51:15.

Tandaan: Ang isang sagot ay hindi kinakailangang maging mahaba o nakapagpapatibay. Gaya ng pagkakasabi ng 12-anyos na si Rachel: “Sa halip na magbigay ng napakahabang komento, ang pagkokomento ay maaaring isang pangungusap lamang.” Sa simula, ang pagsasalita sa mga pulong ay baka mahirap, at maaari kang humingi ng tulong, subalit sa paglipas ng panahon, madarama mo ang gaya ng nadama ni Rachel. Aniya: “Kapag ikaw ay nagkokomento sa iyong sariling pangungusap, talagang sa iyo ito, at naipagmamapuri mo ito.” Isa pa, ikaw ay susulong sa espirituwal bunga ng iyong mga pagsisikap.

Hindi madaling maging palaisip sa espirituwal sa daigdig ngayon na maka-ako. Ngunit kung ikaw ay regular na dumadalo sa mga pulong, lubos na naghahanda, nakikibahagi, at nagsisikap na makisama sa mga maygulang, ang mga pulong Kristiyano ay tutulong nga sa iyo na sumulong sa espirituwal.

[Mga talababa]

a Lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

b Para sa higit pang impormasyon kung papaano maghahanda at makikibahagi sa mga pulong, tingnan ang Gumising!, Hunyo 22, 1988, pahina 11-13.

[Mga larawan sa pahina 21]

Sinanay ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ang mga kabataan na maging may kakayahang mga guro ng Salita ng Diyos